Podcast: Download (Duration: 5:48 — 5.7MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Adbiyento
Huwebes
Bunga ng pagtitiwalang ipagkakaloob ng Diyos Ama ang ating mga kahilingan, buong katapatan tayong tumawag sa kanya.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Mapagmahal na Ama, dinggin mo ang aming panalangin.
Ang Santo Papa, mga obispo, mga pari, at mga relihiyoso nawa’y maging tapat sa kanilang pagtatalaga ng sarili sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pulitiko at lahat ng naglilingkod sa pamahalaan nawa’y maging tapat sa kanilang mga pangako at tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating pananampalataya nawa’y magkaroon ng matibay na patotoo sa ating mga gawa at hindi lamang sa mga salita, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat na may ginagampanang tungkulin at pananagutan nawa’y maayos na makatupad sa ating mga gawain, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga namayapang kamag-anak at kaibigan nawa’y makatanggap ng kanilang gantimpala sa kabilang buhay sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, ikaw ang aming lakas sa oras ng aming pangangailangan. Buksan mo ang aming mga puso sa iyong biyaya at akayin mo kami sa iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Disyembre 6, 2023
Biyernes, Disyembre 8, 2023 »
{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Adbiyento ay isang panahon ng paghahanda para sa pagdating ng Panginoon sa ating mga buhay.
Ang Ebanghelyo ay isang paalala kung paano dapat tayo’y mamuhay sa daigdig na ito. Sinasabi ni Hesus na hindi lahat ng mga tumatawag sa kanya na “Panginoon” ay makakapasok sa Kaharian ng Langit kung hindi sila susunod sa kalooban ng Diyos. At dito ikinumpara ni Hesus ang mga matatalino at hangal sa 2 lalaki na nagtayo ng bahay. Ang matatalino ay nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyon ng bato, samantala ang hangal naman ay nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyon ng buhangin. Noong dumating ang isang bagyo at ang mga baha, ang bahay na nasa ibabaw ng bato ay nanatiling matatag, subalit ang bahay na nasa buhangin ay hinampas ng mga hangin at baha. Itong talinhaga ng 2 pundasyon ay nagsisilbing paalala sa atin na ang pakikinig o pagbabasa sa mga mensahe ng Panginoon sa Banal na Kasulatan ay kinakailangan ng pagsunod at pagsasabuhay sa araw-araw na pamumuhay.
Ang Adbiyento ay panahon ng pagkikilala sa dakilang kalooban ng Panginoon na para sa lahat. At tayo’y inaanyayahan na maging masunurin sa niloob ng Diyos para sa isang mabubuting layunin. Sabi nga ni Isaias sa Unang Pagbasa na balang araw ang Sambayanang itinatag ng Diyos ay hindi kailanma’y matitinag. Bagamat marami tayong mga pagkakamali at pagkukulang, patuloy na gagabayan tayo ng Panginoon na gumawa ng tama at mabuti sa isa’t isa. Katulad ni Hesus, nawa tayo rin ay sumunod sa kanyang mga yapak sa pakikisakatuparan ng niloloob ng Ama.
Nawa ay maging kaisa tyo lagi ng Panginoong Hesu Kristo sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Ama sa Langit ayon sa lakas at gabay ng Banal na Espititu. Amen.Mahal na Ina at San Jose ipanalangin at ipagsanggalan nyo po kmi. San Miguel Arkangel, ipagsanggalan at ipagtangol mo kmi lagi.
Sa Unang Pagbasa ay ipnapaalala sa atin na ang mga namamayagpag ngayon sa kayamanan, kasikatan, karangyaan, kapangyarihan na hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos ay wawasakin at pababagsakin hanggang sa maging tapakan ng mga mahihirap na sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ang aral nito ay kung ano man ang mayroon ka ngayon katulad ng komportableng buhay ay kayang bawiin ng Diyos sa isang iglap lamang kapag nillob nya, Kaya’t nararapat na marunong tayong magpasalamat sa ating mga natamo sa buhay, hindi tayo dapat nakakalimot sa Diyos at wag maging ganid sa kayamanan bagkus ay ipamahagi ito sa iyong kapwa ng bukal sa kalooban. At wag din tayong maging mapagmataas sapgkat lahat tayo ay galing lamang sa alabok at sa alabok din babalik.
Sa ating ebanghelyo naman ay palagay ko ay lahat tayo o marami ang tatamaan. Panginoon!! Panginoon!!! Nagdarasal arawa araw, madalas magrosaryo, linggo linggo ay nagsisimba, mag nagseserve sa simbahan at may nalakad pa ng paluhod. Pero hindi nman masunod ang kalooban ng Diyos!!! Hindi nman mapigilan magnasa sa pita ng laman, hindi mapigilang manira ng kapwa o tsismosa, madamit sa kapwa, hanggnag ngayon ay hindi mapatawad ang kapatid o kaaway, mandaraya at nakikiapid…. Tatawagin tayo ni Hesus na “Mga Hangal”.
Upang maging kalugod lugod sa Diyos, namnamin natin ang mga Mabuting Balita, gawin natin itong gabay sa lahat ng ating iisipin, sasabihin at gagawin. Upang hindi tayo matawaga na mapag imbabaw at upang hindi tayo madaling mawasak ng tukso ng demonyo katulad ng bahay na itinayo sa buhanginan. Amen
Ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita ng Panginoong Hesus ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng Kanyang mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak. Purihin ang Panginoon Hesus, amen.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
Nakikinig at nagsasagawa. Ito ang basihan ng makatotohanang pagsunod kay Hesus. Marami sa atin ang magaling lang magsalita ngunit kulang sa gawa at pagsasabuhay ng itinuturo at sinasabi. Bagama’t tila sumusunod, pansinin ang maraming paraan ng ating pag-aalay na minsan ay sumasablay, ito ay nakikita sa ating katauhan, naririnig sa ating kuwentuhan, at kawalan ng disiplina sa ating pangangatawan. Tinatakpan natin ang mga kakulangan sa mga bagay na ginagamit natin, kasuotan na nagpapahayag ng ating pananampalataya, at bulag na serbisyo na ang buong pakay ay samahang grupo lamang. Nasaan si Hesus sa mga ito? Sinong panginoon ang tinutukoy natin kung ang lahat ng pagpapahayag natin ay di naman tahasang nakikita sa atin? Ano ang magiging pakiwari ng mga tao sa paligid kung ang mga patotoong naririnig ay pawang pagkatalo at kahirapan ng Buhay Kristiyano? Makapangyarihang pamumuhay sa Banal na Espiritu ang gusto ng Diyos para sa atin. Meek and mild and yet so full of power from on high! Kung hindi natin siya masunod, kahit tawagin natin siyang Panginoon, hindi niya tayo kikilalanin. At dahil hindi tayo sumusunod sa Ama natin sa Langit ay hindi tayo makakapasok sa kanyang Kaharian. Itayo natin ang ating pananampalataya sa bato. Ito lang ang paraan para maging matalino. Hindi tayo magugupo sa kahit anong bagyo. Malalaman natin na tayo ay na kay Kristo kung sumusunod tayo sa kalooban ng Diyos at hindi sa tao.
PAGNINILAY
Ang pag-alam sa salita ng Diyos ay hindi sapat, kailangan nating gamitin ang salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. Isang gabi, sa isang bahay, habang isinasara ng isang babae ang bintana, nakita niya ang isang batang lalaki na humihingi ng limos. Sinabihan ng babae ang bata na bumalik bukas dahil gabi na. Sabi ng bata, “Baka pwede po ngayon kasi nagugutom ako”. Sumagot ang babae, “Maghanap ka ng ibang makakatulong sa iyo ngayon at bumalik ka bukas”. Malungkot na umalis ang bata. Bago matulog ang babae, habang nagdarasal, naalala niya ang batang hindi niya pinansin at bigla siyang humingi ng tawad sa Diyos dahil alam niyang mali ang kanyang ginawa. Ang sinasabi sa atin ni Hesus ay hindi sapat na tayo ay maging tagapakinig lamang ng mga salita ng Diyos kundi maging tagatupad din tayo ng mga ito. Tayo ay nagiging tunay na mga Kristiyano at tunay na mga tagasunod ni Hesus, kapag isinasabuhay natin ang Salita ng Diyos. At kapag nasanay na tayong ipamuhay ang Salita ng Diyos araw-araw, nagiging matatag tayo sa pagharap sa lahat ng pagsubok at unos sa ating buhay.
Panginoon, bigyan kami ng matatag na pananampalataya sa Iyo sa pamamagitan ng pakikinig at pagtupad sa Iyong salita.
***