Martes, Disyembre 12, 2023

December 12, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Martes

Ang Panginoon ang ating Pastol na nakakikilala sa bawat isa sa atin. Ialay natin ang ating mga panalangin sa Diyos nang may pagtitiwala sa kanyang pag-ibig para sa atin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Pastol, dinggin mo kami.

Ang Simbahan nawa’y maging isang buhay na tanda ng tunay na malasakit at lubos na pangangalaga para sa mga itinakwil ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nalihis sa landas ng kabutihan nawa’y marinig ang tinig ni Kristo, ang Mabuting Pastol, na tumatawag sa kanila upang magbalik sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataan nawa’y marinig ang tinig ng ating Panginoon na tumatawag sa kanila para sa pagbabagong-loob at pagtatalaga ng buhay para maglingkod, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng nagdurusa at maysakit nawa’y makaunawa na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga at paglingap na ibinibigay natin sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pumanaw na ay makapasok nawa sa “pintuan ng kulungan” at magdiwang na kasama ng Pastol at bantay ng kanilang kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Pinakabutihing Ama, gabayan mo kami sa matuwid na landas. Dinggin mo ang aming mga panalangin at pagpalain mo ang bawat isa sa amin sa paraang ikaw ang higit na nakaaalam. Nawa’y makasunod kami kung saan mo kami akayin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 4, 2020 at 9:51 pm

Pagninilay: Ipinagdiriwang ngayon ang isa sa mga kilalang aparisyong ukol sa Mahal na Birheng Maria, at iyan ay ang Mahal na Birhen ng Guadalupe. Makikita po natin sa kwentong ito kung paanong nagpakilala ang ating Inang Maria sa isang Indiyanong Aztec na si San Juan Diego Cuauhtlatoatzin sa Burol ng Tepeyac sa Mexico kahit sa oras na inuusig ng mga Kastila ang tribo ng lalaking ito. Maganda ang naging pahayag ni Maria kay Juan Diego na sinabi niya sa kanya, “Hindi ba ako ito na iyong Ina?”

Makikita natin dito ang pagtalima at pagmamahal ni Juan Diego sa Birhen, at gagawin niya ang iniuutos nito. Kaya nang sinabi niya sa Obispo ng Saragosa na magtayo ng isang kapilya sa mismong pinangyarihan ang aparisyon, hindi agad naniwala ang Obispo. Ngunit nangako si Maria na tutulungan niya si Juan Diego, kaya’t ang kanyang imahen sa tilma ng lalaki ay siyang nagpapatunay na nagpakita ang Mahal na Ina sa Burol ng Tepayac. Kaya pinasya ng Obispo na itayo ang kapilyang sinasabi ni Juan Diego, at makalipas ang halos 470 na taon, naging basilika mismo ang lugar na iyon at dinadayo ito ng maraming manlalakbay at deboto.

Makikita natin sa kwento ng Mahal na Birhen ng Guadalupe ang kahalagahan ng pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Ama. Kaya pala ang imahen nito ay buntis si Maria sapagkat ipinapakita dito ang pagtalima ng Mahal na Ina sa dakilang kalooban na maging Ina ni Hesus na ating Tagapagligtas. Kaya nga ang titulong ito ay itinuturing din bilang Patrona ng mga ‘Di-ipinapanganak dahil sa kahalagahan ng buhay na galing mismo sa Diyos.

Kung ginagalang at nirerespeto natin ang buhay, nawa’y tularan natin ang Mahal na Birheng Maria na kilalanin ang Panginoon sa ating buhay at sumunod sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Alfred B. Sugayan December 12, 2022 at 5:44 am

Ating purihin at sambahin ang Panginoong Diyos Hesus. Siya ay dapat na purihin at sambahin dahil sa Kanyang kabutihan at kadakilaan, amen.

Reply

Mel Mendoza December 10, 2023 at 11:37 pm

Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay kaparehas sa pagbasa ng Mabuting Balita sa Kapistahan ng Kalinis-linisan Paglilihi kay Birheng Maria. At sa araw ding ito ay ginugunita ng ating simbahan ang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe. Sa dalawang kapistahan makikita na patungkol ito sa mga sanggol na hindi pa isinisilang. Ang una ay ang Imaculada Concepcion at ang pangalawa ay ang aparisyon ng Mahal na Birhen ng Guadalupe sa imaheng buntis. Masasabi din na kapwa nagsisimbolo ng walang hindi nakapangyayari sa kalooban ng Diyos.

Sa kwento sa Aklat ng Genesis napakinggan natin na pumasok ang kasalanan sa mundo dahilan sa isang babae sa katauhan ni Eva, at sa Ebanghelyo naman ni San Lucas ay isinilang ng isang birhen sa katauhan ni Santa Maria ang Mesiyas upang tubusin ang tao sa kasalanan. Kung ang kasalanan ay pumasok sa mundo dala ng paglabag nina Adan at Eva, sa isang pakikinig, pakikiniig, at pagtalima naman ni Birheng Maria nagkaroon ng kaligtasan ang sangkinapal.

Magandang pagnilayan habang tinatahak natin ang Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng ating Panginoong Hesukristo ang salitang pagtalima. Ang pagtalimang may isang paninindigan sa napakinggang Salita ng Diyos. Ibig sabihin hindi lang basta nakinig kundi inunawa at isinapuso ang napakinggan at pinanindigan ito. Ganun din sa mga buhay natin ang mahalaga sa lahat na meron tayong paninindigan. Malaki kasi ang pagkakaiba sa nakinig lamang sa pinanindigan ang napakinggan. Magiging walang saysay ang narinig kung hindi naman naging committed. Ang pagsasabuhay ng salita na ating napakinggan sa mga aral sa Banal na kasulatan ay ang ninanais sa atin ng Dyos.

Gawin nating huwaran ang Birheng Maria, na sa kabila ng lahat ng katanungan niya sa simula kay Arkanghel Gabriel na paano mangyayari sa kanya ang kagustuhan na Diyos ay hindi siya nagdudang tumalima sa ibinalita sa kanya ng anghel nandoon na agad ang pagtalima sa kanyang napakinggan at nanindigan na maganap sa kanya ang kalooban ng Diyos. Nakiisa ang Mahal na Ina at tinindigan niya ang ninanais ng Diyos. Ipanalangin natin na lagi tayo magkaroon ng tiwala sa Diyos sa mga ninanais Niyang ipaganap sa atin na maging daluyan ng mga pagpapala at biyaya ng Diyos para sa iba.

Pag-asa ang tema sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento nawa’y magsilbi tayong pag-asa sa ating kapwa na harapin ang paghihintay ng may kagalakan sa kabila ng mga pagsubok na ating kinakaharap. Sabay sabay natin lakbayin ang buong panahon ng paghihintay na may paghahandang espirituwal hanggang sa araw ng Pasko ng Pagsilang ng ating Manunubos at Panginoong Hesukristo.

Reply

Jess C. Gregorio December 11, 2023 at 7:31 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

“Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Katulad ng ating Inang Maria, ang bawa’t isa sa atin ay kalugod-lugod sa Diyos sa bisa ng kanyang pagtutubos sa atin. Pero sa kabila ng lahat ng ito, may mga sandaling hindi tayo natutuwa at ang pag sunod sa sinasabi ng Diyos ay napakahirap gawin. Kahit na sumasa atin na ang Panginoon ay tila bagang natatakot tayong magbigay ng ating “Fiat” katulad ng ginawa ni Maria. Bakit? Kasi hindi pa talaga natin natututuhan ang magtiwala ng husto sa mga nais ng Diyos para sa atin na katulad ng kay Maria. Mensaherong anghel lang ang kailangan ni Maria at ibinigay na niya ng buo ang buhay niya sa Panginoon. Kahit wala pa ang pagluklob ng Banal na Espiritu sa kanya. Samantalang tayo, na ginawang Templo ng Banal na Espiritu ni Hesus, ay mayroon pang pagdududa. Kaya itinalaga ni Hesus si Maria na Ina ng Sangkatauhan dahil marami pa tayong dapat malaman sa isang nilalang na katulad natin. Kung nagawa ni Maria, magagawa rin natin. Ang ating modelo para maging katulad ni Hesukristo ay walang iba kundi ang ating Ina sa Langit.

Reply

Malou Castaneda December 12, 2023 at 2:51 pm

PAGNINILAY
Madalas nating unang nakikilala ang Diyos sa pamamagitan ng mapagmahal na pangangalaga ng iba. Nararanasan natin ang habag ng Diyos kapag may ibang tao na lumalapit sa atin kapag tayo ay nasasaktan o nangangailangan ng tulong. Ginagamit ng Panginoong Hesus ang pagpapatawad na ibinigay sa atin ng isang indibiduwal na nasaktan natin upang ituro sa atin kung gaano mapagpatawad ang Diyos. Nalalaman natin ang pag-ibig ng Diyos kapag mahal tayo ng iba, hindi dahil sa nagawa natin o kung sino tayo, kundi dahil alam nilang mahal tayo ng Diyos ng walang pasubali at samakatuwid ay karapat-dapat sa walang kundisyong pagmamahal. Ang plano ng Diyos ay para sa atin na maging huwaran ng mga banal na katangian kapag nakikipag-ugnayan tayo sa mga taong inilagay ng Panginoong Hesus sa ating buhay. Nagiging pinagmumulan tayo ng paghipo ng Diyos sa kanilang buhay kapag sinabi nating “Oo” o “Mangyari nawa sa akin.”

Ngayon ay pinararangalan natin ang ating Mahal na Ina bilang Mahal na Birhen ng Guadalupe. Nawa’y patuloy tayong tumugon ng may pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos at nawa’y akayin tayo nito sa pag-abot sa iba sa mapagmahal na paglilingkod upang maranasan nila ang presensya ng Diyos sa kanilang buhay.

Mahal na Birhen ng Guadalupe, ipanalangin na maging bukas ang aming puso sa plano ng Diyos sa aming buhay. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: