Linggo, Oktubre 1, 2023

October 1, 2023

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Ezekiel 18, 25-28
Salmo 24, 4kb-5. 6-7. 8-9

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Filipos 2, 1-11
Mateo 21, 28-32


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Twenty-sixth Sunday in Ordinary Time (Green)
Mission Day for Religious Sisters

UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 25-28

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4kb-5. 6-7. 8-9

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Patawarin ako sa pagkakasala,
sa kamalian ko nang ako’y bata pa;
pagkat pag-ibig mo’y hindi magmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 1-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid:
Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayon, lubusin ninyo ang aking kagalakan – maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili. Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus:

Na bagamat siya’y Diyos,
hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos,
bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao,
siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan,
Oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod
At sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon,
sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya: Maikling Pagbasa
Filipos 2, 1-5

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid:
Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayun, lubusin ninyo ang aking kagalakan — maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili. Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan;
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 21, 28-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan: “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.’ ‘Ayoko po.’ tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya’y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayun din ang kanyang sinabi. ‘Opo’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y mauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 9 comments… read them below or add one }

Katrin C. Albao September 24, 2020 at 4:17 pm

Sa Ebanghelyo ngayon ipinapaalala sa atin ang katanungan na ito, “Paano ba tayo tumutugon at sumusunod sa tawag ng Diyos?” Minsan sa buhay natin kapag may nag uutos sa atin, madaling sabihin na “Oo gagawin” pero sa bandang huli nakaklimutan nating gawin ang ipinag-uutos sa atin. At kung sino pa ang sa tingin nating walang kakayahang gawin ang mga bagay na iyon, siya pa ang nakakagawa at nakaksunod nito. Ano ang kahalagahan nito sa ating buhay, sa pagbasa kung sino pa ang mga maymababang pagkatao sila pa ang may kakayanang sumunod at maniwala sa kalooban ng Diyos. Tanungin natin ang ating sarili… paano ba tayo sumusunod sa kalooban ng ating Ama sa pang araw-araw nating pamumuhay lalong-lalo na sa panahon ng pandemiya na ito?

Reply

Brian Jay September 25, 2020 at 1:51 pm

Bilang sambayanan ng Diyos, kinakasangkapan tayo minsan o madalas upang tuparin ang kanyang kalooban. Dumadating sa atin ang kalooban ng DIyos sa iba’t-ibang paraan. Ngunit ang katuparan ay nakasalalay sa ating itutugon: Opo o Hindi. Sa ating Mabuting Balita, inihahalintulad ni Jesus ang dalawang anak sa talinhaga sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan at sa mga makasalanan. Dito, ang tinutukoy na kalooban ng Ama ay ang magsisi at magbalik-loob sa kanva, at ang mga tunay na tumupad nito ay ang mga makasalanan, sa kanilang pagsisisi at pagsunod kay Juan, kung kaya’t mauunahan nila ang mga saserdote sa pagpasok sa kaharian ng langit

Ang Mabuting Balitang ito ay isang siwang ng pag-asa sa mga makasalanang naghahangad na maitama ang mga nagawang pagkakamali, na nagsimula na ring magbalik-loob sa Ama. Ngunit ito rin ay isang babala sa mga nag-aakalang nakaaangat na sila sa iba sa kabanalan o naniniwalang hindi sila makasalanan. Kailangan nating tuparin ang kalooban ng Diyos, maging pagbabalik-loob man ito o isang misyon, kung nais nating makapiling siya sa kaharian ng langit. Ang sarili na rin nating tugon at pagkilos ang magiging kahatulan natin, kaya’t marapat lamang na maibigay natin ang nararapat na pagtugon.

Reply

Reynald Perez September 25, 2020 at 11:26 pm

PAGNINILAY: Ang konteksto ngayon ng Parabula ng Dalawang Anak ay ang pag-uusap ng mga Pariseo at eskriba kay Hesus. Kinekwestiyon nila kung anong awtoridad nagmula ang ministeryo ng Panginoon. Ngunit alam ni Hesus ang kanilang balak, kaya tinanong niya sila kung ang binyag ni San Juan Bautista ay nagmula sa langit o sa tao. Kaya parang nautakan ng Panginoon ang mga pinuno ng mga Hudyo sapagkat kung sasabihin nila sa tao, ang mga taongbayan ay magagalit sa kanila. Ngunit kung sabihin nila na nagmula sa langit, ipapatong sa kanila ang pagpapatay kay Juan. Kaya ang tugon nila na hindi nila alam kung saan nagmula ang pagbibinyag ni Juan, at ganun rin ang sagot ni Hesus tungkol sa awtoridad na ibinigay sa kanya.

Ikinuwento niya sa kanila ang Parabula ng Dalawang Anak, na kung saan inutusan ng ama ang 2 na magtrabaho sa kanyang ubasan. Ang unang anak ay nagmatigas, ngunit nagbago ng isip at ginawa. Ang ikalawa naman ay nagsalita ng pa-Oo, subalit hindi naman tinupad ang kanyang pangako. Kaya makikita natin ang isa sa mga gawain ni Hesus sa kanyang misyon, na tawagin ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob. At ito ay madalas tuligsain ng mga Pariseo at eskriba. Subalit ipinapakita ni Kristo na kahit ang mga makasalanan at ordinaryong tao ang unang nakinig sa mensahe ni San Juan Bautista na magsisi at magbalik-loob sa Diyos. At sila ngayon ay mas nagiging masunurin sa dakilang kalooban ng Ama.

Higit sa dalawang anak sa talinghaga, mayroon pang ikatlong anak na madalas sinasabi ng ilang eksperto ng Bibliya. Ito yung anak na sa salita at gawa ay tinupad at isinakatuparan ang kalooban ng Ama. At ang taong ito ay walang iba kundi ang ating Panginoong Hesukristo. Narinig natin sa Ikalawang Pagbasa ang pag-aawit ng San Pablo ng “kenosis” o ang himno tungkol sa pagtubos ni Kristo sa sangkatauhan. At ipinakita dito ni Hesus ang kababang-loob na sundin ang Diyos, bagamat siya rin mismo ay laman ng Diyos. Kahit siya’y dumanas ng dusa at namatay sa Krus, dinakila siya ng Ama upang ating siyang sambahin at tularan. Ang pananampalataya natin sa Panginoon ay dapat may kaakibat ka tugon upang sundin at gawin ang anumang iniuutos at niloob sa atin ng Diyos.

Reply

Bro. NSP September 25, 2023 at 11:39 pm

PANGAKONG MADALING NAPAKO

Madalas siguro nating madinig yung kasabihang “Promises are made to be broken”, totoo naman diba? Noong mga bata pa tayo, lagi tayong pinapangakuan ng mga nakatatatanda na ibibili tayo ng ice cream, panunuorin tayo ng TV, o di kaya’y bibigyan daw tayo ng candy. Pero hanggang ngayon ay marami pa ring pangakong binibitiwan sa atin ang mga tao. Hindi kita sasaktan, nandito lang ako para sayo, HINDI KITA IIWAN! Narinig mo na yan diba? Pero tinupad ba nila? Minsan nakakatawa na lamang kapag may taong nagbibitiw sa atin ng mga pangako, dahil alam nating mukhang malabo, at alam nating ito ay mapapako.

Sabi nga ni San Antonio ng Padua, ACTION SPEAKS LOUDER THAN WORDS. Ang mga bagay na ito ang natunghayan natin sa ebanghelyo kung saan ang tumugon ng OO ang siyang hindi tumalima, at ang tumugon ng HINDI ang siyang sumunod at gumawa sa ubasan.

Marami sa atin ay naglilingkod sa simbahan, sa pamahalaan, at lipunan. Sana’y alalahanin natin ang araw na tayo’y nanumpa, nangako, itinalaga, binasbasan, o inordenahan para maglingkod sa Diyos, sa pamahalaan at sa kanyang bayan. Tumugon tayo ng OO tanda ng pagtalima natin sa tawag ng Diyos. Nangako tayo sa harap ng dambana, nangako tayo sa harap ng Diyos, nangako tayo sa harap ng madla. Subalit talaga bang nagagampanan natin ang ating responsibilidad at tungkulin na maglingkod? O baka naman tayo’y naglilingkod lamang para sa sarili?

Kung ikaw ay tumugon ng HINDI, magbago ka at tumalima sa kanya. Kung ikaw ay tumugon ng OO, humayo ka at tupdin ang ipinangako mo sa kanya!

Promises are made to be broken. Ikaw? Sisirain mo ba ang pangako mong pagtugon sa Diyos?

(Pagninilay sa ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 21, 28-32)

Reply

Mel Mendoza September 27, 2023 at 10:32 am

Tayo ay tinawag ng Panginoong Diyos sa anumang uri ng paglilingkod at ang pagtawag na ito ay kasama ang ating kanya kanyang panahon ng pagtawag. Marami sa atin ang pwedeng sabihin na pinagkalooban ng biyaya ng pagtugon ng mas maaga pero sa kalaunan naman hindi ito napangatawan at mas pinili ang bumalik sa masamang uri ng pamumuhay ito ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan. May iba naman na tinanggap ang biyaya pero hindi naman naging mabunga dahil sa uri ng pamumuhay na hindi naayon sa panukala ng Diyos, umo-o pero labag naman ito sa kalooban. At ito ang tema ng mga pagbasa at sa ebanghelyo bagamat tumugon ng maaga pero sa bahagi ng paglalakbay sa buhay ito ay hindi nanatili sa kanila. Sa kabilang banda, yung mga dating makasalanan na radikal na tinanggap ang biyaya ng pakikipagsundo sa Diyos sila naman ang nagkamit ng buhay na walang hanggan sa piling ng Amang nasa langit. Sa madaling salita, katulad ng mga nabanggit sa ibang mga pagbasa, ” May mga mauuna na siyang mahuhuli, at may mga mahuhuli na siya namang mauuna”. Ang mahalaga, kahit anong oras o panahon at rason ng pagtawag sa atin ay paano ba natin pinahalagahan at isinabuhay ito.

Ang paalala sa atin ay papano ba natin mapapangatawanan ang pagtugon. Una, pag ang sagot ng Oo ito ay nangangagulugan ng pagpatay at ang paglimot sa mga sariling nasa at dapat sumunod sa kalooban ng Diyos at ito din ang pinakatugatog na katangian ng isang tagasunod. Pangalawa, kung ang pagtugon sa una ay naging hindi madali pero nagsumikap naman na magbalik loob sa Diyos nawa’y hindi maging huli ang lahat bago mapikit ang mga mata. Tularan natin ang nagtikang “Mabuting Magnanakaw” na naripang kasama ni Hesus na napako sa krus ay masambit din ang “Panginoon huwag mo akong kakalimutan pag Ikaw ay naghahari na” na ang tugon ng Panginoong Hesus ” Ngayon din isasama kita sa paraiso”. Amen!

Reply

Alex Pulumbarit September 27, 2023 at 9:49 pm

Pagninilay:

Ang pagtalima sa panawagan ng ating Panginoon ay nangangahulugan ng pagbabago ng ating sarili, wala na yung dating pagkatao, di lamang ito pagbabagong bihis na tinatakpan lamang ang lumang kalooban.
Ito rin ay dapat kakitaan ng pagbubukas ng ating mga sarili para sa kapakanan ng iba at walang inuuri, dahil gayun din ang ninanais ng Panginoong Diyos sa bawat isa.
Kung bukas Siya na bigyan ng pagkakataon ang mga nagkasala na muling magbalik loob sa Kaniya datapwa’t tayong mga tao ay gayun din ang dapat gawin, ang tanggapin at bigyan ng pagkakataon ang ating mga kapatid bilang pagsunod sa Pamantayan ng Diyos, ang pagiging makatarungan at matuwid.
Tunay na iba ang Kaniyang kaparaanan, kung kaya’t madalas nating marinig ang linyang: “Tao lang ako,” subalit nakalimutan natin na tayo’y nilikha sa Kaniyang wangis. Na tayo’y nilalang upang magbigay ng kapurihan sa Kaniyang pangalan.

Kung tayo’y magpapakumbabang lalapit sa Kaniya upang talikdan ang masamang pamumuhay ay lilimutin Niya ang ating mga pagkakamali at muling ituturing na kasapi ng Kaniyang sambayanan. At magtatamasa ng buhay na walang hanggan. Amen

Reply

Emmaus September 30, 2023 at 8:38 am

Ang ebanghelyo ay may kaugnayan sa unang pag-basa, dahil ang talinghaga tungkol sa dalawang anak, sino araw ang sumunod sa kalooban ng Ama, yung una Ang talinghaga ay naaayaya sa ating tungkol sa pagpapakabuti at pag-gawa ng kabutihan. Dahil ito ay kalooban ng Ama.

Reply

Jesus Gregorio September 30, 2023 at 7:02 pm

Palabas lang. Ayaw maiba. Nakiki uso. Tumatango, umaayon, nakikibagay, nag oo baka maitsa-puwera. Plastik. Hindi totoo. Baka kasi magalit. Baka di maambunan. Pera na baka maging bato pa. Wala sa sinasabi. Nasa gawa. Sa huli, ang binitawang salita na di ginawa ay walang saysay. Ang gumawa, kahit humindi o di namansin ang siyang bibiyaan. Sino tayo sa dalawa?

Reply

Jhun Crisostomo October 1, 2023 at 7:25 am

Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang matuwid na gawa…I can do good things through Jesus Christ who strengthens me…Glory to God in the highest…! Happy n blessed feastday of St. Therese of the Child Jesus..

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: