Biyernes, Mayo 5, 2023

May 5, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes

Manalangin tayo nang may buong pagtitiwala sa ating Ama na sa pamamagitan ni Jesus ay naghanda ng lugar sa Langit para sa atin.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, akayin Mo kami patungo sa iyong kaharian.

Ang Simbahan nawa’y akayin ang mga mananampalataya sa tamang daan patungo sa Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga naglilingkod sa pamahalaan nawa’y maging mga buhay at mabisang kasangkapan sa pagbabago ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga naliligalig dahil sa mga alalahanin tungkol sa pananalapi at mga materyal na bagay nawa’y makatagpo ng kanlungan sa mapagpalang pangangalaga ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa kahinaan ng ating mga katawan at kaluluwa, nawa’y higit pa tayong umasa sa Diyos na nagnanais na pagkalooban tayo ng lubos at mananatiling kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y makalaya sa mga ligalig ng mundong ito at magtamasa ng walang hanggang kapanatagan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, loobin mo na laging nakatuon ang aming mga mata sa iyong tahanan kung saan inaasam naming manirahan sa piling mo magpasawalang hanggan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 7, 2020 at 11:45 pm

Pagninilay: Sa araw na ito, tayo’y nagsisimulang pagnilayan sa mga diskurso ni Hesus sa Huling Hapunan. Para kay San Juan, ang salaysay ng paghahapunan ng Panginoon kasama ang kanyang mga Apostol ay isang alaala tungkol sa pamana ng pagmamahal na iniiwan niya sa kanila, at ito’y ipapahayag sa maraming tao, na kabilang tayo sa narinig ng mensaheng ito. Ang ating Ebanghelyo ngayon ay isang magadang kaloob ni Hesus tungkol sa buhay na walang hanggan, Tatlong pahayag ng Panginoon ang pinakatanyag sa Ebanghelyo.

1.) HUWAG KAYONG MABALISA; MANALIG KAYO SA DIYOS AT MANALIG DIN KAYO SA AKIN.
Matatandaan natin ang pokus ng Ebanghelistang si San Juan sa kanyang panunulat ay upang kilalanin natin si Kristo hindi lang taong kaisa natin at patuloy umaako sa ating abang kalagayan, kundi pati rin isang Diyos na naglalakbay kasama natin sa ating buhay-pananampalataya. Ang ating tapat na pananalig sa Diyos Ama ay isang paanyaya na kilalanin siya sa pamamagitan ng kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Ang pagtitiwala kay Hesus ay isang tunay na pananampalataya na siya’y nakikinig sa ating mga hinaing para sa ating mundo, lalung-lalo na sa ating mga mahal sa buhay. Bahagi sa katauhan natin ang pangangamba kung dumating ang mga hindi kanais-nais na mga bagay sa ating karanasan. Bagamat tayo’y humaharap sa maraming pagsubok, hindi dapat tayo manatiling mabalisa. Bagkus ay tayo’y tinatawag na sumampalataya at magtiwala lang sa kagandahang-loob ng Diyos na siyang binibiyayaan ni Kristo sa lahat ng humahangad nito.

2.) SA BAHAY NG AKING AMA AY MARAMING SILID. AT PAROROON AKO UPANG IPAGHANDA KO KAYO NG MATITIRHAN.
Maganda itong pahayag ng Panginoon bilang paghahanda halos 2 linggo mula ngayon para sa Dakilang Kapistahan ng kanyang Pag-akyat sa Langit. Kaya ang mga diskurso ni Hesus sa mga darating na araw ay bilang paghahanda sa kanyang paglisan mula sa mundong ito patungo sa kanyang pinaroonan sa kalangitan. Nagmula siya sa Diyos Ama, kaya’t babalik rin siya sa tahanan ng Ama upang maghari sa atin. At dala niya sa kanyang pag-akyat ang pangakong kasama niya tayo hanggang sa katapusan ng mundo. Kaya alam natin na hanggang sa hantungan ng ating buhay sa daigdig, palaging kasama natin ang Panginoon. At nais niya tayong ipagkaloob ng biyaya ng buhay na walang hanggang sa kalangitan. Kaya ang ating patuloy na pananalig, pagiging tapat, masunurin sa dakilang kalooban, at pagpapadaloy ng kabutihan at pagmamahal ang ating dapat gawin upang makamtan natin ang walang hanggang kaligayahan kasama ng Diyos Ama at ni Hesus.

3.) AKO ANG DAAN, KATOTOHANAN, AT ANG BUHAY. WALANG MAKAKAPUNTA SA AMA KUNDI SA PAMAMAGITAN KO.
Ito ay isa sa mga 7 “Ako Ang” pahayag ng ating Panginoong Hesukristo ayon sa Ebanghelyo ni San Juan. Ang katagang “Ako Nga” o “I Am” sa wikang Ingles ay katumbas ng pagpapakilala ng Panginoong Diyos kay Moises sa nagliliyab na punungkahoy (Cf. Exodo 3:1-15). Kaya makikita natin na hindi lang ang katauhan ni Hesus, kundi ang kanyang tunay na pagka-Diyos. Upang magbunga ang ating pananampalataya sa kanya na hindi tayo’y mabalisa, kailangan nating sundin ang utos at aral ng kanyang Mabuting Balita. Alam natin na ang kanyang mga salita ay puno ng buhay at ng Espiritu. Minsan nga’y humarap siya kay Poncio Pilato bago hatulang mamatay, at sinabing ang sinumang naninindigan sa Katotohanan ay nakikinig sa kanyang tinig. At ang kanyang pangako kay Sta. Maria bago buhayin ang kapatid nitong si Lazaro na ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkakaroon ng BUHAY na walang hanggan. At ang pagkakaroon ng paninindigan sa Katotohanan at pagpapahalaga sa Buhay ay ang ating paglalakbay tungo sa DAAN ng kaligtasan: ang Daan ng pagmamahal, kabutihan, at katarungan. Ang buo at taospusong pagkilala kay Kristo bilang Daan, Katotohanan, at Buhay ay ang ating tungkulin upang makamtan natin ang hantungan ng kagalakan kapiling ang ating Panginoon.

Mga kapatid, tatlong magandang pahayag ni Hesus upang maging gabay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Sa kabila ng ating pinagdadaanan na pagsubok, nawa’y tayo’y patuloy na manalig sa kanya hanggang makamit natin ang biyaya ng ganap na pamumuhay sa langit. At sa ating pagkamit nito ay ang pagkilala at pagsunod sa kanya bilang Daan, Katotohanan, at Buhay.

Reply

Mel Mendoza May 4, 2023 at 6:07 pm

Ang mga pagbasa sa araw na ito ay ang mga mga salita ng Diyos na ipinahayag kahit noong kapanahunan pa ni Moises na isinulat naman ng mga propeta tungkol sa kaligtasan na ipinangako ng Diyos doon sa mga taong makikinig sa mga ipinapangaral na naayon sa kautusan. Kalakip ng pangakong ito ay ang tagubilin na huwag mabalisa kahit na sa pinakatinding mga pagsubok. Sa mga tagasunod ni Hesus sa kanyang kapanahunan ipinagtibay pa ito tungkol sa gantimpalang tatamasahin na nakalaan sa langit. Hindi mawawalan ng kabuluhan ang mga hirap, pagtitiis, mga sakit na pinagdaan ng mga mananampalataya at sa mga nagpupumilit na isabuhay ito sa ngalan ni Kristo-Hesus. Ang pagibig at pakikibahagi sa paghihirap ng iba ito ang siyang daan na magdadala patungo sa kaharian ng Diyos. Tangi sa Panginoon Hesus lamang ito masusumpungan. Sapagkat Siya’y ang daan, buhay, at ang katotohanan at wala ng iba. Nawa’y ang bawat isa sa atin ay maging gabay, ilaw, at maging daan ng pakikipagsundo ng tao sa Diyos lalo higit yung mga nasa laylayan ng lipunan at nasa abang kalagayan ng pagtitiwala sa Diyos na nagtutulak sa kanila sa pagkabulid sa paggawa ng kasalanan. Ang tanging pagsunod sa kalooban ng Diyos ng may pagibig at paggawa ay ang pinakahalagang kautusan na syang magpapalaya sa bawat isa sa atin at sisira ng tanikala ng pagka-alipin sa kasalanan .

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: