Podcast: Download (Duration: 16:36 — 17.6MB)
Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon (A)
Mateo 21, 1-11
Isaias 5, 4-7
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24.
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.
Filipos 2, 6-11
Mateo 26, 14-27, 66
o kaya Mateo 27, 11-54
https://youtu.be/YW_qE-iFJkk
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Palm Sunday of the Lord’s Passion (Red)
MABUTING BALITA
Mateo 21, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Malapit na sila sa Jerusalem. Pagdating nila sa Betfage, sa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Hesus ang dalawang alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Makikita ninyo roon ang isang inahing asno na nakatali, kasama ang kanyang bisiro. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hindi na kikibo iyon.”
Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng propeta;
“Sabihin ninyo sa lungsod ng Sion:
masdan mo, dumarating ang iyong hari,
Siya’y mapagpakumbaba; nakasakay sa isang asno,
sa isang bisiro, bisiro ng isang asno.”
Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Hesus. Dinala nila ang inahing asno at ang bisiro. Isinapin nila sa likod ng mga ito ang kanilang balabal, at sumakay si Hesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; ang iba nama’y pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. Nagsisigawan ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya: “Mabuhay ang anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!” Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. “Si Hesus, ang propetang taga-Nazaret, Galilea,” sagot ng karamihan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
kanyang binubuksan ang aking pandinig.
Nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayun din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
na sampaling parang bato
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.
Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito:
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin,
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?”
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.
May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid,
para akong nasa gitna niyong asong mababangis,
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis
ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid.
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.
Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran.
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon,
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.
Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat,
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap,
purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,
Siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;
Ikaw bayan ng Israel ay sumamba at maglingkod.
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
ako’y ‘yong pinabayaan.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Si Kristo Hesus, bagama’t siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod. At sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9
Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.
MABUTING BALITA
Mateo 26, 14-27, 66
Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon: Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong saserdote. “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Hesus?” tanong niya. Noon din ay binilangan nila siya ng tatlumpung salaping pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus.
Dumating ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura. Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lungsod at hanapin ninyo ang taong ito. Sabihin sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro: ‘Malapit na ang aking oras. Ako at ang mga alagad ko’y sa bahay mo kakain ng Hapunang Pampaskuwa.’” Sinunod ng mga alagad ang utos ni Hesus, at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Nang gabing yaon, dumulog sa hapag si Hesus, kasama ang labindalawang alagad. Samantalang sila’y kumakain, nangusap si Hesus, “Sinasabi ko: isa sa inyo ang mga magkakanulo sa akin.” Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya, “Ako po ba, Panginoon?” Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” Si Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.”
Samantalang sila’y kumakain, hinawakan ni Hesus ang tinapay, at matapos na magpasalamat sa Diyos, kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo ito at kanin; ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay sa kanila. “Uminom kayong lahat nito,” sabi niya. “Sapagkat ito ang dugo ng tipan, ang aking dugo na mabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako iinom nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw na ang bagong alak ay inumin kong kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.” At pagkaawit ng isang imno, sila’y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ni Hesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako’y iiwan ninyong lahat, gaya ng nasasaad sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol, at mangangalat ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako’y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sumagot si Pedro, “Kahit na po iwan kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” “Tandaan mo,” sabi ni Hesus, “sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.” Ngunit matigas na sinabi ni Pedro, “Kahit na ako pataying kasama ninyo, hindi ko kayo itatatwa.” Gayun din ang sinabi ng lahat ng alagad.
At isinama sila ni Hesus sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Dito muna kayo; mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. At nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at makipagpuyat sa akin!” Pagkalayo nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin: “Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis ng paghihirap na ito. Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.”
Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit mahina ang laman.”
Muli siyang lumayo at nanalangin: “Ama ko, kung hindi maiaalis ang kalis na ito nang hindi ko iinumin, mangyari ang iyong kalooban.” Muli siyang nagbalik at dinatnan na naman niya silang natutulog, sapagkat sila’y antok na antok.
Iniwan niya uli ang tatlong alagad at muli siyang nanalangin, at iyon din ang sinabi. Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga makasalanan. Tayo na! Narito na ang magkakanulo sa akin.”
Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas, isa sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at mga pamalo; galing sila sa mga punong saserdote at sa matatanda ng bayan. Bago pa sila dumating doon, ibinigay na ng taksil ang ganitong hudyat: “Ang hagkan ko ang siya nating pakay. Dakpin ninyo agad!” Kaya’t nilapitan ni Judas si Hesus at binati, “Magandang gabi po, Guro!” saka hinagkan. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.” At nilapitan siya ng mga tao at dinakip. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Hesus. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong saserdote, at natigpas ang tainga niyon. Sinabi ni Hesus, “Isalong mo ang iyong tabak! Ang gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. Hindi mo ba alam na makahihingi ako sa aking Ama nang higit pa sa labindalawang batalyon ng mga anghel at padadalhan niya ako agad? Ngunit paanong matutupad ang mga Kasulatang nagsasabi na ito’y dapat mangyari?”
At binalingan niya ang mga tao at sinabi, “Ako ba’y tulisan at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo para dakpin ako? Araw-araw, ako’y nagtuturo sa templo, at hindi ninyo ako dinakip. Ngunit nangyaring lahat ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”
Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.
Dinala si Hesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong saserdote; doo’y nakakatipon ang mga eskriba at ang matatanda ng bayan. Sumunod sa kanya si Pedro, ngunit malayo ang agwat nila. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong saserdote, pumasok siya sa patyo at naupong kasama ng mga bantay upang makita kung ano ang mangyayari. Naghahanap naman ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ng saksing magsisinungaling laban kay Hesus, upang maipapatay siya. Ngunit wala silang matagpuan, bagama’t maraming humarap at nagsabi ng kabulaanan tungkol sa kanya. Sa wakas, may dalawang humarap at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na gigibain niya ang templo at muling itatayo sa loob ng tatlong araw.”
Tumindig ang pinakapunong saserdote at sinabi kay Hesus, “Wala ka bang maisasagot sa paratang na ito sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Hesus. At sinabi sa kanya ng pinakapunong saserdote, “Iniuutos ko sa iyo: sabihin mo sa amin, sa ngalan ng Diyos na buhay, kung ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.” Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mula ngayon ay makikita ninyo ‘ang Anak ng Taong nakaupo sa kanan ng Maykapangyarihan, at dumarating na nasa alapaap ng langit!’” Nang marinig ito ng pinakapunong saserdote, winahak niya ang sariling kasuotan at sinabi, “Ito’y kalapastanganan sa Diyos! Hindi na natin kailangan ang mga saksi. Narinig ninyo ang kanyang paglapastanganan sa Diyos! Ano sa palagay ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!”
Siya’y niluran nila sa mukha at pinagsusuntok. Sinampal naman siya ng iba at ang sabi, “Kristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
Samantala, si Pedro’y nakaupo sa patyo. Nilapitan siya ng isang alilang babae at ang sabi, “Kasama ka rin ni Hesus na taga-Galilea, hindi ba?” Ngunit itinanggi niya ito sa harapan ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya. Pumunta sa may pintuan si Pedro. Nakita siya ng isa pang alilang babae, at sinabi sa mga naroon, “Ang lalaking ito’y kasama ni Hesus na taga-Nazaret.” Muli siyang tumanggi: “Isinusumpa ko, hindi ko nakikilala ang taong iyan.” Mayamaya’y lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sinabi nila, “Isa ka nga sa kanila. Nakikilala sa iyong pagsasalita.” “Mamatay man ako, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan,” sagot ni Pedro. Siya namang pagtilaok ng manok. At naalaala ni Pedro ang sabi ni Hesus, “Bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.” Lumabas siya at nanangis nang buong kapaitan.
Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong saserdote at ang mga matatanda ng bayan kung paano maipapapatay si Hesus. Iginapos nila siya at dinala kay Gobernador Pilato.
Nang makita ni Judas na si Hesus ay hinatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong saserdote at sa matatanda ng bayan ang tatlumpung salaping pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang taong walang sala.” “Ano ang pakialam namin? Bahala ka!” sagot nila. Inihagis ni Judas ang mga salaping pilak sa loob ng templo saka siya umalis at nagbigti.
Pinulot ng mga punong saserdote ang mga salaping pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng templo. Ito’y kabayaran sa buhay ng isang tao.” Nagkaisa sila na ang salapi ay ibayad sa bukid ng magpapalayok upang gawing libingan ng mga dayuhan. Kaya ang bukid na iyon ay tinawag na “Bukid ng Dugo” hanggang sa panahong ito.
Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung salaping pilak, ang inihalaga sa kanya ng mga Israelita, at ibinayad sa bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”
Iniharap si Hesus sa gobernador. “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ng gobernador. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Ngunit nang paratangan siya ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan, hindi na siya sumagot. Kaya’t sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang mga ipinararatang nila sa iyo?” Ngunit hindi sumagot si Hesus gaputok man, kaya’t nagtaka ang gobernador.
Tuwing Pista ng Paskuwa, kinaugalian na ng gobernador ang magpalaya ng isang bilanggo — sinumang mahiling ng taong-bayan. Noon ay may isang kilalang bilanggo na nagngangalang Barrabas. Kaya’t nang magkatipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Barrabas o si Hesus na tinawag na Kristo?” Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa kanila na dalhin sa kanya si Hesus.
Hindi lamang iyan. Samantalang siya’y nakaluklok sa hukuman, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, sapagkat kagabi’y pinahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”
Ang mga tao nama’y sinulsulan ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barrabas ang palayain, at si Hesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang ibig ninyong palayain ko?” “Si Barrabas po!” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo?” Sumagot ang lahat, “Ipako sa krus!” “Bakit, anong masama ang ginawa niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pa nilang isinigaw, “Ipako sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harapan ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Bahala kayo!” sabi ni Pilato. Sumagot ang mga tao, “Pinananagutan namin at ng aming mga anak ang pagkamatay niya!” At pinalaya niya si Barrabas, ngunit ipinahagupit si Hesus at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.
Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuutan ng isang balabal na pulang-pula. Naglikaw sila ng halamang matinik at ipinutong sa kanya, saka pinapaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay. At palibak siyang niluhudluhuran at binati: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaglulurhan; kinuha nila ang tambo at siya’y pinaghahampas sa ulo. At matapos kutyain, kanilang inalisan siya ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.
Paglabas nila ng lungsod, kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating sa lugar na tinatawag na Golgota na nangangahulugang Pook ng Bungo, binigyan nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo. Ngunit nang matikman niya ay hindi ininom.
Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit matapos magsapalaran. At naupo sila upang siya’y bantayan. Nakasulat sa kanyang ulunan ang sakdal laban sa kanya: “Ito’y si Hesus, ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan at isa sa kaliwa.
Nilibak siya ng mga nagdaraan, at tatangu-tango pang sinabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Sabi nila, “Iniligtas ang iba ngunit ang sarili’y di mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus, maniniwala kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Iligtas siya ng Diyos kung talagang iniibig siya!” At inalipusta rin siya ng mga tulisang ipinakong kasabay niya.
Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Hesus, “Eli, Eli, lama sabachthani?” ibig sabihi’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” Agad tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha, tinigmak ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Ngunit sinabi naman ng iba, “Hintay muna tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling sumigaw si Hesus at nalagutan ng hininga.
Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.
Biglang napunit sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nagbitak ang mga bato, nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, sila’y pumasok sa Banal na Lungsod at nakita roon ng marami.
Nasindak ang kapitan at ang mga kawal na nagbabantay kay Hesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. “Tunay na ito’y Anak ng Diyos!” sabi nila.
Naroon din ang maraming babaing nakatanaw mula sa malayo. Mula pa sa Galilea’y sumusunod na sila kay Hesus at naglilingkod sa kanya. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.
Bago magtakipsilimm dumating ang isang mayamang taga-Arimatea, na ang ngala’y Jose. Siya’y alagad din ni Hesus. Lumapit siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. Kaya’t kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng bagong kayong lino. Inilagay niya ito sa sariling libingan na di pa nalalaunang ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan nito ang isang malaking bato, saka umalis. Naroon si Maria Magdalena at ang isa pang Maria, na nakaupo sa tapat ng libingan.
Kinabukasan, alalaong baga’y pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, samasamang nagpunta kay Pilato ang mga punong saserdote at ang mga Pariseo. Sinabi nila, “Naalaala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong nabubuhay pa, na siya’y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. Pabantayan nga po ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin ang bangkay, at sabihin sa mga tao na siya’y muling nabuhay. At ang pandarayang ito ay magiging masahol pa sa nauna.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayang mabuti ang libingan.” Kaya’t pumaroon sila at nilagyan ng tatak ang bato at pinabantayan ang libingan upang matiyak nilang di ito pakikialaman ninuman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Mateo 27, 11-54
Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, iniharap si Hesus kay gobernador Poncio Pilato. “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Ngunit nang paratangan siya ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan, hindi na siya sumagot. Kaya’t sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang mga ipinararatang nila sa iyo?” Ngunit hindi sumagot si Hesus gaputok man, kaya’t nagtaka ang gobernador.
Tuwing Pista ng Paskuwa, kinaugalian na ng gobernador ang magpalaya ng isang bilanggo — sinumang mahiling ng taong-bayan. Noon ay may isang kilalang bilanggo na nagngangalang Barrabas. Kaya’t nang magkatipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Barrabas o si Hesus na tinawag na Kristo?” Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa kanila na dalhin sa kanya si Hesus.
Hindi lamang iyan. Samantalang siya’y nakaluklok sa hukuman, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, sapagkat kagabi’y pinahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”
Ang mga tao nama’y sinulsulan ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barrabas ang palayain, at si Hesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang ibig ninyong palayain ko?” “Si Barrabas po!” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo?” Sumagot ang lahat, “Ipako sa krus!” “Bakit, anong masama ang ginawa niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pa nilang isinigaw, “Ipako sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harapan ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Bahala kayo!” sabi ni Pilato. Sumagot ang mga tao, “Pinananagutan namin at ng aming mga anak ang pagkamatay niya!” At pinalaya niya si Barrabas, ngunit ipinahagupit si Hesus at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.
Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuutan ng isang balabal na pulang-pula. Naglikaw sila ng halamang matinik at ipinutong sa kanya, saka pinapaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay. At palibak siyang niluhudluhuran at binati: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaglulurhan; kinuha nila ang tambo at siya’y pinaghahampas sa ulo. At matapos kutyain, kanilang inalisan siya ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.
Paglabas nila ng lungsod, kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating sa lugar na tinatawag na Golgota na nangangahulugang Pook ng Bungo, binigyan nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo. Ngunit nang matikman niya ay hindi ininom.
Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit matapos magsapalaran. At naupo sila upang siya’y bantayan. Nakasulat sa kanyang ulunan ang sakdal laban sa kanya: “Ito’y si Hesus, ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan at isa sa kaliwa.
Nilibak siya ng mga nagdaraan, at tatangu-tango pang sinabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Sabi nila, “Iniligtas ang iba ngunit ang sarili’y di mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus, maniniwala kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Iligtas siya ng Diyos kung talagang iniibig siya!” At inalipusta rin siya ng mga tulisang ipinakong kasabay niya.
Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Hesus, “Eli, Eli, lama sabachthani?” Ibig sabihi’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” Agad tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha, tinigmak ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Ngunit sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling sumigaw si Hesus at nalagutan ng hininga.
Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.
Biglang napunit sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nagbitak ang mga bato, nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, sila’y pumasok sa Banal na Lungsod at nakita roon ng marami.
Nasindak ang kapitan at ang mga kawal na nagbabantay kay Hesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. “Tunay na ito’y Anak ng Diyos!” sabi nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Abril 1, 2023
Lunes, Abril 3, 2023 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ngayong araw na ito, sinisimulan natin ang pinakasagrado at pinakadakilang panahon sa Kalendaryong panliturhiya ng Simbahan at sa buong Kristyanismo, ang Semana Santa (Mahal na Araw). Tinatawag itong Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon sapagkat ginugunita natin ang maringal na pagpasok ng ating Panginoong Hesukristo sa Banal na Lungsod na Jerusalem upang tuparin ang kalooban ng Diyos Ama sa pamamagitan ng kanyang Misteryong Paskwal (Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay). Hindi siya pumasok na parang mandirigma na magpapatalsik sa mga Romano, kundi pumasok siya nang napakasimple, sakay sa isang asno, ayon na din sa propesiya ni Zacarias (Cf. kabanatang 9, bersikulong 9). Kaya nga yung mismong simbolo ng palaspas ay nangangahulugang pagkamartir, at yung nga kapag isang santong may hawak na palaspas katulad ni San Pedro Calungsod, ibig sabihin siya’y martir na naging saksi sa pananampalataya at sa Mabuting Balita. Higit pa dun, si Hesus ay ang Hari ng mga martir sapagkat siya’y isang dakilang saksi ng Diyos Ama, at nagpakababa siya upang makipamuhay sa ating piling, palakasin ng loob ang mga mahihina, dakilain ang mga mababang-loob, at ibilin sa atin na magmahal at maglingkod tayo sa bawat isa at bawat tao, at lalo nang inialay niya ang kanyang buhay sa Krus upang tuparin ang plano ng ating kaligtasan mula sa pagsusuway at pagkakasala ng tao. Kahit nga mismong mga madla na sumigaw ng “Osana!” ay karamihan sila rin ang sumigaw ng “Ipako siya sa krus!” Naramdaman ni Kristo yung paghihirap na siya’y pinaduraan, pinasampalan, pinahagupitan, pinagtawanan, pinagbintangan, tinalikuran ng mga dating humanga sa kanya, at ipinako sa Krus. Sa totoo nga natakot siya kaya ipinagdasal niya sa Ama sa Halamanan ng Getsemani na ipalipas ang kalis ng kanyang pagdurusa, gayunpaman alam niyang mismo ang kalooban ng Diyos ang dapat masundan, at hindi sa kanya. At dahil sa pagiging mababang-loob at masunurin ng Panginoong Hesus, siya’y muling nabuhay bilang tandang nagtagumpay ang Diyos na tayo’y mailigtas. Nang maiparangal ito ng mga Apostol, dumami ang naniwala sa puso’t isipan mula noon hanggang sa kasalakuyan at patuloy na sumasampalatayang tunay nga si Kristo ang dakilang biyaya ng Diyos sa buhay ng bawat tao, at tanging sa Diyos lamang tayo’y magkakamit na tunay na kaligayahan. Kaya nga pumasok ang Panginoon sa Banal na Lungsod upang ipahayag sa atin sa huling pagkakataon ang Mabuting Balita, at maitatag niya ang paghahari ng Diyos na puno ng pagmamahalan, pagpapatawad, at pagiging matapat sa kanyang kalooban.
Mga kapatid, ang Maringal na Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem ay tunay ngang matagumpay sapagkat malaya siyang sumailalim sa kalooban ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Marami nga ang sumampalataya, pero hindi masyado nating itong isinasabuhay. Ang mundo ngayon ay nakapokus sa mga bagay-pangsekularismo, na kung saan humahangad siya ng kapangyarihan, kayamanan, matataas na posisyon sa lipunan, atbp. Minsan sa masyado nating pagdedepende at paghahangad sa mga bagay na makalupa lamang ay nawawala sa ating puso’t isipan ang Panginoon. At kapag hindi natin ito’y nakamtan at hindi ayon sa ating pagnanais, madalas tinatanong natin ang Diyos kung bakit niyang hinayaang iyan. Hindi naman tayo’y perpekto, kaya hindi nating maiwasan na magkasala at mag-isip para sa pansariling interes. Tunay nga ang sinabi ni San Francisco ng Asisi: “Nor did demons crucify him; it is you who have crucified him and crucify him still, when you delight in your vices and sins.” Sa kabila ng lahat na ito, ipinamalas ng ating Panginoong Hesukristo na yung nakamtan nating kaligtasang mula sa Diyos Ama ay dapat din mismo tayo’y makibahagi, katulad ng pakikibahagi niya sa mga pagdurusa ng mundo sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. Ibinilin niya sa atin na tayo’y maglingkod at magmahalan sa isa’t isa, tulad ng ginawa niya. Nawa’y maging makabuluhan ang ating pagdiriwang ng Semana Santa bilang paggunita sa kanyang sakripisyo sa pamamagitan ng panalangin, pagsasakripisyo, at paggawa ng mabuti sa ating kapwa, alang-alang sa ginawa niya, mas lalo na sa dakilang kalooban ng Diyos Ama.
Pagninilay sa Linggo ng Palaspas
Sa Pagpapakasakit ng Panginoon
“Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos ikamatay ko!” (Mt. 26:38) Ito ang mga pananalita ni Hesus habang nalalapit siya sa kaniyang babatahing paghihirap. Mga pananalitang puno ng sakit dahil sa kaniyang haharaping pagpapakasakit.
Mga kapatid, ngayun po ay Linggo ng Palaspas at simula ng mga Mahal na Araw. Nagsimula po ang ating pagdiriwang sa pagbabasbas ng palaspas bilang pagggunita sa matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalrm. Isang masayang ala-ala na kung saan ang mga tao ay nagpupugay at nagpupuri sa Panginoon. Ngunit pagkatapos ng isang masayang paggunita narinig naman po natin ang Ebanghelyo sa araw na ito, ang mahabang kuwento na puno ng lungkot, hapis, hinagpis at pagdurusa na nauwi sa isang trahedya – ang pagkamatay ni Hesus. Sa diwang ito pagnilayan po natin ang pinagdaanan ng ating Panginoong Hesus – ang kaniyang Pagpapakasakit.
“Nakaranas si Hesus ng SAKIT sa kaniyang dinanas na PASAKIT sa diwa ng PAGMAMALASAKIT.”
(Una:) Sakit
Narinig po natin sa unang pagbasa ang panaghoy ng isang taong nakaranas na masaktan. “Hindi ako tumutol nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin. Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayundin nang lurhan nila ako sa mukha.” (Is. 50:6) Dumanas ang taong ito ng sakit dahil sa pagsunod niya sa Diyos. Lubos din ang sakit na dinanas ng ating Panginoong Hesus: nang siya’y pinagtaksilan ng isa niyang alagad na si Judas, nang siya’y itinatwa ni Pedro, nang iwan siya ng kaniyang mga kaibigan o alagad nang siya’y dakpin, nang siya ay hinahatulan sa harapan ni Pilato, hinagupit, nilurhan, hinubdan ng damit, pinutungan ng koronang tinik, inalimura, pinagpasan ng krus, ipinako at sinibat hanggang sa siya’y namatay. Ito po ang pinagdaanang hirap ni Hesus, ang mga pinagtiisan niyang pagdurusa na puno ng sakit.
Marami po sa atin ang dumaranas ng iba’t-ibang sakit: pisikal, sikolohikal, emosyonal at iba pang mga karamdaman. Sa abot ng makakaya pilit natin itong pinaglalabanan pero minsan ay dumarating din sa puntong gusto nating sukuan. Ito’y nagiging pagsubok hindi lang sa lakas ng ating katawan kundi kahit sa ating pinaniniwalaan o ang ating pananampalataya. Humahantong ito minsan sa kawalan ng pag-asa, panghihina at depresyon. Minsan gusto rin nating sabihin: “D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.” Ito ang sabi sa Salmo.
Pero kung dumaranas man tayo ng sakit ngayun, huwag nating kalilimutan na si Hesus man ay nakaranas din ng Sakit.
(Ikalawa:) Si Hesus ay Nagpakasakit
Tunay pong mahirap ang dinaranas na mga taong nakakaranas ng sakit pero lubos din ang hirap ng kalalagayan ng mga taong nagpapakasakit. Para sa akin, ito po iyong mga taong nagpapasan ng sakit para sa mga taong may sakit. Inaangkin nila ang hirap na dinaranas ng iba. Niyayakap nila ang pagdurusa para sa kapuwa nila. Ang pagtitiis nila’y bunga ng hinagpis ng minamahal nila.
Ito po ang ginawang pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesus. Nagpasan siya ng sakit ng sangkatauhan, ang sakit na dulot ng kasalanan. Ibinaba niya ang kaniyang sarili upang danasin ang paghihirap ng tao. Sabi nga sa ikalawang pagbasa: “Hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan…” (Fil. 2:7-8) Ito’y ginawa ni Hesus para sa iyo, para sa akin, para sa tao. Inako niya ang sakit na bunga ng ating mga pagkakasala upang maligtas tayo. Pinasan niya ang krus na sana’y tayo ang bumubuhat sa ating balikat. Tiniis niya ang pagaalipusta o pagaalimura na kung saan tayo sana ang sinasabihan ng ating mga pagkukulang. Siya’y napako at namatay sa krus na sana’y tayo dapat ang dumanas dahil sa ating kasamaan. Siya’y nagpakasakit para sa atin dahil nais niya tayong iligtas at mapabuti.
Kahanga-hanga po ang mga taong nakikita natin na mga nagpapakasakit alang-alang sa kanilang mga kapatid. Nagtitiis sila ng hirap para sa kanilang minamahal. Tayo man ay nakakaranas ng ganitong pagpapakasakit kapag nagagawa nating magsakrispisyo para sa iba; tinitiis natin ang pagdurusa kaysa iba ang magdusa; at naghihirap kaysa iba ang maghirap. Marami ang nagpapakasakit para sa kanilang kapatid upang maibsan ng sakit. Bakit?
(Ikatlo:) Dahil sa Pagmamalasakit
Tunay na malungkot ang Ebanghelyong narinig natin ngayun na habang inaawit ito o binibigkas dama natin ang pasakit na dinanas ni Hesus. Bakit nga ba nagawa ito ng Diyos para sa atin? Bakit natiis Niya na ang kaniyang minamahal na Anak ay humantong sa ganitong pagdurusa? Bakit ibinaba ni Hesus ang kaniyang sarili para sa taong makasarili? Dahil mahal ka Niya, mahal Niya ako, mahal Niya tayo kaya nagawa niyang iunat ang kaniyang mga kamay sa krus. Nais niyang yakapin tayo sa kabila ng ating mga pagtalikod, pagkukulang at nagawang kasalanaan. Ganito kalaki ang pag-ibig ni Hesus na sa kabila ng ating nagawang pagsuway laban sa Kaniya ay nasabi pa rin niyang: “Ama patawarin mo sila…”
Ito po ang nagagawa ng pag-ibig, ang nagagawa ng pagmamalasakit. Nakakayang magtiis ng hirap para sa mga taong minamahal. Hindi dahil makikilala ka o sisikat; hindi dahil bibigyan ka ng parangal sa nagawa mong kabutihan sa iba. Ginagawa mo ito alang-alang sa pag-ibig, sa ngalan ng pagmamahal, sa diwa ng pagmamalasakit. At dito po tayo laging tinatawag: ang magmalasakit.
Sama-sama tayong manalangin sa ating mapagmahal na Diyos para sa mga taong may sakit, nagpapakasakit at nagmamalasakit.
Simula po ng mga Mahal na Araw. Mahal ang ginawang pagtubos ng Diyos sa iyo, sa akin sa at sa lahat ng tao. Ipinakita Niya ito sa pag-aalay ng Kaniyang sarili sa krus dahil… MAHAL tayo ng DIYOS!
Please LIKE & SHARE.
“SAINTSPOT” on Youtube & Facebook
https://youtu.be/mKGg67Jr82Y
GOSPEL REFLECTION:
Ngayon ay Palm Sunday, ginugunita natin ang simula ng Semana Santa (Holy Week). Ang paggunita sa maringal na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem para maging isang tunay na handog na kung saan ang kanyang dugo at buhay ay ibinuhos para sa ating lahat.
Ipinahahayag ng ebanghelyo ngayon kung paano nag-aalab ang puso ni Hesus na pasukin at harapin ang kanyang pagpapakasakit, pagsasakripisyo at kamatayan para lang ikaw at ako ay maligtas sa matinding kasalanan. Ang pagmamahal niya ay walang katulad na napaka: dalisay, walang pag-iimbot, sakripisyo at pagpapabago na hindi natin kayang unawain. Dahil sa labis na pagmamahal sa atin, pinahintulutan ng Diyos ang Kanyang sarili na pumasok sa ating mundo para ibangon tayo sa ating pagkakadapa sa kasalanan.
Nawa’y maging makabuluhan ang pagdiriwang natin ng Semana Santa. Hindi lang isang bakasyon sa anumang pinagkakaabalahan natin pero magandang panatilihin ang katahimikan, pakikiisa kay Kristo, pagbisita sa simbahan upang manalangin, magsasakripisyo, at gumawa ng kabutihan sa ating kapwa, alang-alang sa ginawa at pagmamahal niya sa atin.
Aking Panginoong Hesus, pinasok Mo ang linggong ito ng Iyong Pasyon nang may tapang at determinasyon. Malaya mong piniling yakapin ang bawat pagdurusa at bawat kahihiyan na iyong titiisin upang mas lubusan kang makapasok sa buhay ko. Nawa’y isang linggo mo akong tulungan hindi lamang pagnilayan ang misteryong ito ng Iyong pag-ibig kundi upang makatagpo din ang pag-ibig na iyon sa aking tunay na pagbabago. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.