Sabado, Abril 15, 2023

April 15, 2023

Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang
ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Mga Gawa 4, 13-21
Salmo 117, 1 at 14-15. 16ab-18. 19-21

Pinupuri kita, D’yos ko,
pagkat ako’y dininig mo.

Marcos 16, 9-15


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday within the Octave of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 13-21

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, nagtaka ang mga pinuno at matatanda at mga eskriba sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang mabatid nilang mga karaniwang tao lamang ang ito at hindi nag-aral. Napagkilala nilang sila’y kasamahan ni Hesus noong nabubuhay pa. At nang makita nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi ng dalawa, wala silang masabi laban sa kanila. Kaya’t pinalabas muna sa Sanedrin ang mga alagad, saka sila nag-usap. “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Sapagkat hayag na sa buong Jerusalem at hindi natin maitatatwa na isang pambihirang kababalaghan ang naganap sa pamamagitan nila. Para hindi na kumalat ito, balaan natin sila na huwag nang magsalita kaninuman tungkol sa pangalang ito.” Kaya’t muli nilang ipinatawag sina Pedro, at binalaan na huwag nang magsasalita o magtuturo pa tungkol kay Hesus.

Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na po ang humatol kung alin ang matuwid sa paningin ng Diyos: ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita’t narinig.” At sila’y binalaan nang lalo pang mahigpit saka pinalaya. Wala silang makitang paraan upang maparusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao’y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1 at 14-15. 16ab-18. 19-21

Pinupuri kita, D’yos ko,
pagkat ako’y dininig mo.

o kaya: Aleluya!

O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Dahilan sa Poon
ako’y pinalakas, at ako’y tumatag;
siya, sa buhay ko, ang Tagapagligtas.
Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Ang Poon ay siyang lakas na patnubay!

Pinupuri kita, D’yos ko,
pagkat ako’y dininig mo.

Ang lakas ng Poon
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako
upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko’y di niya pinatid.

Pinupuri kita, D’yos ko,
pagkat ako’y dininig mo.

Ang mga pintuan
ng banal na templo’y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong Panginoo’y papupurihan.
Ito yaong pintong
pasukan ng Poon, ang Panginoong Diyos;
tanging ang matuwid
ang pababayaang doo’y makapasok!
Aking pinupuri
Ikaw, O Poon, yamang pinakinggan,
dininig mo ako’t pinapagtagumpay.

Pinupuri kita, D’yos ko,
pagkat ako’y dininig mo.

ALELUYA
Salmo 117, 24

Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 16, 9-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Umagang-umaga ng araw ng Linggo, matapos na muling mabuhay si Hesus, siya’y unang napakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Hesus sa babaing ito. Pumunta siya sa mga alagad ni Hesus, na noo’y nahahapis at umiiyak, at ibinalita ang kanyang nakita. Ngunit hindi sila naniwala sa sinabi ni Maria na buhay si Hesus at napakita sa kanya.

Siya’y napakita rin sa dalawang alagad na naglalakad patungo sa bukid, ngunit iba ang kanyang kaanyuan. Bumalik sa Jerusalem ang dalawa at ibinalita sa kanilang kasamahan ang nangyari, ngunit sila ma’y hindi pinaniwalaan.

Pagkatapos, napakita siya sa Labing-isa samantalang kumakain ang mga ito. Pinagwikaan niya sila dahil sa hindi nila pananalig sa kanya, at sa katigasan ng ulo, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya’y muling mabuhay. At sinabi ni Hesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 16, 2020 at 11:01 pm

Pagninilay: Ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo ay nag-aaliw sa ating mga hinagpis, nagmumulat sa ating mga puso’t kaisipan, at nagpapatibay ng ating pananampalataya upang mas manaig ito kaysa ating mga pag-aalinlangan. Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagsalaysay ni San Marcos tungkol sa Pagkabuhay ni Hesus. Sa mga 4 na Ebanghelista, si San Marcos ang pinakaunang nagsulat tungkol sa ating Panginoong Hesukristo. Kung babalikan natin ang kanyang naratibo tungkol sa Muling Pagkabuhay, ito’y pinalawak pa ayon sa mga perspektibo nina San Mateo, San Lucas, at San Juan. Binanggit dito ni San Marcos ang pagpapakita ni Kristo kay Sta. Maria Magdalena malapit sa kanyang libingan (Cf. Juan 20:11-18), na siya namang Ebanghelyo natin noong nakaraang Martes. At binanggit din ng Ebanghelista ang pagpapakita ng Panginoon sa dalawang alagad na papuntang Emaus (Cf. Lucas 24:13-35), na siya namang Ebanghelyo natin noong nakaraang Miyerkules. Mula sa dalawang pagpapakita ni Kristo matapos siyang muling mabuhay, natunghayan natin kung paano niyang inaaliw ang umiiyak na Maria Magdalena nang tinawagan niya ang pangalan nito. At natunghayan din natin kung paanong namulat ang dalawang alagad sa Emaus sa pagkilala nila sa kanya matapos niyang inihati ang tinapay at binahagi sa kanila. Sa kabila ng kagalakang natanggap ng mga tauhang iyon, isinasaad din ni San Marcos ang tugon ng mga Apostol, na hindi sila agad naniniwala. Kaya nang nagpakita si Hesus sa kanila na siya’y muling nabuhay, pinagwikaan nila sila dahil sa kanilang pag-aalinlangan. Subalit kahit sila pa ang nag-alinlangan, sila’y pinahayo ni Hesus na gawing kanyang mga alagad ang lahat ng mga bansa. Alam ni Kristo na bago pa man siya bumalik sa Diyos nating Ama, ang kanyang mga Apostol ay magpapatuloy ng kanyang ginawa. At narinig natin sa Unang Pagbasa ang katatagan ng pananamapalataya nina San Pedro at San Juan sa gitna ng mga pinuno ng Hudyong bumibintang sa kanya. Walang magagawa ang mga punong saserdote, eskriba, matatanda ng bayan, Pariseo, at Saduseo laban sa 2 Apostol. Kaya pinagbantaan nila sina Pedro at Juan na huwag nang magsalita tungkol kay Hesus. Subalit binalewala ito ni Pedro sapagkat hindi sila titigil na ipahayag ang kanilang narinig at nasaksihan tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Hesus. At makikita rin natin na ganito rin ang ating Inang Simbahan na sa kabila ng mga krisis, pagsubok, at pag-uusig na kanyang narasanan, siya’y naging matatag dahil sa pangakongwalang mananaig na kahit anong hakbang laban sa Nobya ni Kristo. At ang pagpapatibay ng Simbahan hanggang ngayon ay isang tanda na tunay ngang buhay ang Panginoon sa bawat mananampalataya. Kaya nawa’y ipadama natin sa ibang tao na ang ating Diyos ay buhay na buhay talaga, at nais manatiling buhay sa pamamagitan ng paggawa ng katuwiran at kabutihan.

Reply

SAINTSPOT April 15, 2023 at 5:21 am

Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/sjDH00waM5I

GOSPEL REFLECTION:
Isang babae na may napakasamang nakaraan, matindi ang pagkakasala, ang siyang pinili ni Hesus na unang makakita sa Kanya pagkatapos niyang muling nabuhay. Si Maria Magdalena ay binigyan ng karangalan ng Diyos sa kabila ng kanyang matinding pagkakasala. Ito’y isang mahiwagang katotohanan.

Lahat ng tao ay may nakaraan. Sa totoo lang, nakakapagpahina ng loob ang kasalanan. Kapag hindi nagsisi, nag-iiwan ito ng pagkawala ng dignidad at integridad. Gayunpaman, kahit na pagkatapos na ang isa ay nagsisi, may mga tao na bumabalik sa pagkakasala at kahihiyan. At ito ay hadlang sa pagsisikap na makalapit at makapaglingkod sa ating Diyos.

Ngunit ang katotohanan, tinitignan at itinuturing ng Diyos na isang tunay na hiyas at maganda ang isang taong nagsisi at tumalikod sa kasalanan. Siya ay dakila at binibigyan ng parangal ng Diyos. Ang Diyos ay hindi naninirahan sa ating nakaraang kasalanan. Ang ating nakaraang kasalanan, kapag ito ay pinagsisihan at napatawad, ay magiging tanda ng isang walang hanggang pag-ibig ng Diyos.

Paano mo hinaharap ang iyong nakaraang kasalanan? Una, lubos mo bang kinikilala, inaamin, pinagsisihan at handa ng ihingi ng kapatawaran sa ating Panginoon? Kung gayon, minumulto ka pa rin ba? Sinusubukan pa rin ba ng kasamaan na ipaalala ito sa iyo upang alisin ang iyong pag-asa sa awa ng Diyos?

Pagnilayan, ngayon, ang pinakamasama at pinakapangit na nakaraang nagawa mong pagkakasala. Kung hindi mo pa ito inihihingi ng tawad, gawin mo na ito sa lalong madaling panahon. Hingin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na tulungan ka. Kung anuman iyon, tignan mong mabuti ang iyong kaluluwa sa kung papaano ito tinitignan ng Diyos. Walang galit ni pagkasuklam sa paningin ng Diyos sa iyo at sa iyong nakaraan. Sa halip, ang nakikita Niya ang iyong pagbabalik-loob, kalungkutan at pagsisisi. At, sa Kanya, ito ay kabanalan at kagandahan. Pag-isipan ang iyong kagandahan kapag ikaw ay tunay na nagsisisi sapagkat ang Diyos ay punung-puno ng awa at pagmamahal.

Aking maawaing Diyos, mahal Mo ang makasalanan at kinasusuklaman Mo ang kasalanan. Mahal mo ako sa mga paraan na hindi ko naiintindihan. Tulungan mo akong maunawaan kung gaano Mo ako kamahal kapag ako ay lubos na nagsisi. At tulungan mo akong makita ang aking puso sa pamamagitan lamang ng Iyong mga mata. Nagpapasalamat ako sa Iyong pagmamahal at awa, mahal na Panginoon. Tulungan mo akong mahalin ka ng higit pa. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: