Martes, Disyembre 26, 2023

December 26, 2023

Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir

Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59
Salmo 30, 3kd-4. 6 at 8ab. 16bk at 17

Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.

Mateo 10, 17-22


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of Saint Stephen, first martyr (Red)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, pinagpala ng Diyos si Esteban at pinuspos ng kapangyarihan, anupat gumawa siya ng maraming himala at kababalaghan sa harapan ng madla. Nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, taga-Alejandria, taga-Cilicia, at taga-Asia. Ngunit wala silang magawa sa karunungan ni Esteban na kaloob ng Espiritu.

Nang marinig ito ng mga bumubuo ng Sanedrin, sila’y nagngalit dahil sa matinding galit kay Esteban. Ngunit si Esteban na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingin sa langit at nakita ang maningning na liwanag sa paligid ng Diyos, at si Hesus na nasa kanyang kanan. “Bukas ang kalangitan,” sabi niya, “at nakikita ko ang Anak ng Tao na nasa kanan ng Diyos.” Tinakpan nila ang kanilang tainga at nagsigawan; pagkatapos, sabay-sabay silang dumaluhong sa kanya. Kinaladkad nila si Esteban hanggang sa labas ng lungsod upang batuhin. Hinubad ng mga saksi ang kanilang mga kasuotan at iniwan sa isang binatang nagngangalang Saulo. At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: “Panginoong Hesus, tanggapin mo ang aking espiritu.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 3kd-4. 6 at 8ab. 16bk at 17

Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.

Tanging kublihan ko, ako ay ingatan;
Tagapagtanggol ko’t aking kaligtasan.
Tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
ayon sa sabi mo, ako’y patnubayan.

Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.

Sa mga kamay mo habilin ko’y buhay ko,
Tagapagligtas kong tapat at totoo.
Magbubunyi ako, magsasayang tunay,
sa ‘yong pag-ibig na walang katapusan.

Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.

Laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo;
at sa umuusig sa sinumang tao.
Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
ingatan mo ako’t iyong pagpalain;
iligtas mo ako at iyong sagipin,
tanda ng pag-ibig na di nagmamaliw!

Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.

ALELUYA
Salmo 117, 26a at 27a

Aleluya! Aleluya!
Sa Diyos nagliwanag tayo,
ang pinagpalang totoo
sa ngalan n’ya’y naparito.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 17-22

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo, sapagkat may mga taong magkakanulo sa inyo sa mga hukuman; at hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga. Dahil sa akin, ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari, at magpapatotoo kayo sa harapan nila at ng mga Hentil. Kapag nililitis na kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa sasabihin ninyo o kung paano ninyo sasabihin. Pagdating ng oras, ito’y ipagkakaloob sa inyo. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

“Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay; gayun din ang gagawin ng ama sa kanyang anak. Lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang, at papapatay. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin; ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 19, 2020 at 1:19 pm

Pagninilay: Matapos ang masayang pagdiriwang ng Pasko, mapapansin po natin na ipinagdiriwang natin ang kamatayan ng isang martir. Sa katunayan, si San Esteban ay ang kauna-unahang Kristiyanong martir.

Ang Unang Pagbasa mula sa Gawa ng mga Apostol ay nagsasalaysay ng kwento ng kanyang pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita ni Kristo. Siya’y pinagbintangan na naglalapastangan sapagkat hindi naniniwala ang mga Judio pati ang mga punong saserdote na si Hesus ay ang Mesiyas. Kaya nang tumingala siya sa langit at sinabing nakita niya si Hesus na Anak ng Tao sa kanan ng Diyos Ama, hinatulan siya ng kamatayan na pambabato. Nang siya’y huling humihinga, itinagubilin niya ang kanyang espiritu habang ipinagdasal niya ang pagpapatawad ng kanyang mga kaaway.

Ang pagkamartir kay San Esteban ay tanda ng kasiglahan ng mga Kristiyano na maging mas matatag sa pananampalataya. Iyan ang sinasabi ni Hesus sa Ebanghelyo na sa kabila ng mga paghihirap at pagsubok sa buhay, mas mapapanatili ang ating pananalig at katapatan sa Panginoon. Siguro ito ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang pagkamartir ng isang Santo matapos ang Pasko.

Inaalala natin ang Diyos na nagkatawang-tao at naging Sanggol. Itong pagsilang na ito ay hindi lang puno ng katuwaan, kundi isang pangako na siya ay magiging tanda ng kaligtasan ng sangkatauhan. Ang ipinanganak na Mesiyas sa sabsaban ay magiging Tapagligtas ng mga makasalanan nang siya’y ipapako sa Krus 33 taong makalipas.

Reply

Jess C. Gregorio December 26, 2023 at 7:47 am

Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:

Sadyang walang relasyon na matibay at magtatagal ang mga tao sa isa’t-isa kung wala ang diyos sa lahat, sa dalawa, o kahit sa isang nagmamahal o nagmamahalan. Ipagkakanulo ng kapatid, ama, ina, anak, o mga kamag-anak ang sinuman kung hindi siya umaayon sa gustong pansariling pamantayan. May mga nais na magkakaiba ang bawat isa. Ito ang natural na gawi ng tao dala ng kanyang ambisyon, kasakitang tinamasa sa buhay, hinanakit sa mundo, galit sa mga pamamaraan, pride, at karamutan. Pawang makasariling intensiyon at takot sa hindi naiintindihan. Nagpapatianod sa karamihan, nagpapa uto para makakuha ng kasang ayunan, at kung may pagkakataon- itutulak ang iba upang ma kontrol at mapasunod sa kagustuhan. Ito ang tao. Gustong makisama, maki ayon, mapansin, makilala, bigyan papuri, mapahalagaan. Kung hindi mo ito maibigay ikaw ay lalayuan. Ni ho, ni ha, wala kang aasahan. Mabuhay kang malungkot at nangangailangan at huwag kang lalapit dahil hindi ka tutulungan. Ang mga ito ay ang mga mababaw na pagkanulo na sinasabi ng Mabuting Balita sa araw na ito. Ang mapait, malupit, masakit na pagkanulo ay ang ikaw ay salangin ng iyong ama, ina, kapatid, kamag anak, kaibigan- mga taong natutunan mo takbuhan sa oras ng anumang pangangailangan. Itulak ka palayo, isarado ang pinto, o kasuhan ka sa korte sa isang di pagkakaintindihan. Dito pumapasok ang sinasabi ni Hesus na walang pagkakaisa ang maaaring mangyari kung wala ang Panginoon sa mga katauhan. Ikaw ay pagkakaitan, lolokohin, lilibakin, sasaktan ng mga taong iyong minahal. Lalong lalo na kung ikaw ay nagpapahayag ng Salita na nagbibigay ng isang uri ng kapangyarihan na hindi nila mapagtatagumpayan. Ang galit ay lalaki at ikaw ay sisiraan sa iba dahil hindi ka nila kaya. Magpatuloy lang tayo. Nasa atin ang Banal na Espiritu. Ang sinuman tumangap sa ating pahayag, tingnan mo, pagdating ng araw ay siyang ama, ina, kapatid, kaibigan mong totoong hinahanap. Ito ang sabi ni Hesukristo sa Lucas 11:28, ““Sa halip, mapalad silang nakikinig sa salita ng Diyos at sinusunod ito.” Ito ang simula ng totoong relasyon. Walang pakitang tao lamang, walang kaplastikan, walang pag papanggap sa karamihan, totoo at maaasahan. Kay Hesukristo lamang.

Reply

Malou Castaneda December 26, 2023 at 6:08 pm

PAGNINILAY
Ang araw pagkatapos ng Pista ng Kapanganakan, ang anino ng krus ay lumililim sa kuna ng Pasko. Ang misteryo ng Pagkakatawang-tao ay dapat makita sa tabi ng misteryo ng Pasyon. Nang ibahagi ni Hesus ang Kanyang ministeryo at misyon sa Kanyang mga disipulo, binalaan Niya sila tungkol sa pagdurusa at pag-uusig na kanilang kakaharapin. Lahat ng sumusunod sa Panginoon ay makakatagpo ng parehong pag-uusig tulad ni St Stephen. Makakakuha tayo ng lakas mula sa payo ni Hesus sa ating sariling buhay ngayon sa mga panahong sinusubok tayo para sa ating pananampalatayang Kristiyano. Maaari pa itong magdulot ng maliliit na salungatan sa ating tahanan o pang-araw-araw na kapaligiran sa pagtatrabaho. Hinihikayat tayo na huwag mag-alala dahil sa mga ganitong sandali ay nariyan ang Panginoon para patnubayan at protektahan tayo. Sa ating sariling panahon, maaari tayong magpatotoo kay Kristo at maging martir sa pamamagitan ng pangako sa mga tunay na serbisyo ng hindi kinakailangang magbuhos ng dugo.

‘Ang sinumang magtitiis hanggang wakas ay maliligtas’, ay naghihikayat sa atin na kumapit sa ating paniniwala kay Hesu-Kristo at umasa sa Kanyang kaligtasan.

Panginoon, bigyan Mo kami ng lakas ng loob ni San Esteban, na hayagang nagpatotoo sa Iyo sa kabila ng lahat ng pagsalungat at pag-uusig. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: