Podcast: Download (Duration: 6:27 — 6.3MB)
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, Mga Martir
1 Juan 1, 5 – 2, 2
Salmo 123, 2-3. 4-5. 7b-8
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Mateo 2, 13-18
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of the Holy Innocents, martyrs (Red)
UNANG PAGBASA
1 Juan 1, 5 – 2, 2
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal, ito ang aming narinig kay Hesukristo, at ipinahahayag namin sa inyo: ang Diyos ay ilaw, at walang anumang kadiliman sa kanya. Kung sinasabi nating tayo’y kaisa niya, ngunit namumuhay naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, kung paanong siya’y nasa liwanag; tayo’y nagkakaisa at nililinis ng dugo ni Hesus na kanyang Anak sa lahat ng ating kasalanan.
Kung sinabi nating tayo’y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili, at wala sa atin ang katotohanan. Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya’y matuwid. Kung sinasabi nating hindi tayo nagkakasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.
Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya’y si Hesukristo, ang walang sala. Sapagkat si Kristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 123, 2-3. 4-5. 7b-8
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Kung ang Panginoong Diyos, sa amin ay di pumanig,
noong kami’y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilulon na nang buhay,
sa silakbo ng damdamin at matinding kagalitan.
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Maaaring kami noo’y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata’t tuluy-tuloy na nalunod;
sa lakas ng agos noo’y nalunod nga kaming lubos.
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Nang ang bitag ay mawasak lubos tayong nakalaya.
Tulong nating kailangan ay sa Poon nagmumula,
pagkat itong lupa’t langit tanging siya ang lumikha.
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Tanang martir na nag-alay
ng sarili nilang buhay
sa iyo’y nagpaparangal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 2, 13-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Pagkaalis ng mga Pantas, napakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi sa kanya, “Magbangon ka, dalhin mo agad sa Egipto ang mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang patayin.” Kaya dali-daling bumangon si Jose at nang gabing iyo’y dinala sa Egipto ang mag-ina. Doon sila tumira hanggang sa mamatay si Herodes.
Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko ang aking Anak mula sa Egipto.”
Galit na galit si Herodes nang malamang siya’y napaglalangan ng mga Pantas. Kaya’t ipinapatay niya ang mga batang lalaki sa Betlehem at mga palibot na pook – lahat ng may gulang na dalawang taon pababa, alinsunod sa panahon ng paglitaw ng tala na natiyak niya sa mga Pantas.
Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:
“Narinig sa Rama ang malakas na panaghoy.
Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
Hindi siya maaliw sa tindi ng kalungkutan dahil sa pagkamatay nila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Disyembre 27, 2023
Biyernes, Disyembre 29, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong araw na ito ay inaalala natin ang mga sanggol sa Bethlehem na walang malay na pinaslang ayon sa kautusan ni Haring Herodes Magno.
Makikita natin sa Ebanghelyo ang pagkaganid ng hari sa kapangyarihan nang paulit-ulit niyang marinig ang pahayag tungkol sa isang Mesiyas na mas magiging dakila kaysa sa kanya. Kaya nang dumating ang Pantas sa kanyang palasyo, ipinautos niya sa kanila na dalhin siya ng balita pag bumalik sila upang sambahin rin daw niya ang Sanggol na Hesus. Ngunit nalaman ng mga Pantas ang balak ni Herodes mula sa isang anghel na nagpakita sa kanila sa panaginip, kaya’t sila’y lumisan pabalik sa kanilang pinanggalingan. Kaya inakala ni Herodes na siya’y pinagloko ng mga dalubhasang iyon, at iniutos niya na ipagpaslang ang mga sanggol sa Bethlehem na nasa edad ng 2 taong pababa. Akala nila na patay na ang Batang Hesus, subalit hindi nila nabatid ang plano ng Diyos na ipinahayag ng anghel kay San Jose sa isang panaginip. Nagsilikas ang Banal na Mag-anak papuntang Egipto hanggang sumapit ang kamatayan ni Haring Herodes. At makikita dito sa pangyayaring ito ang walang kamalayang pagpapatay sa mga batang sanggol sa Bethlehem. Bagamat ang Sanggol na Kristo ang nakalikas mula sa pang-uusig, saka naman nangyari itong madugong enkuwentrong ito sa siyudad.
At ang Egpito ay sumisimbolo sa lugar kung saang dumanas ang mga Israelita noon ng paghihirap at pagkaalipin hanggang sa palayain sila ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Ganun din ang isang mangyayaring pagliligtas ng Diyos 33 taong matapos isilang si Hesus ay ang Sanggol na ito ang sinugo na Tagapagligtas ng tao mula sa pagkaalipin ng kasalanan. At ang mga Niños Innocentes ay ang mga naging saksi ni Kristo dahil kahit walang malay silang pinaslang, ipinakita nila sa atin lalung-lalo ngayong Pasko ang buhay bilang mahalaga at sagrado.
Ginugunita natin ngayon ang Niños Inocentes, ang mga walang malay na bata at sanggol na ipinapatay ni Haring Herodes ng dahil lamang sa takot na maagaw ang kapangyarihan.
May mga taong gagawin ang lahat makuha lamang ang gusto. May mga gagawa ng karum dumal wag lamang maagaw kung ano ang meron sya, sa kasalukuyang panahon ay nagagawa din natin ito ng hindi natin alam. Katulad ng paninirang puri sa ibang tao upang wag tayong mahigitan, Gumagawa tayo ng bagay na ikababagsak ng ibang tao upang tayo ang mangibabaw. Minsan ay gumagawa tayo ng kwento upang tayo ay makatanggap ng papuri. Kung minsan naman ay naghuhugas tayo ng kamay sa ating gawang mali upang iba ang mapagbintangan o iba ang maparusahan. Sa larangan nman ng politika ay mas malala sapagkat ipinapapatay nila ang kalaban sa eleksyon upang sila ang maupo o mawalan sila ng mabigat na kalaban. Ganyan ang tao, ganid, matakaw sa kapangyarihan, matakaw sa papuri, matakaw sa makamundong bagay. Kung ganun ay wala tayong iniwan sa masamang Haring Herodes. Wag natin syang tularan sapagkat kamatayan lamang ang ating kapupuntahan.
Ang tularan natin ay ang mga niños inocentes, tularan natin ang katangian ng isang bata, masayahin, madali magpatawad at tuwa ang dulot sa mundo.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:
Mainam siguro na may mga anghel na nagbibigay babala sa atin sa mga panganib na susuungin. Katulad ng mga pantas na sinabihang huwag na dumaan kay herodes. At kay Jose, na agad bumangon sa kanyang pagkakatulog para humayo sa ehipto. Sa mga panahon ngayon, bagama’t andiyan pa rin mga anghel de la guwardiya natin, mismo ang Diyos na ang nanahan sa atin sa kanyang Banal na Espiritu. Ginawa tayong templo at pinag adyang magkaroon ng kapangyarihan upang maintindihan ang gawi ng katauhan at kamunduhan. Ang sabi ni Kristo sa krus ng kalbaryo ay, “Natapos na!” Wala ng kapangyarihan ang demonyo sa mga nananampalataya at may pananalig sa Diyos. Makikita natin ang mga Herodes sa paligid. Matutuklasan natin ang mga huwad. At tayo ay makaka iwas sa kanilang dalang kasakitan. Ang ginagawa ng mga anghel sa pantas, kay Maria, kay Jose, sa mga pastol ay wala sa kalingkingan ng gagawin ng Banal na Espiritu sa atin kung siya ay naluluklok sa ating puso. Magkakaroon tayo ng lakas at talino ipahayag ang totoo kahit na sa harap ng makapangyarihan. Makikita natin ang mga espiritung gumagalaw sa ating lipunan. Makakapag dasal tayo ng may buong kaganapan na wari ay ang Diyos ay nasa atin lang harapan. Magagawa natin ang tama at makaka iwas sa lahat ng plano ng iba na ating ikakasira. Masusundan natin ang tamang mga oras pumunta sa ating sariling Ehipto at kung kailan nararapat bumalik kung wala na ang mga herodes sa ating buhay. Ikukubli tayo ng Panginoon sa lahat ng panganib na ating susuungin.
PAGNINILAY
Si San Jose ay nakinig at nagtiwala sa mga salita ng isang anghel sa kanya sa isang panaginip. Ito ay isang nakapagpapatibay ng loob dahil kung hindi siya ay magiging mapaminsala ang mga resulta. Bawat isa sa atin ay may isang anghel na gumagabay sa atin, isang maliit ngunit totoong boses na humihikayat sa atin sa gitna ng ingay ng mundo. Tulad ni San Jose, makinig tayo at gumawa ng parehong hakbang para sa pinakamasakit para sa atin ngayong Pasko. Anuman ang mangyari, tayo ay inaanyayahan na pag-isahin ang ating hinanakit at pasakit ngayon sa kalungkutan ng mga pamilyang nawalan ng kanilang maliliit na anak noon. Hayaan ang Diyos na gawin para sa atin kung ano ang Kanyang ginawa para sa kanilang lahat. Nawa’y magtiwala tayo sa Panginoon na magtatagumpay sa ating buhay kung hahayaan natin Siya.
Panginoong Hesus, aliwin Mo ang mga inosente na nagdurusa sa kamay ng mga nang-aapi sa kanila. Amen.
***