Podcast: Download (Duration: 6:03 — 4.3MB)
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (B)
Deuteronomio 4, 32-34. 39-40
Salmo 32, 4-5. 6 at 9. 18-19. 20 at 22
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Roma 8, 14-17
Mateo 28, 16-20
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
The Solemnity of the Most Holy Trinity (White)
Basic Ecclesial Community Sunday
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 4, 32-34. 39-40
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao: “Isipin ninyo kung may naganap nang tulad nito, nasaksihan o nabalitaan man lamang, mula nang likhain ng Diyos ang daigdig. Maliban sa inyo, sino pa ang nakarinig sa tinig ng Diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buhay? Sinong diyos ang naglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipagsubukan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa ng Panginoon sa Egipto? Dahil dito, dapat ninyong malaman na sa langit at sa lupa’y walang ibang diyos liban sa Panginoon. Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa gayun, mapapanuto kayo at ang lahing susunod sa inyo; magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay niya sa inyo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 4-5. 6 at 9. 18-19. 20 at 22
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Sa utos ng Poon, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa’t talang maririkit;
ang buong daigdig sa kanyang salita
ay pawang nayari, lumitaw na bigla.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yaman ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 14-17
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot. Ang tinanggap ninyo ay espiritu ng pagiging anak, at ito ang nagbibigay sa atin ng karapatang tumawag ng “Ama! Ama ko!” Ang Espiritu nga ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo’y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Kristo. Sapagkat kung tayo’y nakikipagtiis sa kanya, tayo’y dadakilain ding kasama niya.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Pahayag 1, 8
Aleluya! Aleluya!
Dakila ang Amang mahal,
Anak, Espiritung Banal,
noon, ngayon, kailan pa man.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 28, 16-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, ang labing-isang alagad ay nagpunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Hesus. Nang makita nila si Hesus, siya’y sinamba nila, bagamat may ilang nag-alinlangan. Lumapit si Hesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Mayo 25, 2024
Lunes, Mayo 27, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo, o mas kilala bilang “Santissima Trinidad” at “Tatlong Persona sa Isang Diyos”. Maraming mga ibang sekta ang palaging nagsasabi sa atin, “O kayong mga Katoliko, wala naman sa Bibliya ang salitang ‘Trinity’ eh. Ni hindi man itinuro ito ni Hesus at ng mga Apostol.” “Kung turo ninyo ‘Tatlong Persona sa Isang Diyos’, eh parang sinasabi ninyo na may tatlong diyos.” Mga kapatid, ang doktrina ng Santissima Trinidad ay tinatawag na “misteryo,” na sa Griyego ay nangunguhulugang “pagtitikom ng bibig”. Ito’y sapagkat hindi maipapakita nang pisikal na paraan ang paliwanag tungkol dito o kaya magsasalita upang ihanap ang mga ebidensiya. Ang doktrinang ito ay tinanggap natin ng buong pananampalataya dahil na rin sa pag-aaral ng ating mga ninuno ng ating Simbahan sa Banal na Kasulatan. Sa katunayan, pinaniniwalaan natin na iisa lamang ang Diyos na ating sinasamba, ngunit ang Diyos na ito ay nagpakita at nakilala sa anyo ng Tatlong Persona: ang Diyos Ama, ang Diyos Anak, at ang Diyos Espiritu Santo. Kaya ang ekwasyon ng Trinity ay “1+1+1=1”, hindi “1+1+1=3”. Pero pa’nong nangyari iyon na tatlong Persona, pero iisa lang ang Diyos? Kaya itinuturo ng ating mga Pagbasa ngayon ang pinakabuod ng doktrinang ito ay “pag-ibig”.
Ipinaalala ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa na kilalanin nawa nila ang tunay na Diyos na naglikha sa sangkatauhan, ang Diyos na nagpatnubay sa kanilang mga patriarkiyang ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob, at siya rin ang Diyos na naglikas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto. Kaya ito ang Diyos na nais kilalanin ni Moises, ang Diyos na nagbigay ng Sampung Utos. Kaya ang hamon ng propeta sa kanila ay sundin at tuparin nila ang utos ng Panginoong Diyos, lalung-lalo na ang Shema, na kung saan dapat nilang ibigin ang Diyos nang buong puso, isip, at kaluluwa. Kaya sa Bagong Tipan, inilalarawan ni Hesus ang Diyos bilang Ama dahil sa pagbibigay ng mga umaapaw na grasya at lubos na pagmamahal niya sa sangkatauhan, sa kabila ng katigasan at pagsuway nito sa kanyang mga utos.
Ipinaalala naman ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang ating kakayahang tawagin ang Diyos bilang Ama at kilalanin ang kanyang Anak na si Hesus dahil sa patnubay at lakas na mula sa Espiritu Santo. Ang Espiritung bumaba sa mga Apostoles noong Pentekostes ay siyang ating tinatanggap sa binyag at kumpil upang mas kilalanin natin ang Diyos Ama at ang Diyos Anak na si Hesukristo sa pamamagitan ng ating paglilingkod, paggawa ng kabutihan, at pagtitiis sa kabila ng mga paghihirap. Dahil tinuro tayo ni Hesus na tawaging Ama ang Diyos, si Hesus rin ang nagbigay sa atin ng Espiritu upang mas kilalanin natin ang dakilang pag-ibig na naglikha, nagtubos, at patuloy na nagpapanibago sa sanlibutan.
Kaya itong Banal na Santatlo ay hindi inimbento ng ating Simbahan, kundi ipinahayag sa kwento ng ating kaligtasan. Bagamat hindi mahahanap sa Kasulatan ang salitang “Trinity”, ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapahayag sa Misteryo ng iisang Diyos sa anyo ng Tatlong Persona. Bago pa umakyat si Hesus sa langit, isinugo niya ang mga Apostol na humayo at ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng bansa. At ang kanilang pagbibinyag ay gagawin sa ngalan ng Banal na Santatlo, Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ibig sabihin nito na tayong mga Kristiyano na bahagi sa Simbahang Iisa, Banal, Katoliko, at Apostolika ay kaisa rin ng Diyos na nagmamahal. Tayo ay nakikibahagi sa gawain ng paglilikha ng Ama sa pagiging kawangis niya na pangalagaan at gawing makabuluhan ang buhay na bigay niya sa atin. Tayo rin ay nakikibahagi sa gawaing pagliligtas ng Anak sa pakikiisa sa mga karamdaman at saloobin ng bawat tao, upang tayo rin ay maging mga instrumento ng kapayapaan at pagmamahal sa iba, gaya ng inutos sa atin ni Hesus. At tayo rin ay nakikibahagi sa gawaing pagpapanibago ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tunay na pananariwa sa ating pagkatao upang ang Patnubay ay magsilbing gabay na palaging gawin at sundin ang dakilang kalooban, lalung-lalo na sa pagiging saksi sa Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos.
Mga kapatid, ang buhay-Kristiyano ay nakasentro sa Banal na Santatlo. Iisa lang ang Diyos, ngunit ang Diyos ay nagpakita sa atin sa anyo ng tatlong Persona bilang Tagapaglikha (Ama), Tapagligtas (Anak), at Tagapagbanal (Espiritu Santo). Ito’y hindi dahil sa imbetong aral lang ng ating Simbahan, kundi ang pinakabuod ng doktrinang ito at ang Banal na Kasulatan ay pag-ibig. Ipinapaalala sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang tamang kilos bilang mga Kristyano, at iyan ay ang pagkakaisa, pamumuhay nang mapayapa, at pagbabati nang may buong galang at pagmamahal dahil sabi nga sa bawat Pagbati ng Pari sa simula ng Misa: “Ang pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo, ang pag-ibig ng Diyos Ama, at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo’y nawa’y sumainyong lahat” (bersikulong 13). At tuwing ginagawa natin ang Tanda ng Krus, inaala natin ang pag-ibig at biyayang ipinakita ng Diyos na lumalang, nagligtas, at patuloy na nagpapabanal sa atin.
Kaya dapat tayo’y mamuhay nang kalugud-lugod sa kanyang paningin sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa ating mga kapwa, pagkakaisa para sa katotohanan, katarungan at karunungang kanyang hatid, at pagsusunod sa dakilang kalooban ng Diyos.
Kumpleto na ba ang buhay mo? Hindi sapat ang materyal na bagay upang mapasaya tayo. Sa Diyos natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Kaya nararapat lamang na tayo ay sumunod sa Kanyang mga utos. Kilalanin Siya bilang tunay at nagiisang Diyos. Ang pagmamahal sa Diyos ay nakikita sa pagsasabuhay ng salita Niya. Kaya nga sumunod tayo sa batas na ibinigay kay Moises ni Yahweh. Maging ang ating Panginoong Hesus ay sumunod dito at isinabuhay. Ang Espiritu Santo ang ipinadala ng ating Panginoong Hesus upang maging gabay. Kaya humingi tayo ng tulong sa kanila upang makumpleto ang ating buhay.
Sa ngala ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Sinabi ni Hesus na lahat ng ating pangangailangan ay hilingin sa Ama sa ngalan Nya at ito ay ipagkakaloob nya, bilang ganti ay hilingin mo nman na manahan sayo ang Espiritu Santo upang magampanan mo na masunod ang kalooban ng Diyos. Tutulungan tayo ng espiritu santo na magsalita, mag isip at gumawa ng naaayon sa mga kautusan ng Diyos. Ang espiritu santo kapag nanahan satin ay ang tutulong sa pagnanais nating magpakabanal. Tutulungan din tayo nito na magtiis katulad ni Hesus. Sariwain natin ngayon ang mga sinumpaan natin nung tayo ay binyagan sapagakat inutos ni Hesus sa mga alagad na tayo ay binyagan sa ngalan ng Ama ng Anak at ng Espiritu Santo upang habangbuhay ay kasama natin si Hesus.
Tayo ay mga anak ng Diyos na nabinyagan sa Espiritu Santo. Kaya nga ipakalt ito sa buong mundo upang ang lahat ng tao ay sumamba at makilala ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo.
Pagpalain sa mga tumugon sa hamon ni Hesus na tayo ay maging karapatdapat na kapatid sa bawat isa. Ang pagiging Diyos ni Kristo ay ang atin din pagiging diyos sa sanglibutang ito. Kaya kung lahat tayo ay nasa Ama wala ng away, galit, inggit, siraan at lahat ng humahadlang sa pakikipagisa natin sa Diyos ay mawawala na. Kaya humayo tayo huwag magsawa sa tulong ng Banal na SANTATLO. Amen
PAGNINILAY
Ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos. Ang misteryo ng Banal na Trinidad ay ang pinakamalalim na misteryo ng pag-iral ng Diyos. Ang Ebanghelyo ay ang Dakilang Utos. Inaanyayahan tayo ni Hesus na maging mga alagad ng pag-ibig – “Kaya nga humayo kayo at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa”. Ito ay isang panawagan ng pagkilos. Ito ay nagpapaalala sa atin na hindi lamang tayo tinawag upang umupo at maniwala lamang, ngunit aktibong lumabas sa mundo at ibahagi ang pag-ibig at mensahe ni Hesus sa iba. Ito ay isang paalala na ang ating pananampalataya at pagmamahal ay hindi nakalaan para sa ating sarili, ngunit upang ibahagi sa mga nakapaligid sa atin. Kapag tayo ay humakbang nang may pananampalataya at ibinahagi ang ating pagmamahal sa iba, makikita natin ang pagbabago ng buhay at mga pusong nabuksan sa mensahe ni Hesus. Ito ay isang paalala na tayong lahat ay tinawag na maging mga kinatawan para kay Kristo, na nagpapalaganap ng Kanyang pag-ibig at katotohanan saan man tayo magpunta. Ang kahalagahan ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya sa isang nadaramang paraan at pagbabahagi ng mabuting balita ni Hesus sa mga nakapaligid sa atin. Ito ay isang panawagan sa pagkilos na sinisikap nating isabuhay sa bawat araw.
Banal na Ama, Anak at Espiritu, tulungan Mo kaming igalang ang Iyong Banal na Pangalan. Amen.
***