Sabado, Hulyo 9, 2022

July 9, 2022

Play

Sabado ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Agustin Zhao Rong, pari at martir, at mga Kasama, mga martir
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Isaias 6, 1-8
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Mateo 10, 24-33


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Augustine Zhao Rong, Priest, and Companions, Martyrs (Red)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 6, 1-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nang taong mamatay si Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon. Nakaupo siya sa isang napakataas na luklukan. Ang laylayan ng kanyang damit ay nakalatag sa buong Templo. May mga Serapin sa kanyang ulunan, at bawat isa’y may anim na pakpak. Dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa buong katawan, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. Wala silang tigil nang kasasabi sa isa’t isa ng ganito:

“Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan;
Ang kanyang kaningninga’y laganap sa sanlibutan.”

Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang pundasyon ng templo at ang loob nito’y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako’y isang makasalanang nakakita sa Panginoon, ang Makapangyarihang Hari.”

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na patungo sa akin. Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi, “Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo.” Narinig ko ang tinig ng Panginoon, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Sumagot ako, “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan
kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una.
Bago pa ang ano pa man, likas ika’y naroon na.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

ALELUYA
1 Pedro 4, 14

Aleluya! Aleluya!
Hirap kaisa ni Kristo
ay kapalarang totoo,
kaloob ng Espiritu.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 24-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Walang alagad na higit kaysa kanyang guro, at walang aliping higit sa kanyang panginoon. Masiyahan ang alagad na matulad sa kanyang guro, at ang alipin na matulad sa kanyang panginoon. Kung ang puno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo na nilang aalimurahin ang kanyang mga kasambahay!

“Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.

“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa kain sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin. Comments are published instantly.

{ 5 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste May 27, 2022 at 9:31 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald David Perez July 6, 2022 at 1:38 am

PAGNINILAY: Tatlong beses sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo na “Huwag kayong matakot.” Ito’y hindi lang pagdidiin, kundi isang paninigurado na hindi dapat sila matakot. Ang konteksto ng Ebanghelyo ngayon ay ang pagususgo ng Panginoon sa kanyang 12 Apostol sa mga nayon at bayan ng Israel upang ipangaral ang Mabuting Balita ng Paghahari ng Diyos at gumawa ng mga kababalaghan. At alam ni Hesus na may mga taong hindi tatanggap sa kanyang mga alagad. Kaya una niyang binilin sa kanila na ipagpag nila ang alikabok sa kanilang mga paa bilang patotoo para sa kanya. Ngayon ay nagbigay ng babala si Kristo tungkol sa banta ng tao laban sa mga saksi ng Mabuting Balita ng Diyos. Alam din niya na sa hantungan ng kanyang buhay, mararansan niya ang mga pang-uusig, pag-aalipusta, paguyuyurakan, at pag-iinsulto nang haharapin niya ang kanyang Pagpapakasakit. At batid rin ni Hesus na bagamat siya ay babalik sa Ama nating Diyos sa langit at isusugo niya ang kanyang mga Apostol at alagad upang ipagpatuloy ang misyon, sila rin ay hindi tatanggapin ng ibang tao at minsan nga ay kukutyain sila. Subalit pinapatibay ni Kristo ang kanilang katauhan sa pamamagitan ng pananamapalataya. Kaya hindi sila dapat matakot o mangamba, sapagkat kapiling nila ang Panginoon. Kaya pala sa buong Kasulatan, ang katagang “Huwag kayong matakot” ay inuulit ng 365 beses. At dahil alam natin na mayroong 365 araw sa 1 taon, parang araw-araw sinasabi sa atin ng Panginoon na huwag tayong mangamba. Pagkagising natin sa umaga, iyan ay isang pang-araw-araw na biyaya mula sa kanya, na binibigyan tayo ng panibagong simula upang sa lahat ng ating gawain, mapaginhawa man o mapahirap, kapiling natin siya. At ang mahalaga ay patuloy tayo sa pagiging saksi niya sa pagpapalaganap ng pagmamahal at kabutihan sa bawat isa.

Reply

Daisy Esplana July 9, 2022 at 6:56 am

Pinupuri ka namin Panginoon Hesuskristo!

Reply

Celine loveko July 10, 2022 at 1:45 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALELLUIA!

Reply

Francisco Azupardo July 10, 2022 at 11:45 am

Salamat sa Diyos. Amen. Aleluya

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: