Biyernes, Pebrero 9, 2024

February 9, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Natunghayan natin sa Ebanghelyo si Jesus na tumugon sa pangangailangan ng bingi. May pananalig tayong manalangin sa Diyos Ama upang tumugon din siya sa ating mga pangangailangan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagalingin Mo kami.

Ang Simbahan at ang kanyang mga miyembro nawa’y maging bukas sa mensahe ng pagpapagaling ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y maging bukas ang mga tenga at puso sa hinaing ng ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang laging gamitin ang biyaya ng pagsasalita para ipahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nag-aaruga sa mga bingi at mga pipi nawa’y mapalakas ang kanilang kalooban ng kabutihang-loob ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pumanaw na ay mamahinga nawa sa kapayapaan at ang mga nalulumbay nawa’y mabigyang kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Walang hanggang Ama, hilumin mo ang aming pagkamakasarili at buksan mo ang aming mga puso sa pagtanggap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 9, 2022 at 12:51 am

PAGNINILAY: Sa Unang Pagbasa (1 Hari 11:29-32; 12:19), makikita dito ang bunga ng kasalanan ni Haring Solomon na magkahiwa-hiwalay ang dating pinag-isang Israel ni David. Ito’y nahati sa labindalawang bayan na may 2 kaharian, ang Israel sa Hilaga at ang Juda sa Timog. Nagkataon itong dalawang bansa ay sinakupan ng mga taga-Assyria at Babilonia. Nang palayin sila ng mga Persyano, tanging ang Juda lamang ang bumalik upang pagkaisa ang Israel. Samantala ang mga nasa Hilaga na mas kilala bilang mga Hentil ay nagpakasal ng mga kababayang taga-Assyria ay sumamba sa ibang diyus-diyusan. Ngunit sa pagpaparito ni Hesus, ipinapahayag niya na ang mensahe ng kaligtasan ay para sa kapwang Hudyo at Hentil.

Sa ating Ebanghelyo (Marcos 7:31-37), siya ay nagpagaling sa isang lalaki bingi at pipi, isang Hentil na nakatira sa Sampung Siyudad (Decapolis). Kuumura siya sa kanyang 2 daliri at inilagay sa bibig ng lalaki, saka sinabi na bumukas ang kanyang bibig o “Effata” (Cf. Marcos 7:34). Bumuka ang bibig ng dating pipi at bingi at nagpahayag ng mga papuri sa Panginoon sa kanyang dakila at mahabag na kababalaghan.

Kaya ang hamon sa atin ay maging bukas ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos para sa atin. Kahit tayo ay nagkasala, darating pa rin ang panahon na muling magbubukas ang ating mga puso na magbalik-loob sa Diyos, magsisi, at magsumikap na gumawa ng kabutihan at maging mabuting ehemplo sa ibang tao. Kung paanong binigay ng Diyos ang planong pangkaligtasan sa lahat, nawa’y isabuhay natin ito sa ating araw-araw na buhay-pananampalataya.

Reply

RFL February 8, 2024 at 8:39 am

1 Hari 11, 29-32; 12, 19
Salmo 80, 10-11ab. 12-13. 14-15
Marcos 7, 31-37

Panginoon naming Diyos, buksan Mo po ang aming mga tainga upang mapakinggan ang Salita mong nagbibigay buhay. Buksan Mo po ang aming mga bibig upang maipamalita ang hatid Mo sa aming kaligtasan!

Si Hesus, napakaraming pinagaling at ibaiba rin ang Kanyang pamamaraan Niya sa pagpapagaling. Nandoon yung hinipo Niya ang taong maysakit, yung iba pinagaling Niya sa pamamagitan ng Kanyang Salita malapit man o malayo sa Kanya yung tao, yung iba ay yung tao ang humawak sa Kanya. Ngayon nakita natin kung paano pinagaling ni Hesus yung deaf and mute na ito, may personal touch. Kagaya noong nilikha ng Diyos ang tao, ibinigay Niya ang Kanyang hininga upang magkaroon ng buhay ang tao. Sa deaf and mute naman na ito, ipinasok Niya ang Kanyang mga daliri sa mga tainga at hinipo Niya ang dila nito na may kasamang dura sa Kanyang kamay. Kitang-kita dito, He gave a part of Himself on man. He is truly the source of everything!

Kung ating marerealize, ibinigay pa Niya ang Kanyang buong sarili alang-alang sa pag-ibig Niya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa Krus. And He sealed the realizations of His promises sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay na muli. Kaya tayong mga nakakaalam ng karunungang ito, huwag magtikom ng bibig na parang pipi o utal, at ipahayag ang Mabuting Balita ng ating Kaligtasan! Nang sa gayon, ang mga bingi o nagbibingi-bingihan ay makarinig din at magdulot ng walang patlang na pagpupuri sa Panginoon.

Amen.

Reply

Malou Castaneda February 8, 2024 at 6:17 pm

PAGNINILAY
Isang piping bingi na tanging dumaing at umungol lamang ang magawa ang dinala kay Hesus. Dinala Niya siya sa isang pribadong lugar at hinawakan ang kanyang mga binging tenga at piping dila – at ang lalaki ay nakarinig at nakapagsalita! Pinuri ng karamihan ang Panginoon! Maaari din tayong magbingi-bingihan sa Nag-iisang Tunay na Diyos dahil napakaingay ng mga diyos ng kapangyarihan, kasiyahan at pera. At mapapaungol at mapapabulong lang tayo kapag sinira ng ating mga idolo ang ating buhay. Tinatawag tayo ni Hesus sa Kanyang pribadong lugar kung saan maaari Niyang buksan ang ating mga tainga sa Kanyang Salita, hipuin ang ating dila ng Kanyang Katawang-tao, at pagalingin ang ating buhay sa pamamagitan ng Katotohanan. Nawa’y hindi na tayo bumulong at umungol, ngunit magsalita tungkol sa pag-ibig ng Isa na Siyang Pag-ibig, upang purihin ng lahat ang Panginoon. At makaya nating bigyan ng pag-asa ang lahat.

Panginoong Hesus, buksan mo ang aming mga tainga sa Iyong Salita at paluwagin ang aming dila upang purihin ka. Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio February 9, 2024 at 12:40 pm

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Maingay tayo. Ngunit pipi. Marami tayong naririnig. Ngunit bingi. Ang anumang sinasabi natin, kung wala si Hesus sa atin, ay puno ng kasinungalingan at pagyayabang. Wala sa katotohanan. Anuman ang naririnig natin, kung wala si Hesus sa atin, ay pawang mga ingay na walang silbi bagama’t makulay. Hindi baga ganito ang nararamdaman natin sa bawat tsismis? Sayang ang oras. Dumadaan ang panahon. Sandali lang ang buhay. Kung hindi bubuksan ni Kristo ang ating puso ay habang buhay tayong bingi, utal, o kaya ay pipi. Kahit anong gawin natin ay walang silbi. Ingay at basura lang ang lumalabas sa atin. Baguhin natin ang ating pagkatao. Ituon ang lahat kay Hesukristo. Tatlo lang ang mahalagang gawin at siguradong Siya ay mapapasa atin. Humingi tayo ng tawad sa lahat ng ating kasalanan sa Kumpisalan. Dumalo ng Banal na Misa at Mangumunyon. Bisitahin siya araw-araw sa Adoration Chapel at duon ay kausapin. Siguradong ang lahat ng ating gawi ay magiging makabuluhan. Magsalita ng malalim na may kahulugan. Makinig lamang sa mga tinig na makapag papatibay sa totoong buhay. Anupa’t buhay natin ay magkakaroon ng tiyak na patutunguhan. Masagana at masaya sa lahat ng grasyang tinatamasa. Iyan ang ibig sabihin ng “Effata.” Ang mabuksan ka!

Reply

Rex Barbosa February 9, 2024 at 4:49 pm

PAGNINILAY

Sa ating ebanhelyo ngayon….
Pinagaling ni Jesus ang isang lalaki sa kanyang pagkabingi at kapansanan sa pagsasalita, BINIBIGYAN SIYA NG BAGONG BUHAY. Nagpapaalala sa atin kung gaano kalaki ang epekto ni Kristo sa ating buhay. Malaki man o hindi kapansin-pansin ang mga pagpapalang ito. Maaaring hindi natin nauunawaan o mapansin ang maliliit na pagpapala na ibinibigay niya sa atin araw-araw ngunit lahat ay may dulot na pagbabago sa ating buhay.
Magtiwala sa Diyos at manampalataya. Sasagutin niya ang lahat ng ating mga panalangin sa tamang panahon. Ipagpasalamat natin ang lahat ng bagay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: