Sabado, Enero 28, 2023

January 28, 2023

Paggunita kay Santo Tomas de Aquino,
pari at pantas ng Simbahan

Hebreo 11, 1-2. 8-19
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

Marcos 4, 35-41


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Thomas Aquinas, Priest and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Hebreo 11, 1-2. 8-19

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. At kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya.

Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon. Dahil din sa kanyang pananalig, siya’y naninirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya ng Diyos. Tumira siya sa mga tolda, kasama nina Isaac at Jacob na kapwa tumanggap ng gayon ding pangako mula sa Diyos, habang hinihintay niyang maitatag ang lungsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.

Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak, sapagkat nanalig siya na tapat ang pangako. Kaya’t sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.

Silang lahat ay namatay na may pananalig sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinilala nilang sila’y dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. Ipinakikilala ng mga taong nagsasalita nang gayun na naghahanap pa sila ng sariling bayan. Kung ang naaalaala nila’y ang lupaing pinanggalingan nila, may pagkakataon pang makabalik sila roon. Ngunit ang hinahangad nila’y isang lungsod na lalong mabuti, yaong nasa langit. Kaya’t hindi ikinahiya ng Diyos na siya’y maging Diyos nila, sapagkat ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.

At nang subukin ng Diyos si Abraham, pananalig din ang nag-udyok sa kanya na ihandog si Isaac bilang hain sa Diyos. Handa niyang ihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniniwala siyang muling mabubuhay ng Diyos si Isaac, At sa patalinhagang pangungusap, nabalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

Nagpadala ang Diyos sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
Mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una.

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

Na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
na ililigtas tayo sa ating mga kaaway,
upang walang takot na makasamba sa kanya,
at maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay.

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

ALELUYA
Juan 3, 16

Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan kaya’t
Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 4, 35-41

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez January 27, 2021 at 10:56 am

PAGNINILAY: Kay laki ang kadakilaan ng ating Panginoong Diyos na nais niyang marapatin natin ang kanyang kabutihan. At ang kanyang kadakilaan at kabutihan ay makikita sa ating pananampalataya sa kanya. Ang Unang Pagbasa ay nagpapahayag kung paano tayong biniyayayaan ng Diyos ng pananampalataya upang maniwala at sumailalim sa anumang plano na makakabuti para sa lahat. At narinig natin ang ehemplo ni Abraham, ang ating ninuno sa pananampalataya, kung paano siya naging masunurin sa kalooban ng Diyos, at biniyayaaan ng maraming lahi. Ganun din ang asawa nitong si Sara, na kahit matanda na siya at matagal nang hindi nanganganak ay biniyayaan pa rin ng isang sanggol na si Isaac. At kahit masakit sa intensyon ni Abraham na ialay ang kanyang anak sa Moria bilang isang handog, pinigilan siya ng anghel na may kasiguraduhan mula sa Panginoon na ang pagsubok nito ng kanyang pananampalataya ay isang daan tungo sa pagpapala ng kanyang mga salinlahi. Dahil sa pananampalataya nina Abraham at Sara, naging matatag ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos na kung tayo’y magtitiwala sa kanya at magiging masunurin sa kanyang kalooban, patuloy tayong pagpapalain sa totoong lakaran ng buhay ng bawat isa.

Ang Ebanghelyo ay tumutukoy sa Paghihinahon ni Hesus sa dagat at mga alon. Inimbitihan niya ang mga Apostol na maglakbay sila sa ibayo ng Lawa ng Galilea. At habang sila’y lumalayag ay biglang dumating ang isang malalakas na bagyo. Iniihip ito ng hangin at humahampas ng tubig sa punto na malulunod na ang bangka. Natakot ang mga alagad at ginising nila si Hesus. Dito ay ipinamalas ni Kristo ang kanyang kapangyarihang ipahinahon ng dagat at mga alon. Nagtaka siya sa maliit na pananampalataya kanyang mga tagasunod, at ang mga Apostol naman ay namangha sa kanyang ginawa. Tunay na napakadakila ang Panginoon na mas higit ang pananampalataya ng tao kaysa sa mga bagyo ng buhay. Ang hamon sa atin ay maging mahinahon at kumapit lang sa kanya nang may pagtitiis at pananalig upang malampasin natin ang lahat ng pinagdaraanan nating mga problema at sakit.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: