Podcast: Download (Duration: 5:51 — 4.2MB)
Lunes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 12, 1-9
Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Mateo 7, 1-5
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 12, 1-9
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Abram: “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin kong isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at mababantog ang iyong pangalan at magiging pagpapala sa marami.
Ang sa iyo’y magpapala ay aking pagpapalain,
ngunit kapag sinumpa ka, sila’y aking susumpain;
ang lahat ng mga bansa pihong ako’y hihimukin,
na, tulad mong pinagpala, sila ay pagpapalain din.”
Sumunod nga si Abram sa utos ng Panginoon; nilisan niya ang Haran noong siya’y pitumpu’t limang taon. Isinama niya ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at kayamanan at nagtungo sa Canaan.
Nagtuloy siya sa isng banal na lugar sa Siquem, sa puno ng roble ng More. Noo’y narooon pa ang mga Cananeo. Napakita kay Abram ang Panginoon. Sinabi sa kanya: “Ito ang bayang ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng dambana para sa Panginoon. Buhat doon, nagtuloy sila sa kaburulan sa silangan ng Betel at huminto sa pagitan nito at ng Hai. Nagtayo rin siya roon ng dambana at sumamba sa Panginoon. Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan. Humihimpil sila habang nasa daan ayon sa hinihingi ng pagkakataon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng Diyos
Ganap nitong natatalos
Tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 7, 1-5
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong hatulan ang inyong kapwa, upang hindi kayo hatulan ng Diyos. Sagpakat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa hatol na inihahatol ninyo sa iba. Ang panukat ninyo sa iba ay siya ring ipanunukat sa inyo. Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang puwing mong gatahilan sa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika’t aalisin ko ang puwing mo,’ gayong gatahilan ang nasa mata mo? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang puwing na gatahilan at sa gayo’y makakikita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Hunyo 25, 2023
Martes, Hunyo 27, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Narinig natin sa Unang Pagbasa ang tila simula ng lakbay ng pananampalataya ng mga sinaunang taong tinawag ng Diyos. At ang amang ninuno ng pananampalataya ay si Abraham (na tinawag pa noon na “Abram”). Siya ay tinawag mula sa lupain ng Ur (kasalukuyang matatagpuan sa Iraq), patungo sa isang lupaing inilalarawan na “binubukalan ng gatas at pulot”. Ipinangako ng Panginoong Diyos sa patriarkiya na pagpapalain niya ang mga lipi ni Abraham. Kaya nanirahan siya at ang kanyang mga anak sa iba’t ibang lugar para magpahinga, subalit patuloy pa rin sa paglalakbay tungo sa pook na ipinangako ng Panginoon. Para kay Abraham, ang pananampalataya ay nakikita sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, na nangakong pagpapalain siya at paparamihin ang kanyang mga lahi.
Matapos nating pagnilayan ang mga turo ni Hesus ukol sa kanya bilang katuparan ng Kautusan, nagbibigay ng mga turo ang Panginoon sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Ang mga ito ay isang panibagong pamamalakad na hango mula sa pamumuhay noon ng mga Hudyo sa Lumang Tipan. Ang Ebanghelyo natin ngayon ay isa sa mga turo ng Panginoon na madalas ay binabaliktot ng iilang tao na mas malaya ang isip sa buhay: ang paghahatol. Sabi ni Hesus na huwag dapat tayo humatol sa ating kapwa, upang hindi tayo hatulan ng Diyos. Ang kabuuan nito ay ang paalala ni Hesus na tanggaling natin muna ang puwing sa ating mga mata bago nating alisin ang puwing sa mata ng ating kapwa. Ito’y nangangahulugang pagtingin sa ating sarili bago nating tignan ang buhay ng ibang tao. Subalit hindi ito dapat maging lusutan ng mga nagkasala upang hindi ituwid ang kanilang mga pagkakamali sa maayos na paraan.
Sa totoo po, ang awa ayon sa ating Panginoong Hesus ay hindi dapat sumalungat sa katarungan. Kaya ang maaari nating matutunan mula sa Ebanghelyo ngayon ay ang pagiging mahabagin na hindi dapat natin hinahatulan agad ang dignidad ng isang indibidwal bilang tao. Subalit hindi natin dapat ipahintulot ang isang nagkasala na patuloy na gumawa ng pagkakamali. Kung hindi nga dapat nating hatulan ng masama ang mga taong iyon, bagkus ituro natin sa kanila ang tama at ikabubuti ng iba nating kapwa.
Nahusgahan ka na ba? May mga pagkakataon sa buhay na tayo ay pinupulaan. Hindi lahat sa grupo ay papanig sa atin. Kahit anong ganda ng ating plano, talagang may pipintas pa rin. Sa Sampung kabutihan na ginawa mo at nagkamali ka ng isa, mabubura ang sampung kabutihan at yung kaisa-isang pagkakamali pa ang natatandaan. Ngunit huwag mag-alala ang Diyos ay patas. Alam niya ang ating saloobin at wala tayong maililihim sa Kanya. Kaya nga purihin natin ang kabutihan ng ating kapwa at huwag siraan. Iwasan ang inggit.
Ginamit ni Hesus ang salitang “Mapagpaimbabaw” na nangangahulugang; mapagbalatkayo, plastik, pakunwari o impokrito.
Kadalasan sa ating buhay ay nagagawa nating sitahin ang dungis ng ating kapwa na kala mo ay tayo ay walang bahid dungis. Ang ebanghelyo ngayon ay natutulad sa aral na gustong ipahiwatig satin ni Hesus tungkol sa babaeng nais batuhin ng mga tao ng dahil sa isang mahalay na kasalanan. Sinabi ni Hesus na kung sino sa inyo ang walang bahid ng kasalanan ay syang maunang pumukol. Natahimik ang mga tao at nagsi-alis. Wala tayong karapatang humusga o pumuna ng sala o kapintasan ng iba kung tayo mismo ay hindi nman banal at makasalanan din. Lalabas ka ding kahiya hiya sa mata ng tao ang ng Diyos kung ikaw ay mahilig humusga sa isang tao tapos ikaw ay makasalanan din. Isa pa ay hindi mo alam ang pinagdadaanan ng isang tao para husgahan sya. Mind your own business ika nga, and be sensitive sa feelings ng ibang tao.
kadalasan ang mga tao noon mahilig mapanghusga katulad nang ginawa nang mga pareseyo noon mapang ibabaw hinusgahan nila ang ating Mahal na panginoon Hesus sa kasalanan hindi ginawa nakikita nila ang mali nang iba pero yung sa kanilang mali indi nila nakita kaya sa panahong ito huwag nating gayahin ang mga pareseyo noon dahil ang tao ay nagbabago rin kung anu man ginawa nang iyong kapwa sayo subukan mong humingi nang tawad dahil kung anung gawang mga kasalanan ay pinatawad rin nang ating Mahal na Panginoon Hesus.