Huwebes, Abril 13, 2023

April 13, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Huwebes

Inihahayag ng karunungan ng Banal na Kasulatan ang plano ng Diyos para sa atin. Sa ating paglalakbay kasama ni Kristo, idalangin natin na sa bawat araw, higit na maging maliwanag ang kanyang daan ng buhay.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, manatili ka sa aming piling.

Bilang isang Simbahan, nawa’y maging tapat kami sa pagpapahayag sa ebanghelyo ng pagsisisi at pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pagkilala sa kabutihan ni Kristo, ang Panginoong Muling Nabuhay, maihatid nawa natin ang katarungang panlipunan para sa lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang Banal na Kasulatan nawa’y makapagbigay ng kaliwanagan sa mga nasa kadiliman ng kasalanan at kawalan ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang makilala ang presensya ng Panginoong Muling Nabuhay sa paghahati-hati ng tinapay sa Eukaristiya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y muling mabuhay sa kaganapan ng kagalakan sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos na aming Ama, nag-aalab ang aming mga puso habang nakikinig kami sa iyong bugtong na anak. Tanggapin mo ang mga panalangin ng mga naglalakbay sa kanyang daan ng buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 10, 2020 at 11:24 am

Pagninilay: Patuloy nating sinasariwa ng kagalakan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Sa ating Ebanghelyo (Lucas 24:35-48), narito ang naganap matapos ang Ebanghelyo kahapon nang magpakita si Hesus sa dalawang alagad patungong Emaus. Ibinalita nila na nagpakita siya sa kanila at kung paanong nakilala nila siya sa paghahati ng tinapay. At habang nagsasalita pa sila, nagpakita si Hesus sa presensiya nilang lahat na bumabati ng “kapayapaan”. Sa una ay natakot sila sapagkat akala nila siya’y isang multo. Subalit ipinakita niya ang kanyang mga paa at kamay na nagpapatunay siya’y tunay nga muling nabuhay. Kaya sila’y nagalak, at nang humingi siya ng pagkain, binigyan nila siya ng isang isda. Katulad ng mga ipinahayag ni Hesus sa dalawang alagad, ipinahayag din niya sa mga Apostol ang nangyayari sa kanya bilang Mesiyas alang-alang sa pagtutupad ng kalooban ng Diyos. Kaya makikita natin na kailangan nga ni Hesus mamatay at muling mabuhay upang magkaroon ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapatawad ng mga kasalanan. At ito ay sinaksihan ng mga Apostol na sila’y isinugo upang bigyang saksi ang mga pangyayaring ito. Kaya sa Unang Pagbasa (Gawa 3:11-26), nakita natin sina San Pedro at San Juan sa gitna ng napakadaming tao sa templo. Nasaksihan ng mga tao ang paggaling ng isang pilay na lalaki sa pangalan ni Kristo. At nagsalita si Pedro sa harapan nila na ang kanilang ginawa ay alang-alang kay Kristong ipinako sa Krus ngunit muling nabuhay. Dahil sa kadakilaang ginawa ng Diyos Ama, inaanyayahan ang mga tao na sumampalataya upang magkaroon ng pagpapatawad ng mga kasalanan. Tunay ngang nabuhay ang ating Panginoon at nagtagumpay laban sa kasalanan at kamatayan upang magkaroon tayo ng bagong buhay na mamuhay alinsunod sa kagustuhan ng ating Ama. Nawa’y tulad ng mga Apostol ay maging mga saski rin tayo ng Mabuting Balita ng ating Panginoong Hesukristo.

Reply

Lexter April 12, 2023 at 7:17 am

Amen!

Reply

SAINTSPOT April 13, 2023 at 6:02 am

Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/G8yJULBiAlI

GOSPEL REFLECTION:
Pagkatapos sa daan ng Emaus, nagpakita rin si Hesus sa isang grupo ng Kanyang mga Apostol at direktang “Binuksan niya ang kanilang mga isip” upang maunawaan nila ang lahat ng inihayag ng Kasulatan tungkol sa Kanya. Tinulungan Niya silang makita ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli bilang mga katuparan sa mga turo ni Moises at ng mga propeta. At pagkatapos ay sinabi ni Jesus ang isang bagong bagay: “Kayo ay mga saksi ng mga bagay na ito.”

Wala tayong pinagkaiba sa mga Apostol na ito. Madaling maniwala kay Hesus sa hindi sapat na dahilan na nagreresulta lamang sa mababaw na pananampalataya. Kinailangan nila ang malinaw at detalyadong pagpapaliwanag ni Hesus. Sa patuloy na pakikinig nila, binigyan sila ng Diyos ng isang espesyal na biyaya na “nagbukas ang kanilang mga isipan” at pang-unawa.
Katulad ka rin ba nila? Isa ka ba sa mga taong nakakaunawa na ngayon sa misteryong ito ng pananampalataya? Kung lumalago ka sa iyong pananampalataya, dapat mo ring ibahagi ito. Dapat ka ring maging isang “saksi” sa mga bagay na kung saan naramdaman mo, nakita at narinig ang pagmamahal ng Diyos. Ito ang hamon niya sa atin ngayon.

Pagnilayan, ngayon, ang pagsunod sa Diyos ay nangangailangan din na maging saksi sa mga katotohanan lalo na sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Nais Niyang maging saksi tayo sa kung papaano siya gumalaw sa ating buhay.

Aking nabuhay na mag-uli na Hesus, binigyan Mo ng maluwalhating regalo ang Iyong mga alagad nang buksan Mo ang kanilang isipan sa Iyong banal na Katotohanan at tinuruan sila ng maraming bagay. Mangyaring buksan mo rin ang aking isipan, mahal na Panginoon, upang aking maunawaan ang malalim na hiwaga ng pananampalataya. Tulungan mo akong maunawaan kung Sino Ka, kung bakit kailangan mong mamatay, at kung paano makibahagi sa bagong buhay ng Iyong Pagkabuhay na Mag-uli. Gamitin mo rin ako bilang Iyong saksi upang marami ang makakakilala sa Iyo at makibahagi sa bagong buhay na napagtagumpayan ng Iyong Muling Pagkabuhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: