Biyernes, Mayo 24, 2024

May 24, 2024

Biyernes ng Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Santiago 5, 9-12
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 11-12

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Marcos 10, 1-12


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Seventh Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Santiago 5, 9-12

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago

Huwag kayong maghinanakitan, mga kapatid, upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa ngalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. Sinasabi nating mapalad ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Ito’y nagpapakilalang mabuti at mahabagin ang Panginoon.

Ngunit higit sa lahat, mga kapatid, huwag na kayong susumpa kung kayo’y nangangako. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o ano pa man. Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 11-12

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayun ang pagtingin sa sinumang nagkasala.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

ALELUYA
Juan 17, 17b

Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo,
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 10, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa lupain ng Judea, at nagtuloy sa ibayo ng Ilog Jordan. Muli siyang pinagkalipumpunan ng mga tao, at tulad ng dati’y nagturo sa kanila.

May mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 21, 2022 at 1:00 am

PAGNINILAY: Maraming kritiko ngayon ay natatanong: “Bakit ba di-sang-ayon ang Simbahang Katolika sa diborsyo?” Ang sagot ay makikita sa ating Ebanghelyo ngayon (Marcos 10:1-12). Tinanong ng mga Pariseo si Hesus kung naayon sa batas ang pagdiborsyo ng asawang lalaki sa kanyang asawang babae dahil inutuos nga raw ni Moises na bigyan ng isang kasalutan. Sinagot ni Hesus na ang diborsyo ay hindi plano ng Diyos, kundi kasal. Nangyari lang iyan dahil sa katigasan ng puso ng mga tao. Ang turo niya tungkol sa Sakramento na Kasal ay nilikha ng Diyos ang lalaki at babae, at mayroon espirituwal na pagsasama, at nagiging isa ang dalawa. At sinabi pa ni Hesus sa kanyang mga alagad na sinumang nagdiborsyo sa kanyang asawa at nagpakasal sa isa pa ay nakikiapid na.
Mga kapatid, napakalinaw ang mga salita ng Panginoon: ang plano ng Diyos ay kasal, at ang tao lang mismo ay nagplano ng diborsyo. Subalit may mga kasong inaabuso ang lalaki sa kanyang asawang babae, at pinipilitan ang babae na humiwalay sa kanyang asawang lalaki. Sa pananaw ng Simbahan, pinapayapagan naman ang pagpapawalang-bisa ang kasal (annulment) at paghihiwalay (separation), subalit hindi ang diborsyo. Pero may mga babae lalo na ang mga biktima ng pang-aabuso ng asawa ay sinasabing dapat pahayagan ang diborsyo sa bawat Estado ng mga bansa, lalo na hindi pa ito sinasabatas at inaaproba ng Tagapagpaganap at Pambatasan ng ating bansa. Kaya lang hindi ito kailanman papayapagan ng ating Simbahan.

Ang nais lang ipunto ng Ebanghelyo sa ating buhay-Kristiyano ay maging maayos at matapat ang relasyon sa isa’t isa. Dapat tingan muna ng magkasintahan kung magiging wasto ang kanilang sibil at espirituwal na pagsasama. At ang bawat pangako na binibigkas sa kasal ay kailangan wagas, at ang pamilyang ibubuo ay dapat ipatatag at ippagmalaki nang maayos. Kaya sa ating pamumuhay sa daang ito, nawa’y maging matatag, mabuti, at maayos ang bawat relasyon ayon sa mga mata ng Diyos at sa tamang landas ng pamumuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño February 25, 2022 at 11:36 am

Unang Pagbasa:

Marahil naririnig natin sa ibang tao o sa atin mismo galing ang mga katagang “Mamatay man ako” o di kaya nman ay “sumpa man sa Diyos” tuwing tayo ay may gustong patunayan na hindi tayo nagsisimungaling. Ngunit sinabi sa unang pagbasa na ito ay kalapastanganan, at itinuro na sabihin na lamang na “oo” o di kaya nman ay “ hindi”. Sapagkat nasusulat na huwag mong gamitin sa walang kabuluhan ang langit o ang pangalan ng Diyos. Dinarasal din natin ito sa panalangin na itinuro sa atin ng Ama, “sambahin ang ngalan mo”,

Ebanghelyo:

Ito ay mensahe sa mag-asawa at sa mga nagpaplanong mag-asawa.
Marami na ang naging usapan tungkol dito, “paano kung hindi na kami nagmamahalan? Paano kung sinasaktan ako ng aking asawa? Paano kung tamad ang aking asawa at pabigat lamang? Paano kung may iba syang karelasyon? Paano kung ayaw ko pala ng ugali nya?
Kapatid, ang paghihiwalay o diborsyo o annulment ay idang desisyong makasarili. Ang pag aasawa ay hindi puro kasarapan lamang. Kaya nga kayo ay nagsumpaan sa harap ng altar ng Diyos na magsasama sa HIRAP o ginhawa, sa KALUNGKUTAN o kasiyahan, sa DAGOK NG BUHAY at tagumpay na magsasama hanggang kamatayan.
Isipin din natin ang ating mga anak na mawawalan ng tatay o nanay, malaki ang epekto sa mga bata ng broken family, ang pamilya ang pinakmahalagang komunidad, ang pinkamaliit subalit dito magsisismula ang lahat, dito huhubugin ang pagkatao ng mga bunga ng mag-asawa. Oo merong mga pagkakataon na kailangan na talaga maghiwalay sapagkat maari ng magdulot ng kasawain o iba na ang sitwasyon pero hanggat maaari ay ayusin ang anumang hindi pagkakaunawaan. Maaari ang asawa mo ay hindi perpekto na inaasahan mo pero suriin mo din ang iyong sarili baka nman ikaw ay may kapintasan din.
Ang una mong ipapasok sa isip mo ay, ibinigay ng Diyos sa akin ang taong ito, kailangan kong tanggapin ang kanyang kapintasan. Makapangyarihan ng panalangin. Ipagdasal natin ang ating pamilya, ang ating relationship, ang ating mga kabiyak.

Reply

Malou Castaneda May 24, 2024 at 6:58 am

PAGNINILAY
Iginigiit ni Hesus, ‘Kung ano ang pinagsama ng Diyos, huwag paghiwalayin ng sinuman.’ Ang Diyos na ‘mula sa simula’ sa Kanyang pag-ibig ay lumikha sa dalawang indibiduwal na ito ngayon ay tinawag silang magkasama upang mangako ng walang paghihiwalay sa isang panghabambuhay na pagkakaisa ng mga puso, upang sila ay hindi na dalawa, ngunit isang laman. Itinakda ni Hesus ang ideal para sa pag-aasawa. Ipinaaalaala Niya sa atin kung ano ang ibig sabihin nito, kahit na, marahil sa hindi kasalanan, maaaring hindi natin matupad ito. Ang Diyos ay laging naroroon ng buong pagmamahal sa mga magkapareha, kahit na sa pamamagitan ng kahinaan ng tao ay kailangan nilang maghiwalay.

Ang solusyon sa mga problema sa pag-aasawa ay hindi pagtalikod, kundi pagpapatawad at muling pag-iibigan. Tinutuligsa ni Hesus ang anumang katigasan ng puso na maaaring magdulot ng diborsiyo. Hindi dapat ituring ng mag-asawa ang isa’t isa bilang walang kwentang ari-arian na itatapon. Sa halip ay tinawag sila sa isang buhay na may paggalang sa isa’t isa at pagkakaisa. Ang mga mag-asawa na may takot (paggalang) sa Panginoon na magkasama ay nananatiling magkasama. Ang araw-araw, tapat na oras ng pagrorosaryo na magkasama at kasama ang buong pamilya ay nagpapalakaa ng katapatan sa Diyos. Sa kalaunan ay gagawin ng Diyos ang ating tahanan na isang ligtas na kanlungan, at ang bawat miyembro ay isang tunay na kayamanan.

Panginoon, tulungan mo kaming maging nakatuon sa aming bokasyon bilang tanda ng aming katapatan sa Iyo. Dalhin ang Iyong mahabaging pagpapagaling sa lahat ng dumaranas ng paghihiwalay at diborsyo. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: