Biyernes, Mayo 10, 2024

May 10, 2024

Biyernes sa Ika-6 ng Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

o kaya Paggunita kay San Juan ng Avila, Pari at Pantas ng Simbahan

Mga Gawa 18, 9-18
Salmo 46, 2-3. 4-5. 6-7

Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.

Juan 16, 20-23a


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Sixth Week of Easter (White)

or Optional Memorial of St. John of Avila, Priest and Doctor of the Church (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 9-18

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari’y huwag kang titigil, sapagkat ako’y sumasaiyo. Hindi ka maaano, sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” Tumigil siya roon sa loob ng isang taon at anim na buwan at nagturo ng salita ng Diyos.

Nang si Galion ang maging gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Judio na dakpin si Pablo at dalhin sa hukuman. “Hinihikayat nito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa isang paraang labag sa batas!” wika nila. Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galion, “Kung ang usaping ito’y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatwirang pakinggan ko kayo. Subalit ang sakdal ninyo’y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya hindi ko kayo hahatulan sa bagay na iyan. Bahala na kayo! At sila’y pinalabas niya sa hukuman. Sinunggaban nila si Sostenes, ang taga-pamahala ng sinagoga, at binugbog sa labas ng hukuman. Ngunit hindi ito pinansin ni Galion.

Pagkatapos nito, ilang araw pang nanatili si Pablo sa Corinto, saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpaputol siya ng buhok sapagkat natupad na ang isang panatang ginawa niya. At naglayag siya patungong Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 4-5. 6-7

Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.

o kaya: Aleluya.

Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
siya’y naghahari sa sangkatauhan.

Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.

Tayo’y pinagwagi sa lahat ng tao,
sa lahat ng bansa’y namahala tayo;
siya ang pumili ng ating tahanan,
ang lupang minana ng mga hinirang.

Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.

Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,
hatid ng tambuling malakas ang tunog;
masayang sigawan ang ipinansuob.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya’y papurihan!

Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.

ALELUYA
Lucas 24, 46. 26

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo’y laang magtiis
nang tagumpay ay nakamit
at sumaatin ang langit.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 16, 20-23a

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: tatangis kayo at magdadalamhati, ngunit magagalak ang sanlibutan. Matitigib kayo ng kalungkutan, subalit ito’y magiging kagalakan. Kapag nagdaramdam na ang isang babaing manganganak, siya’y nahahapis, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak, hindi na niya naaalaala ang hirap; siya’y nagagalak dahil sa ipinangangak na sa sanlibutan ang isang sanggol. Gayun din naman kayo: nalulumbay kayo ngayon, ngunit muli akong makikipagkita sa inyo at mag-uumapaw sa puso ninyo ang kagalakang hindi maaagaw ninuman.

Hindi na kayo kailangang magtanong sa akin sa araw na iyon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 20, 2022 at 8:52 pm

PAGNINILAY: Ang dala ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ay kagalakan. Ito yung galak na narasana ni Sta. Maria Magdalena nang nakita niya ang Panginoon sa labas ng libingan nito. Ito ring yung galak na naranasan ng 2 alagad sa Emaus nang makilala nila si Hesus sa pamamagitan ng paghahati ng tinapay, at ito rin ang kagalakang naranasan ng mga Apostol nang nagpakita ang Panginoon sa kanila at binati sila ng kapayapaan. At bagamat palapit na tayo sa Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon, patuloy pa rin ang biyaya ng kagalakan sapagkat kapiling natin palagi ang Panginoon.

At ito ang nais niyang ipadama sa atin sa Ebanghelyo na sa kabila ng kalungkutan at kapighatian ng buhay, mayroon pa ring espasyo upang magkaroon ng galak sa ating mga puso. Sa totoong buhay, ang daming maimpluwensiyang paraang ibinibigay ng mundo. Ito yung mga hakbang daw upang mas maging maginhawa ang buhay, kahit ito ay mali ayon sa pamantayan ng ating Panginoon. Kaya sinasabi ni Hesus na magagalak ang mundo dahil itong mga ‘di-kanis-nais na makamundong bagay ay nangyayari at inaapekto ang ating pananampalataya. Ngunit sa kabila nito, mararanasan natin ang tunay na kagalakan dahil kay Kristo. Inihambing ni Hesus itong kagalakang ito katulad ng pagsisilang ng isang ina sa kanyang magiging anak. Bagamat mararamdaman ng bawat babaeng buntis ang hapis ng panganganak, sa huli ay iniluwal niya ang bata. At ito ay nagdadala ng kagalakan hindi lang para sa pamilya at mga kamag-anak nito, kundi pati na rin sa buhay na idinagdag ng Diyos para sa mundong ito. Ganun rin ang nais ipahiwatig ni Hesus sa kanyang paglilisan sa mundong ito patungo sa Ama, na balang araw ay babalik siya upang tayo naman ay makaranas ng ganap na kagalakan sa pagkamit natin ng kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Ito’y tanda ng ating kaligtasan nang dahil sa kamatayan ni Kristo sa Krus at ang kanyang Muling Pagkabuhay mula sa libingan, minahal tayo ng Diyos Ama at minarapat niyang tayo’y maging mga anak niya.

Kaya hanggang sa huli ay magiging tapat siya sa kanyang mga pangako sa atin, kahit hindi pa natin nakikita itong natutupad. Kaya sa bawat oras ng lumbay at paghihirap, nawa’y patuloy tayong magalak sapagkat ang Diyos ay kapiling natin. At nawa’y idala rin natin ang kanyang kagalakan sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga nalulungkot at dumadaan sa maraming pagsubok sa buhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 27, 2022 at 9:28 am

Tinururuan tayo ng Mabuting Balita ngayon na magtiis ng hirap, qt hindi magtatagal ay makararanas tayo na wagas na kagalakan. Iyon ay kung aalis tayo sa kadiliman, iyon ay mgaganap kung tayo ay susunod sa kalooban mg Diyos, mangyayari ito kung tayo ay magsisi sa mga gawang sala, hihingi ng kapatawaran at magsusumikap na matalikuran na ang kasalanan.

Si Hesus ay mahabagin, at kinalulugdan nya ang taong sumasapampalataya pa din sa kanya sa kabila ng mga nararanasang paghuhirap at pagsubok sa buhay. Huwag tayong bibitiw, huwag tayong tatabangan sa Pananalig sa Diyos kung may mabigat na problemang dumarating. Mas dapat na tuminay pa amg relasyon natin sa Diyos sa mga panahong ito sapagkat si Hesus lamang ang ating pag-asa.

Reply

Joshua S. Valdoz May 9, 2024 at 8:05 pm

REFLECTION: Tinuturuan tayo ng Mabuting Balita ngayon na magtiis ng hirap, at hindi magtatagal ay makararanas tayo na wagas na kagalakan. Iyon ay kung aalis tayo sa kadiliman, iyon ay magaganap kung tayo ay susunod sa kalooban ng Diyos, mangyayari ito kung tayo ay magsisi sa mga gawang sala, hihingi ng kapatawaran at magsusumikap na matalikuran na ang kasalanan.

Si Hesus ay mahabagin, at kinalulugdan n’ya ang taong sumasampalataya pa din sa kanya sa kabila ng mga nararanasang paghihirap at pagsubok sa buhay. Huwag tayong bibitiw, huwag tayong tatabangan sa Pananalig sa Diyos kung may mabigat na problemang dumarating. Mas dapat na tumibay pa ang relasyon natin sa Diyos sa mga panahong ito sapagkat si Hesus lamang ang ating pag-asa.

Reply

Malou Castaneda May 10, 2024 at 5:56 am

PAGNINILAY
Sinasabi sa atin ni Hesus na ang buhay ay pinaghalong kalungkutan at saya, pag-iyak at kagalakan, dalamhati at lubos na kaligayahan. Ngunit ang gayong mga sandali ng kalungkutan, luha at dalamhati ay hindi nagtatagal. Tulad sa dulo ng lagusan, magkakaroon ng matingkad na liwanag. Ang mga puno ay naglalagas ng mga lumang dahon upang makagawa ng bago at sariwa. Namamatay ang butil ng trigo upang makabuo ng bagong halaman at mas maraming butil. Ang sakit at paghihirap ng panganganak ay magiging isang kalugud-lugod na karanasan sa pagmasid ng bagong panganak. Ang kalungkutan at luha natin sa mundong ito ay mauuwi sa kagalakan ng makalangit na kaligayahan.

Panginoong Muling Nabuhay, tulungan Mo kaming tumuon sa langit kahit sa gitna ng mga pasakit at dalamhati sa mundong ito. Amen.
***

Reply

Rex Barbosa May 10, 2024 at 6:20 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 16, 20-23a

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Sobrang matalinghaga kung mangusap ang Panginoon,
malalim, minsan mahirap arukin si Lord…
Ngunit kung ating paka-iisipin
simple lang aral na Kanyang gustong iparating sa atin.

“….nalulumbay kayo ngayon,
ngunit muli akong makikipagkita sa inyo
at mag-uumapaw sa puso ninyo
ang kagalakang hindi maaagaw ninuman”.

Sa bawat paghihirap, lungkot at pagtitiis
na ating nararanasan sa ating buhay,
may katumbas na saya at kaligayahang
naghihintay sa atin sa dako pa ruon.

Naghihintay at may gantimpala si Jesus
sa sinumang magiging matapat sa Kanyang Salita!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: