Podcast: Download (Duration: 7:04 — 5.0MB)
Sabado na Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Tobit 12, 1. 5-15. 20
Tobit 13, 2. 6. 7. 8
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
Marcos 12, 38-44
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Ninth Week in Ordinary Time (Red)
UNANG PAGBASA
Tobit 12, 1. 5-15. 20
Pagbasa mula sa aklat ni Tobit
Noong mga araw na iyon, tinawag ni Tobit ang kanyang anak na si Tobias at sinabi, “Anak, huwag kalilimutang bayaran ang kasama mo. At dagdagan mo!” Matapos ang kanilang pag-uusap tinawag ni Tobias si Rafael, at sinabi rito, “Dalhin mo ang kalahati ng kayamanang dala natin at humayo kang payapa.”
Tinawag ni Rafael ang mag-amang Tobit at Tobias at sila’y nag-usap. Sinabi niya, “Salamat sa Diyos! Siya ang purihin nati’t dakilain. Ipahayag ninyo sa lahat ng tao ang kanyang ginawa sa inyo. Umawit kayo ng pagpupuri at pasasalamat. Ihayag ninyo’t parangalan ang kanyang mga gawa at huwag kayong manghihinawa sa paggawa nito. Ang mga bagay na inililihim ng hari’y di dapat ibunyag, ngunit ang mga gawa ng Diyos ay dapat ipahayag upang siya’y parangalan at purihin. Gawin ninyo ang mabuti at di kayo madadaig ng masama. Mas mainam ang manalangin at magbigay-lugod sa Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa mahirap kaysa magpayaman at mandaya. Mabuti ang magkawanggawa kaysa mag-impok ng ginto. Ang gumagawa nito ay naliligtas sa kamatayan at dinadalisay sa bawat kasalanan. Hahaba ang buhay niya, ngunit ang nagugumon sa pagkakasala ay kaaway ng sarili niya.
“Kailangang malaman na ninyo ang katotohanan; wala akong ililihim sa inyo. Natatandaan ninyong sinabi ko na maaaring magtago ng kanyang lihim ang hari, ngunit ang mga gawa ng Diyos ay dapat ngang ipahayag. Ngayon ko sasabihin sa inyo na noong manalangin ka, Tobit, at ang manugang mong si Sara sa Panginoon, ako ang nagharap ng dalangin ninyo sa Diyos. Gayun din ang ginagawa ko tuwing may inililibing ka. Alam kong kahit ka kumakain ay iniiwan mo ang hapag para lamang maglibing ng patay. Bumaba ako rito para samahan ka. Ako rin ang sinugo ng Diyos para pagalingin ka at ang iyong manugang na si Sara. Ako si Rafael, isa sa pitong anghel na humaharap sa Diyos para maglingkod sa kanya.
“Tumayo kayo at magpuri sa Diyos, sapagkat ako’y aakyat na sa kanya. Ang lahat ng nangyari sa inyo ay inyong isulat.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Tobit 13, 2. 6. 7. 8
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
D’yos ay nagpaparusa na taglay ang habag
kung tayo ma’y malibing, sa hukay masadlak,
muling hinahango niya’t binubuhay.
Walang makatatakas sa kanyang kapangyarihan.
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
Kaya ngayo’y alalahanin ninyo
ang ginawa ng Diyos at buong puso ninyong pasalamatan siya.
Purihin ang Panginoon, Diyos ng katarungan,
parangalan ang Haring walang hanggan.
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
Maging sa bansang pinagtapunan sa akin,
pupurihin ko ang Panginoon.
Maging sa bansang makasalana’y dadakilain ko siya.
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
Talikdan na ninyo ang inyong mga kasalanan
at mamuhay kayo nang karapat-dapat sa harapan niya.
Kung magkagayon, ang habag ng Panginoon ay inyong madarama.
Ang Diyos na walang hangga’y
atin ngayong papurihan.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 12, 38-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na mahilig maglalakad nang may mahahabang kasuutan at natutuwang pagpugayan sa mga liwasan. Ang ibig nila’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang mga upuang pandangal sa mga piging. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkala’y ang pagdarasal nang mahaba! Lalo pang bibigat ang parusa sa kanila!”
Umupo si Hesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob doon sa templo, at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing na katumbas ng isang pera. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at kanyang sinabi, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog nang higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Hunyo 9, 2023
Linggo, Hunyo 11, 2023 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang mga biyuda sa Israel noong kapanahunan ng Panginoong Hesus ay itinuturing na “’di matutulungan” sapagkat tingin nila na malas ang nangyari sa kanila. Kung namatayan ng asawa ang isang babae, maaaring magmula sa isa sa mga anak na lalaki ang pagpapala para sa pamilya. Kung kapwang nawala sa kanya, parang sinasabi ng mga Hudyo na hindi na siyang tutulungan ng Diyos. Kaya itong pagkasaradong pag-iisip ang nagiging hadlang upang kilalanin nila ang Panginoong dumidinig sa mga hinahing ng mga biyudad at ulila.
Isang biyuda ang ipinakilala sa Ebanghelyo na hindi katulad ng mga mayayamang taong naghandog ng malalaking salapi, siya’y naghandog ng dalawang kusing lamang. At siguro ang mga taong nakakita dito ay nag-iisip ng sama ng loob dahil sa liit na handog niya. Sa puntong iyon, pinuri ni Hesus ang disposiyon ng babaeng balo na kahit ang 2 kusing na mayroon siya na dapat gamitin niya sa kanyang mabuting kalagayan, inialay niya ito sa Diyos nang may buong puso. Kaya nga itinuturo dito sa Ebanghelyo ang pagbibigay na galing sa puso. Taliwas dito sa pag-uugali ng mga pinunong tumutuligsa kay Hesus katulad ng mga eskriba na nagpapakita ng kabaitan at kabanalan na akalain sila’y mas kalugud-lugod sa harap ng napakaraming tao.
Kaya nga ang hamon sa atin na katulad ng Diyos na dakila sa kanyang awa at habag sa atin sa kabila ng ating mga kahinaan, tayo rin ay maging mga mabuting taong nagpapahayag ng pagmamahal at habag sa ibang tao, lalung-lalo na ang mga mahihirap. Kapag tayo ay nagbibigay, gawin natin ito nang taos puso at hindi yung parang napipilitan upang makita natin ang kahalagahan ng pagbibigay. At nawa’y tularan din natin ang 2 balo na patuloy tayong magtitiwala at maglilingkod sa Panginoon sa kabila ng mga problema at paghihirap natin sa buhay.
May asawa ka ba? May mga anak? Aba ay napakapalad mo, isa ka sa mga nabiyayaan at nakahihigit sa iba. Anong lungkot na lamang ng buhay ng mga hindi nakapag asawa, hindi naranasan ang kaligayahang dulot ng pagakakaroon ng anak. Ganun din ang mga byuda na maagang binawian ng makakatuwang sa buhay. Kaawaan natin sila. Ngunit hindi lamang nakasentro sa byuda o balo ang dapat nating bigyang pansin, katumbas din nito ang taong nagugutom, kaibigang maysakit at kakillalang nabilanggo at mga taong may kapansanan. Dalawin natin sila at tulungan, mapalad ka at hindi isa sa mga ganito ang naging palad mo sa lupa. Bilang ganti ay magpuri tayo at magpasalamat araw araw sa Diyos, suklian naman natin itong lahat ng kanyang kaloob ng pagsisi ng mga kasalanan at pagsisikap na magbalik loob sa Panginoon. Ipamahagi ang biyayang natatanggap at kung may pagkakataon ay mapagpatoo ka at ikalat ang salita ng Diyos. Sa paggawa ng mabuti at pagdarasal ay wag ipagsigawan para lamang puriin ng ibang tao, gawin ito ng palihim upang si Hesus sa langit ang magbigay ng gantimpala sayo.
Tumutulong ka ba o nagpapakitang tao? Kadalasan pag may nakatingin nagbabait-baitan, pag naman wala labas ang tunay na ugali. Lahat ng ating ginagawa at iniisip ay hayag sa Panginoon. Kung ano man ang motibo natin sa pagtulong. Ang Diyos ay hindi bulag, pipi at bingi. Kung akala natin ay di nakikita ang ginagawa nating kabutihan nagkakamali tayo. Dahil ang ating nagiging panuntunan ay tao. Ngunit ang Diyos lahat ay alam Niya. Kahit wala tayong parangal mula sa tao, ibang magparangal ang Diyos, siksik, liglig at umaapaw na biyaya.
MAGNILAY: Sinusukat ng Diyos ang ating kaloob hindi ayon sa dami kundi ayon sa ating kapasidad. Kung mas malaki ang naipagkaloob mo kumpara sa iba hindi ibig sabihin mas magaling ka sa kanila. Kahit mas malaki ang naipagkaloob mo kaysa iba maliit pa rin ito kung mas mababa ito sa kakayanan o kapasidad mong magkaloob. Gayundin naman, kahit mas maliit ang naipagkaloob mo kaysa iba malaki pa rin ito kung nasagad mo ang kakayanan o kapasidad mong magkaloob.
Naalala ko sa seminaryo may propesor kaming binabase ang grado namin ayon sa aming IQ. May kaklase kami na pinakamarami ang sagot sa pagsusulit. Pero nang ibigay ang grado mas mababa pa siya kaysa doon sa nakasagot ng mas kaunti. Mas marami man siyang nasagot pero mas marami pa sana kung nasagad niya ang kakayanan o kapasidad niyang sumagot sa pagsusulit. Mataas kasi ang kanyang IQ. Mas higit ang inaasahan sa kanya. Samantala, nagbubunyi ang nakasagot ng mas kaunti. Mas mataas kasi ang kanilang grado. Mas kaunti man ang nasagot nila pero mas nasagad nila ang kakayanan o kapasidad nilang sumagot. Mas mababa kasi ang IQ nila kaya mas mababa ang inaasahan sa kanila kumpara sa mas mataas ang IQ. Magiging kahanga-hanga ka kung nahigitan mo ang kakayanan o kapasidad mo. Kung ganito lang ang inaasahan sa iyo pero mas mataas ang nakuha mo ekselente kang estudyante. Nagawa mong higitan ang inaasahan lang sa iyo.
Ang biyuda na dalawang kusing lang ang naabuloy ay nagbigay nang mas higit kaysa mga nag-abuloy nang mas malaking halaga. Ang ibinigay niya ang buo niyang kabuhayan. Ibinigay niya ang buong kaya niyang ibigay. Samantala, yung iba ang laki nga ng naibigay pero barya lang ito kumpara sa kakayanan nilang mag-abuloy. Hindi tugma sa kapasidad nilang magbigay. Sa mata ng Diyos, mas maliit ang naibigay nila.
Hindi pantay-pantay ang inaasahan sa bawa’t-isa sa atin. May kanya-kanya tayong kapasidad. Mas malaking kapasidad mas malaki ang responsibilidad at pananagutan. Sa larangan, halimbawa, ng yaman, mas may responsibilidad at pananagutan ang mga mayayaman kaysa mahihirap sa larangan ng pagtulong pinansiyal. Minsan nga nakakahiya. Kung sino pa ang mahirap ay siya pang nagbibigay nang mas regular. Kung sino pa ang mayaman siya pang kuripot at tago nang tago. Sa larangan ng kabanalan, mas inaasahan ang mga tagapagturo o lider ng kabanalan. Ang pari, halimbawa, ay mas higit ang inaasahan sa pagsasabuhay ng pananampalataya at pananalangin. Pero nangyayari rin na kung sino pa ang ordinaryo lamang na mananampalataya ay mas masipag pag magdasal kaysa sa pari, o madre, o lider ng kabanalan. Kung sino pa ang mga nag-aral sa relihiyosong eskwelahan na natutunan ang mga turo at aral ng Panginoon tungkol sa moralidad ay sila pang mga mas kurakot sa gobyerno. Isa ito sa malaking iskandalo. Mas inaasahan sa kanila na maging mas tapat at wagas dahil nagkaroon sila ng oportunidad na mag-aral ng kabanalan. May pagkakataon pa na mas Kristiyano sa gawa ang mga hindi Kristiyano. Yun ang nakakahiya.
Alamin natin ang ating kapasidad. Sukatin natin ang mga oportunidad na meron tayo. Ibase natin doon ang paglilingkod na ipagkakaloob natin. Maging pantay nawa sa kapasidad natin ang ating ginagawa. Mas mabuti, higitan natin ang ating kakayanan o kapasidad. Patuloy tayong lumago sa paggawa ng mabuti.
MANALANGIN: Panginoon, magampanan ko nawa ang aking responsibilidad at pananagutan ayon sa m binigay mo sa aking kakayanan at kapasidad.
GAWIN: Lagi mong higitan sa araw na ito ang nagawa mong kabutihan kahapon. Maging mas banal ka ngayon kaysa kahapon.
Minsan tayong mga tao mahilig tayo magpasikat kahit donasyon man Malaki o maliit piktyor dito piktyor doon ipinapakita natin sa buong mundo Ang mga tulong at ipanagmayabang isipin natin Isang balo na nagbigay nang buo niyang handog sa simbahan kahit alam ya na walang Wala na sya pero buong puso niya pa rin inialay sa ating Panginoon Diyos ganun rin dapat tayo magbigay tayo nang palihim sa ating kapwa tumulong tayo Nang palihim dahil ang gantingpala nang ating Mahal na Panginoon ay mas Malaki higit sa kahit anung yaman Meron tayo dito sa sanlibutang ito huwag tayong magpakunwari na magara ang ating kasuootan ginagagalang sa mamahalin materyales alahas, bahay, kotse o anung Meron tayo pero kabaligtaran ito dahil hindi natin kaya paglingkoran Ang tao at Diyos sa kabila Ng ating minimithi at tinatamasa sa buhay huwag natin tularan Ang mga pariseo, saduseyo noong unang panahon dahil mahilig silang magpakunwari para kilalanin nang buong mamamayan.