Linggo, Abril 2, 2023

April 2, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Linggo ng Palaspas
Patnubay sa Misa

Buong pagtitiwala sa mahabaging pagmamahal ng Panginoon na nakauunawa sa ating mga kahirapan at pangangailangan, idulog natin ang ating mga kahilingan. Manalangin tayo:

Mahabaging Ama, dinggin Mo kami!

Nawa, tulad ng nagsitanggap sa kanya sa Jerusalem, maging bukas lagi ang mga puso ng lahat ng nananampalataya sa pagtanggap kay Hesus. Manalangin tayo!

Nawa ang Santo Papa, ating Obispo, at ating mga pari ay magpatuloy sa paggabay sa atin na maging tapat kay Hesus sa pamamagitan ng kabanalan ng kanilang buhay. Manalangin tayo!

Nawa ang paghatol ng lahat ng hukom sa ating bayan ay maging walang pagkiling o katiwalian. Manalangin tayo!

Nawa ang mga biktimang pinagkaitan ng katarungan ay magpatuloy sa paghahanap ng katarungan nang may tibay ng loob at magtamo ng nauukol sa kanila. Manalangin tayo!

Nawa maunawaan nating ang mga hirap at sakit ni Hesus ay dahil sa sarili nating mga pagka- kasala at kawalan ng pagsisisi. Manalangin tayo!

Tahimik nating idalangin ang pansarili nating mga kahilingan. (Manahimik sandali.)
Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, alalayan Mo kaming mabuhay alinsunod sa turo ni Hesus. Sa pakikibahagi namin sa kanyang paghihirap, makibahagi rin nawa kami sa kanyang kaluwalhatiang walang hanggan. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 29, 2020 at 4:44 pm

Pagninilay: Ngayong araw na ito, sinisimulan natin ang pinakasagrado at pinakadakilang panahon sa Kalendaryong panliturhiya ng Simbahan at sa buong Kristyanismo, ang Semana Santa (Mahal na Araw). Tinatawag itong Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon sapagkat ginugunita natin ang maringal na pagpasok ng ating Panginoong Hesukristo sa Banal na Lungsod na Jerusalem upang tuparin ang kalooban ng Diyos Ama sa pamamagitan ng kanyang Misteryong Paskwal (Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay). Hindi siya pumasok na parang mandirigma na magpapatalsik sa mga Romano, kundi pumasok siya nang napakasimple, sakay sa isang asno, ayon na din sa propesiya ni Zacarias (Cf. kabanatang 9, bersikulong 9). Kaya nga yung mismong simbolo ng palaspas ay nangangahulugang pagkamartir, at yung nga kapag isang santong may hawak na palaspas katulad ni San Pedro Calungsod, ibig sabihin siya’y martir na naging saksi sa pananampalataya at sa Mabuting Balita. Higit pa dun, si Hesus ay ang Hari ng mga martir sapagkat siya’y isang dakilang saksi ng Diyos Ama, at nagpakababa siya upang makipamuhay sa ating piling, palakasin ng loob ang mga mahihina, dakilain ang mga mababang-loob, at ibilin sa atin na magmahal at maglingkod tayo sa bawat isa at bawat tao, at lalo nang inialay niya ang kanyang buhay sa Krus upang tuparin ang plano ng ating kaligtasan mula sa pagsusuway at pagkakasala ng tao. Kahit nga mismong mga madla na sumigaw ng “Osana!” ay karamihan sila rin ang sumigaw ng “Ipako siya sa krus!” Naramdaman ni Kristo yung paghihirap na siya’y pinaduraan, pinasampalan, pinahagupitan, pinagtawanan, pinagbintangan, tinalikuran ng mga dating humanga sa kanya, at ipinako sa Krus. Sa totoo nga natakot siya kaya ipinagdasal niya sa Ama sa Halamanan ng Getsemani na ipalipas ang kalis ng kanyang pagdurusa, gayunpaman alam niyang mismo ang kalooban ng Diyos ang dapat masundan, at hindi sa kanya. At dahil sa pagiging mababang-loob at masunurin ng Panginoong Hesus, siya’y muling nabuhay bilang tandang nagtagumpay ang Diyos na tayo’y mailigtas. Nang maiparangal ito ng mga Apostol, dumami ang naniwala sa puso’t isipan mula noon hanggang sa kasalakuyan at patuloy na sumasampalatayang tunay nga si Kristo ang dakilang biyaya ng Diyos sa buhay ng bawat tao, at tanging sa Diyos lamang tayo’y magkakamit na tunay na kaligayahan. Kaya nga pumasok ang Panginoon sa Banal na Lungsod upang ipahayag sa atin sa huling pagkakataon ang Mabuting Balita, at maitatag niya ang paghahari ng Diyos na puno ng pagmamahalan, pagpapatawad, at pagiging matapat sa kanyang kalooban.
Mga kapatid, ang Maringal na Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem ay tunay ngang matagumpay sapagkat malaya siyang sumailalim sa kalooban ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Marami nga ang sumampalataya, pero hindi masyado nating itong isinasabuhay. Ang mundo ngayon ay nakapokus sa mga bagay-pangsekularismo, na kung saan humahangad siya ng kapangyarihan, kayamanan, matataas na posisyon sa lipunan, atbp. Minsan sa masyado nating pagdedepende at paghahangad sa mga bagay na makalupa lamang ay nawawala sa ating puso’t isipan ang Panginoon. At kapag hindi natin ito’y nakamtan at hindi ayon sa ating pagnanais, madalas tinatanong natin ang Diyos kung bakit niyang hinayaang iyan. Hindi naman tayo’y perpekto, kaya hindi nating maiwasan na magkasala at mag-isip para sa pansariling interes. Tunay nga ang sinabi ni San Francisco ng Asisi: “Nor did demons crucify him; it is you who have crucified him and crucify him still, when you delight in your vices and sins.” Sa kabila ng lahat na ito, ipinamalas ng ating Panginoong Hesukristo na yung nakamtan nating kaligtasang mula sa Diyos Ama ay dapat din mismo tayo’y makibahagi, katulad ng pakikibahagi niya sa mga pagdurusa ng mundo sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. Ibinilin niya sa atin na tayo’y maglingkod at magmahalan sa isa’t isa, tulad ng ginawa niya. Nawa’y maging makabuluhan ang ating pagdiriwang ng Semana Santa bilang paggunita sa kanyang sakripisyo sa pamamagitan ng panalangin, pagsasakripisyo, at paggawa ng mabuti sa ating kapwa, alang-alang sa ginawa niya, mas lalo na sa dakilang kalooban ng Diyos Ama.

Reply

Arnel March 31, 2023 at 7:16 pm

Pagninilay sa Linggo ng Palaspas
Sa Pagpapakasakit ng Panginoon

“Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos ikamatay ko!” (Mt. 26:38) Ito ang mga pananalita ni Hesus habang nalalapit siya sa kaniyang babatahing paghihirap. Mga pananalitang puno ng sakit dahil sa kaniyang haharaping pagpapakasakit.
Mga kapatid, ngayun po ay Linggo ng Palaspas at simula ng mga Mahal na Araw. Nagsimula po ang ating pagdiriwang sa pagbabasbas ng palaspas bilang pagggunita sa matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalrm. Isang masayang ala-ala na kung saan ang mga tao ay nagpupugay at nagpupuri sa Panginoon. Ngunit pagkatapos ng isang masayang paggunita narinig naman po natin ang Ebanghelyo sa araw na ito, ang mahabang kuwento na puno ng lungkot, hapis, hinagpis at pagdurusa na nauwi sa isang trahedya – ang pagkamatay ni Hesus. Sa diwang ito pagnilayan po natin ang pinagdaanan ng ating Panginoong Hesus – ang kaniyang Pagpapakasakit.

“Nakaranas si Hesus ng SAKIT sa kaniyang dinanas na PASAKIT sa diwa ng PAGMAMALASAKIT.”

(Una:) Sakit
Narinig po natin sa unang pagbasa ang panaghoy ng isang taong nakaranas na masaktan. “Hindi ako tumutol nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin. Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayundin nang lurhan nila ako sa mukha.” (Is. 50:6) Dumanas ang taong ito ng sakit dahil sa pagsunod niya sa Diyos. Lubos din ang sakit na dinanas ng ating Panginoong Hesus: nang siya’y pinagtaksilan ng isa niyang alagad na si Judas, nang siya’y itinatwa ni Pedro, nang iwan siya ng kaniyang mga kaibigan o alagad nang siya’y dakpin, nang siya ay hinahatulan sa harapan ni Pilato, hinagupit, nilurhan, hinubdan ng damit, pinutungan ng koronang tinik, inalimura, pinagpasan ng krus, ipinako at sinibat hanggang sa siya’y namatay. Ito po ang pinagdaanang hirap ni Hesus, ang mga pinagtiisan niyang pagdurusa na puno ng sakit.
Marami po sa atin ang dumaranas ng iba’t-ibang sakit: pisikal, sikolohikal, emosyonal at iba pang mga karamdaman. Sa abot ng makakaya pilit natin itong pinaglalabanan pero minsan ay dumarating din sa puntong gusto nating sukuan. Ito’y nagiging pagsubok hindi lang sa lakas ng ating katawan kundi kahit sa ating pinaniniwalaan o ang ating pananampalataya. Humahantong ito minsan sa kawalan ng pag-asa, panghihina at depresyon. Minsan gusto rin nating sabihin: “D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.” Ito ang sabi sa Salmo.
Pero kung dumaranas man tayo ng sakit ngayun, huwag nating kalilimutan na si Hesus man ay nakaranas din ng Sakit.

(Ikalawa:) Si Hesus ay Nagpakasakit
Tunay pong mahirap ang dinaranas na mga taong nakakaranas ng sakit pero lubos din ang hirap ng kalalagayan ng mga taong nagpapakasakit. Para sa akin, ito po iyong mga taong nagpapasan ng sakit para sa mga taong may sakit. Inaangkin nila ang hirap na dinaranas ng iba. Niyayakap nila ang pagdurusa para sa kapuwa nila. Ang pagtitiis nila’y bunga ng hinagpis ng minamahal nila.
Ito po ang ginawang pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesus. Nagpasan siya ng sakit ng sangkatauhan, ang sakit na dulot ng kasalanan. Ibinaba niya ang kaniyang sarili upang danasin ang paghihirap ng tao. Sabi nga sa ikalawang pagbasa: “Hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan…” (Fil. 2:7-8) Ito’y ginawa ni Hesus para sa iyo, para sa akin, para sa tao. Inako niya ang sakit na bunga ng ating mga pagkakasala upang maligtas tayo. Pinasan niya ang krus na sana’y tayo ang bumubuhat sa ating balikat. Tiniis niya ang pagaalipusta o pagaalimura na kung saan tayo sana ang sinasabihan ng ating mga pagkukulang. Siya’y napako at namatay sa krus na sana’y tayo dapat ang dumanas dahil sa ating kasamaan. Siya’y nagpakasakit para sa atin dahil nais niya tayong iligtas at mapabuti.
Kahanga-hanga po ang mga taong nakikita natin na mga nagpapakasakit alang-alang sa kanilang mga kapatid. Nagtitiis sila ng hirap para sa kanilang minamahal. Tayo man ay nakakaranas ng ganitong pagpapakasakit kapag nagagawa nating magsakrispisyo para sa iba; tinitiis natin ang pagdurusa kaysa iba ang magdusa; at naghihirap kaysa iba ang maghirap. Marami ang nagpapakasakit para sa kanilang kapatid upang maibsan ng sakit. Bakit?

(Ikatlo:) Dahil sa Pagmamalasakit
Tunay na malungkot ang Ebanghelyong narinig natin ngayun na habang inaawit ito o binibigkas dama natin ang pasakit na dinanas ni Hesus. Bakit nga ba nagawa ito ng Diyos para sa atin? Bakit natiis Niya na ang kaniyang minamahal na Anak ay humantong sa ganitong pagdurusa? Bakit ibinaba ni Hesus ang kaniyang sarili para sa taong makasarili? Dahil mahal ka Niya, mahal Niya ako, mahal Niya tayo kaya nagawa niyang iunat ang kaniyang mga kamay sa krus. Nais niyang yakapin tayo sa kabila ng ating mga pagtalikod, pagkukulang at nagawang kasalanaan. Ganito kalaki ang pag-ibig ni Hesus na sa kabila ng ating nagawang pagsuway laban sa Kaniya ay nasabi pa rin niyang: “Ama patawarin mo sila…”
Ito po ang nagagawa ng pag-ibig, ang nagagawa ng pagmamalasakit. Nakakayang magtiis ng hirap para sa mga taong minamahal. Hindi dahil makikilala ka o sisikat; hindi dahil bibigyan ka ng parangal sa nagawa mong kabutihan sa iba. Ginagawa mo ito alang-alang sa pag-ibig, sa ngalan ng pagmamahal, sa diwa ng pagmamalasakit. At dito po tayo laging tinatawag: ang magmalasakit.
Sama-sama tayong manalangin sa ating mapagmahal na Diyos para sa mga taong may sakit, nagpapakasakit at nagmamalasakit.
Simula po ng mga Mahal na Araw. Mahal ang ginawang pagtubos ng Diyos sa iyo, sa akin sa at sa lahat ng tao. Ipinakita Niya ito sa pag-aalay ng Kaniyang sarili sa krus dahil… MAHAL tayo ng DIYOS!

Reply

SAINTSPOT April 2, 2023 at 12:26 pm

Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/mKGg67Jr82Y

GOSPEL REFLECTION:
Ngayon ay Palm Sunday, ginugunita natin ang simula ng Semana Santa (Holy Week). Ang paggunita sa maringal na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem para maging isang tunay na handog na kung saan ang kanyang dugo at buhay ay ibinuhos para sa ating lahat.

Ipinahahayag ng ebanghelyo ngayon kung paano nag-aalab ang puso ni Hesus na pasukin at harapin ang kanyang pagpapakasakit, pagsasakripisyo at kamatayan para lang ikaw at ako ay maligtas sa matinding kasalanan. Ang pagmamahal niya ay walang katulad na napaka: dalisay, walang pag-iimbot, sakripisyo at pagpapabago na hindi natin kayang unawain. Dahil sa labis na pagmamahal sa atin, pinahintulutan ng Diyos ang Kanyang sarili na pumasok sa ating mundo para ibangon tayo sa ating pagkakadapa sa kasalanan.

Nawa’y maging makabuluhan ang pagdiriwang natin ng Semana Santa. Hindi lang isang bakasyon sa anumang pinagkakaabalahan natin pero magandang panatilihin ang katahimikan, pakikiisa kay Kristo, pagbisita sa simbahan upang manalangin, magsasakripisyo, at gumawa ng kabutihan sa ating kapwa, alang-alang sa ginawa at pagmamahal niya sa atin.

Aking Panginoong Hesus, pinasok Mo ang linggong ito ng Iyong Pasyon nang may tapang at determinasyon. Malaya mong piniling yakapin ang bawat pagdurusa at bawat kahihiyan na iyong titiisin upang mas lubusan kang makapasok sa buhay ko. Nawa’y isang linggo mo akong tulungan hindi lamang pagnilayan ang misteryong ito ng Iyong pag-ibig kundi upang makatagpo din ang pag-ibig na iyon sa aking tunay na pagbabago. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: