Podcast: Download (Duration: 7:38 — 5.4MB)
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 3, 13-15. 17-19
Salmo 4, 2. 4. 7. 9
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
1 Juan 2, 1-5a
Lucas 24, 35-48
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Third Sunday of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 13-15. 17-19
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Sinabi ni Pedro sa mga tao: “Ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang nagbigay ng pinakamataas na karangalan sa kanyang Lingkod na si Hesus. Ngunit siya’y ibinigay ninyo sa maykapangyarihan at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong ipinasiya na nitong palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at isang mamamatay-tao ang hiniling ninyong palayain. Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya’y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa bagay na ito.
“At ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayun din ang inyong mga pinuno. Ngunit sa ginawa ninyo’y natupad ang malaon nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Kristo’y kailangang magbata. Kaya’t magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 4, 2. 4. 7. 9
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
o kaya: Aleluya!
Sagutin mo ako sa aking pagtawag,
Panginoong Diyos na aking kalasag;
Ikaw na humango sa dusa ko’t hirap,
ngayo’y pakinggan mo, sa aki’y mahabag.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
Dapat mapagkuro ninyo at malaman
na mahal ng Poon akong kanyang hirang,
dinirinig niya sa pananawagan.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
O Diyos, ang ligayang bigay mo sa akin,
higit na di hamak sa galak na angkin,
nilang may maraming imbak na pagkain
at iniingatang alak na inumin.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
Sa aking paghimlay, ako’y mapayapa,
pagkat ikaw, Poon, ang nangangalaga.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin
liwanag sa iyong piling.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 2, 1-5a
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya’y si Hesukristo, ang walang sala. Sapagkat si Kristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.
Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas. Ganito natin nalalamang tayo’y nasa kanya. `
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 24, 32
Aleluya! Aleluya!
Poong Hesus, aming hiling
Kasulata’y liwanagin
kami ngayo’y pag-alabin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 24, 35-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Samantalang pinag-uusapan ng mga alagad ni Hesus kung paanong nakilala si Hesus sa paghahati-hati ng tinapay, si Hesus ay tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya sa kanila. Ngunit nagulat sila at natakot sapagkat akala nila’y multo ang nasa harapan nila. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito. Hipuin ninyo ako at pagmasdan. Ang multo’y walang laman at buto, ngunit ako’y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” At pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus “May makakain ba riyan?” Siya’y binigyan nila ng kaputol na isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.
Pagkatapos sinabi sa mga alagad, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasama-sama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit.” At binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Abril 13, 2024
Lunes, Abril 15, 2024 »
{ 8 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, patuloy nating tinutunghayan ang kagalakang dala ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Ang Ebanghelyo ngayon ay ang kasunod na kaganapan matapos ang pagtatagpo ni Hesus sa dalawang alagad na patungong Emaus. Itong dalawang alagad ay pumunta sa mga Apostol, at ibinalita nila ang kanilang karanasan n’ung ipinaliwanag ni Hesus ang Kasulatan at ipinaghati-hati ang isang pirasong tinapay, bago nila lubos na nakilala siyang nabuhay na muli. At habang sila’y nagsasalita ay nagpakita si Hesus sa harapan nila, habang binabati ang kapayapaan. Ngunit inakala ng mga Apostol na siya ay isang multo. Kaya ipinakita niya ang kanyang mga sugat upang hawakan nila ito bilang pruweba na siya’y muling nabuhay ay kapiling nila sa anyo ng laman ng tao. At makikita natin na kahit hindi pa nila maintindihan ang lahat, kahit makita nila ang Panginoon na kumakain ng isda, dito sinabi ni Hesus ang kanyang ipinaliwanag sa dalawang alagad tungkol sa kanyang pagka-Mesiyas: ang magdusa, mamatay sa Krus, at mabuhay na muli para sa kaligtasan ng mundo, na magampanan ng lahat ang pagpapatawad ng mga kasalanan sa pamamagitan ng ngalan niya. Kaya sinabi ni Hesus na sinusugo niya sila upang ipahayag at bigyang-saksi ang lahat ng bagay na ito mula Jerusalem patungo sa lahat ng bansa.
Makikita natin dito sa kwentong ito ang isang bagong pag-asa dala ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. Alam ng mga Apostol na noong si Hesus ay dinakip sa Hardin ng Getsemani, lahat sila’y nagsitago (maliban kay San Juan). Kahit si San Pedro na unang nagsabi na hindi niya hahayaang siya’y babagsak, sa halip ay itinatwa niya nang tatlong beses ang Panginoon. Ang pagpapakita ni Kristong Muling Nabuhay sa kanyang mga Apostol ay tanda na paglilimot sa kanilang pagkukulang noong Pasyon, at higit pa rito ay isang pagkakataong sila naman ay hahayo upang maging saksi ng mga pangyayaring ito. Kaya nakita natin sina San Pedro sa Unang Pagbasa pagkatapos ng pagpapagaling sa isang pilay na lalaki sa templo, ipinahayag ni Pedro ang nangyari kay Hesus bilang pagtupad sa plano ng Diyos upang maligtasa ang lahat mula sa kasalanan. At ganun din si San Juan sa Ikalawang Pagbasa na nagpapaalala na ang bawat sumasamba at nagpaparangal sa Panginoon ay kinakailangang isabuhay ang kanyang pagiging Kristiyano, lalung-lalo na sa mga gawaing naayon sa pamantayan ng Diyos.
Halina’t sariwain natin ang kaligayahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo sa pagyakap sa kanyang kapayapaan at pagpapatawad sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakasala, upang tayo rin ay maging saksi ng kanyang Muling Pagkabuhay na idala sa iba ang bagong pag-asa na dapat nating lahat kamtin.
Ang ebanghelyo ngayong linggong ito ay tungkol sa paglimot ng Panginoong Hesukristo sa pagkukulang ng mga Apostol at pagtatalaga sa mga Apostol na ipahayang ang Muling Pagkabuhay at ang Mabuting Balita sa ibat-ibang bansa.
Tayo ba ay panig kay Kristo o panig sa kalaban? Ang bilin ng ating Panginoong Hesus ay magsisi sa kasalanan at magpatawad tayo sa mga nagkakasala sa atin. Dahil ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Ang pagmamahal sa kaaway ay palatandaan na tayo ay na kay Hesukristo. Nung namatay Siya sa krus, ang Kanyang kamatayan ay para sa lahat at hindi lamang sa mga gusto Niyang iligtas. Wala Siyang itinatangi. Ang Kanyang pagliligtas ay para sa mabuti at masama. Kaya nga nawa’y matularan natin ang Panginoon sa tunay na pagmamahal sa kapwa, wagas at tapat.
Ikatlong Linggo pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Hesus. Bumalik ka na ba ulit sa dating gawi? Gumagawa na ulit ng kasalanan? Nung nakaraang apatnapung araw ng lent, tayo ay nangilin, nagpenitensya, naglilimos at nananalangin ng mas madalas, nagtitiis, umiiwas na makagawa ng kasalanan. Noong pasko ng pagkabuhay ay nagdiwang tayo, ngunit hindi nangangahulugan na pwede na ulit bumalik sa dati. Ituloy tuloy na natin mga kapatid upang makamit natin ang Gloria. Mahalin mo ang Diyos at sundin ang loob nya, magugulat ka kapatid, may milagro….may gantimpala..
Sa ating pag-aaral ng Ebanghelyo, tayo’y tinatawag na maging mga alagad na may tapat na pananampalataya, handang maglingkod at magpatotoo sa kanyang pangalan. Hindi tayo kailanman nag-iisa sa ating paglalakbay, sapagkat kasama natin si Hesus na patuloy na nagmamahal at nagbibigay ng buhay.
Sa huling bahagi ng ebanghelyo, binigyang diin ni Hesus ang kahalagahan ng pagbabalik-loob at pagsisisi. Sinabi niya na dapat ituro sa lahat ng mga bansa ang pagpapatawad ng mga kasalanan. Ipinakita niya na ang kanyang pagkabuhay ay hindi lamang para sa mga Judio, kundi para sa lahat ng tao, upang magkaroon ng pagkakataon ang lahat na muling magbalik-loob sa Diyos.
Sa ating pagninilay sa Ebanghelyo ngayon, tayo’y inaanyayahan na maging mga saksi ng pag-ibig at kabutihan ng Diyos sa ating mga buhay. Tayo’y hinahamon na maging bukas ang ating mga puso at isipan sa mga tanda ng kanyang presensya at pagmamahal sa ating paligid. Sa pagbabalik-loob at pagsisisi, tayo’y magkakaroon ng pagkakataon na maging bahagi ng kanyang malawak na plano ng kaligtasan para sa lahat ng tao.
PAGNINILAY
Bawat isa sa atin ay tinatawag na maging isang ebanghelista, isang mabuting tagapaghatid ng balita. Ang pagiging isa ay hindi nangangahulugan na kailangan nating tumayo at mangaral ng matatalinhagang mga sermon na may mga nakakaantig na salita kundi maging mga saksi sa ating paniniwala sa muling pagkabuhay ni Hesus. At gaya ng sinasabing, “Ang aksyon ay nagsasalita ng mas malakas kaysa sa mga salita,” ang pinakamagandang balitang ipagkalat ay isang buhay na isinagawa bilang isang halimbawa kung paano binabago ng Mabuting Balita ng Panginoong Nabuhay na Mag-uli ang ating buhay. Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay patunay na mahal tayo ng Diyos at iniligtas tayo at binibigyan tayo ng bagong buhay. Habang higit nating ipinakikita ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa isa’t isa, mas ipinapakita natin na tinanggap natin ang kaloob ng kaligtasan ng Diyos, at habang patuloy tayong nagbabahagi ng bagong buhay sa iba, mas naihahatid ang Mabuting Balita sa mga tahanan at buhay ng marami. Kung ang mga tao ay makakaranas ng Mabuting Balita sa paraan ng ating pakikitungo sa kanila, napapakita at nababahagi natin sa kanila ang Mabuting Balita ni Hesus na Muling Nabuhay. Nawa’y sundin natin ang mga salita ni San Francisco ng Assisi, “Ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng panahon; at, kung kinakailangan, gumamit ng mga salita!” Maaaring nating gamitin ang mga salita ngunit higit pa sa pamamagitan ng ating mga halimbawa.
Panginoong nabuhay na mag-uli, armado ng kaloob ng kapangyarihan ng Iyong Banal na Espiritu, tulungan Mo kaming magpatotoo sa Iyo sa salita at sa gawa. Amen.
***
REFLECTION: Tayo ba ay panig kay Kristo o panig sa kalaban? Ang bilin ng ating Panginoong Hesus ay magsisi sa kasalanan at magpatawad tayo sa mga nagkakasala sa atin. Dahil ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Ang pagmamahal sa kaaway ay palatandaan na tayo ay na kay Hesukristo. Nung namatay Siya sa krus, ang Kanyang kamatayan ay para sa lahat at hindi lamang sa mga gusto Niyang iligtas. Wala Siyang itinatangi. Ang Kanyang pagliligtas ay para sa mabuti at masama. Kaya nga nawa’y matularan natin ang Panginoon sa tunay na pagmamahal sa kapwa, wagas at tapat.
MAGNILAY: Kay Hesus na muling nabuhay nagmula ang pagbati natin ng ‘Sumaiyo ang kapayapaan.’ Kapayapaan ang unang handog niya matapos na muling mabuhay. Ang kapayapaan ay kabuuan ng lahat ng mabuting hangad nating makamit. Naghahatid ito una sa lahat ng pagpapatawad at pakikipagkasundo ng Diyos. Nagbibigay-daan ito upang magkaroon tayo ng kapanatagan sa kabila ng mga pagsubok ng buhay dahil mahal tayo ng Diyos. Dumadaloy ito upang tayo man makapagpatawad ng ating kapwa. Nagkakapuwang ang awa at habag sa puso natin. Kaya naman ang kapayapaan ay hindi lang handog ni Kristo sa atin kundi atas na dapat nating palaganapin. Mga sugo tayo ng kapayapaan sa mundo na ang layunin ay pagkasunduin ang lahat sa Panginoon.
MANALANGIN: Panginoong muling nabuhay, sumaamin nawa ang iyong kapayapaan.
GAWIN: Batiin ang lahat ng kapayapaan kay Kristo. Maging laging kasangkapan ng pagkakasundo at pagmamalasakit