Sabado, Mayo 6, 2023

May 6, 2023

Sabado sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 13, 44-52
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Juan 14, 7-14


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Fourth Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 44-52

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Apostol

Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang pakinggan ang salita ng Diyos. Inggit na inggit ang mga Judio nang makita nila ang makapal na tao, kaya’t nilait nila at sinalungat si Pablo. Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Yamang itinakwil ninyo ito, hinatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya’t pupunta kami sa mga Hentil. Sapagkat ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon:

‘Inilagay kita na maging ilaw sa mga Hentil
upang maibalita mo ang kaligtasan
hanggang sa dulo ng daigdig.’”

Nagalak ang mga Hentil nang marinig ito, at nagpuri sa Panginoon dahil sa salita niya; at sumampalataya ang mga hinirang para sa buhay na walang hanggan.

Kaya’t lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. Ngunit sinulsulan ng mga Judio ang mga babaing sumasamba sa Diyos at kilala sa lipunan, gayun din ang mga lalaking pinuno ng lungsod: ipinausig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lupaing iyon. Kaya’t ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila’y nagtungo sa Iconio. Ang mga alagad naman sa Antioquia ay natigib ng galak at napuspos ng Espiritu Santo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

o kaya: Aleluya

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

ALELUYA
Juan 8, 31b-32

Aleluya! Aleluya!
Kapag ang aking salita
sa inyo’y naidambana,
taglay n’yo ang aking diwa.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 14, 7-14

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasa-akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald David Perez May 5, 2023 at 7:52 pm

PAGNINILAY: Matapos ipahayag ng Panginoon ang kanyang sarili bilang Daan, Katotohanan, at Buhay, ipinapahayag niya sa Ebanghelyo ngayon na siya at ang Diyos Ama ay iisa, at ang sinumang nakakita sa kanya ay nakakita na rin sa Ama, sapagkat si Hesukristo ay ang hayag na anyo ng mukha ng Diyos. Ang patotoo ni Hesus ukol sa kanyang sarili, sa kanyang pangangaral at paggawa ng kabutihan ay nagmula sa kalooban ng Nagsugo sa kanya (Diyos Ama), kaya nais niyang sundin ang dakilang kalooban iyon para ipahayag sa atin kung paano nananahan ang isang dakilang presensiya sa ating piling. Ibinilin ni Hesus ang bagay na ito sa Huling Hapunan (ayon sa panunulat ni San Juan) na ating babasahin sa mga pinakahuling linggo ng Panahon ng Muling Pagkabuhay, sapagkat pinaghahandaan natin ang Dakilang Kapistahan ng kanyang Pag-akyat sa Langit. Ang mga diskursong ito ay paalala na kahit wala na siya dito sa lupa, ang kanyang Muling Pagkabuhay ay patunay ng kanyang tagumpay laban sa kamatayan at kasalanan patungo sa pagbabalik sa kanyang tahanan sa langit. At ang paghahari ni Hesus sa Langit ay isang pangakong napaghandaan na niya ng mga lugar sa kanyang tahanan para sa atin.

Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay nagdudulot ng katuparan ng kaligtasan ng Diyos, at ito ang pinakaugat ng ating pananampalataya sa kanya. Ito ang ipinapahayag ng mga Apostol matapos bumaba ang Espiritu Santo sa kanila noong araw ng Pentekostes, at pumili sila ng mga naging alagad nila upang pamunuan ang iba’t ibang pamayanang Kristiyano hindi lang sa Jerusalem, kundi pati na rin sa iba’t ibang lugar ng mundo. Subalit sa kabila ng Pagkabuhay ng Panginoon, naniniwala pa rin ang mga Hudyo sa kasinungalingang ninakawan ang katawan ni Hesus. Kaya nga ang ilang sa kanila sa Unang Pagbasa ngayon ay itinanggi ang mensahe ni San Pablo at San Bernabe, at ipinag-uusig nila ang dalawang iyon. Ngunit sa kabila nito ay nagalak ang mga Hentil sa mensahe tungkol sa ating Panginoong Hesus, at nagalak din sina Pablo at Bernabe na naging matatag ang kanilang pananampalataya at misyon alang-alang sa pagsunod sa halimbawa ni Hesukristo. Ito ang patunay na patuloy na nanahan ang Panginoon sa ating mga piling, lalong-lalo na sa ating mga gawain araw-araw. Kaya nawa’y tunghayan natin ang kaniyang presensiya sa ating piling, upang mas paglingkuran at mahalin natin siya at sa bawat tao.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: