Huwebes, Hulyo 29, 2021

July 29, 2021

Paggunita kina Santa Marta,
Santa Maria at San Lazaro

Exodo 40, 16-21. 34-38
Salmo 83, 3. 4. 5-6a at 8a. 11

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Mateo 13, 47-53
o kaya Juan 11, 19-27
o kaya Lucas 10, 38-42


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of Saints Martha, Mary and Lazarus (White)

Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Exodo 40, 16-21. 34-38

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, ginawa ni Moises ang lahat ayon sa utos ng Panginoon. Kaya, ang tabernakulo’y itinayo nila noong unang araw ng unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto. Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga bastidor, isinuot sa mga argolya ang mga trabisanyo at itinayo ang mga poste. Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng utos ng Panginoon. Isinilid niya sa Kaban ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Awa. Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ng Panginoon.

Nang mayari ang tabernakulo, nabalot ito ng ulap at napuspos ng kaningningan ng Panginoon. Hindi makapasok si Moises pagkat nanatili sa loob ang ulap at napuspos nga ito ng kaluwalhatian ng Panginoon. Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ng Panginoon ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama’y ang haliging apoy. Ito’y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 83, 3. 4. 5-6a. at 8a. 11

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Panginoon, sa templo mo, mga maya’y nagpupugad,
maging ibong layang-laya sa templo mo’y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Poon, hari namin at Diyos na walang kupas.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Mapalad na masasabi, silang doo’y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
Ang sa iyo umaasa’y masasabing mapalad din,
habang lumalakad, lalo mo nga silang palakasin.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Kahit isang araw lamang, gusto ko pang sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako’y mapasama sa masasamang mga tao.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b

Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 13, 47-53

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ay hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao upang pagbukud-bukirin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang mga walang kuwenta. Gayun din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga makasalanan sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.

“Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Hesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat eskriba na kumikilala sa paghahari ng Diyos ay tulad ng isang puno ng sambahayan na kumukuha ng mga bagay na bago at luma sa kanyang taguan.”

Nang masabi na ni Hesus ang mga talinghagang ito, siya’y umalis doon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya:
Juan 11, 19-27

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, marami sa mga Judio ang dumalaw kina Marta at Maria upang sila’y aliwin. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, kahit mamatay ay mabubuhay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya:
Lucas 10, 38-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus at ang kanyang mga alagad sa kanilang paglalakbay at pumasok sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 23, 2021 at 1:05 am

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang ng buong Simbahan ngayon ang Paggunita kay Santa Marta. Isa si Santa Marta sa mga kababaihang tagasunod ni Hesus at mga malalapit niyang kaibigan. Siya ang kapatid nina San Lazaro at Santa Maria ng Betania. Kilala siya sa paglilingkod sa mga pisikal na pangangailangan ng mga panauhin sa kanilang sambahayan. Minsan nga siya’y nagreklamo sa Panginoong bisita sa kanilang bahay na pagsabihan ang kanyang kapatid na si Maria na tulungan siya. Ngunit ipinaalala ni Hesus sa kanya na hindi dapat siya maging abala sa maraming bigay, kundi gawin ang nararapat na makinig sa Panginoon, katulad na ginagawa ni Maria.

Nang nabalitaan ni Hesus na may sakit ang kanyang kaibigang si Lazaro, alam ni Hesus na mamatay si Lazaro hindi dahil nais niya ito, kundi upang iphayag sa magkapatid, mga bisita nina Marta at Maria, at pati na rin sa mga Apostol ang tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya nang makita ni Marta si Hesus, parang nanumbat siya sa Panginoon na dapat dumating rito noong buhay pa ang kanyang kapatid na si Lazaro. Ngunit idineklara ni Kristo kay Marta bilang Muling Pagkabuhay at ang Buhay, na sinumang sumasampalataya sa kanya ay mabubuhay kailanman at hindi na mamamatay. Kaya sumampalataya si Marta sa paniniwalang si Kristo ay ang Anak ng Diyos. Bagamat naging abala rin si Marta nang ipinauurong ni Hesus ang bato mula sa libingan dahil sa naagnas na katawan ni Lazaro, ipinaalala rin ng Panginoon sa kanya na makikita niya ang kaluwalhatian ng Diyos kung siya’y sasampalataya. Kaya binuhay muli ni Hesus ang kanyang kaibigan mula sa kamatayan. Pagkatapos nito ay nagkaroon ng isang piging sa Betania, na kung saan si Marta ay naghanda, samantala si Maria ay nagbuhos ng langis sa paa ni Hesus. Ito ang kanilang pasasalamat sa Panginoon sa pagbubuhay ng kanilang minamahal na kapatid na si Lazaro.

Makikita natin sa buhay ni Santa Marta ang kahalagahan ng pagsisikap at paglilingkod para sa Panginoon. Kasama nina Santa Maria at San Lazaro, siya’y nagbigay ng aliw sa ating Panginoong Hesukristo sa nalalapit na Pagpapasakit at Pagkamatay sa Krus nito sa Jerusalem. At ipinaalala rin sa atin sa kwento ng magkakapatid na taga-Betania ang pananamapalataya na hindi lahat ay natatapos sa kamatayan, subalit mayroon pang darating na kaligayahan sa buhay na walang hanggan kung tayo ay patuloy na mananalig kay Kristo.

Reply

Reynald Perez July 23, 2021 at 1:06 am

PAGNINILAY: Sa ating Unang Pagbasa (Exodo 40:16-21, 34-38), makikita natin ang kagandahan ng tahanan ng Diyos. Itinayo ni Moises ang paninirahan ng Kaban ng Tipan upang manahan ang mga utos ng Panginoon sa puso’t isip ng mga Israelita. Hangad ng Panginoon na ang kanyang bayan ay magiging tapat sa kanyang tipan, sapagkat siya ang Diyos na tunay na naghahari sa lupa at higit sa lahat sa kalangitan.

Sa ating Ebanghelyo (Mateo 13:47-53), tinatapos na ni Hesus ang kanyang mga talinghaga tungkol sa Paghahari ng Diyos. Dito’y inihantulad niya ang Kaharian ng Diyos sa isang lambat na inhagis sa dagat upang manghuli ng isda. At paghihiwalayin ng mga mangigisda ang mga mabubuti sa walang kwenta: ang mabubuti ay ititipon sa bangka, samantala ang walang kwentang isda ay itatapon sa dagat. Ito’y pahiwatig tungkol sa Muling Pagpaparito ng Panginoon na ang mga matutuwid ay idadalhin sa langit, ngunit ang mga masasama ay itatapon sa mga apoy ng Gehena. Kaya’t habang tayo’y namuhay sa daigdig na ito, patuloy na bibigyan tayo ng Panginoon ng pagkakataon upang mamuhay nang kalugud-lugod sa kanya. At mula sa parabula ng lambat, makikita natin ang papel ng Simbahan bilang institusyon ng dakilang habag ng Diyos na ang layinin ay ang kaligtasan ng mga kaluluwa para sa Diyos.

Sabi nga na ang Simbahan ay ang ospital ng mga makasalanan upang dito’y maging banal at matuwid ang pamumuhay ng tao. At tayo rin ay tinatawag upang maging mga saksi ng dakilang habag ng Diyos. Bagamat hindi perpekto ang mga namumuno at nabibilang dito, patuloy na tinatawag tayo ng Panginoon na maging matapat sa kanya sa pagdedebosyon ang pagsasabuhay ng ating pananampalatayang Katoliko. Kaya nawa sa ating buhay pangKristiyano ay magampanan natin ang kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan sa kalangitan sa pamamagitan ng matapat na pamumuhay sa paningin ng Diyos at sa paggawa ng kabutihan sa kapwa.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 28, 2021 at 9:39 am

Ano ang mga hamon sa ating ng mga ebanghelyo ngayon? Ang talinghaga tungkol sa lambat ng isda ay katulad din ng ibig sabihin ng talinghaga ng masamang damo. Ang pagkahuli sa mga isda at panahon ng anihan ay kumakatawan sa paghuhukom, kaya nararapat na tayo ay laging handa, paano nman maging handa? Ngayon, simulan mo ngayon, hindi pa huli ang lahat oara magbago at magbalik loob sa Panginoon, magsisi at humingi ng tawad at talikuran ang pagawa ng masama upang pagdating ng mga anghe na sinugo ng Ama ay hindi masama sa itatapon at susunugin.
Ang ebanghelyo tungkol kay Marta ay nagpapaalala sa atin wag tayong maging abala sa makamundong bagay, nakakalimutan na natin ang Diyos, wala na tayong oras sa Diyos dahil sa sobrang abala sa napakaraming bagay katulad ng celfon, internet, hanapbuhay, negosyo, kasintahan, pagpapayaman at kung anu ano pa. Unahin natin si Hesus aat gawing sentro mg ating buhay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: