Sabado, Setyembre 23, 2023

September 23, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Tinuturuan tayo ni Kristo sa pamamagitan ng mga talinhaga. Si Kristo ang naghahasik ng mga butil ng Salita ng Diyos. Tumugon tayo sa kanyang gawain sa pamamagitan ng ating pananalangin sa Ama.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng ani, maging butihin kayo sa amin.

Ang Simbahan sa daigdig nawa’y maging katulad ng mayamang lupa na nagbubunga ng tig-iisandaang ani, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng ating bansa nawa’y maglingkod sa pamamaraang kalugud-lugod sa Diyos at sa sambayanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang Salita ng Diyos sa ating buhay nawa’y huwag sakalin ng mga hindi naitatamang mga ambisyon at pagkamakasarili, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y madama nila ang mapagpagaling na kapangyarihan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y masiyahan sa liwanag, kaligayahan, at kapayapaan sa kalangitan at yaong mga nabibigatan sa pagdadalamhati nawa’y mapatatag ng Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming makilala ang butil ng iyong Salita at gawa sa aming buhay. Huwag nawa kaming magumon sa mga alalahanin ng mundong ito, bagkus, maging aktibo kami sa paglilingkod, at tuluyan nang magbunga ito ng masaganang ani. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 17, 2021 at 5:26 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang panghihikayat ni San Pablo na tuparin ang utos ng Diyos nang walang kapintasan o hinanakit, upang tayong lahat ay matagpuang handa, tapat, at malinis bago ang muling pagpaparito ng ating Panginoong Hesukristo. Sa pagiging matapat sa Diyos ay pinanaig natin ang katotohanang sinabi ni Hesus kay Pontio Pilato, na bilang tunay na Hari, ang lahat ng nakikinig sa katotohanan ay nakikinig sa kanyang tinig. Kaya dahil sa paninindigan ni Hesus sa katotohanan at pagsasailalim niya sa dakilang kalooban ng Ama kahit hanggang kamatayan sa Krus, niluwalhati siya at binigyan ng kapangyarihan upang mamuno sa atin. Kaya habang hindi pa siya bumabalik, tayo ay inaatasan din na tularan siya sa pagiging matapat sa Diyos Ama, sa pakikinig at pagsasabuhay ng Banal na Salita.

Ikinukwento sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon ang Parabula ng Manghahasik. Ito ay isang realidad tungkol sa reaksyon ng bawat indibiduwal kung paano siya tutugon sa salita ng Diyos, sumisimbolo sa mga binhing itinanim ng Manghahasik na si Kristo. Tayo’y itinanim sa iba’t ibang taniman upang may magbunga mula sa ating mga puso. Ngunit habang pinapakinggan natin ang bawat mensahe ng Diyos, iba’t iba ang nagiging reaksyon natin kung paano natin hinarahap ang mga kasalukuyang sitwasyon.

Ang mga binhing itinanim sa tabi ng daan ay sumasagisag sa mga taong nakikinig sa salita ng Panginoon, ngunit wala talagang balak makinig dahil hindi masyadong nauunawaan ito. Mayroong realidad na may mga taong ayaw paniwalaan na may Diyos na maawaain at mahabagin. Ang mga binhing itinanim naman sa bato ay sumasagisag sa mga taong nakikinig sa salita at masayang tinatanggap ito, ngunit kapag dumating ang mga kapighatian at pagsubok, biglang liliit ang pananampalataya. Minsan sa buhay natin ay marami tayong mga problemang nais nating masolusyonan, pero minsan inaakala nating hindi natin kailangan ng Diyos upang tulungan at gabayan tayo. Ang mga binhing itinanim naman sa dawagan ay sumasagisag sa mga taong nakikinig sa salita ngunit hindi kayang panindigan ito sapagkat maraming mga ari-arian ang nagpapasaya sa kanila. Inaakala ng karamihang tao na kapag sinabi ni Hesus na ibenta ang lahat ng kayamanan ay literal na ibenta ang lahat. Minsan kailangan nating unawain ang kahulugan ng pagiging “espiritually poor” na sa kabila ng lahat ng ating inabot na tagumpay ay dapat may kababang-loob pa rin tayo na gumawa ng kabutihan sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga nangangailangan. At sa huli, ang mga binhing itinanim sa matabang lupa ay siyang tunay mga taong nakikinig sa salita at isinasabuhay ito, nang sa ganyon sila’y makapagmunga ng 30, 60, at higit sa 100 binhi.

Sa ating buhay pang-Kristiyano, kailangan nating magmunga nang masagana sa ating pagsasabuhay ng pananampalataya. Kung tayo’y magiging mga binhi sa matabang lupa, kailangan nating dinggin ang salita ng Diyos at ipagmasdan ang mga aral nito sa ating araw-araw na pamumuhay sa paggawa ng tama at mabuti. Kung tayo’y pinagpapala niya araw-araw, nawa’y tayo rin ay maging mga saksi niya sa pagpapahayag ng kanyang mga mensahe ng pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan, na siyang bumubuo sa Mabuting Balita tungkol sa kanyang Paghahari.

Reply

Francis Dela Cruz September 18, 2021 at 9:53 pm

Panginoon bigyan mo po kami ng karunungan at lakas ng loob upang malaman at maisabuhay ang kalooban nyo para sa bawat isa amin. Madalas nabubulag po kami sa mga bagay bagay at pangyayari sa aming bubay at mali ang aming pang unawa, Bigyan nyo po kami ng kababaan ng loob upang tanggapin at baguhin aming mga pagkakamali at pagkakasala upang sa ganun mamunga kami ng masagana, gaya ng mga binhi na hinasik mo sa matabang lupa. Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: