Biyernes, Abril 21, 2023

April 21, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes

Sa himala ng pagpapakain ng limanlibong tao, ipinakikita sa atin ng ating Panginoon na ibibigay ng Ama ang lahat ng ating mga pangangailangan. Hilingin natin sa kanya ang lahat ng mabubuting bagay na maipagkaloob niya sa atin.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, bigyan Mo kami ng aming kakanin araw-araw.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpakita ng katulad ng pagkahabag na ipinamalas ni Jesus upang pakanin ang mga taong nagugutom, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga Kristiyano nawa’y tularan ang ginawa ng batang nagbahagi ng kanyang pagkain at magbahagi rin ng anumang maaaring makatulong sa mga nangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataan nawa’y matagpuan si Kristo bilang tugon sa kanilang pagkauhaw at pagkagutom, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makatanggap ng tulong para sa kanilang katawan at kaluluwa mula sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumaong mahal natin sa buhay nawa’y makasalo sa walang hanggang piging sa kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Mapagmahal na Ama, dinggin mo ang mga panalangin ng iyong bayang nagtitipon upang mag-alay at tanggapin ang handog na walang pagmamaliw, ang iyong Anak na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 19, 2020 at 9:57 pm

Pagninilay: Ang Misteryong Paskwal ni Hesukristo ay ginugunita ng bawat Kristiyano sa pamamagitan ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, inaalala natin ang pagbabahagi ni Hesus ng biyaya ng buhay sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. At ang Kababalaghan ng Pagpapakain ng maraming tao ay ang paglalarawan sa Eukaristiya. Makikita natin sa Ebanghelyo ang paghintulad ng kwentong ito sa ating Misa. Alam natin na ang Misa ay binubuo ng 2 bahagi: (1) ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, at (2) ang Pagdiriwang ng Huling Hapunan. Si Hesus ay nagturo sa mga tao tungkol sa Paghahari ng Diyos Ama (Pagpapahayag ng Salita ng Diyos). At dahil sa kanyang awa sa napakaraming tao, pinakain niya sila ng 5 tinapay at 2 isdang naging posible upang ipakain ang higit na 5,000 tao (Pagdiriwang ng Huling Hapunan). Kaya itong kababalaghan ay nagbibigay kahulugan sa ating pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Sa bawat Misa, tayo ay pinapalusog ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang Salita at ng kanyang Katawan. At tinuturo rin sa atin ng himala ay ang pagiging “pang-Eukaristiya” tungo sa mga nilalang ng Diyos Ama: pagiging mapagpala (blessed), pinaghati-hatian (broken), at mapagbigay (shared). Sinasabi ng ilang eksperto sa Bibliya na nangyari ang pagpapakain sa napakaraming tao dahil sa pagbabahagi. At inilahad nga ni San Juan ang isang batang lalaki na nagbahagi ng kanyang 5 tinapay at 2 isda, na akala noon ni San Andres ay imposibleng pagkasyahin ng napakaraming tao. Ngunit maaari rin nating sabihin na dahil sa pasasalamat ni Hesus sa Ama dahil sa tinapay at isda, siguro pinarami nga ng Diyos dahil sa pagiging bukas palad ng mga tao. Kaya nawa sa ating buhay, kung nais natin maranasan ang mga kababalaghan ng Panginoon, nawa’y magkaroon tayo ng debosyon na makiisa sa Eukaristiya upang pasiglahin tayo sa ambo ng Salita at altar ng Katawan. At nawa ang bawat Misa sa atin ay magsilbing inspirasyon at misyon upang tayo pa ay maging mapagbigay at bukas palad tungo sa pangangailangan ng bawat nilalang ng Maykapal.

Reply

SAINTSPOT April 21, 2023 at 6:04 am

John 6, 1-15 Superabundance
Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/jUAVIXhYTLU

At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayun nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

GOSPEL REFLECTION:
Pinakain ni Hesus ang higit limang libong katao sa pamamagitan lamang ng limang tinapay at dalawang isda. Bakit kaya may dagdag o labis na nalikom pagkatapos kumain?

Sinabi ni San Augustine sa pagpaparami ng tinapay, si Hesus ay naglaan ng higit sa makakain ng mga tao. Nasiyahan ang mga tao sa mga turo ni Hesus kaya’t pilit silang nakikinig at sumusunod. Hindi lang sila nabusog sa pisikal na pagkain, mas lalong higit ang kanilang espiritwal na pagkain. At ang maganda, may labis pa na naiwan. Ang labindalawang basket ay kumakatawan sa Labindalawang mga Alagad. Sila ang mga espesyal na pinili ni Jesus upang tumanggap ng higit pa sa kanilang inaasahan.

Dapat nating malaman na may tatlong pangkat sa panahong iyon ni Hesus na angkop din sa ating sitwasyon ngayon. Ang unang pangkat, ay mga taong walang pakialam, mga hindi naglakbay upang makasama si Hesus, at ayaw umasa sa Diyos. Sila ang pinakamalaking grupo.

Pangalawang pangkat, ay ang “malaking pulutong” na sumunod kay Hesus. Ang mga ito ay kumakatawan sa mga taong masigasig na naghahanap sa ating Panginoon araw-araw. Ito ang mga taong palasimba, naglilingkod sa simbahan at pamayanan, at araw-araw na nananalangin, nag-aaral at nagbabahagi ng Salita ng Diyos. Sa grupong ito ng mga tao, tinuturuan sila ng Panginoon ng maraming bagay, at sila ay pinapakain ng Kanyang banal na Salita at mga Sakramento.

Ang ikatlong pangkat ay ang Labindalawang Alagad na mga bukod-tanging tapat sa ating Panginoon at sila’y inaalagaan Niya sa lahat ng pagkakataon. Ito ang mga naghahangad na maunawaan at yakapin ang pinakamalalim na espirituwal na katotohanan upang silang mabusog at magkaroong ng tunay na pagbabago sa pinakamalalim na antas.

Pagnilayan, ngayon, kanino ka napapabilang sa tatlong pangkat? Alalahanin natin na ang pagkakaroon ng pang-unawa sa katotohanan ay siyang unang hakbang upang makatanggap ng higit pa o labis labis na biyaya. Kaya’t ang hamon ng Diyos sa atin ngayon ay: “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Ibig sabihi’y hanapin ang natitirang “labindalawang bakol” ng espirituwal na mga katotohanan. Kung gagawin natin, matutuklasan natin na talagang walang katapusan ang biyayang nais ipagkaloob sa iyo ng ating Panginoon.

Aking mapagbigay na Panginoong Hesus, hindi mo lamang ibinibigay ang espirituwal na pagpapakain sa Iyong mga tao, binibigyan Mo pa sila ng labis labis na kasaganaan. Habang araw-araw kitang hinahanap at napupuspos ng Iyong awa, tulungan mo akong hindi magsawa na magpakabusog sa napakaraming regalo ng Iyong biyaya. Pagpalain mo sana ako, mahal na Panginoon, at tulungan mo akong namnamin at isabuhay ang Iyong banal na Salita. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: