Podcast: Download (Duration: 7:57 — 5.6MB)
Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat (B)
Mga Gawa 1, 1-11
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
Efeso 1, 17-23
Marcos 16, 15-20
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Solemnity of the Ascension of the Lord (White)
Catholic Communication’s Sunday
World Communications Day
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 1, 1-11
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Mahal na Teofilo:
Isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya’y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, tinagubilinan niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga apostol na kayong hinirang. Pagkatapos ng kanyang pagbabata, maraming ulit siyang napakita sa kanila. Sa gayon, napatunayang siya’y buhay. Napakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagturo tungkol sa paghahari ng Diyos. At samantalang siya’y kasama-sama pa nila, kanyang tinagubilinan sila: “Huwag muna kayang aalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo roon ang ipinangangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Nagbinyag nga sa tubig si Juan, ngunit di na magtatagal at bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.”
Kaya’t nang magkasama-sama si Hesus at ang mga alagad, nagtanong ang mga ito, “Panginoon, itatatag na ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot siya, “Ang mga panahon at sandali ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi nito, siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya; at natakpan siya ng ulap.
Habang sila’y nakatitig sa langit, dalawang lalaking nakaputi ang biglang tumayo sa tabi nila. “Mga taga-Galilea,” sabi nila, “Bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
o kaya: Aleluya!
Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa!
Bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
Siya’y naghahari sa sangkatauhan.
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,
hatid ng tambuling malakas ang tunog;
masayang sigawan ang ipinansuob.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya’y papurihan!
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ng mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 17-23
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang, at ang walang hanggang kapangyarihan niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Kristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos. Kaya’t nasa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan. Higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan, hindi lamang sa panahong ito kundi pati sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng bagay, at siya ang ginawang ulo ng Simbahan. Ito ang katawan ni Kristo, ang kapuspusan niya na pumuspuspos sa lahat-lahat.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 28. 19a. 20b
Aleluya! Aleluya!
Humayo’t magturo kayo
palaging kasama ako
hanggang sa wakas ng mundo.
MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-20
Ang wakas ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon: Napakita si Hesus sa Labing-isa alagad at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumampalataya at mabinyagan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”
Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Mayo 15, 2021
Lunes, Mayo 17, 2021 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ngayong Linggo ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon. Ang itinuturing na Ika-2 Misteryo ng Luwalhati sa Santo Rosaryo ay naganap 40 araw matapos ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Makikita natin sa panunulat ni San Lucas sa Unang Pagbasa na matapos muling mabuhay si Hesus at magpakita sa kanyang mga alagad ay nagpakilala siya at gumawa ng mga iilang kababalaghan sa loob ng 40 araw. Mula sa Ebanghelyo ayon kay San Marcos, isinugo ni Hesus ang kanyang mga alagad na humayo at ipahayag ang Mabuting Balita sa bawat tao, upang ang lahat na sumasampalataya ay mailigtas sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag at Sakramento ng Pakikipagkasundo. At sila’y inatasan rin na gumawa ng mga kababalaghan sa kanyang pangalan, at ngayon ay nakikita ng tao sa pamamagitan ng mga Sakramento. Makikita natin dito na kahit patapos na ang kanyang misyon sa lupa, patuloy pa rin ang misyong ito upang ipalaganap sa buong mundo. Kaya ito ang pagkakataong isusugo niya ang mga Apostol upang ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa mula Jerusalem hanggang sa Palestina at Israel. At aabot din ang mensahe ng Diyos hanggang sa pinakahuling dako ng mundo.
Ngayong Kapistahan ng Pag-akyat ay tinatawag ding Pandaigdigang Araw ng mga Komunikasyon. Ipinapanalangin ng Simbahan na ang bawat larangan ng media ay maging tapat sa pamamahayag ng totoong balita, at hindi magkalat ng “fake news” upang manira ng kapwa tao. Sa kabila ng mga balita ng kaguluhan, karahasan, kalungkutan, at hidwaan, patuloy pa rin ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita. At kahit anumang mangyari sa ating buhay, magiging totoo ang pangako ni Hesus na sasamahan niya tayo hanggang sa katapusan ng panahon. Kaya ang kanyang maluwalhating pag-akyat ay tanda na gaya ng pagpunta ng Ulo patungo sa kanyang Kaharian, ang Katawang kumatawan sa atin ay susunod sa kanya upang makamtan ang lugar na pinaghandaan niya sa atin.
Kaya nawa’y magkaroon tayo ng pag-asa na makakamit natin balang araw ang buhay na walang hanggan sa patuloy na pagiging saksi ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa ating ebanghelyo ngayon sinabi ni Hesus “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita“
Alam ba ninyo na lahat tayo ay “pari”. Kung may pagkakataon ka sa iyong mga kausap ay isingit mo anh iyong mga nabasa o narinig sa misa. Kung ang kalakaran ngayon ay ang teknolohiya, gumamit ka mg social media. Sa bawat pagkakaton na ikaw ay kailangan magpayo, gamitin mo ang mga natutunan sa ebanghelyo. Gamitin mo ang mabuting balita sa pang araw araw na gagawin iisipin at sasabihin. Kung ikaw nman ay nagbalik loob sa Panginoon at tumanggap ng gantimpala, magpatotoo ka para kay Hesus. Hindi sapat na ikaw at magpakabuti, tungkulin din nating magpalaganap ng salita ng Diyos ng sa gayon kahit tayo ay tao lamang ay nakapagligtas tayo ng kaluluwa na maaaring masunog sa impyerno. Maging mabuting pastol, tumulong tayo sa paghahanap ng tupang naligaw ng landas.