Linggo, Setyembre 17, 2023

September 17, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Patnubay sa Misa

Batid nating tayo’y makasalanan at tungkulin nating magpatawad sa mga nagkasala sa atin. Kaya nga, hilingin natin ang biyayang mahabag at magpatawad, tulad ng Diyos. Itugon nati’y:

Mahabaging Panginoon, dinggin mo kami!

Para sa Simbahang panlahat at lokal: Nawa siya’y maging malinaw na tanda at kasangkapan ng mahabaging pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat nating pinunong espirituwal: Nawa patuloy silang maging inspirasyon namin sa kanilang kagandahang-loob sa lahat ng nagkasala sa kanila. Manalangin tayo!

Para sa ating mga pinunong pambayan at iba pang nanunungkulan: Nawa maging mabuti silang halimbawa sa pakikipagbati at pakikipagtulungan sa kalaban sa pulitika alang-alang sa ikagagaling ng bayan. Manalangin tayo!

Para sa iba’t ibang antas ng lipunan: Nawa sila’ y maging makatarungan sa isa’t isa at magtulungan para sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan at kapayapaan. Manalangin tayo!

Para sa mga naapektuhan ng mga pag-uusig at mga gawa ng mga terorista: Nawa mapatawad nila ang mga may pananagutan sa kanilang sinapit at makatagpo ng katahimikan sa mapagpagaling na pagmamahal ng Diyos. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Manahimk saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, ipagkaloob Mo sa amin ang biyayang maging tanda at kasangkapan ng Iyong mapagpatawad na pagmamahal, at sa gayo’y itaguyod ang kapayapaan ng Kaharian kung saan Ka nabubuhay at naghahari magpakailanman.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 6, 2020 at 11:27 pm

Pagninilay: Sa ating Ebanghelyo (Mateo 18:21—19:1), itinuturo sa atin ni Hesus ang kahalagan ng pagpapatawad. Unang kanyang sinabi ay ang pagpapatawad ng pitumpu’t pitong beses. Sa Genesis 4:24, pumatay si Lamec ng isang bata dahil sinusugatan siya nito. Kaya sinabi niya na kung si Cain man ay sinaktan, pitong beses ang parusa ng gumawa, at kung siya naman ay sinaktan, pitumpu’t pitong beses ang kaparusahan. Ngunit para kay Hesus, ang bilang na ito ay hindi pisikal na sakitan, kundi pagpapatawad. Dapat buong pusong at agad patawarin natin ang taong nagsisi sa maling gawai. Tunay na dakila ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Tuwing tayo’y nagkukumpisal, inaamin natin na tayo’y mali. At napakaganda ang mensahe ng Panginoon sa pahayag ng mga pari, na tayo’y pinatawad niya. Kaya lang kung talagang pinatawad niya tayo, hindi ba dapat matuto tayong magpatawad? Ang lalaking may malaking utang sa talinghaga ay napagbigyan ng hari ng pagkakataong magbayad, pero yung lingkod na may maliit na utang sa kanya ay pinakulong at hindi pinagbigyan ng pagkakataong magbayad. Kaya nagalit ang hari, pinalaya ang lingkod ng lakaki, at pinakulong ang lalaki hanggang bayarin ang utang nito.

At totoo ang isang pahayag ni Kristo: “Kung pinapatawad ninyo ang mga nagkasala sa into, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama” (Mateo 6:14-15). Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y taospusong magpatawad tayo gaya ng pagpapatawad ng Panginoon tuwing nagsisisi tayo sa kanya.

Reply

Jose Javier September 13, 2020 at 8:18 am

Napakalinaw po ang nais ipahayag sa atin ng Panginoon, Ang tunay kristiyano ay marunong magpatawad, dahil bilang anak ng Diyos ang lahat ay may kababaang loob.

Reply

Mary Ann Dulatre September 13, 2020 at 4:00 pm

Si Hesus at tunay na halimbawa ng pagpapatawad.. Mananalangin ako nawa ako ay maging tulad Niya sa pagpapatawad..

Reply

Flor September 13, 2020 at 11:09 pm

Salamat Po Panginoong Hesukristo Sapagkat Tinuruan Po Ninyo Kami, Kung Paano Magpatawad Sa Mga Taong Nagkasala Sa Amin, Salamat Po Panginoon Salamat. Amen

Reply

Mel Mendoza September 12, 2023 at 2:22 pm

Ang tema ng mga pagbasa at sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo ay tungkol sa salitang “Pagpapatawad”. Pwede sabihin na inuutusan tayo ng Panginoon na magpatawad. Pinatawad tayo ng Diyos dahil inaasahan na maging mapagpatawad din tayo ng higit pa sa “makapitong beses kundi pitumpung ulit pa nito”. Sa madaling salita, walang hanggang pagbibigay ng kapatawaran sa lahat ng mga naka-gawa sa atin ng masama maliit man ito o malaki.

Pero ang tanong paano mo igagawad ang kapatawaran sa isang tao na hindi naman humihingi nito sa dahilang bahagi na ito ng kanyang pagkatao? Parang mahirap itong gawin. Sa unawa ng tao hindi ito madali, pero sa panukala ng Diyos sa unang pagbasa itinuturo ni Sirak na dapat magpatawad upang tayo din naman ay patatawarin ng Diyos sa ating mga pagkakasala. Lagi nating alalahanin na ang lahat sa mundo ito ay may wakas ganun din naman dapat may wakas din ang galit na atin nararamdaman tuwing tayo ay nagagawan ng masama. Gunamgunamin natin lagi ang Kautusan na matuto tayong magpatawad. May Diyos tayong na tapat maghusga at pagsapit ng ating oras ng hangganan sa buhay na ito igagawad Niya sa atin ang kapatawaran ng ating mga nagawang kasalanan base sa kung ilang beses din tayo nagpatawad sa naka-gawa sa atin ng kamalian. Pinatawad tayo ng Diyos upang tayo din naman ay makapagpatawad.

Reply

Bro. NSP September 13, 2023 at 5:35 pm

KARUPUKAN BA ANG PAGPAPATAWAD?

Hindi na siguro bago sa atin yung mga kataga na “Ang Diyos nga nagpapatawad, ikaw pa kaya?”. Subalit sa mga pagkakataong tayo ay nilalamon ng labis na galit sa ating puso ay napapahimutok din tayo at nasasabi nating: HINDI NAMAN AKO DIYOS PARA MAGPATAWAD NG PAULIT-ULIT!

Ang ebanghelyo sa linggong ito ay nagtuturo sa atin kung paano tayo dapat magpatawad. Tinanong ni Pedro si Hesus “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Samakatuwid, hindi lamang isa, dalawa o tatlong beses tayong dapat nagpapatawad. Tinuturuan tayo ni Hesus na maging mahabagin tulad ng Ama na laging handang tumanggap, laging handang yumakap, at laging handang magpatawad.

Kung ang Diyos nga ay nagpapatawad, hindi ba dapat tayo rin? Hindi natin maaring itanong sa iba na DIYOS BA TAYO PARA LAGING MAGPATAWAD? OO hindi tayo Diyos dahil TAO LAMANG TAYO na kanyang nilikha. Nakakahiya naman siguro sa Diyos kung tayo pang tao ang mas arogante? Nakakahiya naman siguro sa Diyos kung tayo pang tao ang mas matigas ang puso? Nakakahiya naman siguro sa Diyos kung tayo pang tao ang hindi nagpapatawad di’ba?

Mapagmahal ang Diyos sa taong mapagmahal. Maawain ang Diyos sa taong maawain. Mapagpatawad ang Diyos sa taong mapagpatawad. Hindi kailan man karupukan ang pagpapatawad sapagkat ito ay sagigag ng pagmamahal, ito’y sagisag ng awa at habag ng Diyos.

Minamahal kong bayan ng Diyos, kung lubos tayong nagpapatawad, lubos din tayong patatawarin ng Diyos. Kung lubos tayong magmahal, lubos din tayong mamahalin ng Diyos. Lubos at lagi tayong minamahal ng Diyos, Lubos at lagi tayong pinatatawad ng Diyos, sana’y maging mapagmahal at mapagpatawad din tayo sa ating mga kapwa.

(Pagninilay sa ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 18, 21-35)

Reply

Nelson Bong Alcaraz September 17, 2023 at 7:26 am

Salamat sa DIYOS

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: