Podcast: Download (Duration: 7:20 — 9.1MB)
Huwebes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Santa Josefina Bakhita, dalaga
o kaya Paggunuta kay San Jeronimo Emiliano
1 Hari 11, 4-13
Salmo 105, 3-4. 35-36. 37 at 40
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Marcos 7, 24-30
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Fifth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Josephine Bakhita, Virgin (White)
or Optional Memorial of St. Jerome Emiliani, Layman (White)
UNANG PAGBASA
1 Hari 11, 4-13
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng kanyang mga asawang taga-ibang bansa na sumamba sa kanilang mga diyus-diyusan. Hindi siya nanatiling tapat sa Panginoon; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama. Sumamba siya kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Nicom, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Ammonita. Ginawa nga ni Solomon ang ipinagbabawal ng Panginoon, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na naglingkod nang buong katapatan sa Panginoon. Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo siya ng mga sambahan: para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyus-diyusan ng Moab, at para kay Moloc, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Ammonita. Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga dambana ang mga diyus-diyusan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito’y nagsuob doon ng kamanyang at naghain ng mga handog.
Nagalit ang Panginoon kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na napakita sa kanya ang Panginoon at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyusan. Ngunit hindi niya pinansin ang Panginoon. Kaya nga’t sinabi nito sa kanya: “Dahil sa hindi mo paggalang sa aking tipan at hindi mo pagsunod sa aking mga tagubilin, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang alipin mo. Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon mo, kundi sa panahon ng iyong anak. Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, alang-alang sa Jerusalem, ang lungsod na aking hinirang.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 3-4. 35-36. 37 at 40
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Dapat na magalak ang sinumang tao na makatarungan
na gawang matuwid ang siyang adhika sa buo n’yang buhay.
Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo’y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, isama mo sana ang lingkod mong aba.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
Ang diyus-diyusan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Pati anak nilang babai’t lalaki’y inihaing lubos,
sa diyus-diyusan, mga batang ito ay dinalang handog.
Itong Panginoo’y nagpuyos ang galit sa mga hinirang,
siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
ALELUYA
Santiago 1, 21bk
Aleluya! Aleluya!
Sa kababaan ng loob
dinggin ang salita ng D’yos
upang kayo ay matubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 7, 24-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagtungo si Hesus sa lupain ng Tiro at tumuloy sa isang bahay doon. Ayaw sana niyang malaman na naroon siya, subalit hindi gayun ang nangyari. Ang pagdating niya’y nabalitaan ng isang inang may maliit na anak na babaing inaalihan ng masamang espiritu. Pumunta siya agad kay Hesus at nagpatirapa sa kanyang harapan. Ang babaing ito’y Hentil – tubo sa Sirofenica. Ipinamanhik niya kay Hesus na palayasin ang demonyo na nasa kanyang anak, ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang busugin muna ang mga anak. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta mang nasa ilalim ng hapag ay naninimot ng mga mumong nalalaglag ng mga anak. Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” Umuwi ang babae, at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ng demonyo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Pebrero 7, 2024
Biyernes, Pebrero 9, 2024 »
{ 7 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Nakatagpo ni Hesus ang babaeng taga Phoenicia, isang Griyego, na humihiling ng pabor na ipalayas ang demonyong sumasanib sa kanyang anak. Sinabi ni Hesus sa kanya na hindi tama na itapon ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso. Ngunit sinabi ng babae na kahit ang mga mumog na natapon sa paanan ng mesa ay kinakain ng mga tao. Natuwa ang Panginoon sa napakalaking pananampalataya ng babae at gumaling ang anak ito.
Sa pagsubok nito ng pananampalataya, makikita rito ang isang hadlang sa pagitan ng mga Hudyo at Hentil. Para sa mga Hudyo, sila lamang ang piniling bayan ng Diyos, at ang Hentil ay tinuturing nila bilang mga pagano at walang pag-asa. Makikita natin sa Unang Pagbasa na ang Diyos ay puno ng awa sa tao. Bagamat ang tao ay itinuturing na dakila, may mga kanya-kanyang kahinaan. Si Haring Solomon ay itinuturing na matalino dahil puno siya ng karunungan. Ginawa niya ang lahat para sa Diyos, kaya nga itinayo niya ang templo na kung saan nanirahan ang Kaban ng Tipan. Ikinatuwa siya ng lahat ng tao, maski ang Reyna ng Seba.
Subalit makikita natin sa pagbasa ngayon kung paano nahulog ang hari sa bitag ng kasalanan. Nagkaroon siya ng 700 asawa at 300 kerida, at dahil sa impluwensiya ng kanilang pag-akit sa kanya na mahalin sila, sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, hindi natuwa ang Diyos sa kanyang ginawa, kaya’t isinumpa na hahati ang kaharian ng Israel dahil sa magiging pagkukusa ng isa sa kanyang mga anak. Ngunit isang lipi ang matitira sa kanya alang-alang sa kanyang pangako kay Haring David. At ito ay nagpapahayag sa kadakilaan ni Hesus, ang dakilang Haring namumuno sa atin nang buong habag at pagmamahal sa kabila ng ating mga kahinaan, katakutan, kasugatan, pagkukulang, at pagkakasala. Kaya’t patuloy tayong lumapit sa kanyang dakilang awa nang may pananampalataya, at maging mga instrumento ng pananampalataya sa ating kapwa.
Ano ang mga aral at hamon ng mga Pagbasa ngayon?
Sa Unang Pagbasa ay ang kwento tungkol kay Haring Solomon. Sa kabila ng kanyang pagtataksil sa Panginoon ay nanatiling mahabagin ang Diyos pero mababasa din sa kwento na hindi sa panahon nya mangyayari ang parusa. Nangangahulugan na hindi tayo makapagtatago o makaliligtas sa parusa ng Diyos sa paggawa ng mga kasuklam suklam na kasalanan. Pero kung ang mga ito ay pagsisisihan mo ng lubos, ng buong puso’tkaluluwa ay patatawarin tayo ng Panginoon, pero kaakibat nito ay ang pagsususmikap na hindi na gawin muli ang mga kasalanang iyon at tuluyan ng talikuran ang baluktot na gawain. Sa ganitong paraan ay kahahabagan at kalulugadan tayo ng Diyos at hindi na ipapataw ang parusa maging sa susunod mong salinlahi.
Ang ating ebengheyo ngayon ay isa na namang patotoo na tayo ay gagaling o diringgin ang panalangin kung tayo ay lubos na nagtitiwala. Kung tayo ay dadalangin ngunit may natitira pang pangamba sa ating puso ay hindi pa natim libos na ibinibigay ang ating tiwala sa Diyos. Kapag tayo ay nanalangin ay sumampalataya tayo na ipagkakaloob ito sa atin ni Hesus subalit kaakibat din nito ang paggawa ng mabuti sa kapwa.
Ang bawat nilalang ay may kahinaang dapat paglabanan tulad ng takot, poot, kawalang pag-asa at negatibong pananaw. Sa ebanghelyong ito, nais iparating sa atin ng Panginoon, na magtiwala tayo sa kanyang pag-ibig at kakayanang tuparin ang ating naisin lalo na’t para sa ating pamilya. Kasunod ang Pananampalatayang itinanim Niya sa puso ng bawat isa sa atin , na anuman ang hilingin natin sa kanya ay matutupad nang naaayon sa Kanyang kalooban..Manampalataya , Magtiwala, Manindigan at Maniwala..Amen…
Ang mga pagbasa sa araw na ito ay ang pagpapakita ng mala-dagat na awa at pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Magmula sa unang pagbasa na bagama’t hindi masukat na galit ng Diyos kay Solomon sa ginawa niyang pagsamba sa mga diyus-diyusan isinaalang-alang pa din ng Diyos ang kabutihan ng ama nitong si David at ang kaparusahan dapat igagawad sa kanya ay mangyayari sa kapanahunan ng kanyang anak. Si haring Solomon ay ang isa sa tatlong hari( ang una ay si Saul at pangalawa ang ama niyang si David) at huling hari ng Israel na namuno 40 na taon. Bagamat salat siya sa karunungan dala ng kanyang kabataan na katulad ng karunungan ng kanyang amang si David ng magkaroon siya ng pagkakataon ng tanungin ng Diyos kung ano ang kanyang kahilingan pinili niya na magkaroon ng karunungan at ang kahilingang ito ay kinalugdan ng Diyos. Nang dahil dito namuno siya ng may katarungan at katalinuhan at bunga nito nagkaroon ng kasaganaan sa lahat ng tao at ng buong kaharian ng Israel. Ang makikita natin sa pagbasa na kahit pa gaano kaganda ang pananampalatayang nasimulan ay pwede pa din masilo ng kasalanan kahit pa nasa tugatog na ng tagumpay at kasaganaan pwede pa din magkamali sa dalawang pagpipilian lamang at ito ay ang patuloy na gamitin ang karunungan sa kabutihan habang buhay o hayaang madala ng pita ng laman habang tumatanda. Dapat laging alalahanin na ang karunungan ng tao ay katulad ng pagpapahalaga sa kalayaan ito ay mga biyayang kaloob ng Panginoong Diyos at nasa ating mga tao kung paano ito pagniningasin at pagyayamin pa. Ang mala-trahedyang nangyari kay haring Solomon ay kwento nating lahat lalo na yung nasa midlife crisis na tinatantyang nasa edad na 40-65. Sa mga edad na ito nangyayari ang transition sa buhay na maaring nakikipaglaban sa identity crisis, sa kumpyansa sa sarili na apektado ang paggawa ng tamang pagdedesisyon sa buhay. Sa madaling salita, dapat may konkretong pananampalatayang naka-sentro sa Diyos upang mapag-labanan ang kahit anong mabibigat na krisis sa buhay. Ang hamon, ipalanganin natin ang bawat isa na huwag mauwi sa wala ang pinagsikapang karunungan na nagmula sa Diyos habang nabubuhay.
Ang kwento sa Mabuting Balita ay kailanman hindi magiging huli ang lahat sa mga nagbabalik loob makakamit pa din ang habag at awa ng Panginoong Diyos. Katulad ng babaing Hentil na wala na ibang matatakbuhan kundi si Hesus upang mapagaling ang anak na inaalihan ng demonyo. Sa kabila ng lahat ng winika sa kanya ni Hesus na ang pagliligtas ng Diyos ay para sa mga Hudio lamang at para doon sa mayroon pananampatayang Kristiyano bilang pagsubok sa babaing Hentil sa kalaunan napahanga si Hesus at kinahabagan ang babae dahil sa pananampalatayang ipinakita nito at sa oras ding iyon pinagaling ang bata.
Sa kasaysayan ng kaligtasan, ang Salita ay nagkatawang tao- ang bugtong na anak ng Diyos na si Hesukristo. Sa kanyang tatlong taong pagmiministeryo ay kinalap ni Hesus ang mga nawawalang mga tupa upang ihimlay sa masaganang pastulan. Walang kapaguran na ipinangaral ang Salitang magbibigay ng buhay at kaligtasan, nagpagaling sa mga maysakit, nagpalayas sa katawan ng mga inaalihan ng demonyo, nagpakain at nagaaruga sa mga banyagang walang matirahan. Sa paghahambing sa buhay ni haring Solomon na nasilo ng kasalanan, ang buong buhay ni Hesus ay inilaan Niya sa pamumuno na may katarungan, kapayapaan, at pag-ibig kahit na ito ay nangahulugan ng Kanyang sariling pagaalay ng buhay sa krus. Higit sa lahat ay napag-labanan Niya ang mga tukso ng diyablo sa makailang panunukso sa kanya.
Ang Ebanghelyo ay isang paalala na laging pahalagahan ang lahat ng mga biyaya at pagpapala ng Diyos. Maaring sa patuloy na paglalakbay natin sa buhay na ito ay may mga malalaking lubak na tayo tatahakin na pwedeng ikatisud at pumili ng ibang rota babaybayin, nawa’y sa mga balakid na ito matanglawan lagi tayo ng liwanag na tangi lamang sa Diyos magmumula.
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Ang matinding pananalig ay nakagagawa ng himala kahit sa hindi naniniwala. Mayroon namang naniniwala ngunit walang pananalig na parati na lang umaasa pero di nagkakatotoo sa kanila ang panalangin sa Kanya. Sino tayo sa mata ng Diyos? Tayo ba ay mga anak na masusing pinapakain ngunit parating nag aalangan sa ating panalangin? O tutang aso na naturingan na umaasa lang sa mga mumong naglalaglagan ng gaya ng hentil na inang nanalig sa isang kagalingan? Manampalataya at manalig. Ito ang sikreto ng isang matagumpay na Kristiyano. Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Maraming dapat patunayan. Madaling masilaw sa kinang ng kamunduhan kaya madaling makagawa ng kasalanan. Mandaya. Magsinungaling. Magnakaw. Magyabang. Maging sakim. At marami pang gawain na nakasisira ng buhay. Kailangan natin si Hesus nang makatayo ng may katatagan. Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay. Magpakumbaba tayo at humingi ng kapatawaran sa Kumpisalan. Sapagkat bulag at bingi tayo sa kanya kung marami tayong kasalanan. Maging kaisa natin siya sa Komunyon sa kada Misang ating dinadaluhan. At araw-araw tayong makipag usap at sambahin siya sa Exposed Blessed Sacrament sa Adoration Chapel ng ating simbahan. Si Hesus mismo iyun. Ang Diyos ng Sangkatauhan na atin lang dinadaan-daanan. Hindi na natin siya kailangan hanapin pa. Matagal na siyang naghihintay sa atin.
Marcos 7, 24-30
The Gentile woman’s faith
Mga natutunan ko mula sa tagpong ito.
1. The light of Christ cannot be hidden. Once na makilala natin ng lubusan si Kristo Hesus, by the grace of God, we will never stop knowing Him for the rest of our lives. Sa bawat takbo ng buhay, sa saya man o sa problema, sa tagumpay at sa kabiguan, sa iyak ng bagong sanggol at sa mga panaghoy ng isang namatayan ng mahal sa buhay… sa anumang aspeto ng buhay, makikita natin ang liwanag ni Hesus… walang nakakatakas sa liwanag na Kanyang taglay. And my prayer is to always know Him, and taste and see the goodness of the Lord all my life.
2. The separation of Jew vs a Gentile was as clear as day, but that did not stop the woman from approaching Jesus and pleaded for her daughter’s deliverance. Madalas, may mga balakid sa buhay natin sa pagtungo natin kay Kristo. Maaaring sa relihiyon kung nasaan ka ngayon, o kaya ay hindi kinikilala ng pamilya mo or ng society mo si Hesus, o kaya ay sadyang wala kang time. Mga problema minsan, yun pa ang naghahadlang sa atin na magtungo kay Kristo instead na iseek natin Siya para humingi ng awa at karunungan para sa ating sitwasyon. Kung anuman ang balakid na humahadlang sa atin kay Hesus, huwag tayong mag-atubili na isantabi ang mga ito at lumapit sa ating Panginoon kagaya ng Gentile woman na ito. Para sa babaeng ito, si Hesus ang numero uno and only hope na meron sya para sa kanyang anak.
3. The Gentile woman’s humility. Noong nagmamakaawa siya sa Panginoon, tinanggihan siya ni Hesus at bilang Hentil ay naikumpara pa siya sa isang aso (ito ay usual na description ng mga Hudyo sa mga Hentil). Ngunit ang babaeng ito ay hindi nagmataas, bagkus ay inako ang paghahalintulad sa aso nang may halong karunungan. Tama nga naman! Maging ang mga aso ay kinakain ang mga mumong nalalaglag sa hapag ng mga anak. This means whether anak ka (priority), or aso (secondary receiver), ang master of the house pa rin ang nagbibigay ng biyaya. Ganito na lamang ang faith ng babaeng ito! Kilala niya ang Panginoon at Siya ang kanyang pag-asa.
4. There is healing through our intercession. Maraming beses ito napatunayan sa mga Ebanghelyo at magpahanggang ngayon, ang intercession natin para sa iba ay nakakapagpa-grant ng mga hiling ng mga taong iyon. Why? Kase hindi ito selfish. Intercessing for other people is a selfless thing that a Christian can do. Praying for one another for a purpose is a thing na siguro’y hindi tatanggihan ng Diyos. Isang halimbawa na yung ginawa ng babaeng ito para sa kanyang anak, isama pa natin yung kwento ng paralyzed man na ibinaba ng kanyang mga kaibigan mula sa bubong, isama na rin ang pagsamo ng centurion para sa kanyang servant. Ang mga ito’y binigyan ng kagalungan ni Hesus.
5. God is merciful to everyone, especially those who seek Him. Walang pinipili ang Diyos. Ang tinitingnan ng Diyos sa bawat lumalapit sa Kanya ay yung genuinely na hinahanap Siya. Kase ang lesson ng bawat story ay yung mapalapit tayo sa Panginoon, secondary and bonus na lang ang pagalingin sa sakit, makamit ang tagumpay, etc. Mahal tayo ng Diyos, at ipagkakaloob Niya sa atin ang ating mga kahilingan kung ito’y ayon sa Kanyang kalooban. Kaya thanks be to God!
Amen.
PAGNINILAY
Ang di-makasariling pag-ibig ay hindi nabibigo. Ang pag-ibig ay Utos ng Diyos. Ang babae sa Ebanghelyo ay handang tiisin ang lahat ng bagay, tiisin ang lahat ng bagay, maniwala sa lahat ng bagay, at umasa sa lahat ng bagay dahil sa pagmamahal sa kanyang anak. Tiniis ni Kristo ang lahat ng bagay para sa Kanyang Ama, at para sa kapalaluan ng Kanyang mga kapatid na lalaki at babae. Ito ang bumubuo sa tunay na pag-ibig – isang pag-ibig na nagtitiis sa lahat ng bagay habang pinagpipiyestahan ang mga labi ng insulto, pinsala at kahihiyan. Ang babae ay may malaking pananampalataya at ang pananampalataya ay nasubok laban sa pamantayan ni Kristo. Ang kanyang pagsinta, ang kanyang pagdurusa at ang kanyang “kamatayan” ay humantong sa kaligtasan ng kanyang anak na babae; tulad ng pagdurusa, sakit at kamatayan ng Panginoon na humantong sa kaligtasan nating lahat. Kung ano ang ginawa ni Hesus para sa atin, magagawa ba natin ito para sa iba?
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makilala ang lahat ng Iyong bayan sa kabila ng anumang pagkakaiba na tila naghihiwalay sa amin. Amen.
***