Podcast: Download (Duration: 5:20 — 3.9MB)
Sabado ng Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Beda, pari at pantas ng Simbahan
o kaya Paggunita kay San Gregorio, papa
o kaya Paggunita kay Santa Maria Magdalena ng Pazzi, dalaga
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Santiago 5, 13-20
Salmo 140, 1-2. 3 at 8
Dalangin ko’y tanggapin mo,
samyong handog na insenso.
Marcos 10, 13-16
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Seventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Bede, Priest and Doctor of the Church (White)
or Optional Memorial of St. Gregory VII, Pope (White)
or Optional Memorial of St. Mary Magdalene of Pazzi, Virgin (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Santiago 5, 13-20
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga pinakamamahal, may tiisin ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. May nagagalak? Umawit siya ng papuri sa Diyos. Mayroon bang may sakit sa inyo? Ipatawag niya ang matatanda ng simbahan upang ipanalangin siya at pahiran ng langis, sa ngalan ng Panginoon. At pagagalingin ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya. Ibabangon siya ng Panginoon, at patatawarin kung siya’y nagkasala. Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong kapwa ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ang isa’t isa, upang kayo’y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. Si Elias ay taong tulad din natin. Mataimtim niyang idinalangin na huwag umulan, at sa loob ng tatlong taon at anim na buwan ay hindi nga umulan. Muli siyang nanalangin at bumagsak ang ulan, at namunga ang mga halaman.
Mga kapatid, kung nalilihis sa katotohanan ang isa sa inyo at may isang nagpapanumbalik sa kanya – ito ang tandaan ninyo: ang sinumang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagligtas ng kaluluwa nito sa kamatayan, at sa gayo’y napawi ang maraming kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 140, 1-2. 3 at 8
Dalangin ko’y tanggapin mo,
samyong handog na insenso.
Sa iyo, O Poon, ako’y dumadalangin
sa aking pagtawag, ako sana’y dinggin.
Ang aking dalangin sana’y tanggapin mo,
masarap na samyong handog na insenso;
ariing panggabing handog ko sa iyo.
Dalangin ko’y tanggapin mo,
samyong handog na insenso.
O Panginoon ko, bibig ko’y bantayan,
ang mga labi ko’y lagyan mo ng bantay.
Di ako hihinto, n’yaring pananalig,
ang pag-iingat mo’y aking ninanais,
h’wag mong itutulot, buhay ko’y mapatid
Dalangin ko’y tanggapin mo,
samyong handog na insenso.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Mayo 24, 2024
Linggo, Mayo 26, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pagtatapos ni Apostol Santiago sa kanyang sulat sa pamamagitan ng mga bilin tungkol sa ministeryo ng mga Kristiyano sa bawat isa. Ang una niyang bilin ay ang pagtulong sa mga maysakit at nahihirapan. Ang pangalawa ang pananalangin sa Diyos at pag-aamin ang bawat kasalanan ng isang tao. Ang pangatlo ay ang pagpapatawad at pag-aakay sa mga makasalanan tungo sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Makikita natin ang mga gawain na ito sa ating Simbahan dahil nga si Santiago ay ang unang obispo ng Jerusalem, at nais niyang pangalagaan ng Simbahan ang mga gawaing ito para sa kapakanan ng pananampalataya tungo sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Kaya mahalaga sa Simbahan ang mga Sakramento ng Paghilom: ang Pagpapahid sa mga Maysakit at Kumpisal, na hindi kailanma’y inimbento ng sinumang Santo Papa dahil ito’y namana na mula sa pangangaral at pagsasaksi ng mga Apostol. Ang dalawang sakramentong nabanggit ang siyang nagbibigay ng pisikal at espirituwal na paghilom sapagkat nais ng Panginoon na ang lahat ng tao ay hindi lang maging kasundo sa kanya, kundi magkasundo rin sa isa’t isa.
Ang Ebanghelyo ay kwento kung paanong malapit ang puso ni Hesus sa mga bata. Pinalapit ng mga magulang ang kanilang mga anak kay Hesus upang hawakan niya ang mga ito, ngunit pinagbawalan sila ng mga alagad. Subalit inituos niya na hayaan lumapit ang mga bata sa kanya at huwag sila’y hadlangan sapagkat tinuturing sila ni Hesus bilang dakila sa Kaharian ng Langit. Sa paghahawak ni Kristo sa mga bata, inaanyayahan niya ang lahat na tanggapin ang Paghahari ng Diyos katulad ng isang bata.
Noong mga sinaunang panahon, ang mga bata ay tinataguring bilang walang kahalagahan sa lipunan kasama ang mga kababaihan. Sila’y umaasa sa mga kalalakihan upang magsumikap para sa kanilang mga pangangailangan sa buhay. Ngunit ipinapakita ni Hesus na ang mga bata ay tunay na kinalulugdan ng Diyos Ama sa Langit. Kaya’t bilang mga Kristiyano, tayo’y tinatawag na maging katulad ng mga bata (childlike), hindi literal na maging mga bata (childish). Ang “childish” ay parang isip at gawain ay bata kahit matanda na, subalit ang “childlike” ay pagsasabuhay ng mga mabubuting aral mula pagkabata hanggang sa pagkatanda.
Ang mga tanging katangian ng isang mabubuting bata ay mapagkumbaba at masunurin. Katulad ng pagsunod nila sa mga utos ng mga magulang, tayong lahat bilang mga Kristiyano ay kinakailangang tumalima sa dakilang kalooban ng Diyos. Sa pagkakaroon ng kababang-loob, tayo’y sigurado na lahat ng mga kapangyarihan at impluwensiya ay hindi kaya nating abutin sapagkat may mga kahinaahan tayo. Subalit mas dapat nating pahalagahan ang ating pananamapaltaya sa Panginoon.
Sa Unang pagbasa binigyang diin na malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. Sa ating pang araw araw na buhay, gawin nating batayan at gabay ang mga Mabuting Balita. Aminin natin ang ating mga kasalanan at pagsisihan. Pagkatapos ay ihingi natin ito ng tawad sa Diyos. At sikapin ng matalikuran ang kasamaan. Kinalulugdan ng Diyos ang taong matuwid at binibigyan ng gantimpala, dinirinig ang mga panalangin at pinauunlad. Samntalahin natin ang parating na Semana Santa na magbalik loob sa Panginoon.
Ang ebanghelyo ngayon ay mensahe sa atin an tularan natin ang mga katangian ng mga bata.
Ang mga bata kapag nag-away ay maya maya lamang ay bati na agad at naglalaro ulit. Tularan natin ito na wag magtanim ng sama ng loob at magpatawad tayo at muling mahalin ang kapwa.
Ang mga bata ay totoo, hindi nagsisinungaling, hindi naninirang puri, hindi tsismosa, hindi mayabang, may takot sa Diyos, may takot sa magulang, walang kamunduhan, magalang at marami pang iba.. Tularan natin ang mga katangiang ito at makakaramdam ka ng kapayapaan.
PAGNINILAY
Ang mga bata ay may pananampalataya sa mga nag-aalaga sa kanila. Hindi sila labis na abala sa mga kaisipan ng kadakilaan, ngunit tinatamasa ang mga simpleng bagay ng buhay. Kung nararamdaman ng mga bata na mahal sila, wala silang mga alalahanin o problema. Tayong nasa hustong gulang ay “natutong” mag-alala. Hinahayaan natin ang lahat ng uri ng mga bagay na manaig sa atin. Wala tayong tiwala sa iba at minsan hindi rin tayo nagtitiwala sa Diyos. Ano ang magagawa natin, kung hindi sa pamamagitan ng Kanyang biyaya? Nawa’y pahalagahan natin araw-araw ang ginawa ng Diyos, ang ginagawa Niya at ang patuloy Niyang gagawin sa atin at kasama natin. Sa ganitong paraan lamang natin mapalalago ang mapagpahalagang kilos ng pagtanggap sa kaharian ng Diyos – ang misteryo ng pamamahala ng Diyos sa ating buhay – tulad ng maliliit na bata.
Panginoong Hesus, yakapin Mo kami bilang Iyong maliliit na anak. Amen.
***