Linggo, Mayo 12, 2024

May 12, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon
Patnubay sa Misa

Ipinagugunita sa atin ng Pag-akyat ng ating Panginoon ang atin ring pinakaaasam. Ipinaaalaala rin nito ang ating tungkuling magsikap para sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos sa lupa sa pamamagitan ng tapat na Kristiyanong pamumuhay. Sa kabila ng ating kahinaan, manalangin tayo:

Panginoon, dinggin mo kami!

Para sa Simbahan at mga namumuno rito: Nawa’y maging tapat sila sa pagtupad sa kanilang misyong akayin ang sangkatauhan sa patuloy na moral at espirituwal na pagsulong. Manalangin tayo!

Para sa mga naaakit sa makamundong pagpapahalaga hanggang sa sila’y makalimot sa mga pagpapahalagang makalangit: Nawa’y maakit sila ng ating mabuting halimbawa upang itaas nila ang kanilang mga hangarin. Manalangin tayo!

Para sa mga nasasadlak sa pagkakasala: Nawa’y dinggin nila ang panawagan ni Kristong umakyat sa langit para sa isang tapat na pagbabalik-loob at pagpupunyagi sa mabuting gawa. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga media practitioners, social media influencers at lahat ng mga nasa daigdig ng komunikasyong panlipunan: Nawa’y makatulong sila sa kanilang propesyon para sa ikaaangat ng lahat ng tao at para sa pagtataguyod ng kapayapaan at katarungan sa buong daigdig. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng ina sa buong mundo: Nawa sila ay maging malakas at malusog para makatupad sa kanilang mga tungkulin nang may pagmamahal at katapatan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga pari, mga relihiyoso at relihiyosa: nawa’y lumago sila sa kanilang bokasyon sa pamamagitan ng proseso ng paghubog at pagsasanay upang silang lahat ay maging mga kapani-paniwalang saksi at tagapagpatunay sa Ebanghelyo. Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, ituon mo ang aming mga puso sa “dakilang pag-asa” na ipinananawagan mo sa amin. Pagsikapan nawa naming maitatag dito sa lupa ang Kaharian ng katarungan, kapayapaan, at pagmamahal na ipinarito mo para itatag, ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 8, 2024 at 9:21 am

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ngayong Linggo ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon. Ang itinuturing na Ika-2 Misteryo ng Luwalhati sa Santo Rosaryo ay naganap 40 araw matapos ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Makikita natin sa panunulat ni San Lucas sa Unang Pagbasa na matapos muling mabuhay si Hesus at magpakita sa kanyang mga alagad ay nagpakilala siya at gumawa ng mga iilang kababalaghan sa loob ng 40 araw. Mula sa Ebanghelyo ayon kay San Marcos, isinugo ni Hesus ang kanyang mga alagad na humayo at ipahayag ang Mabuting Balita sa bawat tao, upang ang lahat na sumasampalataya ay mailigtas sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag at Sakramento ng Pakikipagkasundo. At sila’y inatasan rin na gumawa ng mga kababalaghan sa kanyang pangalan, at ngayon ay nakikita ng tao sa pamamagitan ng mga Sakramento. Makikita natin dito na kahit patapos na ang kanyang misyon sa lupa, patuloy pa rin ang misyong ito upang ipalaganap sa buong mundo. Kaya ito ang pagkakataong isusugo niya ang mga Apostol upang ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa mula Jerusalem hanggang sa Palestina at Israel. At aabot din ang mensahe ng Diyos hanggang sa pinakahuling dako ng mundo.

Ngayong Kapistahan ng Pag-akyat ay tinatawag ding Pandaigdigang Araw ng mga Komunikasyon. Ipinapanalangin ng Simbahan na ang bawat larangan ng media ay maging tapat sa pamamahayag ng totoong balita, at hindi magkalat ng “fake news” upang manira ng kapwa tao. Sa kabila ng mga balita ng kaguluhan, karahasan, kalungkutan, at hidwaan, patuloy pa rin ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita. At kahit anumang mangyari sa ating buhay, magiging totoo ang pangako ni Hesus na sasamahan niya tayo hanggang sa katapusan ng panahon. Kaya ang kanyang maluwalhating pag-akyat ay tanda na gaya ng pagpunta ng Ulo patungo sa kanyang Kaharian, ang Katawang kumatawan sa atin ay susunod sa kanya upang makamtan ang lugar na pinaghandaan niya sa atin.

Kaya nawa’y magkaroon tayo ng pag-asa na makakamit natin balang araw ang buhay na walang hanggan sa patuloy na pagiging saksi ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Reply

rROMUALDO May 8, 2024 at 4:25 pm

Sa ebanghelyong ating binasa mula sa aklat ni Marcos, tinawag tayo ng ating Panginoon upang magpakalakas ng loob at magpakalat ng Kanyang Mabuting Balita sa buong mundo. Sinabi Niya sa atin: “Pumunta kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo ang Mabuting Balita sa lahat ng nilalang.” Ito ang misyon na ibinigay Niya sa bawat isa sa atin.

Ngunit kasama sa ating pagtanggap sa misyon na ito ang pagtitiwala sa Panginoon. Hindi natin magagawa ang anumang bagay nang mag-isa, ngunit sa Kanyang tulong at biyaya, lahat ay magagawa natin. Hindi tayo dapat matakot, sapagkat ang Panginoon ay kasama natin sa bawat hakbang ng ating paglalakbay.

Isang napakalakas na pangako ang ibinigay sa atin sa ebanghelyo: “Ang mga palatandaan na sumasamang loob ay kasama ng mga sumasampalataya: sa aking pangalan, sila’y magpapalayas sa mga demonyo; magsasalita sila ng mga bagong wika; hahawakan nila ang mga ahas; at kahit uminom sila ng nakalalasong bagay, hindi ito makakasakit sa kanila.” Ito ay patunay na ang ating pananampalataya sa Panginoon ay may kapangyarihan at tagumpay.

Tayo ay tinawag upang maging mga instrumento ng pag-asa, pagmamahal, at kapayapaan sa mundong ito. Sa ating paglilingkod sa Kanya, tayo ay hinahanda para sa buhay na walang hanggan. Sa ating mga kilos at salita, hayaan nating mamalas ang liwanag ng Kanyang pag-ibig sa bawat isa.

Kaya’t mga kapatid, huwag nating kalimutan ang ating misyon. Gamitin natin ang bawat pagkakataon upang ipamalas ang pag-ibig at biyaya ng ating Panginoon. Sa pamamagitan ng Kanyang grasya, tayo ay magiging mga instrumento ng pagbabago at pag-asa sa ating mundo.

Reply

Mel Mendoza May 10, 2024 at 8:27 pm

Sa Linggong ito ay ipinagdiriwang ng ating Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoong Hesus sa Langit. Ang mga pagbasa ay patungkol sa witnessing, and missioning. Ito ay ang iniwan na tagubilin ni Hesus sa kanyang mga alagad mga tagubilin na umaalingawngaw hanggang sa ating kasalukuyang panahon. Magkakaroon lamang ng tunay na kabuluhan ang pakimayan sa atin ni Hesus, at ang kanyang Misteryo ng Paskuwal kung tayo ay magiging tunay na saksi ng mga iniwanan niyang pangangaral. Ang pagsasabuhay ng nakasaad sa Banal na Kasulatan na ginanap ni Hesus ay ang malaking hamon sa ating lahat na mananampalatayang Kristiyano. Kaya kaakibat ng pagiging saksi ay ang pagmimisyon na iniatas na ipalaganap sa lahat ng panig ng mundo ang Mabuting Balita ng Kaligtasan.

Ang mga pagbasa ay may himig na Evangelical at sacramental. Sa pamamagitan ng mga nakatala sa mga Gawa na ipinahahayag ni San Lucas dito kailangan ng mga mananampalataya ang katotohanan tungkol sa Salita at ito ang major task ng Espiritu ng Diyos na Siyang mangungusap sa lahat ng mga tinawag sa kanya kanyang karisma. Dadaloy ang Espiritu sa bawat isang naatasan na magpahayag ng Salita ng Diyos na siyang iniwanan ni Hesus sa mahigit tatlong taon Niyang pagmiministeryo bago ang Pag-akyat Niya sa langit. Sa aspeto ng magiging sakramental ang lahat ng nakipagsundo, ninawala kay Hesus at nagpabinyag ay hihingahan ng Espiritu bilang patunay na tayong mga binyagan ay naging kabilang sa pamilya ng Diyos Ama sa langit na nagsugo sa Espiritu.

Sa panahon natin ngayon na kung saan napakadali na lamang magpalaganap ng mga maling impormasyon o mga fake news isa ito sa napakalaking hamon na dapat mapagtatagumpayan na magapi. Pero sa kabilang banda maraming platforms sa social media na pwede ma-“take” advantage upang maging isang media evangeliser na kung saan naabot nito ang kadulo-duluhang panig ng mundo. Sa aking personal na pananaw wala ng kasing epektibo kung maipalaganap natin ang Mabuting Balita sa araw araw nating mga karanasan sa ating pakikipag-kapwa na kung saan nakikita natin ang iba’t ibang mukha ni Hesus sa ating kapwa ng Siya ay nakipamayan sa atin. Katulad ng mga unang alagad na pinagkalooban ng iba’t ibang biyaya ng paglilingkod ganun din naman tayo pinagsusumakitan at pinagsusumikapang maihatid ang katotohanan ng kaharian ng Diyos. Bilang tugon sa panawagan ng ating Papa Francisco sa synod ng sinodal na simbahan nawa’y marami tayong maakay para makasama sa isang masayang paglalakbay bilang isang simbahan patungo sa ipinangakong kaharian ng Diyos Amang nasa langit.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: