Lunes, Abril 17, 2023

April 17, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Lunes

Sa pamamagitan ng ating Binyag sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, tayo ay naging mga anak ng Diyos. Bilang mga tagapagmanang kasama ni Kristo, makalalapit tayo sa ating Ama nang may pagtitiwala.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, dinggin Mo ang Iyong mga anak.

Ang Simbahan sa lupa nawa’y mabuklod upang maging salamin ng ganap na pagkakaisa ng Santatlo, ang kaisahan ng pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga binyagang Kristiyano nawa’y lumago sa kanilang pamumuhay bilang Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga alipin ng takot nawa’y maging malaya bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga walang pananampalataya nawa’y sikapin nating mahikayat sa pananampalataya at pagpapabinyag, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kapatid nating namayapa nawa’y muling mabuhay sa kaluwalhatian ng Banal na Santatlo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, sa aming pag-aalay ng mga pananalangin, loobin mong makaisa kami ng Espiritu na nananahan sa iyong mga anak at kay Kristo na iyong Anak na aming Tagapagligtas at Panginoon, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 18, 2020 at 6:13 am

Pagninilay: Ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo ay ang pinakaugat ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Tayo ay suamsampalataya sa Diyos dahil sa biyaya ng buhay na inialay ni Kristo sa Krus at iniwasto niya ito nang siya’y muling mabuhay. Ito yung naging lakas at katatagan ng mga Apostol sa Unang Pagbasa na nawa’y patuloy sila sa pangangaral ng Banal na Salita sa kabila ng mga banta ng mga nais pumatay sa kanila. Dito inaalala nila ang sinapit ni Hesus nang siya’y pagtulungan nina Haring Herodes, Poncio Pilato, mga Romano, mga pinuno ng mga Hudyo, at iba pang mga taga-Israel na humiling na ipako siya sa Krus. Subalit sa huli ay nagtagumpay siya sa pamamagitan ng kanyang Muling Pagkabuhay, at ito’y tanda na ang mga Apostol ay binigyang kakayahan upang ipangaral ang Mabuting Balita. Kaya makikita natin na dahil si Kristo nga’y tunay na nabuhay na mag-uli, hindi dapat manaig ang anumang masamang bagay na nagdudulot ng kasamaan at kasalanan.
Ang Muling Pagkabuhay ni Hesukristo ay tanda rin ng ating pagiging marapat na tawaging mga “anak ng Diyos”. Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagdidiskurso ni Hesus sa isang Pariseong si Nicodemo. Hindi katulad ng kanyang mga kasamahan sa grupo, mas bukas ang isipan ni Nicodemo na pakinggan ang mga pahayag ng Panginoon. Kaya nang bisitahin niya siya noong isang gabi, dito idineklara ng Pariseo na si Hesus ay isang guro na galing sa Diyos, at wala siyang ipapangaral kung hindi ito’y iniutos ng Diyos. At ang tugon naman ni Hesus ay isang pagpapatibay ng pananampalataya ni Nicodemo, na ang sinumang nais makamtan ang paghahari ng Diyos ay kailangang muling ipanganak. Hindi ito unang naunawaan ni Nicodemo sapagkat inakala niya’y ang isang tao’y kailangan pumasok muli sa sinapupunan ng ina upang ito’y lumabas muli. Subalit ang tinutukoy dito ni Kristo ay ang panganganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu. Samakatuwid, ito’y tumutukoy sa Sakramento ng Binyag, ang pinutan tungo sa ating paglalakbay sa pananampalataya. At ayon sa ating Katesismo, ang Binyag ay kinakailangan upang makamtan natin ang kaligtasan. Sa pamamagitan ng Sakramentong ito, dalawang bagay ang ating nakakamtan: (1) ang paglilinis ng ating orihinal na kasalanan, at (2) ang pagiging marapat na tawaging mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagbibilang sa kanyang Simbahan. At dahil tayo’y mga miyembro ng Katawan ni Kristo, ang Simbahan, tayo’y may tungkuling ipagtupad ang ating misyon katulad ng ginawa niya: Pangpari (mga sakrispisyo at panalangin), Pangpropeta (ang kabutihan at katuwiran na ipahayag at gawin), at Panghari (paglilingkod na walang inaasahang kapalit). At ang pagtanggap ng binyag ay paalala sa atin ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma (kb. 6, vv. 3-11) na ang ating pagbibinyag ay isang espirituwal paraan ng ating pagkamatay sa kasalanan at muling pagkabuhay para sa Diyos Ama sa pamamagitan ng Diyos Anak na ating Panginoong Hesukristo. Kaya noong Bihilya at Araw ng Pasko ng Pagkabuhay, isinariwa natin ang ating pangako sa Binyag upang talikdan natin ang mga masasamang bagay at sumampalataya sa Diyos at sa kanyang ginawa para sa ating kaligtasan. At dito nawa tayo’y tunay na mabuhay para sa ating Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng ating mga pangako na ating sinariwa noong tayo’y bininyagan upang ipadala natin ang pagmamahal at awa ng Diyos sa ibang tao.

Reply

SAINTSPOT April 17, 2023 at 6:08 am

Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/T9eCZwI2Klc

GOSPEL REFLECTION:
Si Nicodemo ay nanindigan laban sa iba pang mga lider ng relihiyon noong panahong iyon upang ipagtanggol si Hesus at ipakita ang suporta para sa Kanya. Nangangailangan ito ng lakas ng loob. Siya ay kinutya at nanganganib na layuan ng iba. Ngunit alam ni Nicodemus na may kakaiba kay Hesus, at nagtiyaga siya sa pagsunod sa inspirasyong iyon.

Sa maraming paraan, si Nicodemo ay isang magandang halimbawa para sa atin ngayon sa ating modernong mundo. Parami nang parami, sa karamihan ng mga sekular na kultura sa daigdig, ang pagiging tagasunod ni Hesus ay minamaliit. Ito ay totoo lalo na kung pipiliin mong ipamuhay ang iyong pananampalataya nang hayagan at maniwala sa lahat ng itinuturo ng mga Ebanghelyo. At gaya ni Nicodemo, marami ang mas madaling lumapit kay Hesus “sa gabi,” ibig sabihin, sa isang tagong paraan. At kahit na nagsimula si Nicodemo sa ganitong paraan, sa kalaunan ay nagsalita siya nang hayagan bilang pagtatanggol kay Hesus sa harapan ng kanyang mga kapwa Pariseo na, ayon sa ilang tradisyon, ay umusig sa kanya at itinaboy siya.

Pagnilayan, ngayon, kay Nicodemus na ngayon ay santo sa ating simbahan. Hinayaan niyang lumago ang kanyang pananampalataya habang nakikinig Siya kay Hesus, nakipaglaban sa panggigipit ng kanyang mga kasamahan, ngunit sa huli ay hayagang ipinahayag ang kanyang pananampalataya kay Kristo. At kahit na nasaktan nito ang kanyang makalupang posisyon ng karangalan sa loob ng Sanhedrin at sa mga makalupang pinuno, ito ay nakakuha kay Nicodemus ng walang hanggang karangalan sa Langit. Pagnilayan ang lakas ng loob na dapat niyang harapin ang panggigipit ng kanyang mga kasamahan sa pamamagitan ng pagpayag sa pananampalatayang natagpuan niya kay Kristo na lumago at punuin ang kanyang buhay ng liwanag ng Katotohanan. Sikaping tularan ang mabuting taong ito at hayaan ang iyong sarili na mabigyang inspirasyon ng kanyang katapangan upang ikaw din ay makatanggap ng parehong walang hanggang kaluwalhatiang tinatamasa niya ngayon sa Langit.

Panginoon ng liwanag at katotohanan, inihahayag Mo ang Iyong sarili sa mga lumalapit sa Iyo nang may pananampalataya. Tulungan mo akong sundin ang halimbawa ni Nicodemo upang ang lahat ng kalituhan at kadiliman ay mapawi ng liwanag ng Iyong katotohanan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, mahal na Panginoon, na sumunod sa Iyo at ituon ang aking puso sa lahat ng Iyong inihayag. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: