Podcast: Download (Duration: 5:38 — 4.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Lunes
Pagkatapos mapagtagumpayan ni Jesus ang mundo, isinugo niya ang Espiritu upang tulungan tayo sa mga hinaharap nating pagsubok at sa ating misyon na magpatotoo sa kanya. Manalangin tayo upang pagkalooban tayo ng lakas at hilingin ang kanyang tulong sa ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, loobin mong makasalo kami sa iyong tagumpay.
Ang mga inuusig nawa’y magkaroon ng lakas ng loob na manindigan sa kanilang paniniwala, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga natutukso nawa’y mapaglabanan ang kanilang kahinaan sa pamamagitan ng biyaya ng Banal na Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nag-aalay kay Kristo ng kanilang gawain, propesyon, at negosyo nawa’y makatanggap ng lakas sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa Kristiyanong paraan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makaranas ng nakapagpapagaling na haplos ng Banal na Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y magtamasa ng maningning na bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, magagawa mo ang lahat ng bagay. Marapatin mong gamitin namin ang iyong kapangyarihan sa lahat ng aming ginagawa para sa iyong ikaluluwalhati. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Mayo 16, 2021
Martes, Mayo 18, 2021 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong natapos na natin kahapon ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit, tayo naman ay naghahanda para sa katapusan ng Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay sa darating ng Linggo: ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes. Katulad ng mga Apostol at ni Birheng Maria dumalangin habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu Santo, ang Simbahan din ay nananalangin din para sa kapistahan bilang pagpaparangal ng Espiritu Santo.
Ang ating Ebanghelyo ngayon ay ang patotoo ng mga Apostol na naunaawaan na nila ang mga pahayag ni Hesus tungkol sa kanyang pagkakakinlanlan at ang relasyon niya sa Diyos Ama. At sinasabi rin nila na tuwiran na ang pahayag ng Panginoon, at hindi na patalinghaga. Ngunit sinabi sa kanila ni Hesus na magkakawatak-watak sila at magkakanya-kanya, at magkakaroon ng matinding kalungkutan at kapighatian. Kung baga parang may orakulo si Kristo tungkol sa mga masasamang pangyayari na magaganap sa Simbahan. At sa kasaysayan, may mga magaganda at masasamang pangyayari na gumanap sa pagitan ng mga kaparian at laiko. At nagkaroon nga ng pagkawatak-watak dahil sa ‘di pagkaunawaan ng mga tao. Ngunit sa kabila ng mga iyan, patuloy na nagiging malakas ang ating Simbahan sa pagharap ng mga pagsubok. Natutupad palagi ang pangako ni Hesus na hindi kailanman mananaig ng anumang kapangyarihan ng kadiliman laban sa Simbahang kanyang iniingatan at inaalagaan. At ang kanyang misyon ay ipinapatuloy ng mga Apostol nang buong lakas at katapatan.
Narinig natin si San Pablo sa Unang Pagbasa kung paano niyang ipinangaral ang Mabuting Balita sa mga taga-Corintong nakatira sa bulubundukin. Dahil sa mga pahayag ng Apostol tungkol sa binyag ng Espiritu Santo, sila’y sumampalataya sa Panginoon at natanggap ang biyaya ng Espiritu Santo. Ito’y patunay na tagumpay pa rin ang Diyos ng pag-ibig dahil patuloy na umiiral ang pag-ibig sa bawat taong tumatanggap nito. Sabi nga ni Hesus sa kahuli-hulian ng Ebanghelyo: “Mayroon kayong kapighatian dito sa sanlibutan; ngunit laksan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan” (ber. 33). Kaya ang Muling Pagkabuhay ay tanda ng tagumpay dahil nanaig ang buhay laban sa kamatayan at kasalanan. Mayroon tayong pag-asa at panigurado na mamuhay nang matapat upang maging mga mapagmahal na saksi ng Panginoon.
Sa isang mundong nalulong sa pagkawatak-watak, pagkasira, at nawalan ng pagsasaayos, tayo ngayon ay magdala ng paghilom at lakas upang palaging magtagumpay ang Diyos sa kanyang mga magagandang plano para sa lahat.
Maraming salamat po. Pagpalain kayo ng Poong Maykapal.
Lord, we sincerely thank You, praise You
and love You very much po. You are our
everything. You are our only hope.
You are our life.
Dumating na ang takdang panahon. Kadalasan ay pinahihinog muna ang prutas bago kainin. Sinasanay muna ang mga tao upang maging dalubhasa. Ngayon ang mga apostoles naman ang magpapatuloy sa ginawa ng ating Panginong Hesus, ang ipangaral ang kaharian ng Diyos. Mahirap na masaya ang gawaing ito. Masaya dahil kaisa ka ni Kristo sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos. Mahirap dahil nakataya na dito ang kanilang buhay, maaaring masaktan o mapahamak. Gayon din naman, may gantimpala silang tatanggapin sa kaharian ng Diyos.
Kapag nananalangin tayo, bukod sa pagpasalamat, paghingi ng tawad, at kahilingan dapat din nating isama sa pagdadasal na nawa ay tayo ay maging handa sa pagsubok at kapighatian. Dasalin natin na kung ano man ang ibigay mo Hesus ngayong araw na ito tulad ng bad news, kahihiyan, pagkatalo, kawalan ng pera, trahedya, sakuna at kung anu ano pa ay tinatanggap namin. Basta manalig lamang tayo sa Panginoon at sundin ang loob nya hindi tayo mapapahamak at mapagtatagumpayan natin ang dagok na iyon. Wag kang mabalisa. Sabi nga ni Padre Pio ay “Pray, Hope and dont Worry.