Podcast: Download (Duration: 5:38 — 4.0MB)
Sabado sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 18, 23-28
Salmo 46, 2-3. 8-9. 10
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
Juan 16, 23b-28
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Sixth Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 23-28
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Matapos tumigil sa Antioquia nang kaunting panahon, si Pablo’y muling naglakbay. Ginaygay niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad.
Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos na ipinangangak sa Alejandria. Mahusay siyang magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Hesus, ngunit ang binyag na nalalaman niya ay ang binyag ni Juan. Siya’y walang takot na nagsalita sa sinagoga ng mga Judio. Narinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, kaya’t isinama nila ito sa bahay nila at doo’y ipinaliwanag na mabuti ang mga bagay na hindi pa niya alam tungkol sa Daan ng Diyos. At nang ipasiya niyang tumawid sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob. Sumulat sila sa mga kapatid doon na malugod nilang tanggapin si Apolos. Pagdating doon, malaki ang naitulong niya sa mga nanampalataya sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos. Sapagkat walang magawa sa kanya ang mga Judio sa hayagang pagtatalo, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Hesus ang Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 8-9. 10
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
o kaya: Aleluya!
Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
Siya’y naghahari sa sangkatauhan.
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ng mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
sasama ang madlang mga pamunuan
ng lahat ng bansa sa sandaigdigan;
ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos na hari ng tanan.
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
ALELUYA
Juan 16, 28
Aleluya! Aleluya!
Mula sa Ama si Kristo
at naparito sa mundo
nang sa langit dalhin tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 16, 23b-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad:
“Tandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa pangalan ko; humingi kayo, at kayo’y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.
“Ang mga ito’y sinabi ko sa inyo nang patalinhaga. Subalit darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang gayun; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na yao’y hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan; at hindi ko sinasabi sa inyo na dadalangin ako sa Ama para sa inyo, sapagkat iniibig nga kayo ng Ama. Iniibig niya kayo sapagkat ako’y iniibig ninyo at naniwala kayong nagmula ako sa Diyos. Ako’y mula sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo’y aalis ako sa sanlibutan at babalik sa Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Mayo 10, 2024
Linggo, Mayo 12, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
Commentary Saint Anselm
My Lord and my God, my joy and the hope of my heart, tell my soul if this is that joy which you spoke to us about through your Son: “Ask and you will receive that your joy may be full”. For I have found a fullness of joy that is more than full. It is a joy that fills the whole heart, mind, and soul, indeed it fills the whole of my being, and yet joy without measure still remains. The whole of that joy cannot enter into those who rejoice, but those who rejoice can enter wholly into that joy. Speak, Lord, to your servant in the depths of his heart, tell him if this is that joy your servants enter into when they enter into “the joy of their Lord” (Mt 25,21)? But of course, that joy in which your chosen ones will rejoice “eye has not seen and ear has not heard, nor has it entered the human heart” (1Cor 2,9)… So, my God, I pray that I may so know you and love you that I may rejoice in you. And if I may not do so fully in this life, let me go steadily on to the day when I come to that fullness. Let the knowledge of you increase in me here and there let it come to its fullness. Let your love grow in me here, and there et it be fulfilled, so that here my joy may be in great hope, and there in full reality. Lord, you have commanded, or rather advised us, to ask by your Son, and you have promised that we shall receive that our joy may be full… Let my whole being desire it until I enter into the joy of my Lord.
PAGNINILAY: Tayo ay nalalapit na sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit. Ito ang tanda na si Hesus ay aakyat na sa langit patungo sa kanyang pinanggalingan, na makasama ang kanyang Ama nating Diyos. Nang siya’y naging tunay na Tao, nagpakumbaba siya sa dakilang kalooban at naging masunurin hanggang sa pagsapit ng kamatayan sa Krus. Ngunit sa kanyang Muling Pagkabuhay, siya’y nabuhay bilang Diyos ng tagumpay.
Kaya matapos ang 40 araw sa pagpapakita sa hindi kumukulang na 500 saksi, nakatakda na ang katapusan ng kanyang misyon dito sa daigdig. At sa kanyang pagbalik sa Ama, siya’y naghahanda rin ng isang tahanan upang tayo’y manahan kapag nakamit na natin ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Kaya nga sa misteryo ng Simbahan, ang Pag-akyat ni Hesus sa Langit ay tanda kung saan ang Ulo ay naunang umakyat sa kalangitan, tayong napapabilang sa Simbahang sumasagisag sa Mistikong Katawan ni Kristo ay inaanyayahang tumahak sa kanyang landas ng kaluwalhatian.
Kaya ang ating Ebanghelyo ay isang patunay na si Hesus ay ang ating Tagapamagitan patungo sa Diyos Ama. Kaya kung anuman ang hinihiling natin sa kanya, kung tayo man ay mayroong kababang-loob, taospusong pasasalamat, at kabutihan ng pag-uugali, maraming biyaya ang ipagkakaloob sa atin ng Diyos. At ang nais ipagkaloob sa atin ni Hesus ay pagmamahal, dahil siya’y kinalulugdan ng Diyos, at minahal ng Ama ang mundo kaya’t isinugo ang Anak. Kaya kung tayo’y minamahal ng Diyos, ang ating tugon ay mahalin siya at magmahalan. Ito ay ang ating layunin sa buhay na ito habang nanabik tayo sa kaganapan ng Paghahari ng Diyos, at makakamtan natin sa araw na yaon ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan.
Nawa’y palagi po tayong pagpalain ng Panginoon sa kabila ng ating mga pinagdadaanan sa buhay.
Napakaganda ng binitawang salita sa atin ni Hesus sa Mabuting Balita.
Anuman ang hingin nyo sa aking Ama sa pangalan ko ay ibibigay sa inyo.
Subalit ito ay hindi mangyayari kung tayo ay hindi magsisis sa ating mga kasalanan, kung hindi tayo hihingi ng kapatawaran at magsisikap na talikuran na ang kasamaan. Simpleng “give and take” lang nman ang hinihiling sa atin ni Hesus. “Sundin mo ang kalooban ko at pakikinggan at ibibigay ko din ang dalangin mo.
Minsan marahil ay hindi mo paniniwalaan ang sinabing iyo ni Hesus sa ebanghelyo sapgkat hindi dumarating ang dinadalangin mo. Alam ni Hesus ang lahat, nalalaman nya kung kailan niya dapat ibigay sa iyo, nalalaman nya din na ang hinihiling mo ay hindi makabubuti sayo, nalalaman nya din kung karapat dapat ba ang taong ito sa hinihiling nya. At lung ipagkakaloob naman ni Hesus ay sa oras na loob nya at hindi sa oras na gusto natin. Ngayon, suriin mo ang iyong sarili at ang iyong hinhiling.
PAGNINILAY
Sinasabi sa atin ni Hesus na kung sasabihin natin ang Pangalan ng Diyos ng may paggalang at tatawag sa Kanya mula sa kaibuturan ng ating puso, matatanggap natin ang tunay nating kailangan. Ano ang ibig sabihin ng “humingi sa pangalan ni Hesus?” Nangangahulugan ba ito ng simpleng “paglaktaw sa pangalan ni Hesus” habang nakikipag-usap tayo sa Diyos? O ang “paghingi sa pangalan ni Hesus” ay nagpapahiwatig ng isang malalim na pakikipag palagayang-loob at pagtitiwala kay Hesus sa isang mapagmahal, nagtitiwala at
may pangakong relasyon
na lumalalim sa paglipas ng panahon? Kilalang-kilala tayo ni Hesus at nais ni Hesus na tayo ay makilala natin Siya ng husto. Araw-araw ay inaanyayahan tayo ni Hesus sa isang matalik at mapagmahal na pagkakaibigan. Hindi gusto ni Hesus na lalapit lamang tayo sa Kanya kapag may kailangan tayo. Nananabik si Hesus na lumapit tayo sa Kanya dahil sa mahal natin Siya at nais nating makasama Siya. Ito talaga ang tungkol sa pag-ibig at pagkakaibigan.
Gusto ba natin ng “vending
machine na Diyos” na
awtomatikong ibinibigay kung ano ninanais natin kapag tayo ay “nagpindot ng button (magdasal)?” O nais ba natin ng matalik na kaibigan na nagmamahal sa atin ng walang kondisyon at buong puso, kaibigan na mananatili sa atin kahit na ilang beses nating nabigo Siya? Ang pagpili ay nasasa atin!
Panginoong nabuhay na mag-uli, ibigay Mo sa amin ang aming kailangan para maisabuhay namin ito araw-araw para sa Iyo. Amen.
***
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 16, 23b-28
PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo
“Tandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama
sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo”.
“Iniibig niya kayo sapagkat ako’y iniibig ninyo
at naniwala kayong nagmula ako sa Diyos.
Ako’y mula sa Ama at naparito sa sanlibutan;
ngayo’y aalis ako sa sanlibutan at babalik sa Ama.”
Ang mga salitang ito ni Hesus
ang patotoong ang Ama at si Hesus (Anak)
kasama ang Banal na Espiritu ay iisa.
Sapagkat anuman ang hilingin natin
sa Ama sa Ngalan ng Anak
ay ipagkakaloob.