Huwebes, Enero 27, 2022

January 27, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Manalangin tayo sa Diyos, Ama ng liwanag, upang maging tapat tayo sa ating bokasyon na maging ilaw ng sanlibutan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng kabutihan, liwanagan Mo kami.

Ang ating Simbahan, ang Bayan ng Diyos, nawa’y maging dakilang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman ng ating mundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng daigdig nawa’y magbigay ng sinag ng pag-asa sa buhay ng mga naghihikahos at nangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y maging tulad ng ilawan sa tuktok ng bundok upang maging gabay ng mga taong naglalakbay dito sa lupa patungo sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit, mga matatanda, at mga napapabayaan nawa’y hindi mawalan ng pag-asa sa pamamagitan ng liwanag na ipinakikita ng mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumao nawa’y tanglawan ng walang hanggang liwanag, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, bigyan mo kami ng bagong kamulatan at lakas upang maitalaga namin ang aming sarili sa paglilingkod sa aming mga kapatid upang ang liwanag mo ang tumanglaw sa lahat. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 22, 2022 at 4:01 pm

PAGNINILAY: Tunay na matapat ang Diyos sa kanyang pangako sa atin. Ito ang katapatang ipinamalas niya kay Haring David sa Unang Pagbasa, nang dahil sa pagiging masunurin at matapat ng hari sa Panginoon, ipinangako sa kanya ang isang lipi na sisibol upang maghari magpakailanman. Bagamat nais ni David na gumawa ng tahanan para sa Kaban ng Tipan, na alam natin itinuloy at tinapos ng kanyang anak na si Solomon, ang tunay na pangako ng Diyos ay hindi pa rin kumupas. Kaya’t narinig natin ang awit-panalangin ni Haring David ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos sa pananatili ng dakilang katapatan sa mga dakilang pangako para sa Sambayanan. Kahit alam nating nagwakas ang dinastiya ni David noong nawasak ang Jerusalem sa paglusob ng mga Babilonia, hindi natinag ang pangakong kaligtasan para sa sanlibutan. Kaya nga ang Mesiyas ay siyang sinasabing mula sa lipi ni Haring David, at mula kay David ay dumating ang ating Panginoong Hesukristo. Si Kristo na Anak ng Diyos ay inilarawan ni San Gabriel Arkanghel kay Birheng Maria ay siyang tagapagmana ng kaharian ni David, sapagkat ang kanyang paghahari ay mamamalagi magpakailanman.

Ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, isa sa mga 7 pahayag ni Hesus tungkol sa kanyang sarili ay ang “Ilaw ng Sanlibutan”. Ito ay patotoo ni Hesus na ang sinumang sumusunod sa kanya ay hindi malilibot ng kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay. At sabi nga sa simula ng Ebanghelyo ni Juan na ang liwanag ay ang Salitang nagkatawang-tao, na siyang tumutukoy sa ating Panginoong Hesukristo.

Ngayong araw na ito, narinig natin sa Ebanghelyo ang isang parabula ni Hesus tungkol sa ilaw na hindi dapat natatago kapag ito’y sinisindi. Sabi ng Panginoon na wala sinumang tao ang magtataklob ng ilaw sa isang banga o kaya maglalagay nito sa ilalim ng higaan. Sa halip ang tao ay ilalagay ang ilaw sa isang patungan upang ito’y makita ng ibang tao. Dito inihantulad ni Hesus ang buhay ng bawat tao na kailangang makita ng ibang tao ang dala nating ilaw. Ito ay maihahantulad natin sa kanyang pahayag sa Panganagaral sa Bundok noong sinabi niya na ang bawat mabuting gawain natin ay dapat ikinaluluwalhati ng ating Poong Diyos (Cf. Mateo 5:16).

Ibig sabihin nito’y kailangan dala natin ang ilaw ng Panginoon tuwing tayo’y gagawa ng mabuti, at wala tayong tinatago na maitim na balak laban sa ating kapwa. Kaya kung tayo ay namumuhay sa liwanag ng Panginoon, nawa’y patuloy tayo lumakad sa landas ng kabutihan upang sundan natin ang Ilaw ng Sanlibutan tungo sa buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Hayaan natin na ang bawat kabutihan at katuwiran na araw-araw nating ginagawa ay makapagdulot ng mabuting asal sa ibang tao upang makilala pa nila ang Diyos sa kanilang buhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 27, 2022 at 9:14 am

Maaring isipin ng makakabasa ng ebanghelyo ngayon na kapag sya ay mahirap ay lalo pa syang magiging mahirap. At kung sya nman ay mayaman ay lalo pa syang yayaman.

Ang sinasabi ng ebanghelyo ay ang resulta ng iyong pagkatao o kung ano ang iyong asal dito sa lupa. Kung ikaw ay mahirap ngayon at patuloy pa din sa pagawa ng masama ay lalo ka pa paghihirapin. Subalit kung ikaw ay mahirap ngayon at nagbago, nagsisi, humingi ng kapatawaran at tinalikuran ang pagawa ng masama ay kakamtin mo ang walang hanggang biyaya

Kung ikaw nman ay mayaman sa ngayon subalit patuloy ang pagawa ng masama ay kayang kunin sa iyo lahat iyan ng Panginoon, sa isang iglap lamang ay kayang baliktarin ng Diyos ang iyong komportableng pamumuhay. Pero kung ikaw aya mayaman sa ngayon at patuloy ang magandang ugali katulad ng pagtulong sa mga nangangailangan, hindi nangmamaliit ng tao, mapagkumbaba at maka Diyos ay lalo ka pang uulanin ng biyaya galing sa Panginoon.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: