Martes, Abril 4, 2023

April 4, 2023

Martes Santo

Isaias 49, 1-6
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Juan 13, 21-33. 36-38


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of Holy Week (Violet)

UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Makinig kayong mga taong
naninirahan sa malalayong lugar.
Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran.
Mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
Ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap,
hindi nagtatagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunma’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.

Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita.
At sila’y ibalik sa bayang Israel.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat
ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
may mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h’wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.

Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA

Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
masunurin kang Kordero,
sa katubusan ng tao
hain sa krus ang buhay mo.

MABUTING BALITA
Juan 13, 21-33. 36-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, habang nakahilig kasama ng kanyang mga alagad, nagugulumihanang sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad; hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. Ang alagad na minamahal ni Hesus ay nakahilig na kalapit niya. Kinalabit siya ni Simon Pedro at sinabi, “Itanong mo kung sino ang tinutukoy niya.” Kaya humilig siya sa dibdib ni Hesus at tinanong: “Panginoon, sino po ba ang tinutukoy ninyo?” Sumagot si Hesus, “Ang ipagsawsaw ko ng tinapay, siya na nga.” At nang maisawsaw ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. Nang matanggap na ni Judas ang tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi ni Hesus, “Gawin mo na ang gagawin mo!” Ngunit isa man sa mga kasalo niya ay walang nakaalam kung bakit niya sinabi ito. Sapagkat si Judas ang nag-iingat ng kanilang salapi, inakala nilang pinabibili siya ni Hesus ng kakailanganin sa pista o kaya’y pinapaglilimos sa mga dukha. Nang makain na ni Judas ang tinapay, siya’y umalis. Gabi na noon.

Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Hesus, “Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya ito agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako; ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko sa mga Judio, ‘Hindi kayo makapupunta sa paroroonan ko.’”

“Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Hesus, “Sa paroroonan ko’y hindi ka makasusunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.” “Bakit po hindi ako makasusunod sa inyo ngayon?” tanong ni Pedro. “Buhay ko ma’y iaalay ko dahil sa inyo.” Sumagot si Hesus, “Iaalay mo ang iyong buhay dahil sa akin? Tandaan mo: bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 5, 2020 at 3:36 pm

Pagninilay: Ngayong Mahal na Araw, tayong lahat ay pumapasok sa Misteryo ng Pagtubos ni Kristo: ang kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Ito ay ang mga huling sandali sa buhay ng ating Panginoon noong ipinahayag niya ang dapat matupad alinsunod sa dakilang kalooban ng Diyos Ama para sa ating kaligtasan. Subalit makikita natin na ang mga huling sandali ng buhay ni Hesus ay mga pain sa kanyang pagkatao, kabilang na rito ay ang kahinaan ng 2 sa kanyang mga Apostol: sina Hudas Iscariote at San Pedro. Narinig natin sa Ebanghelyo kung paanong hinuha ng Panginoon sa Labindalawa na isa sa kanila ang magkakanulo sa kanya, at sila’y nagulat at nagtatanong-tanong sa sarili at sa isa’t isa. Pati nga si San Juan ay sumandal sa dibdib ni Hesus upang itanong kung sino. Matapos isawsaw ni Hesus ang tinapay sa alak at binigay kay Hudas, iniutos niya na bilisan nito ang gawaing iyon. Kaya agad umalis si Hudas at pumunta kay Caifas upang humingi ng mga guwardiyang mag-aaresto sa kanyang Panginoon. At alam naman natin na ipinagkanulo niya si Kristo sa halaga ng 30 piraso ng pilak. Subalit noong nalaman niya na si Hesus ay hinatulan ng Sanhedrin na kamatayan, siya’y bumalik at itinapon ang mga salapi bilang pagsisisi sa kanyang ginawang pagkakanulo. Kaya lang sa huli ay nagpakamatay siya. Isinalaysay rin ng Ebanghelyo na hinuha ni Hesus ang pagkakaila sa kanya ni San Pedro nang tatlong beses bago tumilaok ang manok. Ito ay ang pagsubok ng katatagan ni Pedro kung siya’y tutupad sa kanyang pahayag na hindi siya babagsak. Subalit ang nangyari ay matapos madakip ang Panginoon at idinala sa konseho, tatlong beses na itinanggi ni Pedro sa mga nagtatanong na kilala niya si Kristo, at ang tilaok ng manok ay tanda na ganun nga ang pangyayari. Pero sa huli ay pinatawad ni Hesus na muling nabuhay si San Pedro sa pamamagitan ng tatlong beses ng pagpapahayag ng Apostol ng kanyang pagmamahal sa Panginoon, at inatasan siyang maging unang pastol ng kawang bumubuo sa Simbahan. Ang binibigyang-pansin dito ay ang kahinaan nating mga tao na alam nating hindi tayo’y perpekto. Mayroon tayong kanya-kanyang pagkakasala at pagkukulang sa buhay. Subalit ngayong Mahal na Araw, tandaan po natin na mas malaki at higit pa ang grasya at pag-ibig ng Ama sa ating lahat. Kaya si Isaias sa Unang Pagbasa ay nagsasabi sa atin na tayo’y kinaawaan at ginawang mabuti ng Lingkod ng Diyos na si Hesukristo upang tayo’y mas maging matapat pa sa kanya. Kahit siya pa nga ay nasaktan noong ang ating mga kasalanan ay ipinako sa kanyang Krus, nanaig pa rin ang kanyang awa na mahalin tayo katulad ng pagmamahal sa kanya ng Ama, upang ang Diyos ay mahalin natin nang may buong puso, kaluluwa, at pag-iisip, at mahalin din natin ang ating kapwa gaya ng ating sarili.

Reply

Ervi Sobrevinas April 4, 2023 at 5:05 am

Napaisip ako nung sinabi ni Hesus ang gagawin ni Judas at pumasok si satanas kay Judas. Si Hesus pa ang nagsabi kay satanas na gawin na ang kanyang nais. Kaya hindi si Hudas ang nagkanulo sa kanya. Ginamit lang si Hudas sa kanyang kahinaan na puede naman sanang hindi ikapahamak ni Hudas na kanyang alagad. Kung hindi niya ito sinabihan hindi sana namatay si Hesus. Dahil sa ganung sitwasyun nagpakamatay si Hudas at ito ay sanhi na rin ng depression.
Mga kapatid marami sa ating paligid ang aaligid aligid mga nagpapanggap na mabuti pero ang diwa ay pabago bago. Kahit ako ay hindi ligtas sa mga pagsubok ng buhay. Pero nariyan siya na nagpapatibay ng ating pananampalataya sa kanya. Mahirap ipaliwanag ang kanyang kadakilaan. Pero yaong mga taong nakikinig at may puso ang siyang tunay na gumaganap ng mga kabutihan sa mundong ito. Nawa ikaw na makabasa nito isabuhay ang aral ni Kristo at ipakilala siya ng walang takot at pangamba. Maghari sa ating ang Panginoong Diyos ng magliwanag ang landas na ating tatahakin. Magtiwala hindi niya tayo pababayaan.

Reply

SAINTSPOT April 4, 2023 at 5:23 am

Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/RzSAkYLDDcM

GOSPEL REFLECTION:
Umalis si Hudas sa hapunan upang ipagkanulo si Hesus. Ngunit imbes na matakot o mabalisa si Hesus sa mga susunod na mangyayari, itinuro ni Hesus ang kaluwalhatiang matatanggap Niya.
Lahat ng bagay sa buhay ay may potensyal na magagamit ng Diyos para sa ikaluluwalhati Niya. Maging ang ating kasalanan ay maaaring magtapos sa kaluwalhatian ng Diyos kung o kapag tayo ay nagsisi, magbalik loob sa kanya at maibigay niya ang kanyang pagpapatawad. Nagbibigay luwalhati sa kanya kung naibubuhos niya sa atin ang kanyang awa.

Kapag itinalaga natin ang ating sarili sa pagsunod kay Kristo, makatitiyak tayo na makikibahagi rin tayo sa Kanyang pasakit sa Krus. Mararanasan natin ang epekto ng mga kasalanan ng iba, makakaranas ng pagmamaltrato, at kailangang magtiis ng iba’t ibang pagdurusa. Tandaan natin na kung ituon lang natin ang ating kalooban sa Diyos ay maibubuhos niya ang awa sa atin at tayo ay kanyang ililigtas at masasamahan dahil ito’y magbibigay sa kanya ng kaluwalhatian.

Pagnilayan ngayon, ano man ang pinagdadaanan mo ngayon, magandang tignan mula sa paningin ng Diyos. Kung ikaw ay nababagabag, nagagalit, nawawalan ng pag-asa o nalilito minsan, dapat mong malaman na nais ng Diyos na bigyan ka ng kalinawan at biyaya sa bawat sitwasyon. Nais Niyang ipakita sa iyo na kasama ka sa misyon na mabago ang bawat kasamaan.

Aking maluwalhating Panginoon, naglalabas ka ng mabuti mula sa lahat ng bagay. Maging ang matinding kasamaan sa pagkakanulo sayo ay nabago na nagresulta sa Iyong kaluwalhatian. Iniaalay ko sa Iyo, mahal na Panginoon, ang lahat ng aking mga kahirapan sa buhay at ipinapanalangin ko na ikaw ay luwalhatiin sa lahat ng bagay, at nawa ang aking buhay ay magbigay papuri para sa iyong banal na pangalan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Rosalinda m. Jubilado April 4, 2023 at 9:40 am

wala tayong maipagmamalaki sa ating buhay.
ang lahat ay grasyang nagmumula sa Diyos
kung kayat bilang tayo ay pinili ng Diyos di pa nilikha ang sangkatauhan.
tayo ay nabuo na sa isipan ng Diyos.
kung tayo ay nabubuhay ngayon, sa hirap man o ginhawa,
sa katanyagan man o abang kalagayan,
marapat lang na maging MASUNURIN AT NAGPAPASAKOP TAYO SA ATING PANGINOON.
Kung paano naging masunurin si Jesus hanggang kamatayan sa Krus.
marapat din na tayo ay masunurin at patuloy na nagpapasakop hanggang sa huling sandali ng ating buhay.

si Judas at si Pedro ay larawan ng nilalaman ng ating mga puso.
lahat tayo ay mga katiwala tulad din ni Judas at San Pedro.

si Judas binalewala niya ang mga itinuro ni Jesus while working with Jesus.
alam Ni Jesus na wala sa puso ni Judas ang pagsunod sa Banal na Kalooban ng Diyos.
sapagkat walang katapatan siya bilang ingat yaman nila. at ipinagpatuloy niya iyon all his life.
natanggap niya ang purification sa unang Banal na Misa sa Huling Hapunan pero nagpatuloy pa rin siya sa pamumuhay na taliwas sa itinuturo ni Jesus.
ipinagkanulo niya si Jesus at
nakita niya ang pagkakamali ngunit hindi niya ito pinagsisihan at humingi ng tawad sa Diyos kaya ang demonyo ay patuloy na inudyukan siya na magbigti o kitlin ang buhay na hindi kalooban ng Diyos.

si Pedro naman makikita natin ang eagerness niya upang malaman at maunawaan ang sinasabi ni Jesus.
dahil sa eagerness niya na mslaman ang kalooban ng Diyos.
dumaan siya sa malaking pagsubok sa kanyang faith na itinakwil si Jesus ng 3 beses.
ngunit dahil sa gratefulness niya sa kabutihang ipinakita ni Jesus.
pinagsisihan niya ito ng buong puso at naglingkod ng buong katapatan sa Diyos.

mga kapatid lahat tayo ay binigyan ng grasyang need natin upang tunay na makapanumbalik tayo sa kanya.
kaya huag nating pairalin ang katigasan ng puso.
kaya nga nagtatag ang ating Panginoon Jesus ng Sacramento ng Kumpisal.
Ayaw ng demonyo na mangumpisal tayo dahil tunay na sa ating pangungumpisal sa ating mga Pari na inatasan mismo ni Jesus, ay tunay na tayo ay pinatatawad na Niya.
mga kapatid , oo sa pamamagitan ng pagkamatay ni Jesus sa Krus ng Kalbaryo tayo ay naligtas…
ang paniniwalang ito ay balewala kung hindi natin tatanggapin ang mga Sacramentong itinatag ni Jesus para sa ating kaligtasan at buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.
ika nga: Faith without action is dead.

kaya nga po mga kapatid magpatuloy tayong masunurin with love from the heart and gratefulness.
katulad po ni Jesus Siya po ay naging masunurin sa pamamagitan ng pagtitiis hanggang sa kamatayan sa Krus.
kaya nasa pagtitiis natin ang tunay na katagumpayan.
at huag tayong bumitaw hanggang sa dulo dahil naandun ang tunay na buhay na walang hanggan.
To God be all the Glory!

Reply

Cancel reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: