Biyernes, Hunyo 9, 2023

June 9, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Ang ating pananampalataya kay Jesus bilang “Kristo ng Diyos” ang siyang nagtitipon sa atin bilang miyembro ng komunidad na ito. Sa kanyang pangalan dalhin natin sa Ama ang ating mga kahilingan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng aming Panginoong Jesus, pakinggan mo kami.

Ang Simbahan nawa’y maging maalab sa pagpapahayag ng katotohanan at pagka-Diyos ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang pagkakaisa, kapayapaan, at pagkakasunduan nawa’y maging isang katotohanan lalo na sa mga bansang ang mga tao’y nagdurusa sa diskriminasyon dahil sa lahi, kasarian, uri, at relihiyon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataan nawa’y marinig ang tinig Kristo na tumatawag sa kanila sa buhay paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makatanggap ng kasiyahan at lakas mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumao nawa’y humimlay sa kapayapaan ng Kaharian ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ni Jesu-Kristo, kinikilala namin na ikaw lang ang aming Panginoon. Lagi mo kaming bantayan at ipagkaloob mo ang aming ipinapanalangin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 3, 2021 at 2:24 pm

PAGNINILAY: Isa sa mga tanyag na titulo ng ating Panginoong Hesukristo ay “Anak ni David”. Ayon sa mga orakulo, ang Mesiyas ay magmumula sa angkan ni Haring David, na kung saan ang kanyang kaharian ay pangmagpakailanman. Kahit nawasak na ang linya ng mga lahi ni Haring David dahil sa pagkatapon nila sa Babilonia, patuloy ang pangako ng Diyos kay David na ang isa sa mga lipi niya ay maghahari nang walang katapusan. Kaya ito ang pinatotoo ni Hesus sa Ebanghelyo habang siya’y nangangaral sa Templo. Ang Kristo ay siyang Anak ng Kataas-taasang Diyos na mula sa angkan ni David, ayon sa isinulat ng Ika-109 na Salmo, na luluklok siya sa kanyang kanan hanggang mapanaig na ang lahat ng mga kaaway sa ilalim ng pamamahalang iyon. Kaya ang titutlong “Anak ni David” ay hindi lang literal na nagmumula sa lahi at dugo, kundi isang tungkuling ibinigay ng Diyos Ama sa isinugong Mesiyas, na siya namang tinutupad ni Kristo. Hindi ito ang Mesiyas na sinasabi ng mga Hudyo ni ng kanyang mga alagad na magiging mabagsik at mapangahas, kundi ang Kristo ay siyang tutupad sa propesiya ni Isaias na mapupuspos siya ng Espiritu Santo upang ipahayag ang Mabuting Balita sa mga duka, magpalaya ng mga nabibilanggo, hilumin ang maysakit, at ipahayag ang bawat taon para sa Panginoong Diyos.

Makikita natin dito ang pagka-Mesiyas ni Hesus bilang Kristo na tinupad ang mga pahayag ng mga propeta at salmo, at ang makapangyarihan sa mga orakulong ito ay ang kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Ito’y isang katuparan upang sundin ang kalooban ng Diyos Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Bagamat siya rin ay may likas ng Diyos, nagpakumbaba si Hesus sa ating katauhan nang ‘di kailanma’y nagkakasala, upang iahon niya ang ating abang kalagayan patungo sa walang-hanggang pangako ng Diyos Ama. Kaya ang kanyang kaharian na walang hanggan ay ang Kaharian ng Ama rin, kung saan nananahan ang pag-ibig, kapayapaan, at katarungan. Kung naroon ang ating pagpapahalaga sa mga iyan lalung-lalo na sa ating relasyons sa kapwa, naipapalaganap natin ang kaharian para ang lahat ay makilala ang Panginoon at maging mga instrumento rin niya.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 4, 2021 at 11:31 am

Tuwing uuwi kami ng Batangas pag may okasyon, ang mga nakakasalamuha kong tao dun ay ganito ang tanong “Kanino kang anak? Pag nasagot ko na ay uumpisahan na nilang ikwento ang magagandang ugali ng aking Tatay at ang kanilang pinagsamahan. Napakasarap pakinggan ang mga kwento nila tungkol sa aking ama.
Tayo rin ay magiging magulang lahat kung loloobin ng Diyos, sikapin matin na habang tayo’y nabubuhay ay wala tayong magawang kahiya hiya o kasamaan upang hindi magreflect sa ating mga anak at apo. Maging totoo tayo sa pakikisama maging sa kamag anak, kaibigan o estranghero. Hindi lang para maganda pakinggan na ay anak sya ng mabuting tao kundi para din tayo ay pamarisan at gawing idolo ng ating mga anak. Habang bata pa sila ay ipakilala na natin si Hesus sa kanila upang maging gabay nila sa magulong mundo sa lupa.

Reply

Group of Believer Poblite June 9, 2023 at 5:22 am

MAGNILAY: Tila kinukwestyon ni Hesus ang popular na paniniwala na ang Mesiyas o Kristo ay anak ni David. Paniniwala ng lahat na ang darating na Mesiyas ay magmumula sa angkan at lahi ni David, samakatuwid, anak nga ni David. Paniniwala na muling itatatag ng Mesiyas ang kaharian ng dakilang hari. Ipinangako kay David noon sa pamamagitan ng propeta na ang kaharian niya’y mananatili magpakailanman. Matutupad ito sa pagdating ng Mesiyas. Tulad niya magiging malakas na mandirigma ang Mesiyas at palalayain ang Israel sa lahat ng umaalipin sa kanya. Pero ang tanong ni Hesus ay paanong magiging anak ni David ang Mesiyas? Sa Salmong sinulat ni David sa gabay ng Espiritu Santo ( Salmo 110:1) na patungkol sa pagdating ng Mesiyas tinawag niya itong ‘Panginoon.’ Kung magiging anak lang niya ito sa darating na panahon hindi niya ito tatawaging ‘Panginoon’ na pangalang ginagamit para sa Diyos lamang.

Ang tanong ni Hesus ay may laman. Hindi niya gustong pagdudahan ng mga nakikinig sa kanya na anak nga ni David ang Mesiyas. Pero ang gustong niyang sabihin ay hindi lang siya basta anak ni David. Hindi lang siya tao na magmumula sa angkan o lahi ni David. Higit pa roon. Siya ay Panginoon. Ibig sabihin, bago pa si David o bago pa likhain ang lahat ay naroon na siya. Umiiral na siya bago pa ang lahat. Nauna pa siya kay David. Hindi lang siya anak ni David kundi Anak siya ng Diyos. Siya’y Diyos na nararapat lang tawaging ‘Panginoon.’ Bilang tao ay anak siya ni David pero bilang Diyos siya’y kanyang Panginoon. Darating siya upang itatag ang kaharian hindi lang ni David kundi ng Diyos. Sa kahariang ito lahat ng tao ay inaanyayahan. Lilipulin niya hindi lang ang puwersang politikal na umaalipin sa Isarel kundi ang puwersa ng kasalanan na umaalipin sa sangkatauhan.

Si Hesus nga ay Panginoon nating lahat. Pero ano nga ba ang Panginoon ng buhay natin? Kung Panginoon natin siya ipahayag natin sa sarili natin, sa ibang tao at sa buong mundo. Huwag tayong mahihiyang sabihing siya ay Panginoon natin! Pero huwag lang sabihin kundi ipakita rin sa gawa. Kung Panginoon natin siya iikot ang buhay natin sa kanya. Di ba ganun ang Panginoon? Siya ang Panginoon at tayo kung tutuusin ay utusan. Ang utusan ay gagawin lang ang sinasabi ng kanyang panginoon. Gayundin naman, ang kalooban lang ng ating Panginoon ang siya nating gagawin.

Si Hesus ang laman ng puso’t isipan natin. Walang sandali na hindi siya ang nilalaman ng kalooban natin. Wala tayong sinisimulan nang hindi nagdarasal at nagninilay kung ano ang kagustuhan niya sapagkat siya ang ating PANGINOON!

MANALANGIN: Mahal kong Hesus, ikaw lang ang aking Panginoon at wala ng iba.

GAWIN: Ipahalata mo sa lahat sa salita at gawa na si Hesus ang iyong PANGINOON!

Reply

tammy amar June 9, 2023 at 7:35 am

Noong pumasok Ang ating Mahal na panginoon Hesus sa templo at sumakay sa Asno inilatag nila Ang mga palaspas at sumigaw Hosanna Hosanna sa Anak ni David dito patunay na Darating Ang Mesiyas para iligtas tayong lahat sa kasalanan Pero kabaligtaran Ang nangyari Ng iharap Ang ating Mahal na Panginoon at isigaw ky Pilato na ipako sa krus napakasakit isipin na kung anung tuwa natin sa pagpasok ni Hesus sa templo ganun rin Ang pagpasakit Niya para pasanan Ang ating mga kasalanan Pero sa kabila Ng lahat nanaig pa rin Ang tagumpay dahil doon namulat tayo na sa lahat Ng mga Hari, Propeta, na binasbasan Ng mga anghel ng Diyos Meron Isang Anak na pinadala Ng ating Diyos Ama para ihayag sa buong mundo Ang kanyang pagmamahal sa ating LAHAT at dito na nga natatag ang Kaharian Ng Diyos sa kanyang pangako buhat sa kay Jesukristo na kanyang Anak at sa mga Apostoles, kasama na Ang mga Santo na ilathala Ang mga sulat at gawa noong unang panahon kaya sikapin natin lahat na ingatan ito para makamit natin Ang buhay na walang hanggan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: