Linggo, Enero 23, 2022

January 23, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Patnubay sa Misa

Kaisang espirituwal ng lahat ng taong may mabuting kalooban, idulog natin sa Panginoon ang lahat ng ating pangangailangang malapit sa ating mga puso. Ang tugon natin ay:

Panginoon, Salita Mo’y aming lakas!

Para sa Simbahang Katolika, na siyang natatanging mag-anak ng Diyos sa lupa: Nawa patuloy siyang manatiling Mabuting Balita sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kanyang katapatan sa mga pangaral ni Hesus. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng iba pang mga pinunong espirituwal: Nawa magbunga ng pangmatagalang tagumpay ang kanilang patuloy na pagsisikap sa pagtatatag ng isang kabihasnan ng buhay, pagmamahalan, at kapayapaan. Manalangin tayo!

Para sa mga katulong sa pagtataguyod ng Bibliya: Nawa matagumpay nilang mapatnubayan ang lahat ng Katoliko upang pahalagahan ang Salita ng Diyos at isabuhay ang mensahe nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Manalangin tayo!

Para sa mga kasapi ng iba’t ibang Kristiyanong pananampalataya: Nawa malampasan ng kanilang pag-ibig sa Bibliya ang lahat ng pagkakahati-hati at manumbalik nawa ang pagkakaisang idinalangin ni Hesus. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga Kristiyanong mag-anak: Nawa sa kanilang malugod na pagtugon sa paanyaya ni Hesus na sila’y maging mga disipulo niya, sila’y maging tagapaghatid ng mabuting balita sa kani-kanilang kapaligiran. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Nawa ang katuruan ni Hesus ay mag-udyok sa ating mas pag-igihan pa ang bukas-palad at pagtulong sa mga mahihirap. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.)
Manalangin tayo!

Salamat po, Panginoon, sa kaloob Mong Banal na Kasulatan at sa pamamatnubay nito sa amin. Tulutan Mong mamuhay kaming alinsunod sa mensahe nito hanggang sa katapusan ng aming buhay. Ikaw na nabubuhay at naghahari nang walang hanggan. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 18, 2022 at 10:20 pm

PAGNINILAY: Matapos ang mga espeyal na pagdiriwang nitong mga nakaraang Linggo tungkol sa kadakilaan ng Diyos, tayo ngayon ay bumabalik sa mga “Sundays in Ordinary Time” na kung saan kinikilala natin ang Pampublikong Ministeryo ng ating Panginoong Hesukristo sa kanyang mga pangangaral at kababalaghan. Kaya ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagdating ni Hesus sa kanyang pinagmulang bayan na puspos ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Siya’y pumasok sa sinagoga at kanyang binasa ang propesiya ni Isaias, tungkol sa paghihirang ng Espiritu ng Maykapal sa Lingkod upang ipagdala ang Mabuting Balita sa mga dukha, palayin ang mga bilanggo, at gumawa ng iba pang kabutihan sa tao. Kaya ipinahayag ni Hesus ang pagsasakatuparan ng kaligtasan ng Diyos Ama sa pamamagitan ng kanyang misyon. Ito’y kasingkatulad ng pagpaparangal nina Ezra at Nehemias sa buong kapulungan ng Jerusalem na pumarito na ang araw ng Panginoon kaya sila’y naipalaya mula sa pagkatapon sa Babilonia. At sila’y hinikayat na huwag umiyak, kundi magdiwang. At itinuturo sa atin ni San Lucas na ang planong pangkaligtasang ito ay para sa lahat ng tao, kapwang mga Hudyo at Hentil.

Kaya ang mensaheng dala ng Mesiyas ay puno ng kagalakan at pag-asa sapagkat ipinakita ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob sa atin. Sa pamamagitan ng pangangaral at kababalaghan ni Kristo, natunghayan natin ang magandang plano ng Ama na ipamalas ang kabutihan niya sa atin upang tayo rin ay maipamalas ng kanyang kabutihan sa iba’t ibang tao. Kaya hinihikayat tayo ni San Pablo na magkaisa bilang iisang Sambayanan ng Diyos na kumakatawan sa Simbahan. Anupama’t tungkulin natin at kahit iiba ang ating pinagmulan, lahat tayo ay tinatawag sa pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Kaya nawa ipamalas natin ang katuparan ng pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa, katulad ng mabuting halimbawa ni Hesukristo nang siya’y mangaral at gumawa ng kababalaghan.

Reply

Jojo David January 19, 2022 at 8:14 am

Salamat Reynald sa iyong reflections. Nakakatulong ito sa aking pagninilay.

Reply

Veronica Montemayor January 19, 2022 at 9:18 am

hello po… ask ko lang po ano po kaya ang angkop na communion song para sa darating na linggo, hanggat maari po sana ay tagalog song?!salamat po and Godbless

Reply

Reynald Perez January 22, 2022 at 1:31 pm

ANG ESPIRITU NG PANGINOON (Fr. Teofilo Vinteres, C.S.S.R), very much appropriate sa Gospel Reading

Reply

Veronica Montemayor January 22, 2022 at 5:31 pm

thank you so much and Godbless?

Reply

Gina J Lavarias January 23, 2022 at 7:09 am

Amen

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 23, 2022 at 11:39 am

Ang mga pagbasa ay may dalang pag-asa, hamon at aral para sa atin.

Sa Unang Pagbasa ay sinabing sundin ninyo ang mga kautusa, magdiwang kayo sapagkat bibigyan ng mayroon ang walang makain at mainom. Napakagandanh isipin kung ang lahat ng tao ay susunod sa kautusan at babahaginan ng meron ang wala. Walang magugutom at maghihirap sapagkt ang lahat ay nagdadamayan. Isaktuparan natin ito sa buhay natin ngayon, ang mamahagi ng ating mga biyayang kaloob ng Diyos. Kung ang iba ay hindi ginagawa ito ay ituloy mo lamang upang maging halimbawa at pamarisan ng iba. Nagsisimula sa maliit ang lahat ng bagay.

Sa ikalawang pagbasa nmang mensahe ay “walang sinuman ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. Ipinaalala sa atin na magmalasakitan tayo sa isa’t isa para sa isang masaya at mapayapang buhay dito sa lupa.

Ang atin nmang ebanghelyo ay ang pag-asa na narito na si Hesus. Pagagalingin ang ating mg karamdaman maging ng pisikal, materyal at espiritwal. Umasa tayo kay Hesus, umasa tayo na kalulugdan nya ang mga gawa nating mabuti. Pakikinggan nya ang ating mga dalangin kung tayo ay nakikinig din sa mga Salita nya. Ang pagbabago at pagbabalik loob sa Diyos ang tanging magbibigay sa atin ng lubos na kasiyahan, peace of mind at masayang buhay dito sa lupa. Kaya’t magsisi na sa mga gawang baluktot, humingi ng kapatawaran at sikapin ng matalikuran ang kasamaan sapagkta kapahamakan at kamatayan ang dulot nito.

Reply

Ana Rose January 23, 2022 at 9:47 pm

Papuri sa Diyos! Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: