Podcast: Download (Duration: 6:12 — 4.5MB)
Huwebes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 18, 1-8
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Juan 16, 16-20
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Sixth Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 1-8
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia, kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, at doon na nakitira sapagkat sila’y manggagawa ng tolda, tulad niya. At siya’y tumulong sa kanila. Tuwing Araw ng Pamamahinga, nakikipagpaliwanagan siya sa sinagoga, at sinikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat, maging Judio o Griego.
Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Hesus ang Kristo. Nang siya’y salungatin nila at laitin, pinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo’y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayoy’y tutungo ako sa mga Hentil.” Kaya’t umalis siya roon at tumira sa bahay ng isang nagngangalang Ticio Justo, isang taong may takot sa Diyos; karatig ng sinagoga ang kanyang bahay. Si Crispo na tagapamahala ng sinagoga at ang kanyang sambahayan ay sumampalataya sa Panginoon. Sumampalataya rin naman at nagpabinyag ang marami sa mga taga-Corintong nakikinig kay Pablo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
o kaya: Aleluya!
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
ALELUYA
Juan 14, 18
Aleluya! Aleluya!
Kayo’y di ko inulila,
babalik akong talaga,
magdudulot ng ligaya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 16, 16-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Juan
Noong panahong iyong, sinabi ni Hesus sa kayang mga alagad: “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita; at pagkaraan ng kaunting panahon pa, ako’y inyong makikita uli.” Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lang at hindi na natin siya makikita at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita uli? Sabi pa niya’y ‘Sapagkat ako’y paroroon sa Ama.’ Ano kaya ang ibig sabihin ng, ‘kaunting panahon na lamang?’ Hindi natin maunawaan!” Naramdaman ni Hesus na ibig nilang magtanong, kaya’t sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong kaunting panahon na lamang at hindi ninyo ako makikita; at pagkaraan ng kaunting panahonn, ako’y inyong makikita uli. Sinasabi ko sa inyo: tatangis kayo at magdadalamhati, ngunit magagalak ang sanlibutan. Matitigib kayo ng kalungkutan, subalit ito’y magiging kagalakan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Mayo 8, 2024
Biyernes, Mayo 10, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Malapit na nating matapos ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa darating na Linggo ay ipagdiwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit. At sa Linggong matapos ito ay ang katapusan ng panahong ito sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes.
Makikita natin sa Ebanghelyo ang mga huling diskurso ni Hesus sa gabi ng kanyang Misteryong Paskwal, ang gabi bago siya magpakasakit at mamatay, ngunit sa huli ay mabubuhay na mag-uli. Sinabi niya na sa kaunting panahon ay makakapiling niya sila sapagkat aalis na siya pabalik sa Diyos Ama. Hindi ito naunawaan ng mga alagad sapagkat hindi pa nila nabatid ang dahilan kung bakit kinakailangan niyang mamatay sa Krus at muling mabuhay. Kaya ipinahayag ni Hesus na ang mga Apostol ay tatangis at magdadalamhati, habang nagagalak ang sanlibutan.
Kaya ito nga ang nangyari noong Biyernes Santo nang si Hesus ay magdusa hanggang siya’y ipako sa Krus hanggang pumanaw ng ika-3 ng hapon, at tila nga ba’y masaya ang madla (na may kasamang pang-iinsulto at panunuligsa) habang siya’y nababayubay sa Krus. Ngunit bago pa ito mangyari, sinabi rin ni Kristo na ang mga alagad na nagtitiib sa kalungkutan ay sa bandang huli ay magagalak. Ganun na nga ang nangyari 3 araw matapos si Hesus ay ilibing, siya’y nagtagumpay laban sa kasalanan at kasamaan sa pamamagitan ng kanyang Muling Pagkabuhay. At nagpakita siya sa kanila dala ang kapayapaan at ang tungkuling maging mga saksi niya.
Kaya narinig natin sa Unang Pagbasa ang bunga ng gawain ng mga Apostol sa pamamagitan ng pangangaral ni San Pablo. Sa kabila ng mga panlalait at pangungutyang natanggap ni Pablo habang ipinapangaral na si Hesukristo ay ang Panginoon, hindi siyang pumigil sa pangangaral ng Mabuting Balita. Kaya nga ang kanyang pagpapahayag ay hindi lang para sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Sa ating buhay ay mararanasan din natin ang mga pagsubok sa buhay na parang magpapalungkot o kaya mapapanakit ng damdamin natin. Subalit alalahanin natin na ang galak ay mananaig, at ang kagalakang ito ay kaloob ng Diyos na buhay sa pamamagitan ni Kristong Muling Nabuhay.
At nawa idala rin natin ang kagalakang ito sa mga taong naninirahan sa kalungkutan at takot na kasama nating lahat ang Panginoon sa bawat pagkakataon ng buhay.
Ano ang aral at hamon sa atin ng ebanghelyo ngayon?
Sa kasalukuyang buhay nating ito, ay hindi pwedeng hindi tayo daranas ng kapighatian, pero ang hamon ay wag tayong bibitiw sa Diyos, wag tayong magdaramdam sa Panginoon sa nangyari sa atin, lalong huwag nating kwestyunin si Hesus kung bakit naganap sa buhay natin iyon. Huwag din tayong mag isip na lalong ibaon ang ang ating mga sarili sa kasalanan, huwag nating isiping pinabayaan tayo ng Diyos. At huwag mong sabihing hindi fair ang Diyos.
Ang Panginoong Hesus ay ay tapat sa kanyang mga pangako na pagkatapos ng kapighatian ay lubos na kagalakan ang ating mararamdaman. Ito ay kung mananatili tayo sa kanya kahit na binabayo tayo ng pagsubok. Ito ay kung pipiliin pa din natin ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, ito ay kung magtitiis tayo at marunonh magsakripisyo at hindi puro reklamo at galit ang nasa puso.
Ang solusyon sa problema at pagsubok ay Panalangin at pananampalataya na hinding hindi kailnman tayo uulilain ni Hesus. Siya ang Ama at tayo ay mga anak nya.
Maraming Salamat po sa Awit at Papuri , kc nasusundan ko ang daily mass Reading , kahit sa ordinary day. napaka ganda at merong ganitong uri ng website. Godbless po.
PAGNINILAY
Ang panahon ng Diyos at ang mga paraan ng Diyos ay hindi atin. Ang ‘maliit na sandali’ para sa Diyos ay maaaring parang tulad ng isang habang buhay sa atin. Minsan gusto nating magmadali ang Diyos sa pagpapagaling ng mga tao, sa pagaayos ng mga bagay at iba pa. Dapat nating hayaan dumaloy ang mga salita ni Hesus mula sa ating ulo papunta sa ating puso upang mapag isipan na ang ating mga paghihirap ay magiging kagalakan kapag nakipagkaisa tayo kay Hesus at magdusa kasama at para sa Kanya. Ang “isang maliit na sandali” ay maaaring masyadong mahaba para sa atin lalo na kapag tayo ay naghihirap. Para sa Diyos ang binibilang ay hindi ang tagal kundi ang kasidhian. Kahit na hindi natin ‘makita’ kung paano gumagawa ang Diyos, maaari tayong magtiwala na ang Diyos ay gumagawa ng husto sa mundo at sa ating sariling buhay. Magtiwala nawa tayo sa Diyos sa lahat ng bagay.
Halina, Banal na Espiritu! Buksan ang mga mata ng aming puso! Amen.
***