Linggo, Oktubre 22, 2023

October 22, 2023

Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Isaias 45, 1. 4-6
Salmo 95, 1 at 3, 4-5. 7-8. 9-10a at k

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

1 Tesalonica 1, 1-5b
Mateo 22, 15-21


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Sunday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)
World Mission Sunday

UNANG PAGBASA
Isaias 45, 1. 4-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Hinirang ng Panginoon si Ciro
para maging hari
upang lupigin ang mga bansa
at alisan ng kapangyarihan ang mga hari.
Ibubukas ng Panginoon
ang mga pintong-bayan para sa kanya.
Sinabi ng Panginoon kay Ciro:
“Tinawag nga kita
upang tulungan si Israel na lingkod,
ang bayan kong hinirang.
Binigyan kita ng malaking karangalan
bagamat di mo ako kilala.
Ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba;
palalakasin kita,
bagamat ako’y di mo pa kilala.
Ginawa ko ito
upang ako ay makilala ng buong daigdig,
na makikilala nila na ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1 at 3, 4-5. 7-8. 9-10a at k

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

Ang Poon ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya’y dapat katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyusan;
ang Poon lang ang may likha ng buong sangkalangitan.

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

Ang Panginoo’y purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo’t maghandog ng mga alay.

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

Kung ang Poon ay dumating, sa likas n’yang kabanalan,
Humarap na nanginginig ang lahat sa daigdigan.
“Ang Poon ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 1, 1-5b

Ang simula ng unang sulat
ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo:
Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan.

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y isinasama namin kayo sa aming dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong pag-asa sa Panginoong Hesukristo. Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo’y hinirang ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Filipos 2, 15d. 16a

Aleluya! Aleluya!
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat
Salitang buhay ng lahat.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 22, 15-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-usapan kung paano nila masisilo si Hesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila sa kanya ang ilan sa kanilang mga alagad, kasama ang ilang tauhan ni Herodes. Sinabi nila, “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat, at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong pinangingimian sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na bumuwis sa Cesar, o hindi?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang masamang layon kaya’t sinabi niya, “Kayong mapagpaimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin na ang salaping pambuwis.” At siya’y binigyan nila ng isang denaryo. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus, “Sa Cesar po,” tugon nila. At sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 9, 2020 at 2:56 pm

Pagninilay: Isang konsepto na pamilyar sa atin ay ang “Separation of Church and State”; ang Pagkahiwalay ng Simbahan at Estado. Maaaring ang interpretasyon ng karamihan dito ay ang hindi pakikialam ng Simbahan sa anumang gawain ng Estado, at ganun rin ang hindi pakikialam ng Estado sa anumang gawain ng Simbahan. Subalit kung titignan natin ang diwa ng batas, tayong lahat ay tinatawag bilang mga mamayan ng mundo at Kristiyanong deboto ng ating pananampalataya. Tayong lahat ay may inaatasang tungkulin sa ating lipunan/daigdig, ganun rin sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyanong Katoliko.

Ang ating Ebanghelyo ay ang ating tungkulin bilang mamamayan ng mundo at mamamayan ng Diyos. Palaging naririnig natin ang umiiral na batas na kung tawagin ay “Pagkahiwalay ng Simbahan at Estado”. Ngunit ang pagkaintindi ng iilan ay parang wala raw koneksiyon ang pananampalataya sa takbo ng pamahalaan. Subalit bilang mga totoong tao, tayo ay binigyan ng tungkuling moral upang alamin ang mabuti sa masasama. At tayo rin ay tinawag na ipamalas ang ating tugon sa pagiging mamamayan ng mundo at mamamayan ng Diyos. Narinig natin ang pagsubok ng mga Pariseo at kampo ni Herodes kay Hesus kung dapat nga ba’y magbayad sila ng buwis sa Emperador. Ngunit alam na ni Hesus ang kanilang pagkabitag sa kanya bilang mga oportunista: Kung sasabihin niya ay “Oo”, pagbibintangan siya ng mga Hudyo bilang traydor dahil kumampi siya sa sistema ng Roma. Ngunit kung sabihin naman niya ay “Hindi”, paghahanapan siya ng butas ng mga Pariseo at kampon ni Herodes upang isumbong sa Romano para sa parusang ipapatong sa kanya. Kaya ang ginawa ng Panginoon ay humingi siya ng isang denarii, at ipinakita niya sa kanila ang mukha na nasang salapi. Nang sagutin nila nang tama na ang nasa mukha ay si Cesar, nagbigay siya ng hamon na ibigay nila kay Cesar kung ano ang kay Cesar, at ibigay naman nila sa Diyos kung ano man ay para sa Diyos. Makikita natin dito ang ating tungkulin bilang tao na nasa ilalim tayo ng isang mundo at isang langit. Isang mundo sapagkat saan man tayo’y magpunta, lalung-lalo na karamihan sa atin ay nakatira sa Pilipinas, dapat tayo sumunod sa batas na pinaiiral ng bawat pamahalaan. Isang langit sapagkat tayo’y mga Kristiyanong Katoliko na bininyagan at kinumpilang upang tuparin natin ang ating misyon bilang mga saksi ni Kristo na ipahayag ang kanyang Mabuting Balita. Ang mahalaga rito ay kung paano natin ipinapadama sa bawat tao ang kabutihan at pagmamahal, nang sa gayon ay ipakita rin nila sa iba ang ganyang magandang halimbawa upang magkaroon ng pagkakaisa, kapayapaan, katarungan, katuwiran, at pagmamahal sa ating kapaligiran.

Reply

ArtBal October 16, 2020 at 6:33 pm

Karamihan sa atin na ang pagkaintindi ng separation of the state and the church ay walang pakialamanan na angmibig sabihin, mind your own business ika nga. Tayong lahat ay mamamayan ng mundo na nakatira na nasasakupan ng batas. Pero huwad natin kalimutam na may papel ang simbahan sa estado na patungkol sa moral at pananampalataya na kung saan bilang Pilipinong Kristyano ay nanghihimasok sa lipunan para sa maipamalas ang kabutihan ng bawat Pilipinong Kristyano.

Reply

Alex Pulumbarit October 19, 2023 at 6:48 am

Pagninilay:

Sa ating mga Pagbasa makikita natin ang common na salitang “paghirang o hinirang” o sa ibang salita ay pagtatatalaga/itinalaga na ginawa ng Panginoong Diyos (Ama) at ng Panginoong HesuKristo sa kanilang napiling mga tao na may kakayahang isagawa ang nais Niyang plano.
Ito’y nangangahulugan ng pag-ganap sa mga tungkulin at pagbibigay katuparan sa mga nais ng Panginoon sa sangkatauhan. Tayo’y may kani-kaniyang gampanin sa buhay na hindi pangsariling kapakanan lamang dahil tayo’y nilikha upang gumanap ng misyon para sa Panginoon.
Kung kaya’t nasaan man tayong larangan ay dapat nating tanungin ang ating mga sarili kung natutupad ba natin ang kalooban ng Diyos? Walang maliit o malaking gawain, kung ito’y ginagawa para papurihan ang Pangalan ng Panginoong DIYOS, bilang tunay na mananampalatayang Kristyano…
Amen.

Reply

Mel Mendoza October 19, 2023 at 8:15 pm

Ang mga pagbasa ay malinaw na pinaabot sa lahat ng nakikimayan sa mundong ito ang kahalagahan ng pagsunod sa batas lalong higit sa batas ng Diyos. Sa unang pagbasa nabanggit na humirang pa ang Diyos ng taga-labas ng Israel sa katauhan ni Ciro para maipakita na wala sa namumuno sa bayang ito ang nagpapahalaga sa batas ng Diyos. Sa kasaysayan ng Israel ay wala ng mapusuan ang Diyos ni isa man sa mga hari na tutugon upang pairalin ang batas ng katarungan, katotohan, at kapayapaan na ninanais ng Diyos sa lupaing ito. Sa pumumuno ni Ciro doon lamang nanumbalik ang mga pananampalataya ng mamayan sa Diyos dahil sa pagiral ng pag-ibig, kapayapaan at katarungan na nagmula sa paggabay ng Espiritu kay Ciro. At pinagtibay pa ito sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica sa ikalawang pagbasa na kung saan ipinagpapasalamat nina San Pablo at ng kanyang mga kasama sa Diyos ang mga bunga ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng paggabay sa kanila ng Espiritu. Samakatuwid, ang mga pagsunod sa batas at alituntutunin ng Diyos ay mamumunga itong ng kaayusan sa buhay ng tao.

Una sa lahat ang batas ay nilikha para mapangalagaan ang karapatan ng bawat mamayan sa layunin na mapaganda nito ang kalidad ng pamumuhay ng tao na nakabase sa katarungan, kapayapaan, pagkakaisa, at kasaganaan. Sa Ebanghelyo, ito din ang tinutukoy ni Hesus sa sagot Niya sa mga alagad ng mga Pariseo na ibigay sa Diyos ang para sa Diyos at sa kabilang banda ibigay kay Cesar ang para sa Cesar. Ang pinupunto ni Hesus ay parehong ginawa ng Diyos ang batas ng tao at ang kahalagahan nito kung naka-angkla ito sa pag-ibig. Kung iiral sa batas ang pagmamahal, katarungan, pagkakasundo-sundo, at kapayapaan ginaganap nito ang kalooban ng Diyos at ito ang mahalaga sa lahat ng batas. Ang issue ng separation between the church and the state is since time immemorial ang itinuro ng mga pagbasa ay malinaw dapat pairalin ang batas ng Diyos at ito ay ang pag-ibig. Dapat makita sa bawat isa sa lahat ng nakikimayan sa mundong ito namumuno man o mamayan na may Diyos sa gitna nating lahat.

Reply

Bro. NSP October 21, 2023 at 11:11 am

PARA SA TAO AT PARA SA DIYOS.

Sinabi ni Hesus sa ebanghelyo, “Ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” May mga bagay na nauukol sa tao, at may mga bagay na nauukol sa Diyos. Kung ating lubos na pagninilayan ang mga katagang sinabi ni Hesus, hindi ba’t mapapaisip tayo? Ano nga kaya ang mga bagay na ukol sa tao?

Kung tutuusin, wala naman talagang bagay ang nauukol sa atin. Lahat ay nauukol sa Diyos, dahil hindi naman natin deserve. Pero dahil mahal tayo ng Diyos, binibigyan nya tayo ng pagkakataong makapag-ukol tayo sa ating sarili at sa kapwa. Nagmamahal tayo sa kapwa, nagmamahal tayo sa pamilya, nagmamahal tayo sa kaibigan, at nagpapahalaga tayo sa mga bagay na nasa daigdig na ito.

Sana’y ang mga bagay na nauukol sa Diyos ay tunay ngang iukol natin sa kanya. Ang kadakilaan, oras, sarili at pagsamba ay mga bagay na nauukol para sa Diyos. Nais ko ring bigyang diin yaong mga kapatid kong seminarista at mga pari na nagtalaga ng buhay sa Diyos. Sila ay kabilang sa mga nauukol sa Diyos. Huwag nawa natin silang agawin sa Diyos, huwag nawa nating sirain ang kanilang bokasyon, ihandog at ipaubaya natin sila sa Diyos na nagpaubaya rin ng maraming bagay para sa atin.

Ang sa tao ay sa tao at ang sa Diyos ay sa Diyos. Maraming bagay ang iniukol ng Diyos para sa atin, ipagkakait ba natin sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa kanya?

(Pagninilay sa ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 22, 15-21)

Reply

Ervi Sobrevinas October 21, 2023 at 10:04 pm

Mateo 22, 15-21
This passage illustrates the wisdom of Jesus in navigating a tricky situation. The Pharisees and Herodians were trying to trap him with a political question about paying taxes to Caesar, a question that could potentially alienate him from either the Jewish people or the Roman authorities. Jesus’ response goes beyond a simple answer; it holds profound truths about the balance between our earthly obligations and our spiritual duties.
Recognizing Earthly and Spiritual Obligations: Jesus acknowledges the authority of secular rulers (“Caesar”) and the necessity of fulfilling civic responsibilities. At the same time, he emphasizes the importance of rendering unto God what belongs to God, highlighting the spiritual aspect of human existence.
A Call to Integrity: Jesus’ response showcases his integrity and wisdom. He doesn’t fall into the trap set by the Pharisees but instead gives a thoughtful and balanced answer. As followers of Christ, we are also called to navigate complex situations with integrity and wisdom, always being mindful of our words and actions.
Dual Citizenship: Christians are often described as having dual citizenship—belonging to both an earthly nation and the Kingdom of God. This passage reminds us of our responsibilities in both realms: fulfilling our civic duties while also honoring God through our actions, attitudes, and worship.
Giving to God What is God’s: Just as the coin bore Caesar’s image, we, as human beings, bear the image of God (Genesis 1:27). Thus, the passage prompts us to consider what it means to give ourselves fully to God—our worship, love, obedience, and service.
In your own life, consider the balance between your civic duties and your spiritual responsibilities. How can you maintain your integrity in various situations? How are you honoring God with your life and giving to Him what rightfully belongs to Him? Reflect on these questions and seek to align your actions with the teachings of Jesus.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: