Podcast: Download (8.0MB)
Sabado ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
1 Hari 19, 19-21
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
Mateo 5, 33-37
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the Tenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 19-21
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, umalis si Elias mula sa bundok at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, isinuklob niya rito ang kanyang balabal. Pagdaka’y iniwan ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap: “Magpapaalam po muna ako sa aking ama’t ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.”
Sumagot naman si Elias: “Sige, umuwi ka muna.”
Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging katulong nito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
Sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak.
Ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
ALELUYA
Salmo 118, 36. 29b
Aleluya! Aleluya!
Sa salita mo akitin
ang puso ko at loobin
nang ikaw ay aking sundin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 33-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisira sa iyong pinanumpaang pangako bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Huwag ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; o kaya’y ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y tuntungan ng kanyang mga paa. Huwag din ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, ‘Mamatay man ako,’ sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo’y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa Masama ang anumang sumpang idaragdag dito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Hunyo 14, 2024
Linggo, Hunyo 16, 2024 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang mga pagbasa ngayon ay nagbibigay ng hamon tungo sa pagtugon sa tawag ng Diyos at pagsunod sa kanyang mga utos. Ang Unang Pagbasa ay ang pagkatawag ni Eliseo sa ministeryo ng pagiging propeta ng Diyos. Matatandaan nakilala ni Elias sa Bundok ng Horeb ang Panginoon sa pamamagitan ng isang munting tinig. Siya’y nagsipunta sa isang ilang, at dito pinahiran niya ng langis ang magiging susunod na hari ng Israel. At dito rin pinahiran ni Elias ang kanyang halili sa paglilingkod sa Panginoon: si Eliseo. Nang si Eliseong nag-aararo sa kanyang bukid ay tinawag ni Elias, ito’y nakiusap muna na paglutuan niya muna ang kanyang pamilya at sambahayan ng 12 pares ng toro, pati na ang pares na kaagapay nito. At nang magpaalam na siya sa kanyang ina at ama, sumunod siya kay Elias. Makikita natin ang pagiging kahalili ng Eliseo kay Elias upang ipagpatuloy ang misyon ng Panginoong Diyos.
Ang Ebanghelyo ngayon ay bahagi pa rin sa Pangangaral ni Hesus sa Bundok. Ayon kay San Mateo, nais ipakilala sa atin si Hesus bilang katuparan ng Kautusan at ng mga propeta. Sinasabi sa lumang batas na hindi dapat gumawa ng tao ng isang sumpa na hindi naman nila tutuparin. Ngunit ito’y pinagpanibago ni Hesus sa pamamagitan ng pagiging makapagtotoo. Alam natin na sa mundo ngayon, may mga nagaganap na panunumpa sa larangan ng pulitika, opisina, buhay-estudyante, at pati na rin sa Simbahan. Kaya ang nais na ipahayag ni Kristo ay ang pagiging totoo ng tao sa kanilang sarili. Ang kanilang ‘Oo’ ay dapat ginagamit sa pagsang-ayon sa mabubuti, at ang kanilang ‘Hindi’ ay dapat ginagamit sa pagtanggi sa mali. Ito yung panawagan tungo sa katapatan at katotohanan, na ang pagkabaliktot nito ay gawa ng Masama. At sa ating pang-araw-araw na buhay, mahilig tayong mangako sa harap ng ibang tao na tutuparin natin ang isang mabuting bagay. Kadalasan ay nais nating bumawi sa mga taong nagsakripisyo ng kanilang oras, talento, at yaman para tayo’y tulungan. Kaya naman sa mga sitwasyon sila naman ang nangangailangan, tayo rin ay nangangakong gagawa tayo ng kabutihan sa kanila, At nawa’y maging mapagtotoo tayo sa bawat kilos na ating ginagawa, na siyang sumasalamin sa ating pagsunod sa dakilang kalooban ng Ama nating Diyos.
PAGNINILAY
Gaano kadali para sa atin na mahulog sa mga tularan ng pananalita na hindi talaga tunay ang kanilang sinasabi. Habang sinusubukan nating bigyang-pansin kung paano tayo nakikipag-usap, nalaman natin kung paano natin kailangang hilingin sa Diyos na gawin ang nasa ating puso. Ang pag-iwas sa pananalita na nakakasugat o nakakasakit ay isang bagay, ang pagiging taos-puso at nakikita kung ano ang nasa puso ay iba! Si Hesus ay nananawagan ng katapatan, pagiging simple at paggalang sa ating sinasabi o ipinangako. Alam natin na may mga pangako tayo sa nakaraan at aminin natin na maaaring hindi natin palaging natutupad ang mga pangakong ito. Nais ng Diyos na tumugon tayo sa hinihingi sa atin ng walang kundisyon ngunit simpleng “Oo.” Hindi natin kailangang bigyang-diin ang ating tugon sa pamamagitan ng pagsumpa. Ang ating “Oo” ay dapat na “Oo.” Nawa’y maging tapat tayo sa iba, sa ating sarili, sa Diyos.
Banal na Espiritu, punuin Mo kami ng lakas ng loob na magsalita ng katotohanan sa lahat ng pagkakataon. Amen
***