Martes, Abril 11, 2023

April 11, 2023

Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Mga Gawa 2, 36-41
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

Juan 20, 11-18


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday within the Octave of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 36-41

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong araw ng Pentekostes, sinabi ni Pedro sa mga Judio: “Dapat malaman ng buong Israel na itong si Hesus na ipinako ninyo sa krus – siya ang ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo!”

Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, at tinanong nila si Pedro at ang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang gagawin namin?” Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabinyag kayo sa pangalan ni Hesukristo upang kayo’y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako’y para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo – sa bawat tatawagin ng Panginoong Diyos.”

Marami pa siyang inilahad upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Lumayo kayo sa masamang lahing ito upang kayo’y maligtas.” Kaya’t ang mga naniwala sa kanyang sinabi ay nagpabinyag; at nadagdag sa kanila ang may tatlong libong tao nang araw na iyon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

o kaya: Aleluya.

Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang ‘yong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!

Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.

ALELUYA
Salmo 117, 24

Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 11-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, ang isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Ale, bakit kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Kinuha po nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan dinala.” Lumingon siya pagkasabi nito, at nakita niya si Hesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko.” “Maria!” ani Hesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” – ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama,” wika ni Hesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’y pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 10, 2020 at 11:22 am

Pagninilay: Patuloy nating sinasariwa ang pag-asa at kagalakan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Ngayong Oktaba ng Paskuwa, pinagninilayan natin ang mga pangyayari matapos si Kristo ay muling nabuhay. Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapatuloy sa Ebanghelyo noong Linggo. Kung maaalala natin na matapos matagpuan nina Simon Pedro at Juan ang mga telang nakalatag sa puntod, sila’y nagsiuiwan habang si Maria Magdalena ay natira sa libingan na nananangis. Nang makita niya ang anghel na nagtatanong sa kanyang pagtangis, sinabi niya na kinuha ang katawan ng Panginoon. At bigla sa isang idlip ay nagpakita si Hesus sa kanya na akala ni Maria na ito ay ang hardinero. Kaya iniutos niya na ipakita sa kanya ang katawan ng Panginoon upang kunin at alagaan niya ito. At sa pagtawag ni Hesus kay “Maria”, dito nakilala na ni Maria Magdalena ang kanyang “Raboni” o “Guro”. Subalit pinahayo siya ng Panginoon na ipahayag sa mga Apostol na aakyat siya patungo sa Diyos Ama. At ganun nga ang ginawa niya nang ibalita niyang muling nabuhay ang Panginoon. Kaya nakita natin sa Unang Pagbasa kung paanong ipinahayag ng mga Apostol sa harap ng madla na si Hesukristo’y namatay at nabuhay para ang sangkatauhan ay malingap mula sa kasalanan. At tinanong ang mga tao kung paano sila’y maliligtas at magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Tugon ni San Pedro na sila’y magsisi at mapabinyag sa ngalan ni Hesus. Dahil sa kanilang katatagan sa pagpapangaral at pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita, 3,000 tao ang napabilang sa Ang Daan (sa Antioquia sila’y unang tinawag na mga “Kristiyano). Kaya sa ating pananampalataya, ang Muling Pagkabuhay ni Kristo ang pinakabatayan ng ating pananalig sa kanya. Si Kristo ay nagpakasakit at namatay sa Krus upang tayo’y lingapin mula sa kasalanan, at siya’y muling nabuhay upang tayo’y gawin niyang panibagong nilalang na mas maging matatag sa dakilang kalooban ng Diyos Ama. At bilang mga saksi niya, nawa’y tularan natin sina Santa Maria Magdalena, San Pedro, at ang mga Apostol sa pagpapahayag na si Kristo ay buhay sa ating puso’t isipan sa pananahan ng kanyang presensiya sa atin sa pamamagitan ng mga mabuti at matuwid na gawain.

Reply

SAINTSPOT April 11, 2023 at 6:18 am

Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/Z79aMd72sY0

GOSPEL REFLECTION:
Si Maria ng Magdala ay isa sa mga unang taong pinagpakitaan ni Hesus sa muling pagkabuhay. Siya ay lubos na nakatuon kay Hesus dahil sa kapatawarang iginawad sa kanya ng Diyos sa kanyang hayagang pagkakasala at pinalayas sa kanya ang pitong demonyo. Pagkatapos Niyang gawin iyon, si Maria ay naging isang debotong tagasunod at isa sa iilan na nanatiling tapat sa Kanya, kahit noong si Hesus ay nakabayubay sa Krus.

Noong nawawala si Hesus ay sobra siyang nagdalamhati, umiiyak sa kalungkutan ngunit biglang nagpakita si Hesus at sinabihang – “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama.” Ano ang ibig ipahiwatig ni Hesus? Dahil hindi pa oras matapos na magkaroon ng bagong maluwalhating katawan. Oo nga’t malalim ang relasyon ni Maria kay Hesus ngunit nais ipahiwatig ng Diyos na mababago ang lahat at mas higit pa ang mangyayari dahil darating na ang panahon na siya’y mananahan na sa puso ni Maria, magiging kaisa na niya oras-oras habang nabubuhay hanggang sa walang-hanggan.

Kung minsan, naghahanap din tayo ng pabor sa ating Panginoon na puro temporal. Bagama’t kailangan nating magtiwala sa Kanya para sa “ating pagkain sa araw-araw,” ibig sabihin, para sa lahat ng pangunahing pangangailangan sa buhay, dapat nating matanto na ang mga kaloob na gustong ibigay sa atin ng Diyos ay mas higit na nakahihigit sa anumang bagay sa mundong ito. Ito ang biyaya makapanahan ang Diyos sa ating mga puso at siyang dapat hangarin natin lagi habang tayo ay nabubuhay dito sa mundo.

Pag-isipan, ngayon, ang mga salitang ito na sinabi ni Hesus kay Maria: “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama.” Nais ng Diyos na manahan sa atin upang maging kaisa natin sa ating tunay na pagbabago. Siguradong patuloy na tinatamasa ni Santa Maria ng Magdala ang kaisa niyang si Hesus, at ang parehong regalo na ito ay iniaalay sa iyo at sa ating lahat. Kumapit ka sa Kanya at huwag na huwag kang bibitiw, dahil ito ang iyong walang hanggang kagalakan.

Aking nabuhay na Panginoon, Ikaw ngayon ay naghahari sa Langit sa ganap na kaluwalhatian at kaningningan. Hilahin mo ako sa Iyong maluwalhating buhay at anyayahan akong kumapit sa Iyo nang buong puso. Inaanyayahan kita, mahal na Panginoon, na pumarito at gawing tahanan ang aking puso upang makahawak ako sa Iyo magpakailanman. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Petros April 11, 2023 at 8:09 am

amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: