Huwebes, Setyembre 8, 2022

September 8, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria

Sa pagsilang ng Mahal na Birhen, nakikita natin na dumating na sa huling yugto ang plano ng Ama para sa kaligtasan ng mundo. Habang siya ay nasa ating tabi, manalangin tayo sa Diyos na lumalang sa kanya na “lubos na pinagpala.”

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pamamagitan ni Maria, pagpalain Mo kami, O Ama.

Ang Simbahan nawa’y walang takot na ipahayag ang Ebanghelyo na ipinagkatiwala sa kanya ng Anak ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga walang pananampalataya nawa’y lumapit sa Panginoon na Nagkatawang-tao upang iligtas ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa ating mga ina nawa’y ibigay natin ang nararapat na pagmamahal at paggalang na kailangan nila, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa tulong ng mga panalangin ni Maria, nawa’y maibalik sa kawan ang mga tumalikod sa pagtupad ng kanilang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang tanggapin si Jesus sa Eukaristiya bilang Diyos na kapiling natin, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, sa Eukaristiyang ito, nagdiriwang ang iyong pamilya na kasama ang Pinagpalang Birheng Maria at sina Joaquin at Ana na kanyang mga magulang. Ipagkaloob mo ang hinihiling namin bunga ng pananampalataya sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez September 3, 2020 at 1:55 pm

PAGNINILAY: Espesyal ang ating pagdiriwang ngayong ikawalong araw ng Setyembre sapagkat ipinagdriwiang natin ang Pista ng Kaarawan ng ating Mahal na Birheng Maria. Ang Kapistahang ito ay bahagi sa tatlong iba pang pagdiriwang ng kaarawan sa buong Taong Pangliturhiya ng Simbahan, ang iba pang dalawa ay sina San Juan Bautista (Hunyo 24) at ang ating Panginoong Hesukristo sa Araw ng Pasko (Disyembre 25). Ang Pagsilang sa Mahal na Birheng Maria ay isang natatanging grasya ng Panginoong Diyos sapagkat si Maria ay magiging Ina ng Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesukristo, ang Araw ng Katarungan. Ito’y sumasapit siyam na buwan matapos ang Dakilang pagdiriwang ng Inmaculada Konsepsiyon (Disyembre 8 ).

Bagamat ngayon ay ang kaarawan ng Mahal na Ina, ang ating Ebanghelyo ay patungkol sa katuparan ng planong pangkaligtasan sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus sa sanlibutan. Ito’y sapagkat hindi maaaring hiwalayan ang diwa ng natatanging okasyong ito na dumating si Maria sa ating mundo, kaya’t nariyan din ang Panginoong Hesukristo. Nang ipasya ni San Jose na ipaglihim ang paghihiwalay sa dalaga dahil ayaw niya itong ipahiya at ipahatol ng kamatayan, biglang dumating ang anghel ng Diyos sa panaginip at ibinalita na ang sanggol na isisilang ni Maria ay ang Tagapagligtas ng mga makasalanan. Kaya nga makikita natin na mula sa 42 na henerasyon mula kay Abraham hanggang sa nakatakdang panahon, natupad ang plano ng Diyos na dumating sa ating piling ang Kaligtasan ng buong sangkatauhan. Kaya nga mahalaga ang naging papel ng Mahal na Birheng Maria sapagkat siya’y naging masunurin at mababang-loob sa mensahe ng Panginoon nang ito’y ibinalita sa kanya ni San Gabriel. Ikinasal siya kay San Jose at sila’y namuhay nang simple at may katapatan sa dakilang kalooban ng Ama, ganun rin sa pagsilang hanggang sa paglaki ni Hesus. Sa Kasal sa Kana, siya ang namagitan sa paggawa ni Kristo ng kanyang unang himala na gawing alak ang tubig. Sapagkat si Maria ang nag-utos sa mga lingkod na sundin ang bawat utos ng kanyang Anak. At sa paanan ng Krus, siya’y nakatayo nang makita niya ang kanyang Anak na nakapako para matupad ang kaligtasang aako sa pagkakasala ng sangkatauhan. Ang Mahal na Birhen ay nagdusa nang may katapatan na mangyayari ang kalooban ng Diyos sa ikabubuti ng marami upang patatagin nila ang pananampalataya. At iniatas ni Kristo na siya’y Ina natin, at tayo’y mga anak niya.

Kaya nawa’y sa pagdiriwang natin ng Kapistahan ng Pagsilang ni Maria, tularan natin siya sa pagiging matapat at masunurin sa dakilang kalooban ng Diyos Ama. Hilingin natin sa kanya na tayo’y kanyang ipamagitan sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesukristo.

Maligayang Kaarawan po sa inyo, Mahal na Inang Maria! ?????

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: