Linggo, Enero 15, 2023

January 15, 2023

Kapistahan ng Panginoong Hesus,
Ang Banal na Sanggol (A)

Isaias 9, 1-6
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Efeso 1, 3-6. 15-18
Mateo 18, 1-5. 10


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of the Sto. Niño (White)
Holy Childhood Day (Sancta Infantia)
Week of Prayer for Christian Unity

UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.
Ibinigay ang isang anak sa atin
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
upang matatag ito at papanatilihin
sa katarungan at katwiran
ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Kahit saa’y namamalas,
tagumpay ng Nagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.

Kahit saa’y namamalas,
tagumpay ng Nagliligtas.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 3-6. 15-18

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid:
Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!

Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Hesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang, walang humpay ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Inaalaala ko kayo sa aking pananalangin, at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 1, 14. 12

Aleluya! Aleluya!
Naging tao ang Salita,
upang tanang maniwala
ay kanyang gawing dakila.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 18, 1-5. 10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap. Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 12, 2020 at 3:00 pm

PAGNINILAY: Ang Simbahan sa buong mundo ay ipinagdiriwang ngayon ang Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon. Samantala dito sa Pilipinas, isang malaking biyayang ating ipinagdiriwang dahil ika-18 siglo, inaprobahan ng Vatikano ang ating debosyon sa Banal na Sanggol, ang Senyor Santo Nino, at ang Kapistahan nito tuwing Ikatlong Linggo ng Enero. Dalawang mahalagang bagay ang nais iparating sa atin ng Kapistahan ng Santo Nino:
1.) ANG PAGTANGGAP AT PAG-AANIB SA PANANAMPALATAYA. Malaking biyayang ating tutunghayan sa taong 2021 sa pagdiriwang ng Ika-500 Anibersaryo ng Kristiyanismo sa ating bansa. Taong 1521, dumating si Fernando Magallenes, isang Portuges na manlalakbay, sa ating bansa. Kasama niya ay ang Padre Pedro de Valderrama at Antonio Pigafetta. Ipinagkaloob niya kay Reyna Humaymay ang isang imahe ng Ninong Hesus at kay Raja Humabaon ang isang imahe ng Santo Cristo. Kaya tinanggap ng mga katutubo ang pananampalatayang Kristiyano. Itininanim ang krus, bininyagan ang mga tao, at idinaos ang Unang Misa sa Pilipinas. Pagkamatay ni Magallanes at pagbalik ng kanilang mga kasama, 44 taong nakapalipas at dumating ang grupo ng mga manlalakbay na si Miguel Lopez de Legazpi. Pero n’ung panahong iyon, nagkaroon ng digmaan at pag-aalitan dahil nasira ang mapayapang kolonisasyon, at maraming bahay sa Cebu ay nasunugan. Pero isang Juan Camus ay natagpuan ang Santo Ninong ibinigay ni Magallanes kay Juana. Kayumanggi ang mukha nito sapagkat ito’y nasunugan, subalit nakaligtas ang imahe sa pagkawasak. Ito ang pinakamatandang imahe dito sa Pilipinas, at matatagpuan ito sa Basilika Minore del Santo Nino, ang ina ng mga simbahan sa ating bansa. At laganap ang debosyong ito sa bansa, kaya inaprobahan ito ni Papa Inocencio XIII at ang Kapistahang ito tuwing ikatlong Linggo ng Enero. Ganyan ang turo ni San Pablo sa mga taga-Efeso na dahil sa Panginoong Hesukristo, minarapat tayong tawaging bilang mga anak ng Diyos Ama kahit tumanda pa tayo man sa pag-angkin natin sa pananampalatayng ito.
2.) ANG MISTERYO NG PAGIGING BATA. 500 BCE, ipinahayag ni Propeta Isaias na isang Sanggol ay magiging liwanag sa mga ninirahan sa kadiliman at ang Prinspie ng Kapayapaan sa buong mundo. Ito ay natupad sa katauhan ng ating Panginoong Hesukristo. Bagamat siya ay Diyos, nagkatawang-tao siya at natuto sa ordinaryong buhay ng tao. Naging bahagi siya ng isang pamilya kasama sina Birheng Maria at San Jose, pero higit sa lahat, siya’y naging masunurin sa kalooban ng Diyos Ama. Dahil sa pagiging magpakumbaba niya, naging masunurin siya hanggang sa kanyang Pagkamatay sa Krus upang matubos tayo mula sa kasalanan. At siya’y dinakala ng Diyos bilang Panginoon at Hari ng ating buhay. Tinuturo niya sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagiging katulad ng isang bata. Sa Ingles, hindi ito “childish”, kundi “childlike”. Ganito rin ang pagtanggap ng indibidwal sa Kaharian ng langit katulad ng isang bata. Noong lumang panahon, ang mga bata ay minamalit ng lipunan sapagkat tinitingan sila bilang walang halaga. Pero ang nakita ni Hesus na mga katangian ng mga ito na dapat nating bigyang kahulugan: pagiging magpakumbaba, masunurin, at matulungin, lalung-lalo na sa mga nakakatanda. Araw-araw nating ipinagmamalaki ang mga tinanggap na biyaya sa paaralan, trabaho, pamilya, atbp. Lalung-lalo na sa mga nakatapos ng pag-aaral, ipinagmamalaki natin ang ating mga trabaho at kung anong posisyon kabilang tayo. Pero sa kabila ng ating mga tagumpay at nakamit na istado/posisyon, nawa’y tularan natin ang halimbawa ng Banal na Sanggol si Hesus, ang Senyor Santo Nino, sa pagiging magpakumbaba, masunurin, at matulungin sa bawat oras at pagkakataon ng ating buhay. Nawa’y mula sa mga tinanggap na biyaya, magagamit natin ang mga ito upang iangat ang mga ibang tao sa mahirap at abang lipunan.

Reply

ruel arcega January 11, 2023 at 8:01 am

Ngayon and Kapistahan ng Poon Sto. Nino, katatapos lng natin ipagdiwang ang kapistahan ng Poon Nazareno, isang paglalarawan na si Hesus ay may pasan ng Krus. isang napakalalim na debosiyon ng mga katolikong pilipino. Ngayon naman ay isa rin lumang debosiyon natin kay Hesus , isang larawan ng si Hesus ay bata, kay Nino ibat ibang pagsasalaraawan na batang nino Jesus, Ngunit ito’y nagpapahiwatig sa isang paraan upang maging dakila sa Ama, ang maging anak ng Diyos na masunurin. Dahil ito ang isang paraan ng pagiging dakila sa harap ng Ama. Ang paayaya sa atin na magpapakakababa, dahil tayo ay dadakilain ng Ama at itataas tayo. dahil tayo ay sumusunod sa kalooba ng Ama. At yung nagpapakataas, na hinidi sumusunod sa kalooban ng Ama, ay ibaba ng Diyos ay hindi nagiging dakila sa Ama. Kaya’t ang debosiyon natin sa Poon Nino ay hindi lang nabibigay sa atin ng pagpapala na dumarating higit tayo’y pagpapalain sa kabilang buhay kung tayo ay magpapakababa. Ang debosiyon ay papaanyaya na pagpapalalim ng ating pananamplataya para tayo ay lubos na kapagbalik-loob sa Diyos at tumulad sa isang batang masunurin,
Viva Sto Nino.

Reply

DAISY R. CAMANGAN January 14, 2023 at 12:09 pm

As a lector this is very useful wavesite , anytime i have a latest copy of sambuhay.
thank you and God bless to all

Reply

Ma. Luisa L. Belardo January 14, 2023 at 6:18 pm

As a lector, this is also very useful to me. Thank you so much.

Reply

Cha Duncil January 15, 2023 at 8:05 am

Viva Pit Señor!

Reply

Rosalinda m. Jubilado January 15, 2023 at 11:14 am

isang QUALITY ang tumitimo sa aking puso at laging nagpapaalala sa akin sa tulong at gabay ng Banal na Espiritu Santo ay ang humility and obedience ng ating Panginoong Hesukristo sa Kanyang Ama na ating Ama. Kung Siya ay Diyos at Taong totoo ay naging masunurin sa ating Amang Yahweh dapat tayo rin. tularan natin si Jesus. Kaya nga para makadesisyon tayo ng ayon sa kalooban ng ating Ama- lagi nating tanungin ang ating sarili ng ganito…. KUNG SI JESUS ANG NASA KALAGAYAN KO ANO ANG GAGAWIN NIBJESUS ? …Tiyak ang magagawa natin ay kalooban ng Diyos because GOD IS LOVE.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: