Podcast: Download (Duration: 6:23 — 8.2MB)
Lunes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Jeremias 13, 1-11
Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21.
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
Mateo 13, 31-35
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the Seventeenth Week in Ordinary Time (II) (Green)
UNANG PAGBASA
Jeremias 13, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Bumili ka ng mga damit-panloob na lino at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.” Kaya’t bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ng Panginoon, at isinuot ko. Muling nangusap sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang guwang sa bato.” Ginawa ko ang iniutos sa akin ng Panginoon at pagkatapos, ako’y umuwi.
Pagkaraan ng ilang araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago. Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ko ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at di na pakikinabangan.
Muling nagsalita ang Panginoon, “Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at Jerusalem. Sila’y hindi sumunod sa mga utos ko; lalo silang nagmatigas. Sumasamba pa sila at naglilingkod sa mga diyos-diyosan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan. Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayun ang hangad ko sa mga taga-Israel at taga-Juda – na sila’y mahigpit na kumapit sa akin. Ginawa ko ito upang sila’y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo’y papurihan nila’t parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang tumalima sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
Tinalikdan nila ang Diyos na lumikha sa kanila,
ang Diyos na sa kanila’y nagbigay-buhay.
Nasaksihan niya ang pagsamba nila sa diyos-diyosan
kaya’t kanyang itinakwil,
sila na itinuring niyang mga anak.
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
Sinabi niya, “Tatalikdan ko sila,
tingnan ko lang kung ano ang kanilang sapitin,
pagkat sila’y isang lahing masama, mga anak na suwail.
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
“Pinapanibugho nila ako nang sambahin nila yaong hindi Diyos.
Ginalit nila ako dahil sa kanilang diyus-diyusan.
Kaya, paninibughuin ko rin sila at gagalitin,
sa pamamagitan ng bansang di kumikilala sa akin.”
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
ALELUYA
Santiago 1, 18
Aleluya! Aleluya!
Magulang nati’y D’yos Ama,
anak ng salita niya
tayong mga aning una.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 31-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, isa na namang talinghaga ang inilahad ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong nagtanim ng isang butil ng mustasa sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa lahat ng binhi, ngunit kapag natanim na at lumago ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay. Ito’y nagiging punongkahoy, anupat napamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
Nagsalaysay pa siya ng ibang talinghaga. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng lebadura na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, at umalsa ang buong masa.”
Sinabi ni Hesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinghaga at wala siyang sinabi sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ng propeta:
“Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga,
ihahayag ko sa kanila ang mga bagay na nalihim mula nang likhain ang sanlibutan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Hulyo 26, 2026
Martes, Hulyo 28, 2026 »




{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Isinasalaysay ng Unang Pagbasa ang pagsusuot ni Propetang Jeremias ng damit-panloob. Ito’y iniutos ng Panginoon na isuot niya at dalhin sa may Ilog Eufrates upang itago sa guwang sa bato. Pinabalik rin siya ng Diyos upang kunin ang damit-panloob, ngunit ito’y naging luma at hindi nang pinakinabangan pa. Itong naglalarawan kung paano pinabayaan ng Diyos ang bayan ng Juda dahil sa kanilang pagkakasala, kayabangan, at pagmamatigas. Kaya nga sila’y sinakupan at itinapon sa Babilonia. Ngunit naging matapat pa rin ang Panginoon sa kanila nang payagan ng mga taga-Persia na mamuhay sa kanilang orihinal na pinanggalingan [bayan ng Juda].
Ang Ebanghelyo naman ay 2 parabula ni Hesus tungkol sa Paghahari ng Diyos: ang Butil na Mustasa at ang Lebandura. Sinasabi rito ng Panginoon na ang Paghahari ng Diyos ay katulad ng isang butil na mustasa na bagamat maliliit sa mga binhi ay kapag lumago ay ito’y nagiging pinakamalaking puno dahil may mapamumugaran ang mga ibon ng himpapawid sa kanyang mga sanga. Ang Kaharian ay katulad rin sa isang babaeng naghalo ng tatlong takal ng harina upang gumawa ng lebandura hanggang sa umalsa na ang masa nito. Ipinapahiwatig ng 2 parabula tungkol sa paglago ng Kaharian ng Diyos. Ito’y nagsimula rin sa mga maliliit na bagay hanggang ito’y lumaki at lumaganap. Higit pa ang Paghahari ng Diyos sa mga makamundong kaharian dahil dito’y matatagpuan ng tao ang pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan.
Ang Kahariang ito ay nasa piling natin kung ang mga 3 values na iyan ay naroroon, ngunit ang buong pagpapakita nito ay mangyayari pa sa katapusan ng mundo. Tayo’y bilang mga Kristiyano ay hindi lamang mamamayan ng ating lipunan, kundi tayo’y higit pa mga mamamayan ng Diyos. Ang ating Simbahan ay gumagabay sa atin kung paano nating tatanggapin ang Paghahari ng Diyos sa ating buhay. Kunh tayo’y magpapakumbaba at magiging masunurin sa dakilang kalooban ng Panginoon, tayo’y kanyang patuloy na pagpapalain. At huwag po nating kalimutang ibahagi ang ating mga natanggap na biyaya sa ibang tao dahil iyan po ang ating misyon sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol ng Kaharian ng Panginoon.
Maliit at simpleng mga kilos na may pagmamahal at pananampalataya ay may malaking epekto; ang kaharian ng Diyos ay nagsisimula ngayon sa araw araw nating buhay. Inihalintulad ni Jesus ang kaharian ng Diyos sa butil ng mustasa at lebadura , maliit ngunit lumalago at nagkakaroon ng malaking epekto. Ang Diyos ay kumikilos sa maliliit at simpleng paraan; ang tunay na halaga ng gawain ay makikita sa taimtim at walang abang na pagtupad. Mas mabuting tanggapin ang papuri mula sa iba kaysa ipagsigawan ang sariling nagawa; ang mapagpakumbabang puso ay hinahangaan. Sa paningin ng Diyos, ang maliit na kabutihan ay nagbubunga ng malaking pagbabago kapag sinamahan ng pagmamahal at pananampalataya. Isang taimtim na panalangin, simpleng pagtulong, o mabuting salita ay maaaring magbigay liwanag sa buhay ng iba. Tulad ng pampaalsa na unti unting nagpapabago ng buong masa, kayang baguhin ng pag ibig ng Diyos ang puso ng tao. Ang kaharian ng Diyos ay hindi lamang panghinaharap; nagsisimula ito ngayon sa ating tahanan, komunidad, at pang araw araw na pamumuhay. Maliit na kilos, kapag ginawa nang may pagmamahal at pananampalataya, ay may dakilang epekto at nagsisimula ang kaharian ng Diyos sa kasalukuyan.
Pagtalima sa Kagustuhan ng Diyos
Ang pakikipagtipan sa Diyos ay isang relasyon ng pagtalima. Batid ng Diyos ang nakabubuti para sa kanyang mga nasasakupan, at tunay namang siyang naghahari sa mga taong tumatalima sa kanyang mga utos. Ang Diyos ang siyang gawing hari natin sa buhay, na kahit sa mga mumunting pagkilos natin tulad ng mga malilit na buto ng mustasa, lalago ang kanyang paghahari pasimula sa ating mga puso at gayundin sa makatatagpo natin.
Gabay sa pagninilay:
1. Kung ang Diyos ay hari ng aking buhay, anu-ano pang mga bagay ang hindi ko pa naisusuko sa Diyos? Anu-ano pang mga bagay na ako pa rin ang nasusunod at hindi ang Diyos?
2. Sa panahon ng pagsubok at paghihirap, ipinagkakatiwala mo ba ang iyong sarili sa mapag-arugang hari? Siya lamang ba ang iyong inaasahang magbibigay tulong sa iyo?
3. Parang isang damit na nakasuot ang ninanais ng Diyos, pahayag na maging kasama natin siya sa tuwina, kumusta ang ating pakikipag-ugnayan sa kanya bilang isang minamahal na anak niya?
PAGNINILAY:
Mateo 13:31–35
Isang talinghaga na naman ang sinabi ni Hesus Ebanghelyo sa araw na ito. Hindi hinahanap ng Diyos ang pinakamalaki upang maisakatuparan ang Kanyang plano. Hinahanap Niya ang pusong handang magtiwala at magpasakop sa Kanya. Ang munting butil ng mustasa ay naging malaking punongkahoy, at ang kaunting lebadura ay nagpabago sa buong masa. Ganito rin ang biyaya ng Diyos—tahimik, unti-unti, ngunit may kapangyarihang magbago ng tao, pamilya, at pamayanan.
Minsan ay iniisip nating walang halaga ang ating munting panalangin, simpleng paglilingkod, o tahimik na kabutihan. Ngunit sa mata ng Diyos, ang mga ito ang mga binhing Kanyang pinalalago upang maipakita ang Kanyang Kaharian. Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula hindi sa malalaking gawa, kundi sa pusong araw-araw na tapat sa Diyos.
Sa tradisyon ng Simbahan, ang butil ng mustasa ay larawan ng tila maliit na simula ng Kaharian ng Diyos—ang pangangaral ni Kristo at ang unang pamayanang Kristiyano—na lumago sa buong mundo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang lebadura naman ay sumasagisag sa tahimik ngunit mabisang pagkilos ng biyaya ng Diyos na unti-unting nagpapabanal at nagpapabago sa buong pagkatao. Ang paglago ay hindi laging agad nakikita, ngunit ito ay tunay at bunga ng Diyos.
Itinuturo ng Simbahan na ang Kaharian ng Diyos ay nararanasan na sa kasalukuyan sa pamamagitan ng Simbahan, mga Sakramento, at buhay ng biyaya, bagaman magaganap ang ganap na kaganapan nito sa pagbabalik ni Kristo. Ang bawat tapat na Kristiyano ay tinatawag na maging katuwang sa pagpapalago ng Kahariang ito sa mundo.
Puso ng Ebanghelyo:
Ang Diyos ay gumagawa ng dakilang bunga mula sa munting pusong tapat na nagtitiwala sa Kanya.
Ang Simbahan ang binhi at simula ng Kaharian ng Diyos sa lupa. Tinatawag ang bawat binyagan na maging saksi ni Kristo at kasangkapan ng Kanyang paghahari sa pamamagitan ng pananampalataya at pag-ibig.
Tinig ng Simbahan
Sinabi ni San Juan Crisostomo na ang tila maliit na sinimulan ni Kristo ay lumago sa buong daigdig hindi dahil sa lakas ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos. Paalala ito na ang bunga ng misyon ay biyaya ng Diyos at hindi lamang bunga ng ating kakayahan.
Pagsasabuhay:
Huwag maliitin ang maliliit na gawa ng pag-ibig. Ang isang taimtim na panalangin, isang mabuting salita, isang tahimik na sakripisyo, at isang tapat na paglilingkod ay maaaring maging binhing magpapabago ng buhay ng iba.
Hamon ng Ebanghelyo
Ano ang maliit na kabutihang hinihiling ng Diyos na simulan o ipagpatuloy mo ngayon nang may buong pagtitiwala?
Word of the Day: “Paglago”
Ang tunay na paglago ay hindi nasusukat sa laki ng ating mga nagagawa, kundi sa lalim ng ating pananampalataya, pag-ibig, at katapatan sa Diyos. Kapag hinahayaan nating kumilos ang biyaya ng Diyos sa ating puso araw-araw, ang munting kabutihang ating itinatanim ay namumunga at nagiging pagpapala sa marami.
Panalangin:
Panginoong Hesus, bigyan Mo ako ng pusong hindi naghahanap ng malaking pagkilala kundi ng malaking katapatan. Gawin Mo akong munting binhi at lebadura ng Iyong pag-ibig upang sa pamamagitan ng aking buhay ay lumago ang Iyong Kaharian. Amen.
To God be the highest glory now and forever and ever. Amen.
Pagninilay:
Mapagpalang Lunes sa ating lahat! Sa ating Ebanghelyo ay nagbanggit ng dalawang talinghaga ang ating Panginoong Hesukristo. Una rito ay ang talinghaga ukol sa Kaharian ng Diyos na tulad ng isang butil ng mustasa na maaaring sobrang liit sa umpisa, ngunit matapos maitanim ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay kung saan pumupugad ang mga ibon. Mahalagang makita natin na ang talinghangang ito ay nakabase rin sa propesiya sa Lumang Tipan mula sa Ezekiel 17:22–23 at Daniel 4:11–12 na nagsisimbolo sa mga Hentil na magiging miyembro ng Kaharian ng Diyos. Ito ay naganap dahil sa kabila ng pagiging maliit ng Simbahang Katolika noong ito’y unang itinatag ni Hesus at pinamumunuan ng labindalawang apostol, at inuusig ng mga emperador, ito ay lumaki at naging instrumento para sa pagbabagong-buhay ng mga Hentil na naging Kristiyano—hindi lang sa panahon ng Sinaunang Simbahan kundi nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Sa kabila nito, mahalagang maalala natin na ang pagiging tapat na tagasunod ni Hesus at miyembro ng Simbahan ay hindi lamang nakikita sa panlabas, kundi higit sa lahat, ito ay dapat nakikita sa panloob.
Dito natin mapagninilayan ang itinuturo ng ikalawang talinghaga. Sa ikalawang talinghaga, isinalaysay ni Kristo, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng lebadura na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, at umalsa ang buong masa.” Ang tatlong takal ay nagsisimbolo sa ating isipan, puso, at kaluluwa, tatlong aspeto ng ating pagkatao na kinakailangang makatanggap ng lebadura, na simbolo sa grasya ng Diyos, upang tayo ay maging kaisa sa Diyos sa pamamagitan ng pag-ibig at, tulad ng isang buong masa, ay umalsa o lumago sa pananampalataya. Kung ating maaalala, ito rin ang itinuro ni Hesus pagdating sa pinakamahalagang utos patungkol sa pag-ibig sa ating Panginoong Diyos. Kung ang ating isipan, puso, at kaluluwa ay may kahati sa Diyos, mahihirapan tayong mapalapit sa Kanya at mapalalim ang ating relasyon. Ngunit kung ang buong isipan, puso, at kaluluwa ay iaalay natin sa Kanya sa ating buong buhay at sa bawat segundo ng ating buhay, doon natin makikita ang ating potensyal bilang disipulo ni Hesus. Dito natin masasabi na ang ating buong kalakasan ay ginagamit natin para sa kapurihan ng ating Panginoon at para sa pagmamahal sa Kanya.
Kung ang buong isipan, puso, at kaluluwa ay para sa Diyos, ito ay nangangahulugang ang pagmamahal sa Kanya ay hindi lamang sa oras ng panalangin, kahit na mahalaga na magbigay tayo ng maraming oras dito sa ating libreng panahon. Bagkus, kahit sa simpleng gawain natin ay dapat nakikita ang ating pag-ibig sa Diyos. Ilan sa mga halimbawa nito ay para sa mga nagtatrabaho at nag-aaral. Tayo ay makakapagpursige sa kabanalan kung ginagawa natin ang ating responsibilidad ayon sa buhay na mayroon tayo ngayon. Bukod pa rito, ang pagiging masipag sa trabaho at sa pag-aaral ay mayroong mabuting intensyon tulad ng pagtulong sa pamilya, sa ating kapwa, at sa ating lipunan. Kalugod-lugod din sa ating Panginoon na sa ating tahanan ay nakakatulong tayo sa halip na masayang ang oras sa mga distraksyon na nagiging hadlang sa ating oras sa Diyos at sa ating pamilya. Ninanais ng ating Panginoong Diyos na tayo ay magpursige sa ating mga panalangin dahil sa patuloy na pagbabasbas Niya sa ating buhay, at isa sa mga panalanging ating magagawa ay ang pagsusuri ng ating konsensya o “examination of conscience.”
Sa pamamagitan ng examination of conscience, nakikita natin ang biyaya ng Diyos sa ating araw-araw at pati na rin ang mga pagkakataon na tayo ay nagkakasala. Ito ay paalala sa atin upang makita natin ang mga gawaing dapat nating iwasan upang ang ating isipan, puso, at kaluluwa ay maging buong-buo para sa Diyos at hindi sa kasalanan o makamundong bagay. Gayundin, sa panalanging ito ay binubuksan ng Diyos ang mga mata ng ating pananampalataya sa mga bagay na nagiging hadlang sa pakikiisa natin sa Banal na Sanggalaum o Banal na Trinidad. Sa mga pagkakataon na tayo ay natutukso, magpursige tayo sa panalangin at paghingi ng tulong, lakas, at grasya sa Diyos upang ito ay malabanan, sapagkat ang mga tukso ay kadalasang nagsisimula sa ating isipan, saka nagdudulot ng inklinasyon sa ating puso at nagtutulak sa kaluluwa na maging malayo sa Diyos. Nawa’y humingi tayo ng habag at awa sa ating Diyos upang ang ating buong sarili ay maging kaisa Niya at maalala natin ang Panginoon na nag-aalaga sa atin bilang Kanyang mga anak. Amen. +
Pagninilay ni: CJTH
Pagbasa: Awit at Papuri Communications
Summary and Defense of Catholic Teachings:
https://www.catholic.com/tract/pillar-of-fire-pillar-of-truth
Ultimate Catholic Parents Guide:
https://youtube.com/watch?v=Ls6IcexZAls
Examination of Conscience and Guide to Sacrament of Confession:
https://mycatholic.life/catholic-prayers/examination-of-conscience/
Website on how to raise and guard children in their Catholic faith:
https://howtokeepyourkidscatholic.com/