Podcast: Download (Duration: 5:24 — 5.4MB)
Kapistahan ni Apostol San Juan,
Manunulat ng Mabuting Balita
1 Juan 1, 1-4
Salmo 96, 1-2. 5-6. 11-12
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Juan 20, 2-8
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of Saint John, Apostle and Evangelist (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 1, 1-4
Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal, sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa’y siya na, ang Salita na nagbibigay-buhay. Narinig namin siya at nakita, napagmasdan at nahipo ng aming mga kamay. Nahayag ang Buhay. Nakita namin siya at pinatotohanan sa inyo. At ipinangangaral namin sa inyo ang Buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin. Ipinahahayag nga namin sa inyo ang aming nakita’t narinig, upang makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesukristo. Sinusulat namin ito upang malubos ang ating kagalakan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 11-12
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan.
Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong,
sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon;
ang ginawa niyang ito’y dapat nating gunitain,
at sa Poon ay iukol ang papuring walang maliw!
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Mga tapat na apostol
ay nagpupuri sa Poon
sa langit habang panahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 20, 2-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Disyembre 26, 2023
Huwebes, Disyembre 28, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng San Juan, ang isa sa mga Ebanghelista at kilala bilang “minamahal na Apostol” ni Hesus. Kung ang ibang mga Apostol ay napatay alang-alang kay Kristo, si San Juan rin ay namatay bilang saksi ni Kristo. Subalit ang kanyang kamatayan ay naganap sa kanyang katandaan sa Isla ng Patmos matapos niyang isulat ang Aklat ng Apocalypsis (Pahayag). Siya rin ang nagsulat ng 3 sulat na hinihikayat niya ang Sambayanang Kristiyano na magmahal katulad ng pagmamahal ng Diyos sa atin. At higit sa lahat, siya ang manunulat ng Ikaapaat na Ebanghelyo sa Bagong Tipan.
Ang kanyang pokus ay ipahayag na si Hesukristo ay totoong Diyos at totoong Tao dahil ang Kristo ay ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. At sa kanyang sariling salaysay ay tinawag niya ang kanyang sarili bilang “beloved Apostle” sapagkat minahal siya ni Hesus dahil sa katapatan niya. Katunayan nga ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapahayag kung paano niya nakita ang bato ng libingan ng Muling Nabuhay na Panginoon ay nalulon at ang lampin ay nakahilata sa pinaghigaan ng katawan ni Hesus. Kaya si San Juan nang makita ito ay naniwalang muling nabuhay ang ating Panginoon.
Ang kanyang paanyaya ngayong Pasko ay patuloy na sumampalataya sa Salitang nagkatawang-tao at tanggapin ito sa ating buhay. Nawa’t tulungan tayo ni San Juan na mas kilalanin natin ang Emmanuel sa ating buhay sa paggawa ng katuwiran at kabutihan sa ibang tao.
Maligayang Pasko ulit mga kapatid!
Ang ebanghelyo ngayon ay matatawag ding Pasko, hindi ng pagsilang ni Hesus kundi Pasko ng Pagkabuhay. Ano ang aral ata hamon sa atin ng Mabuting Balita ngayon?
Pananalig, pagtiwala at pananampalataya. Ang buhay ng isang tao ay walang saysay at walang direksyon kung wala syang Diyos na pinaniniwalaang may gawa ng langit at lupa at lahat ng ating nakikita naririnig at nararamdaman. Kung wala ang Diyos sa puso ng tao ay wala ang pag-ibig, at ang mangyayari sa mundo ay puro alitan, gyera, kamunduhan, pagiging makasarili ng lahat, patayan, pangangalunya at pakikiapid, at walang pagmamahalan. Kung hindi maniniwala ang tao sa Diyos ay wala tayong silbi sa mundo, para lamang tayong mga hayop sa mapanglaw na gubat na naghihintay ng ating kamatayan.
May Diyos. Walang kahit sinong tao ang kayang gumawa ng mga nilalang ng Diyos maging ang siyensya. May Diyos. May Diyos na magmamahal sa atin ng lubos kahit na tayo ay naging makasalanan. May Diyos, may Diyos na naghihintay lamang ng iyong pagbabalik, ng iyong pagsisisi, ng iyong paghingi ng kapatawaran, ng iyong pagtalikof sa kasamaan. At kapg nangyari iyon, mawawala na ang iyong pangamba, mabubuhay ka na puro kaligayahan dahil alam mong lagi natin syang kapiling.
Kaya’t piliin natin ang mapayapang buhay kapiling ni Hesus, sikapin na na nating matalikuran ang kasamaaan habang may panahon pa.
PAGNINILAY
Minsan nakatutukso na kumapit sa ningning ng Pasko. Habang pinahahalagahan natin ang regalo ng panahong ito, ang eksena sa Pasko ng Pagkabuhay ay nagpapaalala sa atin na ang pananampalataya ay tumatawag sa atin upang magpatuloy, upang hanapin ang nabuhay na mag-uli na Panginoon. Si San Juan, ang alagad na minamahal ni Hesus, ay nakasentro ang buong buhay kay Hesus hanggang sa Kalbaryo at pagkatapos ay inalagaan pa ang Inang Maria. Minahal ni Juan si Hesus ng buong puso.
Sino ang mamahalin ng Panginoon? Kung nararanasan natin si Hesus
gaya ng naranasan ni Juan, malalaman natin ang tunay na kalikasan ng Panginoon. Iibigin ni Hesus ang isang taong dalisay ang puso, na sumusunod sa mga utos ng Diyos. Iibigin ni Hesus ang mapagpakumbaba at maamo dahil karapat-dapat silang magmana ng kaharian ng Diyos. Mamahalin ni Hesus ang taong magpapakita ng dakilang pagmamahal sa Kanya. Ito ang ilan sa mga katangian na nagpapangyari kay Juan, ang minamahal na alagad. Mayroon bang anumang katangian sa loob natin na maaaring maging minamahal na alagad ni Hesus?
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makilala at ibahagi na Ikaw ay buhay sa aming buhay. Amen.
***
Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:
Marami na tayong narinig. Marami na tayong nakita. Humangos tayo ng buong tulin papunta sa Kanya. Tayo kaya ay si Juan. Ang apostoles na mahal ng Panginoon. O kaya ay tayo si Magdalena na sinisi mga kumuha raw sa Kanya sa libingan. Naglalaro sa isipan niyang gagawa ng issue mga hindi naniniwala at sila ang sisisihin. O baka naman tayo ay si Pedro bagama’t tumakbo ay may naglalarong bagay sa isipan natin, paano, baka, sana, maraming iniisip patungo kay Kristo. Nakita niya pero tuliro siya at malamang nagtatalo ang isip sa mga nangyayari. Pero sino ba talaga tayo sa tatlo? Si Magdalena, si Pedro, o si Juan?