Podcast: Download (Duration: 9:48 — 11.4MB)
Lunes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Hebreo 11, 32-40
Salmo 30, 20. 21. 22. 23. 24
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Marcos 5, 1-20
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Hebreo 11, 32-40
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid, magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para isalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barac, Samson, Jefte, David, Samuel, at sa mga propeta. Dahil sa pananalig nila sa Diyos, nakalupig sila ng mga kaharian, gumawa ng matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Nagpatikom sila ng bunganga ng mga leon, pumatay ng nagngangalit na apoy, at naligtas sa tabak. Sila’y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, anupa’t napaurong ang hukbo ng dayuhan. Dahil sa pananalig sa Diyos, ibinalik sa mga babae ang kanilang mga patay matapos buhaying muli.
May mga tumangging palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. Mayroon namang nilibak at hinagupit, at mayroon ding nabilanggong gapos ng tanikala. Sila’y pinagbabato, nilagari nang pahati, pinatay sa tabak. Mga balat ng tupa at kambing ang dinaramit nila. Sila’y mga nagdarahop, aping-api, at pinagmamalupitan. Hindi marapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa lungga at mga yungib sa lupa.
At dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, isang kasaysayang di-malilimot kailanman ang kanilang iniwan. Ngunit ang pangako ng Diyos ay hindi natupad sa kanilang kapanahunan sapagkat may lalong mabuting panukala ang Diyos para sa atin – ang tayo’y makasama nila kapag tinupad na niya ang kanyang pangako.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 20. 21. 22. 23. 24
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Poon, ang pagpapala mo’y ‘yong ilaan
sa mga anak mong may takot na taglay;
kagilas-gilas malasin ninuman,
ang pagkalinga mo sa mga hinirang
na nangagtiwala sa iyong pagmamahal.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Iyong kinalinga at iningatan mo
laban sa adhika ng masamang tao;
dinala sa ligtas na dakong kublihan,
upang di hamakin ng mga kaaway.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Purihin ang Poon, sa kanyang pag-ibig
na dulot sa akin nang ako’y magipit.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Ako ay natakot, labis na nangamba
sa pag-aakalang itinakwil mo na;
ngunit dininig mo yaong aking taghoy,
nang ako’y humingi sa iyo ng tulong.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
Mahalin ang Poon ng mga hinirang;
ng lahat ng tapat na mga nilalang,
ang tapat sa kanya ay iniingatan,
ngunit ang palalo’y pinarurusahan.
Magpakatatag ang tanang
may tiwala sa Maykapal.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 5, 1-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Hesus sa bangka, siya’y sinalubong ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito’y inaalihan ng masamang espiritu at sa libingan naninirahan. Hindi siya maigapos nang matagal, kahit tanikala ang gamitin. Malimit siyang ipangaw at gapusin ng tanikala, ngunit pinaglalagut-lagot niya ito at pinagbabali-bali ang pangaw. Talagang walang makasupil sa kanya. Araw-gabi’y nagsisisigaw siya sa libingan at sa kaburulan, at sinusugatan ng bato ang kanyang sarili.
Malayo pa’y natanawan na niya si Hesus. Siya’y patakbong lumapit at nagpatirapa sa harapan niya, at sumigaw nang malakas, “Hesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan, alang-alang sa Diyos!” Sinabi niya ito, sapagkat iniutos sa kanya ni Hesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang pangalan mo?” “Pulutong, sapagkat marami kami,” tugon niya. At mahigpit nilang ipinakiusap kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. Nagmakaawa kay Hesus ang masasamang espiritu na ang wika, “Papasukin mo na lang kami sa mga baboy.” At sila’y pinahintulutan niya. Lumabas sa tao ang masasamang espiritu at pumasok nga sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawanlibo, ay sumibad ng takbo tungo sa pampang ng lawa, nahulog sa tubig at nalunod.
Nagtatakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon; kaya’t pumaroon ang mga tao upang tingnan kung ano nga ang nangyari. Paglapit nila kay Hesus ay nakita nila ang lalaking inalihan ng mga demonyo. Nakaupo ito, may damit at matino na ang isip. At sila’y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at ang sinapit ng mga baboy. Kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na umalis sa kanilang lupain.
Nang sumasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip ay sinabi niya, “Umuwi ka at sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong nahabag siya sa iyo.” Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus. At nanggilalas ang lahat ng nakarinig niyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Enero 29, 2023
Martes, Enero 31, 2023 »
{ 7 comments… read them below or add one }
Ayon sa isang talata sa Unang Pagbasa, ang ilan ay tumangging palayain dahil pinili nilang mamatay sa paghihirap upang mabuhay sila muli at magkaroon ng pinakamabuting buhay. Ito ay mas pinalakas at kakaunting sinugatan at mayroon ding mga sirang lubid. Dalawang ulit silang binato at ang mga tabak ay binawian ng buhay. Ang kanila ay mga tupa at ang mga kordero. Ang ilan ay magigipit at mapang-api. Ang mundo ay hindi karapat-dapat sa kanila. Naglalakad sila sa ilang at mga bundok. Nagtago ang iba sa mga yungib ng lupa.
Pagninilay: Isinalaysay ng manunulat ng Sulat sa mga Hebro sa Unang Pagbasa ang dakilang pangako ng Diyos na inihanda ng mga patriarka at bihasang tao ng Lumang Tipan. Dito’y isinasaad ang kanilang pinagdaanan kung paano silang patuloy na naging matapat sa kanilang pananalig sa Panginoon. At sa bandang huli, binibigyang-diin ng manunulat na ang dakilang pangako ay natupad sa kaganapan ng oras nang isugo ng Ama ang kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo. At si Kristo ay patuloy na inaakay tayo tungo sa kabutihan upang balang araw ay makamtan natin ang kaligayan ng buhay na walang hanggan. Si Hesus sa Ebanghelyo ay gumawa ng isang makapangyarihang kababalaghan nang mapalayas niya ang samu’t saring demonyo sa isang lalaki sa bayan ng Gergesa. Sabi daw sa mga ulat na kaya nitong baliin ang mga kadenang nakagapos sa kanya. Tuwing gabi, siya’y naninirahan sa mga yungib. Kaya itong groupo ng mga masasamang espiritu ay malalakas, ngunit nang makita nila si Hesus, natunghayan nila ang kapangyarihan ng Diyos Ama. Hiniling nila na huwag sila’y ipalayas, ngunit ipasapi sa mga 2,000 biik sa nayon. Kaya ganun nga ang nangyari at lumubog ang mga biik sa lawa. Sa sobrang tuwa na siya’y nakasalaya mula sa pagkasanib ng maraming demonyo, nais niyang sundan si Hesus, ngunit ibinilin sa kanya na umuwi at ipahayag ang kadakilaan ng Diyos. Dakila ang Diyos sa ating mga buhay. Hindi niya tayong hahayaang mapahamak ng kasamaan. Ayaw rin niya tayong sumailalim sa tukso ng Diyablo. Kaya dapat tayo’y maging matapat sa kanya sa pagsampalataya sa kanyang katauhan at pagsunod sa kanya mga utos. Nawa’y tunay na umapaw ang mga grasya at patnubay ng Panginoon upang ito’y maipadala sa ibang tao.
Sa panahong tayo ay nakakaisip o nakakagawa ng masama sa ating kapwa, humingi tayo ng tawad sa taong pinagkasalahan natin at humingi din tayo ng patawad at kalakasan mula sa Panginoon na nawa’y hindi na natin ulitin muli ang paggawa ng kasalanan sa ating kapwa. Dapat nating labanan ang mga masasamang gawa at isipan sa bawat sandali na tayo ay natutukso para lang matamo ang ating mga gusto sa ating buhay katulad ng pagkakamit ng mga material na bagay, magkaroon ng mataas na position sa ating trabaho at magkaroon ng maginhawang buhay pero sa maling paraan. Ang mga maling gawain ay ating maiiwasan kung ang lahat ng ating gagawin ay una nating itataas sa Panginoon para pagkalooban niya tayo ng maayos na pagpapasya na huwag gagawa ng mga bagay na hindi naayon sa utos at kagustuhan ng Diyos. Hindi tayo pababayaan ng Diyos sa panahon ng ating kahinaan kung tayo ay nagtitiwala sa Kanyang kapangyarihan.
Panginoon linisin Mo po ako at patawarin sa lahat ng hindi magandang nagawa ko para patuloy na mapasa akin ang kabanal banalang mong Ispiritu at pagpapala. Ipagkaloob mo po na palagi kong hangarin ang gumawa ng mabuti sa aking kapwa sa lahat ng sandali ng buhay ko. Itinataas ko din po sa Inyo ang aking kapatid na si Jaime na nawa’y iwanan na siya ng mga alalahanin at masasamang ispiritu na nagdudulot sa kanya ng mabigat na sakit sa kanyang pag-iisip, maawa po Kayo Panginoon, hipuin Nyo po siya ng Iyong mapagpalang kamay at pagkalooban Mo po siya ng lubusang kagalingan para maging maligaya siya at magkaroon ng kapanatagan sa mga taon na natitira sa kanyang buhay. Amen
Kahit ang mga masasamang espiritu ay nagmakaawa kay Hesus, tayo pa kayang tao ang di dapat magmakaawa? Ang paghingi ng kapatawaran ay sign na kababaang loob. Ipakita natin ang ating kababaang loob sa ating Diyos sa pamamagitan ng pag papatawad sa mga nagkasala sa atin. Hilingin natin kay Hesus at sa ating ama sa langit ang biyaya ng pagpapatawad upang makamit din natin ang kapatawaran sa ating mga kasalanan.
PLEASE LIKE, SHARE AND SUBSCRIBE
https://www.youtube.com/watch?v=8JU4VVru7EA
Ang impossible sa tao ay hindi impossible sa Diyos.
Sa ebanghelyo ngayon ay matutunghayan natin ang isang taong sinapian ng maraming o pulutong ng demonyo. Siya ay nanirahan sa mga kuweba sa tabi ng dagat, at walang gustong lumapit sa kanya. Siya ay isang marahas na tao, sumisigaw araw at gabi, at ang lahat ng mga taong bayan ay natatakot sa kanya. Ngunit nang makita ng taong ito si Jesus sa malayo, isang kamangha-manghang nangyari. inutusan ni Jesus ang maraming demonyo na umalis sa lalaki at pumasok sa isang kawan ng mga dalawang libong baboy. Pinauwi ni Hesus ang lalaki sa kanyang pamilya para ipamalita ng pagpapalaya sa kanya at upang maunawaan at mawala ang kalituhan sa kanilang naging karanasan sa lalaki.
Kung kayang baguhin ni Jesus ang buhay ng taong ito na ganap na sinapian ng isang pulutong na mga demonyo, lahat ay may pag-asang mabago. Kadalasan, lalo na sa loob ng ating mga pamilya at mga kaibigan, may mga taong tinuldukan na natin na wala ng pag-asang mabago ang isang tao. May mga naligaw ng landas na tila wala nang pag-asa. Ngunit ang isang bagay na sinasabi sa atin ng ebanghelyo ay kailanma’y hindi mawawala ang pag-asa sa sinuman—hanggat kasama natin ang Diyos, may pag-asa.
Reflect, today, upon anyone in your life whom you have written off. Perhaps they have hurt you over and over. Or perhaps they have chosen a life of grave sin. Look at that person in the light of this Gospel and know that there is always hope. Be open to God acting through you in a profound and powerful way so that even the most seemingly irredeemable person you know will be given hope through you.
Aking makapangyarihang Panginoon, iniaalay ko sa Iyo, sa araw na ito, ang taong aking naaalala na higit na nangangailangan ng Iyong pagliligtas na biyaya. Nawa’y hindi ako mawalan ng pag-asa sa Iyong kakayahan na baguhin ang kanilang buhay, patawarin ang kanilang mga kasalanan at ibalik sila sa Iyo. Gamitin mo ako, mahal na Panginoon, upang maging instrumento ng Iyong awa, upang makilala ka nila at maranasan ang kalayaang labis mong ninanais na kanilang natatanggap. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Mapalad ang umaasa at nanalig sa PANGINOON
Praise to you Lord Jesus Christ, maraming salamat sa iyong mga salita na ng papalakas ng aking buhay, sa ano mang hamon ng buhay sa araw araw??