Biyernes, Disyembre 29, 2023

December 29, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Disyembre 29

Ang pagkakita ni Simeon sa Sanggol na Jesus ay katuparan ng isang pangako. Ilapit natin ang ating mga pag-asam at kahilingan sa Ama na laging tapat sa kanyang mga pangako.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Tapat na Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Ang Simbahan, bilang isang pamilya, nawa’y maging isang huwaran at gabay ng mga bansa sa mundo sa kanilang pagsisikap na magkaroon ng pagkakasundo at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang maipakita ang higit na pagpapahalaga sa mga miyembro ng ating pamilya na ang pagmamahal ay binabalewala natin, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pamilyang nagkahiwa-hiwalay nawa’y magkasundo at muling mabuo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makadama ng init ng pagmamahal at pagkalinga ng mga kasapi ng kanilang sariling pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pumanaw na sa mundong ito nawa’y pagkalooban ng walang hanggang katiwasayan at liwanag, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, balutin mo kami sa kabutihan at pagtitiyaga. Sa pagpapatuloy ng aming buhay, marapatin mong higit kaming lumago at matularan ang iyong Anak. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 27, 2021 at 3:42 pm

PAGNINILAY: Sa Ikalimang Araw ng Oktaba para sa Pasko ng Pagsilang, ang ating Ebanghelyo ay nakasentro sa katuparan ng kaligtasan ng Diyos para sa sangkatauhan. Layunin ni San Lucas sa panunulat ng kanyang salaysay ay ipahayag na si Hesukristo ay ang Tagapagligtas hindi lang ng mga Hudyo, kundi ng lahat ng mga tao. Ito ang natunghayan ng matandang si Simeon sa kanyang paghahanap sa Sanggol sa Templo. Bagamat si Hesus ay ang Anak ng Diyos, naging masunurin sina Birheng Maria at San Jose na ipagdala ang Sanggol sa Templo upang italaga ito sa Panginoon 40 araw pagkatapos ito’y isinilang sa Bethlehem. Kaya nga ang mga tradisyonal na Katoliko ay nagtatapos ng Kapaskuhan sa Ikalawang Araw ng Pebrero, ang Kapistahan ng Pagdalaw ng Panginoon.

Makikita natin ang pagtatagpo ni Simeon sa Banal na Mag-anak, at sa kanyang pagkamangha ay natagpuan niya ang Mesiyas ayon sa ipinangako ng Espiritu Santo bago siya’y pumanaw. Natunghayan niya si Hesus bilang Liwanag ng mga Hentil at Karangalan ng bayang Israel, na patunay na ang Kristo ay magliligtas para sa lahat. At inawit ni Simeon ang isang panalangin na tinatawag na “Nunc Dumittis”. Kung sa Liturgy of the Hours ang Benedictus ay dinadasal tuwing umaga (Lauds) at ang Magnificat ay dinadasal tuwing takip-silim (Vespers), ang Nunc Dumittis naman ay dinadasal sa bawat tulog sa gabi (Compline). Parang nakakapagtaka pong isipin na ipinapanalangin ito bago tumulog dahil sabi nga ni Simeon na pwede na siyang humayo ng mapayapa sapagkat nakita na niya ang katuparan ng plano ng Diyos.

Siguro ito ay paalala sa atin na hindi natin alam kung tayo’y babangon pa sa susunod na araw. Hindi dapat tayo matakot o mag-isip na ikikitil ng Panginoon ang ating buhay. Kundi mahalaga na ipasya natin ang ating buhay sa kanya katulad ni Simeon upang mas makilala natin siya at ang kanyang dakilang plano. At ngayong Pasko, nawa’y kilalanin natin ang kanyang presensiya sa bawat tao sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak na nagkatawang-tao.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño December 29, 2021 at 7:10 am

Ano ang hamon at aral sa atin ng mga pagbasa ngayon?

Sa Unang Pagbasa ay ang pagpapa-alala sa atin ng pagpapatawad at pagmamahal sa kapatid o sa kapwa. Madasalin ka man o relihiyoso ay sinungaling ka pa din kung hindi ka nagpapatawad ng iyong kapatid o ng mga taong nagkasala o nakasakit sayo. Ang paglalagay ng poot sa dibdib laban sa isang tao ay hindi magbibigay sa iyo ng katahimikan at kapayapaan ng isip at kalooban. Mabubuhay ka lamang ng may mabigat na dinadala. At ikaw ay nanatili pa din sa kadiliman. Kaya’t pag aralan mong magpatawad at mahalin ang kapwa upang tunay tayong makasunod sa kalooban ng Diyos at tayo ay kalugdan nya.

Ang ating ebanghelyo ngayon at ang pagtatagpo ng batang si Hesus at ni Simeon. Nang makita na nya si Hesus ay sinabi nya sa Panginoon na handa na sya na kunin ang pinahiram na buhay sa kanya.

Ganyan din tayo mga kapatid, kapag natagpuna na natin si Hesus sa ating mga puso ay wala na tayong pangamba. Hindi mo na katatakutan ang mga bagay bagay maging ang kamatayan sapagkat ikaw ay handa na. Hindi sinasabing kapag natagpuan na natin si Hesus ay oras mo na, ang ibig sabihin ay kapag tayo ay may relasyon na sq Diyos, ang lahat ay pinapasakamay na natin sa Kanya, sapgkat ibinibigay na natin ang buo nating pananalig, pananampalatay at tiwala sa Kanya. Maktutulog na tayo ng mahimbing, ang problemang darating ay tatawanan na lamang natin dahil alam nating katuwang natin si Hesus sa pagresolba nito, anumang dumating sa png araw araw ay ipagpapasalamat natin at ngingitian na lamang natin. Si Hesus ang bahala sa iyo, basta’t sundin mo lamang ang kalooban nya.

Reply

Malou Castaneda December 28, 2023 at 10:26 pm

PAGNINILAY
Isang simbolo ng paghihintay na may pag-asa, itinatangi ni Simeon ang isang pangako mula sa Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita si Hesus. Naghintay siya, naghintay at naghintay. Si Simeon ay nakapagsabi ng isang libong panalangin, umaasa ng isang libong pag-asa at nagdusa ng isang libong pagkabigo. Anumang bagay na nagkakahalaga ng pagkakaroon ay nagkakahalaga ng paghihintay. Ang atin ay isang instant na kultura: instant na kape, instant noodles, instant na impormasyon. Iba ang sona ng oras ng Diyos: ang isang araw ay isang libong taon. Ang paghihintay natin ay bahagi ng Kanyang ritmo. Kapag hindi natutupad ang ating mga pangarap, kapag hindi nangyari ang inaasahan natin, tandaan lang natin na ang Diyos ay naglalaan ng oras upang ihanda ang Kanyang mga regalo at matutong maging matiyaga hanggang sa Kanyang buksan at ilantad ang mga ito para sa atin!

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makapagsabi ng “Oo” sa Diyos sa kabila ng kahirapan. Amen.
***

Reply

Rosie Agana December 28, 2023 at 11:40 pm

ang paghahandog Kay Jesus Sa templo , ay para bagang tayo Rin ay inihahandog Ni Jesus ang ating mga sarili Sa Diyos upang maging marapat na handog ay Kagaya Ni Jesus kailangan natin magsakripisyo namagbata ng hirap at sakit masaktan dumanas ng pagsubok at mahirapan upang lubos natin hanapin ang Panginoon Sa ating puso Sa ating buhay upang Lalo natin maintindihan ang paghihirap Ni Jesus Sa Krus Kagaya Niya kailangan natin mamatay Sa ating sarili upang mabuhay Sa Espiritu, Si Semeon bagamat di siya tinanghal na Santo ay siya ang ginamit ng Diyos upang ipahayag ang Misyon ng pagkakatawang Tao ng kanyang Anak na Si Jesus. NASA Kagaya Ni Jesus marami tayong dalang mabuting handog Sa templo ng Panginoon ang ating sarili ang pinakamainam na handog at pinakamatamis na wakas ng ating Misyon Dito Sa lupa ang maging mabuting slay Sa Sa Diyos

Reply

Mel Mendoza December 28, 2023 at 11:16 pm

Ang mga pagbasa sa araw na ito ay naka-sentro sa pagtatatalaga ng ating mga sarili sa Diyos. Kung tayo ay nabubuhay na naaayon sa mga pangaral na nakasulat sa Banal na Kasulatan ay totoo ngang naitalaga na natin ang ating mga buhay na naayon sa uri ng pamumuhay na ipinangaral ni Hesukristo. Tayo ay lumalakad sa ilaw na pumapawi sa karimlan. Ang mahalaga at unang sangkap ng pamumuhay na ito ay ang pag-ibig. Kailanman, hindi mapapasaatin ang kapayapaan na ibinibigay ng Diyos kung wala ang pag-ibig na kapara ng pag-ibig ni Hesus sa sangkinapal.

Katulad ng paalala ng matandang Simeon kay Birheng Maria na ang batang si Hesus ay magdudulot sa kanya ng sakit na parang mga
balaraw na nakatarak sa dibdib ganun din tayong mga tagasunod ni Hesus. Asahan ang hindi madaling buhay ang susuungin at dadanasin kaakibat nito ay ang mga samu’t saring pagsubok para makasunod sa landas patungo sa kaharian pero sa dulo naman nito ay ang walang hanggang kaluwalhatian sa langit na naka-antabay sa mga naging tapat kay Kristo-Hesus. Katulad ng nasambit ni Simeon maligayang sasabihin
din natin sa Panginoon sa kaloob Niya at biyaya ng buhay na kung tayo man ay yayao sa mundong ito nakita natin at naipamuhay ang ninanais ng Diyos sa ating mga buhay.

Nawa’y sa araw araw na ating mga pagiral asamin natin na maitalaga natin ang ating mga sarili sa Diyos sa pamamagitan ng paghahasik ng ilaw at pag-ibig ni Hesukristo na siya ang unang rason kung bakit mayroon tayong ipagdidiriwang ng Pasko ng Pagsilang. Huwag nawang manatili ang sanggol na Hesus sa malamig na sabsaban bagkus ang liwanag sa belen ay siya nawa maging ilaw nating lahat upang masundan ang pag-ibig ng Diyos at maipahagi ito sa ating kapwa sa araw araw nating pamumuhay. Amen?

Reply

Jess C. Gregorio December 29, 2023 at 7:56 am

Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:

Karaniwang nakatalaga sa Panginoon ang bawa’t panganay na lalaki. At kinakailangan ng handog na mag asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati. Tayong lahat ay mistulang Simeon. Lahat tayo ay binigyan ng pagkakataong makita ang ating manunubos sa ating personal na buhay. Hindi tayo mamamatay na hindi nakikita ang Mesias. Ito ang parehong ginagawa ng Banal na Espiritu sa atin mula ng tayo ay naging Templo ng Diyos. Ang kadakilaan ni Maria at ni Jose ay nababatid sa kasulatang ito. Ipinababatid sa atin na ito rin ang plano at gusto ng Diyos para sa atin sa pangkasalukuyan. Sila ang nagdadala ng sanggol na naging ating katubusan bilang alay sa Diyos para sa atin. At dahil si Hesus ay hindi nagbabago, nuon, ngayon, at sa hinaharap, kung ano ang nangyari ay maliwanag na ganuon rin ang kagustuhan ng Diyos para sa atin. At sa unang pagkakataon marinig ang iyak ni Hesus, masilayan at mayakap ang Manunubos, tulad ni Simeon masasabi natin, “Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin, ayon sa iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa: Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil, at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
At tulad ng sinasabing babala ni Simeon kay Maria, inaasahan na ang sangkatauhan ay
sadyang magtatarak ng balaraw sa puso niya at tulad ni Hesus ay hahamakin na katulad ng ginagawa ng mga mismong tagasunod ni Hesukristong naturingan sa ating panahon. Sasaktan nila ang Ina ng Diyos at ang sakripisyong inialay ni Maria ay nakakabit na sa mga sakripisyong dinaanan ng kanyang Bugtong na Anak. Ang makabagong sakit na patuloy tinatanggap ng Anak at ng Ina ay ang mga kasalanan at pagpapawalang halaga sa mismong Espiritu ng Diyos na nasa atin na. Ang mga Ebanghelyong ating nababasa sa araw-araw ay pakonti-konting nagbubukas ng ating puso at isipan at sa tulong ng Banal na Espiritu ang lahat ng mga nangyayari ay ating naiintindihan. Ang katotohanan, tayong lahat ay Simeon ng pang kasalukuyang panahon.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: