Linggo, Setyembre 10, 2023

September 10, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Patnubay sa Misa

Ipinaaalaala sa atin ni Hesus na saanman may dalawa o tatlong natitipon sa ngalan niya, siya’y naroong kasama nila. Sinasabi rin niyang ano mang kahilingan sa ngalan niya ay tiyak na ipagkakaloob ng ating Amang nasa langit. Dahil sa ganitong pangako, manalangin tayo:

Ama, sa ngalan ni Hesus, dinggin Mo kami!

Para sa Simbahang Panlahat: Huwag nawa siyang magsawang ipahayag ang Ebanghelyo ng pagbabalik-loob at pagpapatawad sa lahat ng bansa. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng nanunungku- lan sa Simbahan: Nawa magiliw nilang mapaalalahanan ang mga mananampalataya laban sa kanilang mga kapabayaang moral. Manalangin tayo!

Para sa lahat nating kapatid na lumalabag sa Utos ng Panginoon: Nawa dinggin nila ang panawagan para sa pagbabalik-loob. Manalangin tayo!

Para sa mga mapaghusga nang marahas: Huwag nawa silang makalimot sa Kristiyanong pagmamahal. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng lolo’t lola: Nawa pagkalooban sila ng mabuting kalusugan at ng kagalakan sa pagmamahal at kalinga ng kanilang mga anak at mga apo. Manalangin tayo!

Para sa bawat isa sa atin:Nawa matuto tayong pakumbabang tumanggapngpagwawastoat magtuwid sa ating kapwa nang may pagmamahal. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling mga kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, tinuruan Mo kaming maging propeta sa lahat naming mga kapatid, lalo na sa mga nangangailangan ng pagwawasto. Pagkalooban Mo kami ng kababaang-loob at tapang na kailangan para sa aming pagtupad sa tungkuling ito at sa gayo’y makatulong sa kanilang kaligtasan nang sila’y makabahagi sa Iyong Kaharian kung saan Ka nabubuhay at naghahari nang walang hanggan.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 31, 2020 at 10:41 pm

Pagninilay: Ang Mateo 18 ay tinaguriang mga “Diskurso sa Komunidad”. Ang mga tagapakinig ni San Mateo ay ang mga Hudyong Kristiyano upang iparating niya sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagkakaroon ng pakikipagkasundo. Kaya nga itinuturing ni Hesus tayong lahat bilang mga kaibigan, at tayo’y magkakakapatid sa isa’t isa sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Diyos.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang isang turo ng ating Panginoong Hesukristo tungo sa pagkakaisa, kapayapaan, at kapatiran. At ito ay popular na tinatawag sa wikang Ingles na “fraternal correction”. Ang pagtatama natin ng kamalian ng kapwa natin ay isang personal na pag-uusap upang sila ay disiplinahin at ituwid sa kanilang maling pamamaraan sa buhay. Kaya ito ang dapat nating bigyang pansin tuwing mayroon tayong kilalang mga taong gumagawa ng kamalian kahit personal ito o kaya iniiwasang madulot ang kanilang kamalian sa kahihiyan. Ngunit alam natin na may mga pagkakataong hindi makikinig ang iilang tao na tanggapin ang kanilang pagkakamali. Kaya dito na pumapasok ang papel ng mga saksi bilang suporta sa pagtutuwid ng isang taong masuwayin. Ngunit kapag hindi pa rin ito kumikibo, dito na dapat sabihin sa Simbahan upang ang mga Obispo at Pari natin ang magpapaalala tungkol sa pagtatalikod sa hindi maayos na pamumuhay. Pero pansinin sa dulo na kapag patuloy na magmamatigas ang tao na ayaw magbago, kailangan na raw itrato siya bilang isang Hentil o nangongolekta ng buwis.

Mula sa ating Ebanghelyo, marahil ang tingin ng iilan na ang fraternal correction ay pagsusuko nalang kung ayaw pa rin magbago ang tao. Subalit ang tunay na Kristiyanong paraan ng pagtutuwid ay pagiging mahinahon at mapagtiyaga sa pag-aakay ng sumuway na kapwa tungo sa mabuting landas. Ang pagtrato ni Hesus sa mga nangongolekta ng buwis at mga Hentil ay isang bukas na pakikipagtagpo sa kanila sa pagdadala niya ng mensahe ng kaligtasan ng Diyos na bukas para sa lahat.

Kaya nga tayong lahat ay isang komunidad na dapat magkakaisa at mag-uunlad sa kapayapaan. Tulad ng sinabi ng Panginoon na saan man nagtitipon ang dalawa, tatlo, o higit diyan sa kanyang pangalan, naroroon siya dahil sa ating pag-ibig sa isa’t isa. Kaya ang turo sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang pag-ibig ang siyang katuparan ng 10 Utos, at ito ang nais ipahiwatig nina Moises at ng mga propeta noon pa, na siyang ipinahayag at ipinaalala muli ng Panginoong Hesus. Nawa sa ating buhay bilang mga Kristiyano at pagkakilanlan sa pag-ibig, tayo ay magkaisa, makipagkasundo, at maging mapayapa upang dumaloy pa ang pagpapala ng Diyos sa bawat isa. Tuwing tayo ay nagkakamali, maging mapagkumbaba tayo sa pagtanggap tungo sa pagbabago. At tuwing naman ang kapwa natin ay nagkakamali, gawin natin nang may pag-ibig na ituwid ang pagkakamali nila upang tayong lahat ay mabuhay nang marapat sa mata ng ating Panginoon.

Reply

Flor September 6, 2020 at 11:30 pm

Salamat Panginoon Sapagkat Tinuruan Mo Po Kaming Maging Mapagmahal at Mapag-pakumbaba Sa Mga Kapatiran Salamat Po Panginoon Salamat Po. Amen

Reply

RUEL ROMUALDO September 5, 2023 at 9:50 am

Ang ebanghelyong ito ay nagpapakita sa atin ng kahalagahan ng pag-aalaga sa bawat isa, ng kapangyarihan ng pagkakaisa, at ng pangako ng presensya ni Hesus sa ating mga buhay. Huwag nating kalimutang isabuhay ang mga aral na ito sa ating pang-araw-araw na buhay bilang mga alagad ni Hesus.

Reply

Bro. NSP September 7, 2023 at 1:33 pm

PAKINGGAN, HUWAG PAG-CHISMISAN. PAGSABIHAN, HUWAG IPAHIYA SA KARAMIHAN.

Ating natunghayan sa ebanghelyo ni San Mateo ang ilan sa mga kataga ni Hesus na “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano.” Fraternal Correction sa madaling sabi, hindi ba? Walang halong inggit, walang halong pamamahiya, walang halong chismis, deretsuhin mo!

Nasanay siguro tayo sa komunidad na kapag may nagawang kamalian ang ating kapwa, ipaparamdam natin sa kanyang nilalayuan natin siya at di natin nanaising siya ay ating makasama. Kadalasan siya ang mga usap-usapan natin sa ating mga chismisan, kahit hindi naman natin naririnig pa ang panig niya o hindi naman talaga natin batid ang buong kwento ng buong pangyayari. May mga pagkakataon rin namang ang ating kapwa ay napapahiya dahil sa ating mga pananalita sa kanila, na syang magiging sanhi upang sa kanya matuon ang atensyon ng karamihan.

Sa linggong ito ay binibigyan tayo ni Hesus ng magagandang paalala na ANG ATING MGA KAPWA AY ATING PANANAGUTAN, tama o mali man ang kanilang ginagawa hanggang mayroon tayong mga mata na nakakikita sa kanilang mga ginagawa, mapanagutan nawa natin sila ng may pagmamahal.

Ang panagutang may pagmamahal ay yung pakikialam ng walang mapapahamak o masasaktan. Ang pananagutang may pagmamahal ay yung pakikipag-ugnayan na walang halong panghuhusga. Ang pananagutang may pagmamahal ay ang paglalapit natin sa kanila patungo sa Diyos na nakakikita ng lahat ng bagay.

Minsan mapagtatanto nating hindi rin pala magandang lagi na lang manahimik sa mga nakikita at nangyayari sa ating lipunan sapagkat pananagutan nating magsalita at makialam sa mga bagay na nilikha ng Diyos, dahil ang mga ito ay ipinagkatiwala niya sa ating lahat.

Minamahal kong bayan ng Diyos, tinatawagan tayong maging mapanagutan sa mga bagay na nilikha ng Diyos. Tayo nawa’y maging tagapag-ayos ng mga gulo ng kapwa at ng lipunan PATUNGO SA DAAN NG PAKIKIPAGKASUNDO. Huwag manatiling tahimik at konsintidor bagkus ay maiahon ang kapwa sa pagkakamali at pagkakasala. Maging inspirasyon sa kapwa-tao sa pagmamahal, pagiging mapanagutan, at magkakaakbay na tumungo kay Kristo.

(Pagninilay sa ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 18, 15-20)

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: