Linggo, Mayo 16, 2021

May 16, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon (B)
Patnubay sa Misa

Manalangin tayo sa Diyos na lumakas ang ating pananalig kay Kristong maluwalhating nakaluklok sa kanan ng Ama. Hingin nating maging mga mabisa tayong tagapangaral ng Mabuting Balita. Ang ating sasambitin ay:

Amang nagluklok kay Hesus sa kaluwalhatian, dinggin Mo kami!

Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang maging masigasig sila sa pagpapatotoong si Hesus ay muling nabuhay at ngayo’y maluwalhating nakaluklok sa kanan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa lahat ng mga Kristiyano sa ating kapuluan, upang sa taong ito ng paggunita sa ika-500 taon ng pagdating ng Pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas ay tumingala sila sa langit at mapuspos ng Espiritu ng tapang at sigasig, manalangin tayo sa Panginoon! B.

Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang matanto nilang ang kanilang talagang tungkulin ay ihanda ang ating mga kababayan para manahan sa langit na ating tunay na tahanan, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga taong nagtalaga ng sarili sa pamamahayag ng katotohanan sa radyo, telebisyon, at limbagan, upang kasihan sila ng Espiritu ng katotohanang siyang magpapalaya sa sangkatauhan, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nagkakatipon sa pagdiriwang na ito, upang sa bisa ng Salita ng Diyos at ng Banal na Eukaristiya ay mapuspos tayo ng Espiritung Banal na isusugo ni Kristo at tunay na magpatotoo sa kanya sa lahat ng dako ng daigdig, manalangin tayo sa Panginoon!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.)Manalangin tayo!

Ama naming nagluklok kay Hesus sa tugatog ng tagumpay at kaluwalhatian, isugo Mo sa amin ang Espiritu ng karunungan at tunay na pagkakilala kay Kristo at nang maikalat namin ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa sandaigdigan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng Iyong maluwalhating Anak na si Hesukristong aming Panginoon.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 6, 2021 at 10:03 am

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ngayong Linggo ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon. Ang itinuturing na Ika-2 Misteryo ng Luwalhati sa Santo Rosaryo ay naganap 40 araw matapos ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Makikita natin sa panunulat ni San Lucas sa Unang Pagbasa na matapos muling mabuhay si Hesus at magpakita sa kanyang mga alagad ay nagpakilala siya at gumawa ng mga iilang kababalaghan sa loob ng 40 araw. Mula sa Ebanghelyo ayon kay San Marcos, isinugo ni Hesus ang kanyang mga alagad na humayo at ipahayag ang Mabuting Balita sa bawat tao, upang ang lahat na sumasampalataya ay mailigtas sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag at Sakramento ng Pakikipagkasundo. At sila’y inatasan rin na gumawa ng mga kababalaghan sa kanyang pangalan, at ngayon ay nakikita ng tao sa pamamagitan ng mga Sakramento. Makikita natin dito na kahit patapos na ang kanyang misyon sa lupa, patuloy pa rin ang misyong ito upang ipalaganap sa buong mundo. Kaya ito ang pagkakataong isusugo niya ang mga Apostol upang ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa mula Jerusalem hanggang sa Palestina at Israel. At aabot din ang mensahe ng Diyos hanggang sa pinakahuling dako ng mundo.

Ngayong Kapistahan ng Pag-akyat ay tinatawag ding Pandaigdigang Araw ng mga Komunikasyon. Ipinapanalangin ng Simbahan na ang bawat larangan ng media ay maging tapat sa pamamahayag ng totoong balita, at hindi magkalat ng “fake news” upang manira ng kapwa tao. Sa kabila ng mga balita ng kaguluhan, karahasan, kalungkutan, at hidwaan, patuloy pa rin ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita. At kahit anumang mangyari sa ating buhay, magiging totoo ang pangako ni Hesus na sasamahan niya tayo hanggang sa katapusan ng panahon. Kaya ang kanyang maluwalhating pag-akyat ay tanda na gaya ng pagpunta ng Ulo patungo sa kanyang Kaharian, ang Katawang kumatawan sa atin ay susunod sa kanya upang makamtan ang lugar na pinaghandaan niya sa atin.

Kaya nawa’y magkaroon tayo ng pag-asa na makakamit natin balang araw ang buhay na walang hanggan sa patuloy na pagiging saksi ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 16, 2021 at 10:51 am

Sa ating ebanghelyo ngayon sinabi ni Hesus “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita“

Alam ba ninyo na lahat tayo ay “pari”. Kung may pagkakataon ka sa iyong mga kausap ay isingit mo anh iyong mga nabasa o narinig sa misa. Kung ang kalakaran ngayon ay ang teknolohiya, gumamit ka mg social media. Sa bawat pagkakaton na ikaw ay kailangan magpayo, gamitin mo ang mga natutunan sa ebanghelyo. Gamitin mo ang mabuting balita sa pang araw araw na gagawin iisipin at sasabihin. Kung ikaw nman ay nagbalik loob sa Panginoon at tumanggap ng gantimpala, magpatotoo ka para kay Hesus. Hindi sapat na ikaw at magpakabuti, tungkulin din nating magpalaganap ng salita ng Diyos ng sa gayon kahit tayo ay tao lamang ay nakapagligtas tayo ng kaluluwa na maaaring masunog sa impyerno. Maging mabuting pastol, tumulong tayo sa paghahanap ng tupang naligaw ng landas.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: