Sabado, Disyembre 9, 2023

December 9, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Adbiyento
Sabado

Inaanyayahan tayo ng ating Ama na maging mga tagapaglingkod para sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Manalangin tayo para sa higit na pag-unawa sa kabuluhan ng ating misyon at ang kinakailangang katatagan upang matupad ito.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng pag-aani, pagpalain mo kami.

Ang Simbahang naglalakbay nawa’y higit na humikayat sa tao para sa ganap na pagbabago sa pamamagitan ng kanilang tapat na pagpapatotoo kay Kristo sa kanilang mga gawa at salita, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga misyonero sa mga lupaing banyaga nawa’y maging mabisang tagapaghatid ng Ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magulang nawa’y maipamana sa kanilang mga anak ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kabanalan ng kanilang pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit, mga matatanda, may mga kapansanan, mga nalulumbay, at mga sawi nawa’y makadama ng pag-ibig ni Kristo sa pamamagitan ng pagkalinga ng kanilang pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, gabayan mo ang aming hindi matatag na paghakbang habang tinatahak namin ang iyong daan. Tulungan mo kami sa aming pagpupunyagi, patatagin mo ang aming loob kapag kami ay nag-aalinlangan, aliwin mo kami kapag kami ay nasasaktan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 28, 2021 at 3:15 pm

PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo ngayon ay ang paanyaya ni Hesus sa kanyang mga alagad ukol sa tawag ng misyon. Unang sinabi ng Panginoon na bagamat sagana ang ani ng Diyos, kaunti pa rin ang mga nag-aani. Kaya ang bilin ni Hesus sa kanyang mga alagad na hilingin sa Amang may-ari na magpadala ng mga manggawa sa anihan. Kaya dito isinugo ng Panginoon ang kanyang mga alagad upang ipahayag ang Paghahari ng Diyos sa mga nayon at bayan ng Israel, at magpaggaling sa mga maysakit @ iba pang taong nangangailangan ng paghilom.

Itong pagsusugo ang nagbigay-daan sa 12 Apostol na tunay maging saksi ng Panginoong namatay sa Krus, ngunit nabuhay na mag-uli. Sila ay nangaral sa ilang bahagi ng mundo, at diyan din nila narasan ang pagkamartir (maliban kay San Juan na pumanaw sa katandaan ng edad). Makikita natin ang kasagaaan ng ani ng Diyos dahil sa kanyang Paghahari, na nakikita natin kung naroroon ang pag-ibig, kapayapaan, at katarungan. Kaya patuloy na umiiral ang kanyang presensiya sa atin, lalung-lalo ngayong Adbiyento na inaanyayahan tayong ipaghanda ang kanyang pagdating sa mga araw-araw na gawain sa buhay. Nawa’y makabahagi tayo sa patuloy na paglaganap ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng malugod na pagtugon sa panawagan ng misyon.

Reply

Ferdy Baeting Pariño December 4, 2021 at 10:03 am

Ang aral at hamon ng ebanghelyo ngayon ay ang tularan natin ang mga apostol. Paano? gayong waa nman tayong kapangyarihan magpagaling at magpalayas ng demonyo. Oo, pero maari natin silang tularan sa misyon na magpalaganap ng Mabuting Balita, magpatotoo kay Hesus, maging mabuting halimbawa sa mga tao sa paligid natin. At maging masunurin sa Diyos.

Sa kasalukuyang panahon ay halos lahat ay nakatutok sa kani kanilang mga celfon at iba pang gadget, sa internet umiikot ang mundo, at sa social media nakikipag ugnayan. Samantalahin natin ito upang kahit papaano ay tayo ay maging apostol. Watching online mass and sharing it. Posting ng napapanahong bible quotes, messaging o pangangamusta sa kaibigang alam mong naliligaw ng landas. Or iba pang paraan gamit ang teknolohiya. Mabuti ang sumusunod ka sa kalooban ng Diyos subalit may tuungkulin at pananagutan din tayo sa ating kapatid o kapwa. Gamitin mo ang mga Salita ng Diyos o ang mga aral sa Mabuting Balita sa lahat ng iyong makakasalamuha, Gawin mong gabay ang mga pagbasa at ebenghelyo sa lahat ng iyong iisipin, sasabihin at gagawin. Sapagkat kapag ikaw ay nangaral ngunit hindi nman nakikita sa iyong pag uugali ay matatawag kang bulaan, hangal at mapag imbabaw.

Samantalahin natin ang Adviento sa mga misyong ito. Amen.

Reply

Jess C. Gregorio December 6, 2023 at 2:03 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio::

Kung may isang mahalagang bagay tayong dapat gawin sa hiram nating buhay ito ay walang iba kundi ang ipahiram din ito sa iba. Hindi ang makasariling pag pupunyagi na kung saan tayo ay magpapakasasa sa lahat ng ating tinatanggap at tinatamasa. Ito ang irony ng buhay ng tao. Mahirap gawin pero kung kasama natin si Hesus, kahit na tayo ay nalilito at lupaypay, may karamdaman o kaya ay may sakit, a anu pa mang maaaring pumigil sa atin, pagagalingin niya tayo, siya ang ating magiging talino at lakas. Kaya humihiling siya ng marami pang mag aani para hakutin ang aning mga kaluluwa at maibalik sa langit. Malinaw ang gusto niya. Binigyan tayo ng kapangyarihan magpalayas ng masamang espiritu, magpagaling ng mga may sakit, at inutusan tayong humayo at hanapin ang kanyang mga nawawalang tupa. Mahigpit na nagbabala, “Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.” Ang grasya ay magpapatuloy lamang, katulad ng buhay, kung hindi natin iniipon para sa ating sarili lamang. Karaniwang lumalayo na sa pag aani ang mga sa una’y naging mag aani ng magbunga ng mabuti at masaganang buhay ang pagsunod sa Panginoon. Hindi natin alam na mapuputol ang biyaya kung muli ay iniuna natin ang ating sariling buhay kaysa sa Kanya. At sa huli kung manumbalik tayo sa pighati at kawalan ng grasya at biyaya, duon maaalala natin ang sinabi niya, “Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”

Reply

Malou Castaneda December 9, 2023 at 9:04 pm

PAGNINILAY
Minsan tayo ay maaring kabilang sa mga nahihirapan at nanlulumo, nalilito at nasiraan ng loob, na nahihirapang harapin ang mga pagsubok sa buhay at gustong sumuko na at mawalan ng pag-asa. Nakatitiyak tayo na ang Panginoon ay kasama natin sa ating lambak ng kadiliman; Siya ay laging lumalapit sa atin ng may habag. Siya ang ating Mahabaging Pastol. Sa ibang mga pagkakataon, tayo ay tinawag upang mapabilang sa mga manggagawa na nais ipadala ng Panginoon sa Kanyang pag-aani upang maglakbay kasama ng mga ginugulo at tinanggihan. Tayo ay tinatawag na maging masigasig sa paglilingkod sa Kanya sa ating parokya, pamayanan, atbp. Tayo ay tinatawag upang magbigay ng inspirasyon at pag-asa sa buhay ng ibang tao. Sa pagpapadala sa atin bilang Kanyang mga manggagawa, bibigyan din tayo ng Panginoon ng kapangyarihan para sa gawaing ipinagagawa Niya sa atin.

Panginoong Hesus, dalangin namin na kami ay maging bukas-palad sa pagsagot sa Iyong tawag. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: