Huwebes, Mayo 30, 2024

May 30, 2024

Huwebes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Pedro 2, 2-5. 9-12
Salmo 99, 2. 3. 4. 5

Sa Panginoo’y dumulog
upang papuri’y ihandog.

Marcos 10, 46-52


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Eighth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Pedro 2, 2-5. 9-12

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, gaya ng sanggol, kayo’y manabik sa gatas na espirituwal upang umunlad sa pananampalataya hanggang kamtan ang ganap na kaligtasan. Sapagkat tulad ng sinasabi sa Kasulatan: “Nalasap na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”

Lumapit kayo sa kanya, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, ngunit hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espirituwal. At bilang mga saserdoteng nakatalaga sa Diyos, maghandog kayo sa kanya ng mga haing espirituwal na kalugud-lugod sa Diyos dahil kay Hesukristo.

Datapwa’t kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan. Dati-rati, kayo’y hindi bayan ng Diyos, ngunit ngayon, kayo’y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo’y sumasainyo ang kanyang awa.

Mga pinakamamahal, ipinamamanhik ko sa inyo, bilang mga dayuhang nakikipamayan sa daigdig na ito, talikdan na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa espiritu. Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga walang pananampalataya. Kahit na pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating, kapag nakita nila ang inyong mabuting gawa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5

Sa Panginoo’y dumulog
upang papuri’y ihandog.

Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!

Sa Panginoo’y dumulog
upang papuri’y ihandog.

Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Sa Panginoo’y dumulog
upang papuri’y ihandog.

Pumasok ka sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!

Sa Panginoo’y dumulog
upang papuri’y ihandog.

Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.

Sa Panginoo’y dumulog
upang papuri’y ihandog.

ALELUYA
Juan 8, 12

Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 10, 46-52

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba. Nang umaalis na sila roon, may naraanan silang isang bulag na nakupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo, anak ni Timeo. Nang marinig niyang naroon si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya ng ganito: “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga tao at pinatatahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Hesus at kanyang sinabi, “Tawagin ninyo siya.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob,” sabi nila. “Tumindig ka. Ipinatatawag ka niya.” Iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro, ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 28, 2024 at 12:29 pm

PAGNINILAY: Tayo ay binibiyaan ng Panginoon ng mga pagpapala sa ating araw-araw ng Panginoon. Higit sa lahat, tayo ay binibigyan niya ng paningin hindi lang sa pisikal, kundi pati na rin sa espirituwal na aspeto, upang makita natin ang kalagayan ng ating komunidad/lipunan at ang mga pangangailangan ng ibang tao.

Sa ating Ebanghelyo (Marcos 10:46-52), binibigyang-pansin ni San Marcos ang isang pagtatagpo ni Hesus sa isang bulag na nagmamalimos sa tabi ng daan, at ang lalaking ito ay si “Bartimeo” na mula sa wikang Hebreo ay isinasalin bilang “Anak [Bar] ni Timeo”. Nang marinig niya si Hesus ay nasa tabing daan ng Jerico papuntang Jerusalem, sumigaw siya ng panawagan na kaawaan siya ng Anak ni David. Para kay Bartimeo, naniniwala siya na si Hesus na mula sa lahi ni Haring David ay ang Mesiyas na magbibigay hindi lang ng kaligtasan, kundi pati na rin ng kaganapan ng pangangailangan ng mga tao. Kahit siya’y pinapatahimik ng tao, patuloy lang siya sa pagsisigaw hanggang sa pinalapitan siya kay Hesus. At dito tinanong sa kanya ng Panginoon kung anong gusto niya, at isa lang ang ninanais ni Bartimaeo, na makakita muli. At dahil sa tindi ng kanyang pananampalataya, nabiyayaan siya ng paningin at sumunod sa mga yapak ni Hesus.

Tayo’y mga binyagan na kabilang sa pamilya ng Diyos ay nakikibahagi sa misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Aang biyaya ng pananamapalataya ay ang ating espirituwal na paningin upang makilala natin ang tunay na kaligayahan ng ating buhay na mismong Panginoon lamang ang maibibigay. Ngunit tayo rin ay parang si Bartimeo na hindi namang pisikal na bulag, kundi hindi pa rin nakikita ang ibang realidad ng ating buhay. At minsan ang mga realidad na ito ay masakit sa punto na naroroon pa rin mga problemang hinaharap ng iba’t ibang tao. Kaya sa pagkakataon ito, tularan natin ang tamang dispisyon ni Bartimeo na tayo’y mamulat sa mga kaganapan ng ating buhay at ng buhay mayroon dito sa mundong ito. At nawa’y tularan din natin higit sa lahat si Hesus na maging maawain at mapagmalasakit sa pisikal at espirituwal na pangangailangan ng ibang tao.

Reply

Malou Castaneda May 29, 2024 at 9:58 pm

PAGNINILAY
Isang lalaking bulag na nagngangalang Bartimeo ang tumawag para sa pagpapagaling habang dumaraan si Hesus. Sa kabila ng maraming tao na nagsisikap na patahimikin siya, nagpatuloy si Bartimeo at huminto si Hesus upang pagalingin siya, na pinanumbalik ang kanyang paningin. Ito ay isang makapangyarihang paalala ng kahalagahan ng pananampalataya at pagtitiyaga sa ating kaugnayan sa Diyos. Madali sanang sumuko si Bartimeo nang sinubukan siyang patahimikin ng mga tao, ngunit patuloy siyang tumawag kay Hesus, sa paniniwalang siya ay gagaling. Ang kanyang pananampalataya ay ginantimpalaan, at siya ay muling nakakita. Maaari tayong makaugnay kay Bartimeo sa maraming paraan. May mga pagkakataon sa ating buhay na nadama nating nawala tayo at nangangailangan ng pagpapagaling, pareho sa pisikal at espirituwal. Tulad ni Bartimeo, tumawag tayo kay Hesus ng may pananampalataya, nagtitiwala na didinggin Niya ang ating mga panalangin at ibibigay ang ating mga pangangailangan.

Nawa’y ipaalala sa atin na gaano man kawalang pag-asa ang isang sitwasyon, maaari tayong laging humingi ng tulong kay Hesus. Sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiyaga, mararanasan natin ang pagpapagaling at pagpapanumbalik na Siya lamang ang makapagbibigay.

Panginoong Hesus, buksan Mo ang aming mga mata sa Iyong presensya sa aming paligid. 
Amen.
***

Reply

OSCAR IAN ELLIOT ABAN May 30, 2024 at 6:37 am

Maraming salamat sa Website pong ito. sobrang laking tulong lalo na sa mga katulad kong nasa ibang bansa. maraming maraming salamat po.

Reply

Celine loveko June 1, 2024 at 2:20 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA! ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: