Podcast: Download (Duration: 10:45 — 12.2MB)
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 5, 1-7
Salmo 79, 9 at 12. 13-14. 15-16. 19-20
Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.
Filipos 4, 6-9
Mateo 21, 33-43
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Indigenous People’s Sunday
Monday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Isaias 5, 1-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ako ay aawit sa sinta kong mahal
tungkol sa nangyari sa kanyang ubasan:
mayroong ubasan ang sinta kong mutya sa libis ng bundok na lupa’y mataba;
hinukayan niya’t inalisan ng bato at saka tinamnan ang nasabing dako;
mga piling puno ng mabuting ubas itinanim niya sa nasabing lugar;
sa gitna’y nagtayo ng isang bantayan at nagpahukay pa ng sadyang pisaan.
Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsimpamunga.
Ngunit ano ito? Pagdating ng araw ang kanyang napitas ay ubas na ligaw.
Kaya’t kayo ngayon, taga-Jerusalem, at gayun din kayo, mga taga-Juda,
kayo ang humatol sa aming dalawa:
Ako, at ang aking ubasan.
Ano pa ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan?
Bakit nang ako’y mamitas, sa itinanim kong mabubuting ubas, ang nakuha ko ay ubas na ligaw?
Kaya’t ito ngayon ang gagawin ko sa aking ubasan:
Papatayin ko ang mga halamang nakapaligid dito.
Wawasakin ko ang bakod nito.
Hahayaan kong ito’y mapasok at sirain ng mga ilap na hayop.
Pababayaan ko itong lumubog sa sukal, mabalot ng tinik at dawag;
di ko babawasin ang sanga’t dahong labis, di ko pagyayamanin ang mga puno nito;
at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
Ang ubasang ito’y ang bayang Israel, at ang Panginoon naman ang siyang nagtanim; ang mga Judiong kanyang inaruga ang mga puno ng ubas.
At kanyang hinintay na ito’y gumawa ng mabuti ngunit naging mamamatay-tao,
inaasahang magpapairal ng katarungan ngunit panay pang-aapi ang ginawa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 9 at 12. 13-14. 15-16. 19-20
Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.
Mula sa Egipto,
ikaw ang naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao mo’y palayasin.
Hanggang sa ibayo,
sa ibayong dagat, ang sangang
malabay nito’y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti’t umabot sa ilog.
Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.
Bakit mo sinira?
Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
Mga baboy damong
nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop pawang nasa parang.
Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.
Ika’y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!
Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.
At kung magkagayon,
magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman,
kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.
Kami ay ibalik,
Panginoong Diyos, at ipadama mo ang ‘yong pagmamahal,
iligtas mo kami at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 4, 6-9
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 21, 33-43
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito’y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya’y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayun din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito. Sa kahuli-huliha’y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nag-usap-usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin. Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.
“Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamang iyon?” Sumagot sila, “Lilipunin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.” Tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
at ito’y kahanga-hanga!’
Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya nang tapat.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Oktubre 7, 2023
Lunes, Oktubre 9, 2023 »
{ 6 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang talinghaga nito ay kilala sa Ingles bilang “Parable of the Tenants”. Ang mga “tenant” ay ang mga katiwala sa isang lupa. Subalit makikita natin sa talinghaga na ang mga katiwalang ito ay tuso pala. Nais sa kanila mapunta ang ubasan ng may-ari. Kaya’t minamaltrato nila ang mga lingkod ng may-ari at minsan pinapatay. Kahit ang anak ng may-ari, hindi nila binigyan ng karangalan. Bagkus ay pinatay rin nila ito. Subalit sila’y pinalayas ng may-ari, at ibinigay ang ubasan sa pangangalaga ng mga katiwalang maasahan na mas aani pa hindi lang ang produksyon ng mga ubas, kundi pati na rin ang kabutihan ng pagkatao ng mga katiwala.
Makikita natin itong parabula ay ikinuwento ni Hesus sa mga Pariseo at eskriba. Matatandaan sila ay kritikal sa bawat salita o kilos na ginagawa ng Panginoon. Kaya tinatanong nila kung anong awtoridad mayroon siya upang gawin ang ganyang bigay. Ngunit natuldukan ni Hesus ang kanilang balak laban sa kanyang pinsan na si San Juan Bautista, kaya’t alam niya na hindi sila mapapahiya sa kanilang sariling tanong sa kanya. Kaya narinig natin noong nakaraang Linggo ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak na naglalahad tungkol sa tunay na pagsunod sa dakilang kalooban ng Diyos Ama.
At mula sa Talinghaga ng mga Tusong Katiwala, makikita natin sa Unang Pagbasa pa lang ang kasaysayan ng Israel bilang isang ubasan. May mga taong inaatasan ng may-ari na pangalagaan ang ubasan upang magkaroon ng mabuting pag-aani. Subalit ang kapalit nito ay pagkitil ng dugo ng mga mabubuting lingkod. Ito’y sumasagisag sa pang-uusig at pagpapatay ginawa ng mga pinuno ng Israel laban sa mga propeta ng Diyos. At ganun rin ang kwento ng parabula tungkol sa anak ng may-ari, na si Hesus na Anak ng Diyos ay ipagpapatay ng mga pinuno ng Hudyo. Subalit makikita natin na tunay ngang nawala sa kanila ang Paghahari ng Diyos nang lusubin ng mga taga-Romano noong ika-70 taon ang Jerusalem, pati na ang Templo. At ni anumang katiting na bato ang naligtas. Samakatuwid, makikita natin na ang bagong Israel ay namumuhay sa Simbahan dahil kay Kristong namatay sa Krus at muling nabuhay upang maging sandigan natin sa ating misyon.
Mga kapatid, ang buhay natin ngayon ay hindi kailanman dapat nating pag-ariin. Ito’y nagmula sa Diyos, at siya ang may karapatan kunin ito sa kanyang nakatakdang oras at ayon sa kanyang kalooban. Kaya ang buhay na ipinagkaloob niya sa atin araw-araw mula sa pagbangon hanggang sa pagtulog ay ipinagkatiwala niya upang ito ay magbunga ng kabutihan, pagmamahal, kagandahang-asal, katarungan, at kapayapaan. At mula sa mga aral na iyon ay natitiyak na naghahari ang Diyos sa ating buhay.
May kasabihan tayo, “ang taong di marunong lumingon sa pinanggalingan, ay walang patutunguhan”. Sa ating mga pagbasa ngayong Linggo, ito ang tumimo sa akin. Madalas tayong makalimot lumingon sa tunay nating pinanggalingan, dahil pansariling kagustuhan ang sa ati’y naging hari-harian.
Sa mundong ating hinaharap, kung gawin mo ay di ayon sa kalooban ng Diyos, higit na ikaw ang matapang, ikaw ang sikat at ikaw ang makapangyarihan. Bakit? Dahil takot tayong mayapakan ang ating pagkatao, takot tayo sa pagkatalo. Kung kaya’t hangad nati’y papuri ng mga tao, ngunit higit na hindi ang papuri ng Diyos.
Sana’y matututo tayong manindigan sa kabutihan, iwasan ang laging paghatol sa marahas na pamamaraan. Huwag maging padalos-dalos sa paghusga at pagkilos. Lingunin at alalahanin natin na tayo’y nilikha kawangis ng Diyos, di lamang pisikal gayundin sa puso’t kalooban. Siya ay nagtiwala sa atin, kaya’t sana tayo’y matuto ring magtiwala sa kanya, dahil ‘talagang totoo’ na dito natin mararanasan ang tunay na kapayapaan.
Thank you, Jesus!
To God always and forever be the Glory! Amen.
Jesus, we trust in You!
Kung ang sa nagdaang Linggo ang tema ng mga pagbasa ay patungkol sa “Dangal ng Pagsunod” sa Linggo namang ito ang mga pagbasa ay naka-tuon sa “Paghahari ng Diyos na ipinagpalit sa pait”. Siguro mga pamilyar tayo sa mga salitang “pinakain mo na sa iyong palad pero gusto pang kainin ang buong nating katawan”. Sa Talinghaga ng Tusong Katiwala ipinapakita dito ang pagiimbot ng labis sa bagay na pag-aari ng iba na ipinagkatiwala lamang na magdudulot ng kapahamakan sa buhay ng isang tao. Ang kwento sa ebanghelyo ay masasabing malungkot at masakit na katotohanan na maraminh tao ang hindi marunong tumanaw ng loob sa mga biyayang natatamasa na pinagkatiwala sa kanila na kadalasan ito pa ang nagbibigay ng karapatan para magmalabis sa kapwa.
Masakit sa pakiramdam ng isang nagtiwala na hindi na nga nasuklian ang kabutihan bagkus nagawan pa siya ng masama. Ganitong tagpo ang inalalahatad ng isalaysay ni Hesus sa mga Pariseo at eskriba ang talinghaga ng mga kasama may maiitim na budhi. Sa kabila ng lubos na pagtitiwala ng may-ari ng ubasan kasamaan ang mga iginanti ng kanyang mga pinagkatiwalaan na humantong pa sa pambubugbog at pagpapatay ng kahit na ng sariling anak ng may-ari ng uasan. Ang lahat ng mga karumal-dumal na gawaing ito ay bunsod ng kasakiman ng tao. Ang mga kwentong ito ay atin na nabasa sa ibang mga talata tulad ng mga ipinadalang mga propeta ng Diyos na sa kabila ng mga magagandang Balita ng kaligtasan na kanilang ipinahahayag pinagpapatay ang mga ito isama na natin dito si Juan Bautista at ang mismong Panginoong Hesukristo na ipinapatay sa krus ng mga Hudyo.
Sa ating araw araw na mga pagiral dapat nating pagnilayan ang mga salitang ano ba ang pwede ko maibalik sa kagandahang loob sa akin ng Diyos? Ang aral sa Mabuting Balita sa Linggong ito ay paano ba nating mapaghihilom ang mga nagawa sa atin ng masama sa gitna ng mga pagpapala na ibinabahagi natin sa kanila. Sa kasaysayan ng pagliligtas atin natutunan ang kababaang loob ng nakabayubay sa krus na ating Panginoong Hesus na itinataas pa Niya sa kanya Amang nasa langit ang kapatawaran sa lahat ng mga taong nagawa ng masama. Sa pamantayan ng tao mahirap ito matularan subalit kung papanaigin natin ang mga salitang tinuran ni Hesus sa ating mga puso ay unti unti din nating mapaghihilom ang mga taong nakagawa din sa atin ng masama. Kaya nga kinakailangan na isasama natin sa ating mga dasal na masumpungan din ng iba ang mga biyayang atin na natanggap mula sa Diyos. Katulad ni Hesus na paulit na tinatawag, at tinatawag at pinananawagan magpahanggang ngayon ang miembro ng Kanyang kawan na nalilihis ng landas. Tayong may mga aral na natanggap, bilang pagmimisyon titingnan natin lagi ang krus at ang hirap na dadaraanan natin na maisabuhay, maipakita, maipadama, ang pagmamahal natin sa kapwa. Ang paghilom ay nagsisimula ito sa pag-ibig sapagkat hindi mapapaghilum ang lalim ng sugar kong hindi ito mapapalitan ng pag-ibig. Sa muli hindi ito madali, pero alam din natin na walang hindi makakapangyari sa Diyos, lahat ay posible sa ating Panginoon.
Mga kapananampalaya Kay Hesus, kaya ba natin ipagpapalit sa pait at hinanakit ang atin ng natanggap na biyaya sa Diyos kapalit ng ating dinaranas sa mga taong nakagawa sa atin ng masama? Panindigan na natin ang magpakabuti sa lahat ng tao at sa lahat ng panahon na igu-gugol pa natin dito sa mundo. Mas masaya na mas marami tayong maisasama na naglalakbay sa mundong ito na kasama si Hesus. Amen ?
Bilang tao at mga alagad ni Jesus, tulad ng mga nasa Ebanghelyo pumapatay ang tao dahil sa kasakiman. Gusto ng tao maghari sa paraan na gusto nila. Ang mga lingkod ng Dios na tapat ang hangarin mainglingkod ang siyang nahuhuli at sila ang pinapatay para ang mga masasama ay ang maghari. Hindi na nasuklian ang mabuting kalooban ng mabuting tao. Pero ang Dios ay Pag ibig. Hindi dapat mawalan ng Pag asa ang tao dahil alam ng Dios ang lahat. Ano ang nasa puso ng bawat isa. Alam ng Dios kahit bilang ng ating buhok. Mananalig tayo sa Kanya. Makasalanan ang tao, nasa Dios ang Awa, Divine love na na mapagpatawad.
Pagninilay:
Sa mga Pagbasa na ating natunghayan ay di na mabibilang ang mga paalala ng ating Panginoong Diyos kung paano dapat tayong mamuhay bilang mabubuti at tapat Niyang tagasunod. Masasabi natin nandyan na yung mga guidelines pero malimit pa rin nating pinipilit yung sarili nating kagustuhan at yung gusto nating mangyari kaya humahantong tayo sa kapahamakan.
Nandyan ang pagiging makasarili at pagkagahaman, kabalisahan sa mga bagay bagay na di naman magdudulot sa atin ng kakuntentuhan at kapayapaan at along di makapagpapahaba ng ating buhay. Maraming nagsasabi na sila’y nasa Panginoon subalit di naman masalamin sa uri ng pamumuhay.
Di nga ba’t sinasabi na ang paghaharian Niya ay yung mga “naglilingkod sa Kaniya ng tapat”. “Yung ang laman ng pag-iisip ay ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang,” at “yung mga gumagawa ng mga natutuhan, tinanggap, narinig mula sa mga aral ng Panginoon.”
Alam natin na kung ang ating paiiralin ay ang katigasan ng ating puso at isipan ay makakasama tayo sa mga lilipulin tulad ng mga buhong na “kasama” ng may-ari ng ubasan.
Bakit kaya may mga taong ginawan mo na ng kabutihan, ay labis pa rin ang kasamaan?
Sa ebanghelyo ni San Mateo ay ating natunghayan kung gaano katuso ang mga kasama ng may-ari ng ubasan. Ang may-ari na ang nagtanim ng ubas subalit para bagang inaangkin pa nila ito, binugbog ang mga alipin at walang awa na pinatay ang anak ng may-ari. Dahil lamang sa pagiging ganid at sakim sila’y mga nagiging tuso sa kayamanan.
Ganito rin kadalasan ang nararanasan ng karamihan sa atin. Biniyayaan na ng maayos na pamilya, subalit nakukuha pang mambabae ng mga mister. Mayroong mabuting kaibigan, subalit inaabuso naman. Mayroong mga mabubuting magulang na nag aaruga subalit nagagawa pang mag bulakbol at makisali sa gulo ang mga anak. Mayroong magandang nobya, pero nagagawa pang ipagpalit sa iba. Mayroong kayamanan, subalit ginagamit naman sa kasamaan.
Bakit ba madalas ay nagiging sakim tayo sa mga makamundong bagay? Bakit ba lagi nating winawaldas at winawalang bahala ang mga ipinagkatiwala sa atin ng Diyos?
Kadalasan sa mga nasa kapangyarihan, mga taong nakakaangat sa lipunan, dahil sa kasakiman ay nagagawa nilang pumatay para maipagpatuloy ang kanilang kasamaan.
Mula noon hanggang ngayon, nakalulungkot mang isipin subalit marami ang pinapatay, sinasaktan at binubugbog. Sa anong dahilan? Dahil may ipinaglalaban, dahil may katotohanang nalalaman, dahil hindi nila matanggap, dahil napagbintangan, at kung ano-ano pa!
Sa kasaysayan ng simbahan, marami rin ang naging martir. Mga propetang isinugo ng Diyos, mga banal na nag-alay ng buhay sa Diyos hanggang kamatayan. Hindi ba’t ipinadala rin mismo ng Diyos si Hesus na bugtong nyang Anak? Subalit maging siya’y inalipusta, sinaktan at pinatay.
Kung tutuusin, napakaraming bagay sa mundong ito ang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos upang pangalagaan ngunit tayo rin ang sumisira. Sabi sa ebanghelyo, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
at ito’y kahanga-hanga!’ Ipinagkatiwala ng Diyos sa atin ang kalikasan, subalit atin itong patuloy na sinisira. Kinakalbo ang mga bundok, pinapatag ang mga dagat at ilog, pinuputol ang mga puno at pagkatapos ay tayo pa ang may ganang magalit sa Diyos kapag may namatay dahil sa bagyo, baha, at lindol?
Napakaraming bagay sa mundong ito ang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, Ang buhay mo na sinisira at di mo pinahahalagahan, ang pamilya mo na hindi mo minamahal, ang mga tao sa paligid mo na halos wala kang pakialam. Bakit kaya hindi natin nauunawaan na ang lahat ay biyaya ng Diyos na ipinagkatiwala sa atin at ito’y di natin dapat abusuhin o sirain?
Sa pagharap natin sa Diyos sa wakas ng panahon… Ano kaya ang gagawin natin? Paano kung tanungin ka ng Diyos, NASAAN ANG IPINAGKATIWALA KO SA IYO? Ano kaya sa tingin mo ang gagawin ng Diyos sa iyo?
(Pagninilay sa ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 21, 33-43)